Nasusulat na Makikita Ko Siya
Nasusulat na Makikita Ko Siya
Ayon sa salaysay ni Rosalía Phillips
“Talagang magtatagumpay ka! Kayang-kaya mong sumikat!” Iyan ang isinigaw sa akin ng aming direktor habang nakaupo siya sa harapan ng kaniyang piyano, mga ilang segundo bago buksan ang telon ng entablado. Ang apat na iba pang miyembro ng grupo ay sumenyas na malugod nila akong tinatanggap. Suot ang aking pulang damit na punô ng mga sequin, ako ang pinakabagong mang-aawit sa grupo. Kabadong-kabado ako. Dito sa isa sa pinakatanyag na teatro sa Mexico City, nagtanghal ako sa kauna-unahang pagkakataon, anupat pinasimulan ang isang karera sa industriya ng pelikula at pag-awit! Noon ay Marso 1976, at sa isang buwan ay 18 taóng gulang na ako.
TATLONG taon na ang nakalilipas nang mamatay ang aking ama, at hindi pa rin nawawala sa aking puso’t isipan ang mga alaala niya. Tandang-tanda rin siya ng mga tao. Minahal at hinangaan siya bilang isa sa mga pinakakilaláng komedyante sa bansa, palibhasa’y lumabas siya sa mahigit na 120 pelikula noong panahon ng kalimita’y tinatawag na ginintuang panahon ng mga pelikula sa Mexico. Ang kaniyang pangalan, Germán Valdés, “Tin-Tán,” ay makikita sa mga displey ng mga teatro sa buong Sentral at Timog Amerika at sa mga lugar ng Estados Unidos at Europa na gumagamit ng wikang Kastila. Kahit sa ngayon, mahigit 30 taon na ang nakalilipas pagkamatay niya, paulit-ulit pa ring ipinalalabas sa telebisyon ang kaniyang mga pelikula.
Mula pa noong ako’y bata, sa bahay na namin nagtitipun-tipon ang sikat na mga tao. Ang aking ina at ang kaniyang mga kapatid na babae ay bumuo ng isang grupo ng tatlong mang-aawit na tinatawag na Las Hermanitas Julián (Ang Magkakapatid na Julián). Ang kaniyang kapatid na lalaking si Julio Julián ay isang kilaláng tenor sa opera sa Europa, samantalang ang Kastilang asawa nito, si Conchita Domínguez, ay umaawit ng soprano. Karagdagan pa, ang mga kapatid ng aking ama, si Manuel “Loco” (ang isa na maloko) Valdés at si Ramón Valdés, na mas kilalá bilang Don Ramón, ay sikat na mga komedyante sa telebisyon.
Pamilyar sa amin ng aking kuya na si Carlos ang mga pasilidad at studio sa paggawa ng pelikula, mga teatro, at mga recording studio dahil madalas kaming isama ng aking ama sa kaniyang trabaho at sa mga pagtatanghal niya sa iba’t ibang lugar; ganiyan niya pinananatiling nagkakaisa ang aming pamilya. Ibang-iba ang mapagpaimbabaw na kapaligiran ng industriya ng pelikula sa aming tahanan, kung saan nangingibabaw ang tunay na pagkakaisa at pag-ibig! Natatandaan ko pa ang aking ama bilang isang napakalambing, napakasigla at napakamasayahing lalaki. Napakamapagbigay niya, anupat sumosobra pa nga kung minsan. Itinuro niya sa
akin na ang kaligayahan ay nasa pagbibigay hindi sa pagtanggap.Isang Lubhang Nakapanlulumong Pagbabago
Sa huling bahagi ng 1971, sinabi ng aking ina sa aming magkapatid ang masaklap na balita na natuklasang may di-malulunasang sakit ang aming ama. Sa loob ng isa’t kalahating taon, nakita ko siyang nagdusa at naghirap dahil sa epekto ng malalakas na gamot.
Naaalaala ko pa ang araw noong makita ko ang ambulansiyang dumating sa aming bahay upang dalhin siya sa ospital. Alam kong hindi na siya babalik. Hindi ko maipaliwanag ang kirot na nadama ko. Ipinasiya ko na yamang nagdurusa siya, dapat magdusa rin ako. Pinatay ko ang isang sigarilyo sa palad ko at umiyak nang umiyak. Noong Hunyo 29, 1973, namatay ang aking ama. Tinanong ko ang aking sarili: ‘Bakit kailangan kaming iwan ng isang napakabait na tao, na nagbibigay ng malaking kagalakan? Nasaan na kaya siya ngayon? Maririnig kaya niya ako kung kakausapin ko siya? Ano na ang kabuluhan ng buhay ko ngayong wala na siya?’
