Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinasapatan ang Ating Masidhing Pagnanais na Makipagkaibigan

Sinasapatan ang Ating Masidhing Pagnanais na Makipagkaibigan

Sinasapatan ang Ating Masidhing Pagnanais na Makipagkaibigan

“ANG kalungkutan ay hindi isang karamdaman,” ang sabi ng aklat na In Search of Intimacy. “Ang kalungkutan ay isang kapaki-pakinabang na pagkagutom . . . , isang normal na palatandaan na nangangailangan tayo ng mga kasama.” Kung paanong inuudyukan tayo ng pagkagutom na kumain ng nakapagpapalusog na pagkain, pinakikilos naman tayo ng kalungkutan na humanap ng mabubuting kaibigan.

Gayunman, gaya ng sinabi ni Yaël, isang kabataang babae sa Pransiya, “iniiwasan ng ilang tao na makisalamuha kahit kanino.” Subalit ang pagbubukod ng ating sarili sa anumang dahilan ay hindi solusyon sa ating mga suliranin at tiyak na palalalain lamang nito ang ating kalungkutan. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Kaya kailangan muna nating kilalanin ang ating pangangailangang makipagkaibigan at pagkatapos ay magpasiyang sapatan ang pangangailangang ito.

Gawin ang Praktikal na mga Hakbang sa Pakikipagkaibigan

Sa halip na kaawaan ang iyong sarili o mainggit sa mga tao na waring mas marami at mahuhusay ang kaibigan, bakit hindi mo sikaping magkaroon ng positibong saloobin, gaya ng ginawa ni Manuela na taga-Italya? Sinabi niya: “Lalo na noong tin-edyer ako, nadama kong walang gustong makipagkaibigan sa akin. Para mapagtagumpayan ito, inobserbahan ko ang mga taong may mabubuting kaibigan. Pagkatapos ay sinikap kong tularan ang kanilang magagandang katangian at gawing mas kaayaaya ang aking personalidad.”

Ang isang praktikal na hakbang ay ang pangalagaan ang iyong katawan at isip. Ang nakapagpapalusog na pagkain, wastong pahinga, at sapat na ehersisyo ay pawang nakatutulong upang maging mas kaakit-akit ka at mas bumuti ang iyong pakiramdam. Kung masinop, malinis, at maayos ang iyong hitsura, hindi lamang masisiyahan ang iba na makasama ka kundi magbibigay rin ito sa iyo ng makatuwirang antas ng paggalang sa sarili. Gayunman, iwasang labis-labis na mabahala sa iyong hitsura. “Hindi kailangang sunód sa uso ang damit mo upang makahanap ka ng tunay na mga kaibigan,” ang sabi ni Gaëlle na taga-Pransiya. “Ang isang disenteng tao ay tumitingin sa panloob na pagkatao.”

Sa katunayan, ang nasa kaibuturan ng ating puso at isip ay nakaiimpluwensiya sa mga sinasabi natin at maging sa ating hitsura. Mayroon ka bang positibong pananaw sa buhay? Tutulong ito upang maging masaya ang ekspresyon ng iyong mukha. Lubhang nakaaakit ang taimtim na ngiti at, ayon sa paliwanag ni Roger E. Axtell, isang dalubhasa sa pagsusuri sa kilos ng katawan, “ito ay para sa lahat” at “bihirang mabigyan ng maling pakahulugan.” * Kung sisikapin mo ring maging mapagpatawa, natural lamang na mapalapit sa iyo ang iba.

Tandaan, sa ating panloob na pagkatao nagmumula ang gayong mabubuting katangian. Kaya punuin ang iyong isip at puso ng kaayaaya at positibong mga kaisipan at damdamin. Magbasa tungkol sa kawili-wili at makabuluhang mga paksa​—kasalukuyang mga pangyayari, iba’t ibang kultura, at pambihirang mga pangyayari sa kalikasan. Makinig sa nakapagpapasiglang musika. Subalit huwag hayaang mapuno ng ilusyon ang iyong isip at damdamin dahil sa panonood ng TV at mga pelikula, at pagbabasa ng mga nobela. Gawa-gawa lamang ang mga ugnayan ng mga karakter sa pelikula, hindi tunay na pagkakaibigan, kundi produkto lamang ng imahinasyon ng isang tao.

Buksan ang Iyong Puso!

