Ang Buhay sa mga Gilingan ng Czechia
Ang Buhay sa mga Gilingan ng Czechia
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA REPUBLIKA NG CZECH
SANDAANG taon na ang nakalilipas, maririnig sa buong Czechia ang paulit-ulit na kalampagan ng mga gulong ng gilingan na may ngipin. Sa halip na makagambala sa kapayapaan, waring lalo pa ngang gumaganda ang kaakit-akit na kabukiran ng Czech dahil sa tunog na ito. Ang gilingan ay isang mahalagang bahagi ng komunidad.
Noong mga panahong iyon, nakaugalian na ng maybahay ng tagagiling na magluto ng bago at mabangong tinapay mula sa mismong kagigiling na harina. Maguguniguni natin ang maybahay ng tagagiling na naghahain ng bagong lutong tinapay sa isang pagkalaki-laking mesa. Napakabango! At heto na ang tagagiling. Kahit namumuti ang buong katawan niya dahil sa harina, kahanga-hanga pa rin siyang pagmasdan! Tinatawag niya ang kaniyang buong sambahayan upang magmeryenda.
Kasaysayan ng mga Gilingan
Ang hanapbuhay ng isang tagagiling ay halos kasintanda na mismo ng agrikultura. Sa sinaunang Israel, ang paggiling ng harina ay isang pangkaraniwang gawaing-bahay. Sa kalakhang bahagi, mga babae ang naggigiling ng mga butil, na gumagamit ng manu-manong mga gilingan at kadalasang nagtatrabaho nang may katuwang. Binabanggit din ng Bibliya ang malalaking gilingang-bato na pinaiikot ng mga hayop.—Marcos 9:42.
Ang ilang gilingan ay pinatatakbo ng hangin. Gayunman, sa kabukiran ng Czech, mas popular ang mga gilingang pinatatakbo ng tubig. Bakit? Maliwanag, iniisip ng mga Czech na ang pinakamatipid at pinakamaaasahang pinagmumulan ng enerhiya upang mapatakbo ang isang gilingan ay ang dumadaloy na tubig.
Sa Czechia, gaya sa alinmang lugar sa Gitnang Europa, may binuong malalaking sistema ng dugtung-dugtong na lagusan, maliliit na lawa, at mga pintuan ng tubig (floodgate) upang kontrolin ang daloy ng tubig patungo sa mga gilingan. Ang tubig ay natitipon sa maliliit na lawa, dumadaloy sa mga lagusan patungo sa mga gilingan, at ang agos nito ay kinokontrol naman ng mga pintuan ng tubig. Ang ilang lagusan ay wala pang 20 metro ang haba, subalit ang ilan naman ay mahigit sa isang kilometro at napatatakbo ang ilang gilingan sa kahabaan ng lagusan.
Ang Tagagiling at ang Kaniyang mga Katulong
Sa Czechia, sandaang taon na ang nakalilipas, ang tagagiling at ang kaniyang buong sambahayan ay sa gilingan naninirahan. Ang tirahan ng tagagiling at ang silid kung saan ginigiling ang mga butil ay nasa ilalim ng iisang bubong at may dingding na yari sa matitibay na bato. Nakaugalian na ng taong-bayan na tawagin siyang “Amang Panginoon.” Madali siyang makilala dahil sa kaniyang karaniwang suot na puting pantalon na nakalupi, gora na may disenyong gawa sa balat ng tupa, at tsinelas.
Upang magawa ang kaniyang mga trabaho, kailangang malakas ang pangangatawan ng tagagiling
—isipin na lamang kung ilang sako ng harina ang kailangan niyang buhatin at pasanin sa buong buhay niya bilang tagagiling! Ang hanapbuhay ng isang tagagiling ay isang tinitingalang propesyon, na karaniwan nang ipinamamana ng ama sa kaniyang anak na lalaki. Ang anak na lalaki ay tinuturuan ng kaniyang ama ng hanapbuhay na ito sa tahanan, subalit maaari rin siyang magtrabaho sa loob ng ilang panahon kasama ng ibang dalubhasang mga tagagiling upang mapalawak pa ang kaniyang karanasan.Abalang-abala ang buong pamilya dahil sa mga gawain sa gilingan. Kadalasan, hindi sapat ang tulong ng mga miyembro ng pamilya, kaya dinaragdagan ng tagagiling ang kaniyang sambahayan sa pamamagitan ng pagkuha ng permanenteng mga manggagawa o kaya naman ay upahang mga trabahador. Ang upahang mga trabahador na ito ay makaranasang mga tagagiling na nagtatrabaho sa iba’t ibang gilingan kapalit ng matutuluyan at pagkain sa pinakaabalang panahon ng santaon.
Ang punong tagagiling—isang kinikilala at ekspertong manggagawa—ang kadalasang nangangasiwa sa gilingan. Tumutulong sa kaniya ang isang kabataang lalaki na may alam sa paggiling at pinagkakatiwalaang magpatakbo ng mga makina ng gilingan. Ang kalidad ng harina na nagigiling ng katulong na ito ay itinuturing na sukatan ng kaniyang kaalaman at kakayahan. Kasama rin nila ang isang aprentis—isang matalinong batang lalaki na matamang nagmamasid sa makaranasan at nakatatandang mga tagagiling. Hindi maaaring gambalain ang aprentis habang pinag-aaralan niya ang kaniyang magiging hanapbuhay.
Mga Gilingang-Bato
Binabanggit ng aklat ng Bibliya na Job ang “pang-ilalim na gilingang-bato.” (Job 41:24) Ipinahihiwatig ng sinaunang pagtukoy na ito kung paano gumagana ang mga gilingang-bato. Dalawang bato ang kailangan—isang pang-ibabaw at isang pang-ilalim. Ang pang-ilalim na bato ay hindi naigagalaw, samantalang ang pang-ibabaw na bato naman ay pinaiikot upang gilingin ang mga butil sa pagitan ng dalawang batong ito.