Isang Karerang Walang Layunin
Pagkatapos palipasin ang ilang panahon upang makabawi sa emosyonal na paraan, nagsimula akong mag-aral ng interior decorating. Subalit may pagkarebelde ako at hindi ko itinuloy ang aking pag-aaral. Nagpasiya kaming mag-ina na makipagsosyalan nang mas madalas. Dinaluhan namin ang mga eleganteng parti sa daigdig ng pelikula at pag-awit. Kadalasan, nagtatapos ang punong-abala sa pagsasabing, “Rosalía, kantahan mo naman kami ng isa sa iyong mga awitin.” Nagustuhan nila ang aking boses at ang damdaming ipinakikita ko sa aking pag-awit, anupat sinabi nilang namana ko raw ang kahusayan ng aking mga magulang.
Sa isa sa mga parti na iyon, narinig ng kompositor at direktor ng Arturo Castro and His Castros 76 ang aking pag-awit at inanyayahan niya akong sumama sa kaniyang grupo. Noong una, hindi ko ito nagustuhan. Bagaman mahal ko ang musika at nakatutugtog ako ng gitara at nakakakatha ng musika mula pa noong ako’y 14 na taóng gulang, hindi ko gustong maging propesyonal na mang-aawit. Pero hinimok ako ng aking ina, at kailangan ng aking pamilya ng tulong sa pinansiyal na paraan, kaya tinanggap ko sa wakas ang kaniyang alok. Humantong ito sa aking kauna-unahang pag-awit sa publiko na binanggit sa pasimula.
Nagkaroon ako ng matatag na trabaho mula sa pasimula ng aking karera. Nilibot ng aming grupo ang Mexico, anupat nagtatanghal nang dalawang beses gabi-gabi. Nagtanghal kami sa Guatemala, Venezuela, New York, at Las Vegas. Sumama ako sa grupo sa loob ng dalawang taon. Pagkatapos ay inalukan akong gumawa ng pelikula. Binigyan ako ng dalawang pangalawahing papel at isang pangunahing papel sa pelikula, kung saan tumanggap ako ng dalawang malalaking award.
Isang araw, nakatanggap ako ng tawag mula sa nangungunang istasyon ng telebisyon sa Mexico. Inalukan nila ako ng eksklusibong kontrata na para lamang sa kanilang “grupo ng mga bituin” at para maging bida sa isang telenobelang isinunod sa pangalan ko. Iaangat ako nito sa pinakatugatog ng industriya ng pelikula. Makatatanggap ako ng napakagandang sahod, kahit na hindi ako regular na magtrabaho. Palibhasa’y nadarama kong hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyan at saka nangangambang mawala ang aking kalayaan, tinanggihan ko ang kontrata. Nagtrabaho rin ako sa telenobela, pero para lamang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral ng teatro sa unibersidad. Subalit hindi pa rin ako maligaya. Nababagabag ako na makita ang mga artistang nagpapagal nang maraming taon para lamang makuha ang papel ng bida, samantalang ako ay ginawang bida na kaagad—pangunahin nang dahil sa anak ako ni Tin-Tán.
Pagkatapos ay nagsimula naman akong magrekord ng mga kanta. Kalakip sa una kong rekording ang kinatha kong musika at liriko para sa telenobela. Nang maglaon ay nagrekord ako sa isang kilaláng studio sa London. Gumawa pa ako ng mas maraming rekording, pelikula, at telenobela. Itinampok ako sa mga artikulo ng mga pahayagan sa unang mga pahina ng seksiyon nito hinggil sa libangan, kaya masasabi mong naabot ko na ang tugatog ng tagumpay. Gayunpaman, may kulang pa rin. Nakita ko ang pagmamapuri at pakikipagkompetensiya ng mga artista at mang-aawit, at laganap ang imoralidad at pagpapaimbabaw sa kanila. Nawalan ako ng tiwala sa mga tao.