Ganito ang naalaala ni Zuleica, na naninirahan sa Italya: “Noong bata ako, mahiyain ako, at nahihirapan akong makipagkaibigan. Subalit alam kong kailangan tayong magkusa, magpakilala, at makipagkilala kung gusto nating magkaroon ng mga kaibigan.” Oo, upang magkaroon ng tunay na mga kaibigan, kailangan nating sabihin sa iba ang ating niloloob​—hayaang malaman ng iba kung sino talaga tayo. Ang gayong pakikipag-usap at pagtatapatang-loob ay higit na mahalaga sa tunay na pagkakaibigan kaysa sa pagkakaroon ng magandang hitsura o kaakit-akit na personalidad. “Ang mga taong may matalik at namamalaging mga kaibigan ay maaaring mahiyain, palakaibigan, bata, matanda, nakababagot na kasama, matalino, pangkaraniwan, maganda o guwapo; subalit ang katangiang taglay nilang lahat ay ang pagiging tapat,” ang komento ng tagapayong si Dr. Alan Loy McGinnis. “Hinahayaan nilang malaman ng mga tao ang nilalaman ng kanilang puso.”

Hindi ito nangangahulugang kailangan mong ipagtapat ang lahat ng iyong nadarama sa kaninuman o isiwalat ang iyong pinakatatagong mga sekreto sa mga taong hindi mo naman kapalagayang-loob. Sa kabilang panig, nangangahulugan ito ng pagiging maingat at hindi pabigla-bigla sa pagsasabi ng iyong tunay na kaisipan at damdamin. Ganito ang sabi ni Michela, mula sa Italya: “Noong una, nahihirapan akong ipagtapat ang aking damdamin. Kinailangan kong baguhin at sikaping ipahayag ang aking damdamin upang maintindihan ng mga kaibigan ko ang aking nadarama at higit silang mapalapit sa akin.”

Gayunman, kahit likas na mahilig kang makihalubilo, kailangan pa rin ang panahon at pagsasamahan upang malinang ang pagtitiwala sa isa’t isa ng magkakaibigan. Samantala, huwag masyadong mabahala sa maaaring isipin ng iba hinggil sa iyo. Ganito ang naaalaala ni Elisa na taga-Italya: “Ang problema ko kasi, kapag may gusto akong sabihin, natatakot akong magkamali. Subalit naisip ko, ‘Kung talagang mga kaibigan ko sila, mauunawaan nila ako.’ Kaya kapag may nasabi akong mali, tinatawanan ko na lang ang sarili ko, at nakikitawa naman ang lahat sa akin.”

Kaya, huwag mabahala! Basta magpakatotoo ka lamang. Hindi nakatutulong ang pagkukunwari. “Mas kaakit-akit ang isang tao kung tapat siya at kumikilos sa pinakanatural na paraan,” ang sulat ng tagapayo sa pamilya na si F. Alexander Magoun. Ang mga tao na talagang maligaya ay hindi na kailangan pang magpanggap o magsikap na pahangain ang iba. Magkakaroon lamang tayo ng tunay na mga kaibigan kung magiging totoo tayo. Gayundin, kailangan nating hayaan ang iba na magpakatotoo. Tinatanggap ng maliligayang tao ang tunay na pagkatao ng iba, anupat hindi nayayamot sa maliliit na pagkukulang. Hindi nila nadarama na kailangan nilang baguhin ang kanilang mga kaibigan upang umayon sa kanilang mga inaasahan. Sikaping maging maligaya at hindi mapamuna.

Upang Magkaroon ng Kaibigan, Maging Kaibigan Ka Rin

May isa pang mas mahalagang salik​—na siyang pinakapangunahin. Halos 2,000 taon na ang nakararaan, ipinakita ni Jesus na ang susi sa tagumpay sa lahat ng ugnayan ng tao ay ang di-makasariling pag-ibig. Itinuro niya: “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Lucas 6:31) Ang turong ito ay nakilala bilang ang Gintong Aral. Oo, ang tanging paraan upang magkaroon ng tunay na mga kaibigan ay maging isang di-makasarili at mapagbigay na kaibigan mismo. Sa ibang salita, upang magkaroon ng kaibigan, maging kaibigan ka rin. Upang magtagumpay ang pagkakaibigan, dapat mangibabaw ang pagbibigay sa halip na ang pagtanggap. Dapat na handa nating unahin ang pangangailangan ng ating kaibigan sa halip na ang ating mga kagustuhan at kaalwanan.

