Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Silo sa Paghahangad ng Kagandahan

Mga Silo sa Paghahangad ng Kagandahan

Mga Silo sa Paghahangad ng Kagandahan

ANU-ANO ang mga batayan para matiyak kung ano ang tunay na kagandahan? “Ang kagandahan ay depende sa tumitingin,” ayon sa isang popular na kasabihan. Totoo naman, ang ideya ng kagandahan ay depende sa pananaw o sa nadarama ng mga tao. Bukod dito, ang popular na ideya ng kung ano ang matatawag na maganda ay lubhang magkakaiba batay sa kultura o sa panahon.

Ganito ang sabi ni Jeffery Sobal, isang katulong na propesor ng nutritional sciences sa Cornell University, E.U.A.: “Noong ikalabinsiyam na siglo, ang pagiging mabigat ay laging iniuugnay sa mataas na katayuan sa halos lahat ng lipunan. Ang katabaan ay itinuturing na palatandaan ng kaunlaran at kalusugan, samantalang ang kapayatan ay nangangahulugan ng pagiging dukha, anupat halos hindi na makabili ng makakain.” Makikita ang konseptong ito sa obra ng maraming alagad ng sining nang panahong iyon, tulad sa kanilang mga modelo​—ang karamihan ay babae​—na may mapipintog na bisig, binti, likod, at balakang. At marami sa mga obrang ito ay larawan ng totoong mga tao na itinuring na mga simbolo ng kagandahan.

Makikita pa rin ang konseptong iyan sa ngayon, bagaman hindi lamang katabaan o kapayatan ang nasasangkot sa pagiging maganda. Kahit ngayon, tinitingala pa rin ang matatabang tao sa ilang kultura sa Timog Pasipiko. Sa ilang lugar sa Aprika, ang mga babaing puwede nang mag-asawa ay dinadala sa isang lugar at pinakakain ng pagkarami-raming matatabang pagkain sa layuning gawin silang mas kaakit-akit. Ganito ang sabi ng may-ari ng isang nightclub sa Nigeria: “Ang katamtamang Aprikana ay mabulas . . . Iyan ang taglay niyang kagandahan. Nasa kultura namin iyan.” Sa maraming tradisyonal na kulturang Kastila, pinahahalagahan din ang pagiging mabulas, bilang tanda ng kayamanan at tagumpay.

Pero kabaligtaran naman nito ang nangingibabaw na kaisipan sa maraming iba pang lugar. Bakit? Sinasabi ng ilan na dahil sumulong ang pangangalakal at humantong ang industriyalisasyon sa mas maraming suplay at mas malawak na pamamahagi ng pagkain, nakakain na ngayon ng “mahihirap” ang dati’y mayayaman lamang ang nakakakain. Kaya naman, unti-unting nabawasan ang paghanga sa katabaan. Sa kabilang banda, ang sobrang timbang ay iniuugnay ng ilang relihiyosong paniniwala sa katakawan, at naging negatibo ang tingin sa mga taong mabulas dahil dito. Nakaiimpluwensiya rin ang natuklasan ng mga siyentipiko tungkol sa mga panganib sa kalusugan na dulot ng sobrang katabaan. Naging dahilan ang mga ito at ang iba pang salik sa pagbabago ng mga opinyon tungkol sa kagandahan, at maraming dekada nang itinatampok sa malaking bahagi ng daigdig ang pagiging payat bilang pinakamimithing katawan.

Malaki rin ang nagawa ng media sa pagpapalaganap ng kaisipang ito. Karaniwan nang payat at pang-atletang mga katawan ang nakikita sa mga anunsiyo sa mga paskilan at telebisyon. Ang kanilang hitsura ay nilayong maging palatandaan ng mga taong matatag at matagumpay. Totoo rin ito sa mga bituin sa pelikula at sa TV.