Pagkatapos noong taglagas ng 1980, nakita ko ang aking Tiyo Julio sa isang pagsasalu-salo ng pamilya. Nagpasiya siyang iwan ang opera, at pinakinggan ko ang kaniyang sinasabi hinggil sa isang paraisong ipinangako ng Diyos. Sinabi ni Tiyo Julio na darating ang panahon, mawawala na ang kawalang-katarungan at pighati sa lupa at mangingibabaw ang pag-ibig. Sinabi rin niya na ang pangalan
ng tunay na Diyos ay Jehova. Ang pinakakaakit-akit sa akin ay ang marinig na sa Paraiso, bubuhaying muli ang ating mga mahal sa buhay. Nanabik ako sa pag-asang makitang muli ang aking ama. Hinahanap-hanap ko pa rin siya, ang suporta at pagmamahal niya. Kaysaya nga kung makakapiling ko siyang muli! Pero sa loob-loob ko, waring imposible ito. Binigyan ako ni Tiyo Julio ng Bibliya at inanyayahan niya kaming mag-ina na dumalo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na magaganap noon pagkalipas lamang ng ilang linggo. Sinabi namin na baka pumunta kami.Nagpasiya Akong Baguhin ang Aking Buhay
Isang gabi, naninigarilyo ako sa kama habang binabasa ko ang Bibliyang ibinigay sa akin ng aking tiyuhin. Nang mabasa ko ang aklat ng Mga Kawikaan, natanto ko na ang liwanag, kaunawaan, at buhay ay nagmula sa Diyos, samantalang ang kadiliman, kalituhan, at kamatayan ay mayroon namang kasalungat na pinagmulan. Nang gabing iyon, pinatay ko ang kahuli-hulihang sigarilyong hinithit ko at hinintay kong dumating ang aking ina. Habang umiiyak ako, hiniling kong suportahan niya ako sa ilang mabibigat na desisyon. Pagkatapos, nagpunta ako sa teatro kung saan ineensayo ko ang papel ni Cordelia sa dula ni Shakespeare na King Lear. Nagbitiw ako sa dula at nakipaghiwalay sa aking kasintahan, isa sa mga pangunahing artista roon.
Gayunman, hindi ko pa natututuhang paglingkuran ang Diyos, kaya wala akong napananaligan. Dumanas ako ng matinding depresyon. Nanalangin ako sa Diyos na sana’y tulungan akong madama na tinatanggap ako dahil sa pagkatao ko, hindi dahil sa namana kong kahusayan o sikat na pangalan. Inihinto ko ang lahat ng aking karaniwang pakikipagsamahan at gawain.
Ang Daan Patungo sa Tunay na Tagumpay
Sa panahon ng aking kalituhan, naalaala ko ang paanyaya ng aking tiyuhin na dumalo kami sa kombensiyon. Tinawagan ko siya, at sinundo naman niya ako at dinala sa istadyum. Naantig ako sa nakita ko roon. Nakita ko ang mga taong maaayos, hindi nagsasalita nang malaswa o naninigarilyo at hindi nagsisikap na pahangain ang iba. Ipinaalaala sa akin ng narinig ko mula sa Bibliya ang nabasa ko sa maliit na aklat na pinamagatang Tunay Nga bang Salita ng Diyos ang Bibliya? * na natagpuan ko sa aming bahay di-nagtagal pagkamatay ng aking ama.
Sa panahong ito, inalukan ako ng isa na namang pangunahing papel sa isang telenobela. Nagustuhan ko ang papel na iyon, yamang waring itinataguyod nito ang makadiyos na mga pamantayang natutuhan ko sa kombensiyon. Dahil dito, tinanggap ko ang alok. Sa kabilang dako naman, palagi kong naiisip ang puntong ito mula sa Bibliya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat . . . anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?”—2 Corinto 6:14.
Unti-unting nalilinang sa akin ang hangaring paluguran ang Diyos. Gusto kong dumalo sa pulong sa Kingdom Hall kasama ng aking tiyuhin at tiyahin. Isang oras ang layo ng kanilang kongregasyon mula sa bahay namin, pero dumalo ako ng tatlong magkakasunod na Linggo. Nagpasiya ang aking tiyuhin na isama ako sa kongregasyong malapit sa aming lugar. Dumating kami nang matatapos na ang pulong, at doon ko nakilala si Isabel, isang kabataang babae na kaedad ko. Mabait siya at hindi mapagpaimbabaw. Nang ipakilala ako ng aking tiyuhin bilang si Rosalía Valdés, hindi niya pinansin nang kahit minsan ang aking pangalan. Tuwang-tuwa ako dahil dito. Inalukan niya ako ng pag-aaral sa Bibliya sa aming tahanan.