Ganito ang sabi ni Manuela na sinipi kanina: “Gaya ng sinabi ni Jesus, ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagbibigay. Maligaya ang taong tumatanggap, subalit mas maligaya ang nagbibigay. Maaari tayong magbigay kahit sa pamamagitan lamang ng taimtim na pangungumusta sa ating mga kaibigan, pagsisikap na unawain ang kanilang mga problema, at pagkukusang gawin ang ating buong makakaya para sa kanila.” Kaya, manguna sa pagpapakita ng personal na interes sa iba, pati na sa kasalukuyan mong mga kaibigan. Patibayin ang iyong mga pakikipag-ugnayan. Huwag ipagpalit ang pakikipagkaibigan sa di-gaanong kasiya-siya o di-gaanong mahahalagang gawain. Karapat-dapat pag-ukulan ng panahon at atensiyon ang mga kaibigan. Ganito ang komento ni Ruben na taga-Italya: “Mahalagang gumugol ng panahon upang makasumpong ng mga kaibigan at maingatan ang inyong ugnayan. Una sa lahat, kailangan ang panahon upang maging isang mabuting tagapakinig. Mapasusulong nating lahat ang ating pakikinig at pagpapakita ng interes sa sinasabi ng iba sa pamamagitan ng hindi pagsabad habang nagsasalita sila.”

Igalang ang Iba

Ang isa pang mahalagang salik sa maligaya at pangmatagalang pagkakaibigan ay ang paggalang sa isa’t isa. Kasama rito ang pagpapakita ng konsiderasyon sa damdamin ng iba. Nais mong maging mataktika at mahinahon ang iyong mga kaibigan kung magkaiba ang inyong gusto at opinyon, hindi ba? Hindi ba dapat na gayundin ang maging pakikitungo mo sa kanila?​—Roma 12:10.

Maipakikita rin natin ang paggalang kung hindi natin pag-uukulan ng labis na pagmamahal ang ating mga kaibigan anupat parang nasasakal na sila. Ang tunay na kaibigan ay hindi mapanibughuin ni makasarili. Sinasabi ng Bibliya sa 1 Corinto 13:4: “Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.” Kaya huwag sarilinin ang iyong mga kaibigan. Kung maging malapít sila sa iba, huwag magdamdam anupat marahil ay iniiwasan pa nga sila. Tandaan na kailangang palawakin nating lahat ang ating pakikipagkaibigan. Hayaang makipagkaibigan din sa iba ang iyong mga kaibigan.

Isaalang-alang din ang pangangailangan ng iyong mga kaibigan na magkaroon ng panahon upang mapag-isa. Ang mga indibiduwal, pati na ang mga mag-asawa, ay nangangailangan ng panahon para sa kani-kanilang sarili. Bagaman hindi tayo dapat mag-atubiling magpakita ng interes sa iba, maging timbang at makonsiderasyon, at huwag mong abusuhin ang iyong mga kaibigan anupat nayayamot na sila sa iyo. Nagbababala ang Bibliya: “Gawin mong madalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa, upang hindi siya magsawa sa iyo.”​—Kawikaan 25:17.

Huwag Umasa ng Kawalang-Kapintasan

Siyempre, habang nakikilala ng mga tao ang isa’t isa, lalo naman nilang napapansin ang mga kahinaan at ang mahuhusay na katangian ng iba. Gayunman, hindi ito dapat pumigil sa atin sa pakikipagkaibigan. “Masyadong mataas ang inaasahan ng ilan sa kanilang potensiyal na mga kaibigan,” ang komento ni Pacôme na taga-Pransiya. “Mabubuting katangian lamang ang gusto nilang taglayin ng kanilang mga kaibigan, subalit imposible iyan.” Walang sinuman sa atin ang sakdal, at wala tayong karapatang umasa ng kasakdalan sa iba. Nais nating tanggapin tayo at pagtiisan ng ating mga kaibigan ang ating mga kahinaan. Hindi ba dapat din nating palampasin ang mga kapintasan ng ating mga kaibigan, anupat hindi iniimbento ni pinalalaki man natin ang mga ito? Pinaaalalahanan tayo ng awtor na si Dennis Prager: “Ang walang-kapintasang mga kaibigan (samakatuwid nga, yaong mga hindi nagrereklamo, laging malambing, hindi umiinit ang ulo, laging nakatuon ang pansin sa atin, at hindi nagpapasama ng ating loob) ay mga alagang hayop lamang.” Kung ayaw natin na mga alagang hayop na lamang ang maging malalapít nating kaibigan, dapat nating sundin ang payo ni apostol Pedro na hayaang ‘takpan ng pag-ibig ang maraming kasalanan.’​—1 Pedro 4:8.

May kasabihan na dinodoble ng mga kaibigan ang ating kagalakan at binabawasan nila ng kalahati ang ating mga kapighatian. Gayunman, upang maging makatotohanan, hindi tayo makaaasa na masasapatan ng ating mga kaibigan ang lahat ng ating mga pangangailangan o malulutas nila ang lahat ng ating mga problema. Isa itong makasariling pananaw sa pagkakaibigan.

