Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Magagaliting Isip, Mahinang Puso
“Ang mga lalaking magagalitin o palaaway ay mas malamang na magkaroon ng di-regular na pintig ng puso na tinatawag na atrial fibrillation,” ang ulat ng Daily News ng New York. Nasumpungan ng mga mananaliksik na ang mga lalaking nagsasabing madaling uminit ang kanilang ulo o nambubulyaw kapag nadismaya o nagngangalit kapag pinuna ay 30 porsiyentong mas malamang na magkaroon ng di-regular na pintig ng puso. Ganito ang sabi ni Elaine Eaker, direktor ng pag-aaral: “Ipinapalagay na mababawasan mo ang negatibong mga epekto ng galit sa kalusugan sa pamamagitan ng paglalabas nito sa halip na pagkikimkim nito. . . . Pero tiyak na hindi ganiyan ang nangyari sa mga lalaki sa pag-aaral na ito—mas malaki ang panganib na sila ay magkaroon hindi lamang ng atrial fibrillation, kundi mamatay pa nga dulot ng lahat ng iba pang sanhi.”
Pagpapakasal at Diborsiyo sa Britanya
Sa Britanya, “sangkatlo sa mga taong di-kasal ang nagsasabing ‘malabung-malabo’ na sila’y magpakasal,” ang ulat ng Daily Telegraph ng London. Ganito ang sabi ni Jenny Catlin, isang analista sa Mintel International Group: “Maliwanag na ipinakikita nito ang mga pagbabago sa saloobin hinggil sa pagpapakasal.” Sinabi pa niya: “Mas katanggap-tanggap sa ngayon ang pumisan sa iyong kinakasama at magkaroon ng anak, nang hindi nagpapakasal.” Para naman sa mga nagnanais magpakasal, nagiging mas popular na ang magpakasal sa ibang bansa dahil sa tumataas na halaga ng pagpapakasal—sa ngayon ay $28,600 sa katamtaman. Mahigit sa 10 porsiyento ng mga magkatipan sa Britanya ngayon ang nagpapasiyang idaos ang kanilang kasal sa banyagang mga lupain. Palibhasa’y mas kakaunti ang mga panauhin at mas mura ang pagkain, ang gagastusin sa gayong kasal ay maaaring maging sangkatlo lamang ng halaga ng pagpapakasal sa kanilang bansa. Habang umuunti ang mga nagpapakasal, dumarami naman ang mga nagdidiborsiyo. “Sa ngayon, limang beses na mas marami ang mga diborsiyadong may-edad na kung ihahambing sa nakalipas na 30 taon, at pinangangambahan na patuloy pang tataas ang bilang na ito,” ang sabi ng Telegraph.
Pang-aabuso sa mga Bata sa Mexico
Ayon sa kagawaran ng katarungan ng Mexico City, “1 sa bawat 8 batang babae at 1 sa bawat 10 batang lalaki ay biktima ng seksuwal na pang-aabuso sa Mexico City,” ang ulat ng pahayagang El Universal. Ang kagawaran ng katarungan ay namamahagi ng mga pamplet na nagbababala sa mga magulang hinggil sa seksuwal na pang-aabuso at nagrerekomenda ng mga hakbang na dapat gawin kung may aktuwal na pang-aabuso. Kabilang sa mga rekomendasyon ay ang mga sumusunod: (1) Paniwalaan at suportahan ang inyong anak kapag nagsumbong ito na siya ay seksuwal na inabuso. (2) Ipaliwanag sa bata na hindi niya kasalanan ang nangyari. (3) Sabihin sa bata na ang nangyari ay labag sa batas at na kailangang isumbong ito sa pulis upang hindi na ito maulit.
Pagpapatanggal ng Tato
“Ipinakikita ng ilang surbey na 80 hanggang 90 porsiyento ng mga taong may mga tato ang nagnanais na ipatanggal ang mga ito sa kalaunan,” ang sabi ng Vancouver Sun ng Canada. “Dahil sa dumarami ang mga tato na ipinalalagay ng mga tao, dumarami rin ang nagnanais na ipatanggal ang mga ito,” ang sabi ng isang dermatologo. Isang pangkaraniwang halimbawa ang 27-taóng-gulang na si Dan, na nagpatanggal ng isang matingkad na kulay berdeng emblema sa kaniyang bisig. Sinabi niya: “Hindi na kasi ito kumakatawan sa kung sino ako ngayon.” Subalit kahit sa pamamagitan ng makabagong mga pamamaraang gumagamit ng laser, ang pagpapatanggal ng tato ay maaaring makirot, magastos, at makauubos ng panahon. “Ang pagpapatanggal ng kahit isang maliit na tato ay maaaring umabot sa halagang $1,400 [Canadian],” ang ulat ng pahayagan. Idinagdag pa nito: “Halos imposibleng tanggalin ang mas moderno at makulay na mga tato, lalo na kung malalaki ang mga ito.”
