Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Lobo Nasiyahan po ako sa pagbasa sa artikulong “Ang Pinakamalaking Pagtatanghal ng mga Lobo sa Buong Daigdig!” (Marso 8, 2004) Sinasabi po ng nanay ko na gusto niyang sumakay balang-araw sa isang lobo, at gusto ko rin pong masakyan ang isa rito. Nang mabasa ko po ang artikulo, hindi ako makapaniwala na napakarami palang lobo! Gustung-gusto ko po ang mga larawan. Ako po ay walong taóng gulang.

J. L., Estados Unidos

Kamangha-manghang Halaman Ngayon lamang ako nakabasa ng kawili-wili at kahanga-hangang artikulo na gaya ng “Isang Kamangha-mangha at Matibay na Halaman.” (Marso 8, 2004) Talagang isang kamangha-manghang halaman ang welwitschia. Paano nga kaya ito nabubuhay nang gayon katagal sa ilalim ng mahihirap na kalagayan? Higit na isinisiwalat sa atin ng gayong mga artikulo ang karunungan ng ating malikhaing Maylalang na si Jehova.

A. C., Russia

Lumaki ako sa Angola at ilang beses na akong nakakita ng welwitschia. Sa bawat pagkakataon, napahahanga ako sa kakaibang halamang ito. Ngunit pinag-iisipan ko ang maraming karaniwang paniniwala hinggil dito. Ngayon, pagkalipas ng 27 taon, natanggap ko na ang impormasyong nais ko.

A. O., Switzerland

Mahigit na 15 taon na akong nagbabasa ng Gumising! Yamang hindi ko kayang maglakbay, natutulungan ako ng gayong mga artikulo na mapag-aralan nang detalyado ang mga nilalang ni Jehova. Hindi ko malalaman ang haba ng buhay ng welwitschia kung hindi dahil sa Gumising!

L. Z., Pransiya

Ang Burren ng Ireland Nakadalaw kami ng aking asawa sa Ireland noong nakaraang taon. Kaya wiling-wili kami sa artikulong “Ang Nakabibighaning Burren ng Ireland.” (Marso 8, 2004) Ang karamihan sa mga aklat na giya sa pamamasyal ay walang gaanong sinasabi tungkol sa Burren. Minsang tinawag ng agrimensor na si Ludlow ang Burren na “isang mahirap panirahang lupain,” ngunit maganda naman ang baku-bakong kalupaan nito. Gayunman, ang pinakamagandang nakita namin ay ang grupo ng mga Saksi ni Jehova na nagsasagawa ng ministeryo sa bahay-bahay. Nang sabihin naming mga Saksi rin kami, tuwang-tuwa sila. Nagkaroon kami ng ilang bagong kaibigan at mga alaala sa Burren nang lisanin namin ang Ireland.

B. E., Estados Unidos

Uri ng Dugo Salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Itinatakda ba ng Uri ng Dugo Mo ang Iyong Personalidad?” (Pebrero 8, 2004) Nalilito ako noon tungkol sa isyung ito. Sa paaralan, sinasabi sa akin na hindi maaaring matiyak ang personalidad batay sa uri ng dugo. Napansin ko rin na sa ilang aklat, ang pag-alam sa personalidad ng isa batay sa uri ng kaniyang dugo ay iniuugnay sa espiritismo. Ngunit may kilalá akong mga tao na madalas bumanggit tungkol sa uri ng dugo at humatol sa iba batay rito. Nang mismong panahon na hindi ko na matiyak kung alin ang tama o mali, saka dumating ang artikulong ito, at maliwanag ko nang naintindihan ang pangmalas ng Bibliya.

R. K., Hapon

Interesado ako sa artikulong ito. Sinasabi ng mga tao sa aming paaralan na ang taong may type A na dugo ay metikuloso at maramdamin at ang taong may type B na dugo ay malumanay. Madalas kong pinag-iisipan, ‘Ganoon ba ako?’ Ngunit naginhawahan ako nang malaman ko na bawat tao ay may kani-kaniyang personalidad. Natanto ko rin na maaari nating baguhin ang ating personalidad kung magpapaakay tayo sa impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos.

N. I., Hapon

Mga Talon Gusto kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa napakagandang artikulo na “Paggalugad sa Mariringal na Talon.” (Pebrero 22, 2004) Maraming lawa, ilog, kagubatan, at bundok sa Zambia. At kalugud-lugod ang mga talon. Pinakilos ako ng artikulo na pasalamatan si Jehova, ang ating makalangit na Ama, dahil sa mga bagay na nilalang niya.

G. M., Zambia