Matatapat na Kaibigan sa Hirap at Ginhawa

Kapag nagkaroon tayo ng kaibigan, hindi natin dapat isipin na wala na tayong kailangang gawin pa upang mapanatili ang pagkakaibigang iyon. Kapag pinaglayo ng panahon at distansiya, iniisip ng magkakaibigan ang isa’t isa at ipinapanalangin ang isa’t isa. Kahit na madalang silang magkasama-sama, madali silang magkapalagayang-loob. Lalo na sa panahon ng kagipitan o pangangailangan, mahalagang damayan ang ating mga kaibigan. Kadalasan na, hindi tayo dapat lumayo kapag may mga problema ang ating mga kaibigan. Maaaring iyon ang panahon na higit nila tayong kailangan. “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) At kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan ang tunay na magkakaibigan, agad silang nakikipagkasundo at nagpapatawaran sa isa’t isa. Hindi iniiwan ng tunay na mga kaibigan ang kanilang mga kaibigan kapag napapaharap ang mga ito sa gipit na mga situwasyon.

Kung hindi ka makasarili at kung lalapit ka sa iba taglay ang positibong saloobin, magkakaroon ka ng mga kaibigan. Subalit mahalaga rin kung anong uri ang iyong mga kaibigan. Paano ka makapipili ng mabubuting kaibigan? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.

[Talababa]

^ par. 7 Tingnan din ang artikulong “Ngiti​—Makabubuti Ito Para sa Iyo!” sa Hulyo 8, 2000 na isyu ng Gumising!

[Kahon/Mga larawan sa pahina 6, 7]

Maaari Bang Maging “Magkaibigan Lang” ang mga Lalaki at mga Babae?

Maaari bang maging magkaibigan ang mga lalaki at mga babaing hindi mag-asawa? Depende iyan sa pakahulugan natin sa salitang “kaibigan.” Si Jesus ay matalik na kaibigan nina Maria at Marta ng Betania​—kapuwa mga dalaga. (Juan 11:1, 5) Si apostol Pablo ay kaibigan ni Priscila at ng asawa nitong si Aquila. (Gawa 18:2, 3) Nakatitiyak tayong may marubdob na pagmamahal sa isa’t isa ang mga indibiduwal na ito. Gayunman, hindi natin iisiping hinayaan ni Jesus o ni Pablo na humantong sa romantikong relasyon ang mga ugnayang ito.

Higit kailanman, ang mga lalaki at mga babae sa makabagong lipunan ay kailangang gumawa at magtrabahong magkakasama at lalong nagiging mahalaga na matutuhan nilang makipagkaibigan sa isa’t isa sa angkop na paraan. Nakikinabang din ang mga mag-asawa sa kaayaayang pakikipagkaibigan sa iba pang mag-asawa at sa mga binata o dalaga.

“Gayunman, maaaring napakahirap makita ang kaibahan ng romantiko, seksuwal at palakaibigang mga damdamin,” ang babala ng magasing Psychology Today. “Sa katunayan, bagaman hindi sinasadya, laging naririyan ang posibilidad na biglang humantong sa seksuwal na pagkaakit ang pagkakaibigan ng isang lalaki at babae. Ang simple at walang-malisyang pagyakap ay maaaring bigla na lamang magkaroon ng romantikong kahulugan.”

Para sa mga mag-asawa, lalo nang mahalaga na maging makatotohanan at praktikal. “Anumang anyo ng matalik na pakikipagkaibigan sa iba ay maaaring magsapanganib sa pagsasama ng mag-asawa,” ang isinulat ng awtor na si Dennis Prager sa kaniyang aklat na Happiness Is a Serious Problem. “Hindi lamang sekso ang nasasangkot sa isang matalik na ugnayan, at may karapatan ang iyong asawa na umasang ikaw ang magiging tunay at tangi niyang matalik na kaibigan.” Sinabi ni Jesus na kailangang kontrolin ng isa ang nilalaman ng kaniyang puso upang mapanatili ang moral na kalinisan. (Mateo 5:28) Kaya maging palakaibigan, subalit bantayan ang iyong puso at buong-ingat na iwasan ang mga situwasyon na maaaring humantong sa di-wastong kaisipan, damdamin, o paggawi sa sinumang hindi mo kasekso.

[Larawan sa pahina 7]

Magiging mas kaakit-akit ka kung pangangalagaan mo ang iyong katawan at isip

[Larawan sa pahina 8]

Ipinagtatapat ng magkakaibigan sa isa’t isa ang kanilang niloloob