Ano ang epekto nito sa ordinaryong mga tao, pati na sa mga kabataan? Ipinakikita ng isang kamakailang artikulo tungkol sa larawan ng pangangatawan na “kapag nakatapos na ng haiskul ang isang karaniwang Amerikana, mahigit sa 22,000 oras na ang nagugol niya sa panonood ng telebisyon.” Sa malaking bahagi ng panahong iyon, lagi niyang nakikita ang mga larawan ng kaakit-akit na mga babaing may “pinakamagandang” katawan. Sinabi pa ng artikulo: “Dahil sa paulit-ulit na namamasdan ang mga larawang ito, iniuugnay ng mga babae ang modelong katawang ito sa katanyagan, kaligayahan, pag-ibig at tagumpay.” Kaya hindi nakapagtatakang matapos makakita ng mga litrato ng mga modelo sa isang magasin, 47 porsiyento ng mga kabataang babaing sinuri ang nakadamang kailangan nilang magbawas ng timbang, gayong 29 na porsiyento lamang sa kanila ang maituturing na sobra sa timbang.

Matindi rin ang impluwensiya ng industriya ng moda sa ideya ng mga tao tungkol sa kagandahan. Ganito ang sabi ni Jennifer, isang modelong taga-Venezuela na nagtatrabaho sa Mexico City: “Trabaho ng isang modelo ang maging maganda, at ang kahulugan nito ngayon ay ang pagiging payat.” Ganito naman ang sabi ng modelong Pranses na si Vanessa: “Hindi naman talaga nila iginigiit na magpapayat ka, pero iyan ang iginigiit ng modelo sa kaniyang sarili. Iyan ang uso sa buong daigdig.” Sa isang surbey sa mga kabataang babae, 69 na porsiyento ang nagtapat na nakaimpluwensiya ang mga modelo sa magasin sa kanilang ideya ng kung ano ang magandang katawan.

Pero hindi lamang mga babae ang natatangay ng impluwensiya ng tinatawag na “modelong pangangatawan.” Sinabi ng pahayagang El Universal sa Mexico: “Ngayon lamang nagkaroon ng napakaraming ipinagbibiling produkto para sa pagpapaganda ng hitsura ng mga lalaki.”

“Modelong Hitsura”​—Modelong mga Resulta?

Sa pagsisikap na matamo ang “modelong hitsura” o basta maging maganda silang tingnan, maraming tao ang bumabaling sa pagpaparetoke (cosmetic surgery). Bumababa na ang presyo at dumarami pa ang mapagpipiliang mga pamamaraan sa sangay na ito ng medisina. Paano ba nagsimula ang pagpaparetoke?

Ayon sa Encyclopædia Britannica, nagsimula ang modernong pamamaraan sa pagpaparetoke noong mga taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, nang gumawa ng mga pagsisikap na ayusin ang mga pinsala sa katawan na dulot ng mga sugat sa digmaan. Mula noon, ang mga pamamaraang ito ay naging mahahalagang kasangkapan sa pag-aayos ng matitinding pinsala sa katawan na resulta ng pagkasunog, traumatikong mga kapinsalaan, at minanang mga depekto. Subalit gaya ng inaamin ng Britannica, ang pagpaparetoke ay kadalasang “isinasagawa upang pagandahin lamang ang hitsura ng mga taong malulusog naman.” Halimbawa, puwede nang baguhin ang hugis ng ilong, alisin ang sobrang balat sa mukha at leeg, paliitin ang mga tainga, alisin ang taba sa tiyan at balakang, dagdagan ang laman sa ilang bahagi ng katawan, at gawing “kaakit-akit” kahit ang pusod.

Subalit kumusta naman ang malulusog na mga taong nagsasapanganib ng kanilang buhay mapaganda lamang ang kanilang hitsura? Anu-ano bang mga panganib ang maaaring harapin nila? Ipinaliwanag ni Angel Papadopulos, kalihim ng Mexican Association of Plastic, Aesthetic, and Reconstructive Surgery, na kung minsan ay hindi sapat ang pagsasanay ng mga taong nagsasagawa ng ganitong uri ng operasyon, anupat nagbubunga ng malaking pinsala. May mga klinika na nagpapainom ng mapanganib na mga substansiya sa mga pasyente upang pagandahin ang hubog ng kanilang katawan. Maaga noong 2003, iniulat ng isang pahayagan na ang di-mabuting mga kalagayan sa mga beauty shop ay lumikha ng iskandalo sa Canary Islands, kung saan daan-daang babae ang naging biktima ng di-ligtas na mga operasyon. *