Noong una, gawa sa matigas na bato ang mga gilingang-bato. Nang maglaon, ginawa ang artipisyal na mga gilingang-bato, na binubuo ng dinurog na bato na pinatigas ng magnesium chloride. Isang makaranasang eksperto ang nagdidisenyo ng gulong na may mga ngiping gawa sa napakatigas na kahoy. Mahirap na trabaho ang paggawa ng mga gulong na may mga ngipin, dahil bukod sa masalimuot na hugis ng mga ito, kailangang magkaakma rin ang mga enggranahe. Dahil sa pagkakaayos ng mga gulong na ito na may mga ngipin, bumibilis ang ikot ng iba pang bahagi ng makinarya ng gilingan. Ang kalampagan ng mga gulong na ito na may mga ngipin ang dahilan ng naiibang tunog ng mga gilingan.
Ang mga Tagagiling Ayon sa Kuwentong-Bayan ng Czech
Bagaman tapat at mararangal ang ilang tagagiling, ang iba naman ay sakim at dominante o nandaraya ng kanilang mga parokyano. Kaya naman, sa ilang katutubong awitin, tinutuya ang mga tagagiling at ang kanilang pamilya, samantalang sa iba namang awitin ay pinupuri sila at ang kanilang mga katulong ay inilalarawan bilang naaangkop na maging mga asawang lalaki! Ipinaaalaala naman ng iba pang awitin ang mga pagbaha—na siyang pinakamalimit na nagiging banta sa isang tagagiling at sa kaniyang gilingan, bukod sa sunog.
Bahagyang nagkakaiba-iba ang mga kuwento depende sa rehiyon o sa panahon na kinatha ang mga ito. Kung hindi gayon, disin sana’y magkakatulad ang paksa ng mga kuwentong ito sa buong Czechia. Ang pagala-galang mga upahang tagagiling ang nagpakalat, at mangyari pa, nagdagdag ng di-totoong mga detalye sa mga kuwentong ito. Kaya, hanggang sa ngayon, may isang kasabihan ang mga Czech: “Habang umaagos ang tubig, ikinakalat naman ang mga kuwento,” anupat ipinahihiwatig na ang ilang kuwento o ulat ay dinagdagan ng di-totoong mga detalye.
Ang mga Gilingan Ngayon
Sa paglipas ng panahon, unti-unting naglaho ang hanapbuhay ng isang tagagiling. Ginawang makabago ang mga gilingan at ang mga mekanismo ng gilingan na pinatatakbo ng tubig ay pinalitan ng de-kuryenteng mga motor. Sinikap ng ilang tagagiling na panatilihin ang kanilang tradisyonal na paraan ng pamumuhay anuman ang mangyari, at patuloy pa ring ginamit sa Czechia ang mga gilingang pinatatakbo ng tubig hanggang sa matapos ang Digmaang Pandaigdig II. Subalit noong 1948, tumigil na rin sa trabahong ito maging ang pinakamatiyagang tagagiling. Nang taóng iyon, naging pag-aari na ng pamahalaan ang mga gilingan, at maraming gilingan ang nagsara at nagsimula nang masira.
Ang mga gilingang ginagamit sa ngayon sa mga pabrika ay hindi nakapupukaw ng imahinasyon na gaya ng sinaunang mga gilingan. Makabagong mga makina na ang ginagamit sa paggiling, na kadalasan ay pinaaandar sa pamamagitan ng mga computer. Maraming gilingang-bato ang pinalitan ng mga bakal na roller. Gayunman, ang simpleng kayarian ng nalalabing mga gilingan noong sinauna ay umaakit pa rin sa mga taong mahilig sa tahimik at magagandang kapaligiran, gayundin sa mga turista na interesadong matuto hinggil sa kultura at kasaysayan.
Sa ngayon, ang ilang gilingan ay ginawang mga lugar na pasyalan dahil sa kagandahan ng mga ito. Pinapasyalan ng maraming panauhin sa Prague ang gulong ng gilingan sa Čertovka, o “Karera ng Diyablo,” isang sanga ng Ilog Vltava. Nagsara ang gilingan doon noong 1938 matapos itong masunog. Subalit ang halos pitong-metrong gulong nito na pinaiikot ng tubig, na itinayo mahigit 600 taon na ang nakararaan, ay isinauli sa dati nitong kalagayan noong 1995 at itinuring itong mahalagang bahagi ng kultura at kasaysayan. Hanggang sa kasalukuyan, umiikot pa rin ang gulong na ito.
Kung mamamasyal tayo sa isang isinauling gilingan sa ngayon, madali nating maguguniguni ang tagagiling habang nagtatrabaho isang siglo na ang nakararaan. Maririnig natin ang lagaslas ng tubig habang umiikot ang gulong ng gilingan. Habang papalayo tayo, unti-unting naglalaho sa ating paningin ang gilingan. Subalit naririnig pa rin natin ang kalampagan ng mga ngipin ng mga gulong—isang kanais-nais na tunog na mananatili sa ating alaala sa loob ng mahabang panahon.
[Larawan sa pahina 22]
Gilingang-bato
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
1. Isang sinauna at manu-manong panala ng mga butil
2. Isa sa mga gilingan
3. Pinatatakbo ng gulong na pinaiikot ng tubig ang pangunahing ehe na siya namang nagpapaikot sa mga gilingan
4. Ang halos pitong-metrong gulong na pinaiikot ng tubig sa Čertovka, na dating nagpapatakbo sa gilingan
[Larawan sa pahina 24]
Ang gulong ng gilingan sa Čertovka