Nakamamatay na Panggatong
“Ang usok mula sa pagluluto sa loob ng bahay ay pumapatay ng isang tao bawat 20 segundo sa papaunlad na daigdig,” ang ulat ng magasing Down to Earth ng New Delhi, India. “Mas mataas ang bilang na ito kung ihahambing sa bilang ng mga namatay dahil sa malarya, at kasindami nito ang bilang ng namatay dahil sa di-ligtas na tubig at kawalan ng sanitasyon.” Dahil sa paggamit ng uling at pinatuyong halaman at dumi ng hayop bilang panggatong, pati na rin ang mga silid na di-sapat ang bentilasyon, kadalasan nang nahahantad ang mga sambahayan sa antas ng polusyon na 100 beses na mas mataas kaysa sa sinasabing ligtas na antas. Ang mga nagdudulot ng polusyong ito ay iniuugnay rin sa kanser sa baga, hika, tuberkulosis, at chronic bronchitis. Sinasabi ng mga eksperto mula sa Intermediate Technology Development Group, isang organisasyon sa pagsasaliksik, na ang mga taong lubhang nagdarahop anupat hindi kayang bumili ng mas malinis na panggatong ay makagagawa pa rin ng paraan para mabawasan nang 80 porsiyento ang pagkahantad nila sa mapanganib na usok sa pamamagitan ng paggamit ng mga lutuang may tsimineang mahusay ang disenyo o mga smoke hood (aparatong humihigop ng usok). Sa 1.6 milyon kataong namamatay taun-taon dahil sa polusyon sa hangin sa loob ng bahay, halos isang milyon sa mga ito ay bata.
Nagtatrabahong mga May-edad Na
Dumaraming mga taga-Canada na mahigit na 65 taóng gulang—na siyang karaniwang edad ng pagreretiro sa Canada—ang patuloy na nagtatrabaho, ang ulat ng The Globe and Mail. Ang bilang ng mga may-edad na ay tumaas nang 11 porsiyento sa loob ng limang taon, ngunit ang bilang ng nagtatrabahong mga may-edad na ay tumaas nang halos 20 porsiyento. Bakit ipinagpapaliban ng marami ang pagreretiro? “Mas malulusog ang mga tao ngayon,” ang sabi ng analista ng Statistics Canada na si Doreen Duchesne. “Mas mahaba ang buhay nila.” Binanggit din ang mga pangangailangan sa pinansiyal at pagkabagot bilang mga dahilan ng pagtaas na ito. Ayon sa ulat, 6 na porsiyento ng mga taong mahigit na 80 taóng gulang ang nagtatrabaho pa rin, na dito ang pinakakaraniwang hanapbuhay ay pagsasaka ng mga may-edad na, na sinusundan ng mga trabahong pang-opisina at may kaugnayan sa pagbebenta.
Nababalutan ng Usok ng Sigarilyo ang Europa
Apatnapung porsiyento na ngayon ng populasyon ng European Union ang naninigarilyo, ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Ang bansa sa Europa na may pinakamataas na bilang ng mga naninigarilyo ay ang Gresya, kung saan 44 na porsiyento ng populasyon nito ay naninigarilyo. Dahil sa taunang produksiyon nito na 40,000 tonelada ng tabako, ang Gresya rin ang pinakamalaking tagasuplay ng tabako sa Europa. Kabilang sa mga bansa sa Europa na may pinakamababang bilang ng mga naninigarilyo, kasama na ang mga paminsan-minsang naninigarilyo, ay ang Portugal, na may mahigit na 29 na porsiyento lamang. Gayunman, ang Portugal ang may pinakamababang presyo ng tabako sa European Union. Ang isang posibleng dahilan ng mababang bilang na ito ng mga naninigarilyo ay na ipinagbabawal ng batas sa Portugal ang mga anunsiyo ng tabako gayundin ang paninigarilyo sa pampublikong mga lugar mula pa noong 1982.
Ang Aklat na May Pinakamaraming Salin
Ang Bibliya pa rin ang aklat na may pinakamaraming salin sa buong daigdig. Sa tinatayang 6,500 wika na umiiral, ito ay makukuha sa kabuuan o sa bahagi nito sa 2,355 wika. Makukuha na ngayon ang Bibliya sa 665 wika sa Aprika, na sinusundan ng 585 sa Asia, 414 sa Oceania, 404 sa Latin Amerika at Caribbean, 209 sa Europa, at 75 sa Hilagang Amerika. Sa kasalukuyan, tumutulong ang United Bible Societies sa mga proyekto ng pagsasalin sa Bibliya sa mga 600 wika.