Ang mga lalaki ay nasasangkot din sa paghahangad ng “modelong hitsura.” Gumugugol ang ilan ng maraming oras sa gym, anupat ginagamit ang halos lahat ng kanilang libreng panahon sa pag-eehersisyo upang hubugin ang kanilang katawan. “Sa kalaunan,” sabi ng magasing Milenio, “napapabayaan na nila ang kanilang pakikisalamuha at kaugnayan sa ibang mga tao dahil sa paghahangad nilang mag-ehersisyo.” Ang di-mapigil na hangaring magkaroon ng matipunong katawan ang nagtutulak pa nga sa marami na gumamit ng mga substansiyang nakapipinsala sa katawan, kabilang na ang mga steroid.

Dahil sa obsesyon sa kanilang hitsura, ang ilang kabataang babae ay naging biktima ng mga sakit na nauugnay sa pagkain, tulad ng bulimia at anorexia nervosa. Gumagamit naman ang ilan ng mga produktong pampapayat na nangangako ng pambihirang mga resulta sa loob lamang ng maikling panahon ngunit hindi naman sinasang-ayunan ng iginagalang na mga institusyon sa kalusugan. Maaaring magbunga ng malubhang pinsala ang paggamit ng gayong mga produkto.

Hindi lamang pisikal na mga panganib ang ibinubunga ng obsesyon ng isa sa kaniyang hitsura. Sinabi ni Dr. Katherine Phillips ng Brown University, E.U.A., na ang mga taong labis na nababahala sa kanilang pisikal na hitsura ay maaaring magkaroon ng karamdaman sa isip na tinatawag na body dysmorphic disorder, anupat ang mga may ganitong sakit ay labis-labis na nababahala sa inaakalang mga kapintasan sa kanilang hitsura. Isa sa 50 katao ang maaaring magkaroon ng ganitong sakit. Ang mga may ganitong sakit “ay talagang kumbinsidong pangit sila anupat ibinubukod nila ang kanilang sarili sa mga kaibigan at mga mahal sa buhay,” ang sabi niya. “Maaari silang labis na manlumo at mag-isip na magpatiwakal.” Binanggit ni Phillips ang isang halimbawa ng isang kaakit-akit na kabataang babae na may kaunting tagihawat ngunit nag-aakalang punung-puno na ng pilat ang kaniyang mukha. Palibhasa’y ayaw magpakita sa ibang tao, huminto sa pag-aaral ang batang ito noong siya’y nasa ikawalong grado.

Napakahalaga nga ba ng hitsura ng isang tao anupat kailangan niyang isakripisyo ang kaniyang mental at pisikal na kapakanan para lamang magkaroon ng “modelong hitsura”? Mayroon pa bang mas mahalagang uri ng kagandahan na dapat sikaping matamo ng isang tao?

[Talababa]

^ par. 13 Para sa mga Kristiyano, ang pagpaparetoke ay isang personal na desisyon. Gayunman, dapat isaalang-alang ang mahahalagang salik. Para sa mas malawak na pagtalakay, tingnan ang Gumising! ng Agosto 22, 2002, pahina 18-20.

[Blurb sa pahina 5]

Sa 69 na porsiyento ng mga babae, ang ideya ng kung ano ang magandang katawan ay naiimpluwensiyahan ng mga modelo sa magasin

[Larawan sa pahina 4]

Matindi ang impluwensiya ng pag-aanunsiyo sa ideya ng kung ano ang maituturing na pisikal na kagandahan

[Larawan sa pahina 6]

Pininsala ng ilan ang kanilang sarili dahil sa labis-labis na pagpaparetoke

[Larawan sa pahina 7]

Puspusan ang pagsisikap ng ilan para matamo ang minimithing hitsura