Sinimulan naming pag-aralan ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. * Handang-handang makibagay si Isabel sa aking iskedyul. Kung minsan, kinakailangan siyang maghintay nang hanggang gabing-gabi na, pagkatapos kong mag-taping ng telenobela. Kaylaking pasasalamat ko na mayroong isa na interesado sa akin dahil lamang sa gusto kong matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya! Isa siyang tunay na tao, matapat, at maganda ang asal, mga katangian na akala ko ay matatamo lamang sa pag-aaral ng pilosopiya at sining. Isinaayos naming mag-aral nang mahahabang oras, kung minsan ay ilang beses sa isang linggo.
Noong una, nahirapan akong alisin ang aking maling mga ideya, pero unti-unting napalitan ito ng mga katotohanan sa Bibliya. Naaalaala ko kung paano ako napasigla ng pangako ng Diyos: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11) Pagkatapos, unti-unti ring naging totoo sa akin ang pag-asa na makita kong muli ang aking ama sa Paraiso. Madalas kong naiisip ang mga salita ni Jesus: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay.”—Juan 5:28, 29.
Tinapos ko ang aking trabaho sa telenobela, at kaagad na dumating ang iba pang mga alok. Bagaman ang mga proyektong ito ay malamang na lalong magpapasikat sa akin, ang pakikibahagi ko sa mga ito ay magpapahiwatig na itinataguyod ko ang imoralidad, idolatriya, at iba pang huwad na mga ideya. Natutuhan kong totoo si Satanas at ayaw niyang maglingkod tayo kay Jehova. Kaya tinanggihan ko ang mga alok na ito at sinimulang daluhan ang lahat ng pagpupulong. Gaya ng maaasahan, hindi naintindihan ng aking ina at kuya kung bakit tinatanggihan ko ang napakaraming pagkakataon at napakaraming salapi. Subalit kasabay nito, nakikita nila ang mga pagbabago sa akin. Nagbago ako mula sa isang malungkutin at nanlulumong tao tungo sa isang masigla at masayahing indibiduwal. Sa wakas, nagkaroon ng layunin ang buhay ko!
Naging hangarin ko na ibahagi ang aking natututuhan sa iba at di-nagtagal ay naging isa akong mamamahayag ng magandang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Kapag nangangaral ako noon, nahihirapan ako kung minsan na ituon ang pansin ng may-bahay sa aking mensahe; marami ang nakakakilala sa akin bilang artista. Maraming beses na nangyari na pagdating namin ng aking kasama sa mga pintuan ng mga tao, kasalukuyang ipinalalabas sa kanilang telebisyon ang telenobelang kinabibilangan ko. Hindi makapaniwala ang mga may-bahay na naroon ako sa kanila mismong pintuan!
Noong Setyembre 11, 1982, nagpabautismo ako bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova. Nagkaroon na ng tunay na layunin ang aking buhay, at nasa harapan ko ang naiibang karera. Napasigla ako ng sigasig ni Isabel sa ministeryo. Naglilingkod siya bilang isang regular pioneer, na siyang tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, sumasama na ako sa kaniya sa idinaraos niyang mga pag-aaral sa Bibliya. Si Isabel ay naging matalik kong kaibigan.
Halos iniwan ko na ang aking pag-aartista, kaya kaming mag-ina ay dapat makontento sa mas mababang antas ng pamumuhay. Samantala, kumatha ako ng musika para sa aking ikaapat na record album, na naglalakip ng ilang awit hinggil sa aking bagong mga pamantayan at paniniwala. Sumulat ako ng isang awit hinggil sa aking matatag na pag-asa na makikita kong muli ang aking ama. Pinamagatan ko ang awit na “Nasusulat—Makikita Ko Siya.” Nang una ko itong awitin sa aking ina, talagang naantig siya. Nadama niya ang aking tunay na pananalig. Tuwang-tuwa ako nang sabihin niyang gusto na rin niyang mag-aral ng Bibliya. Pagkalipas ng dalawang taon, siya ay naging isang bautisadong lingkod ni Jehova. Hanggang ngayon ay aktibo pa rin siya sa ministeryo.
Habang lumilipas ang panahon, nagiging mas madali na para sa akin na tanggihan ang mga alok na trabaho. At kapag napapaharap sa pagsubok o tukso, ang pagguniguni sa kapana-panabik na tagpo na makapiling namin ang aking ama sa isang magandang paraiso ang nagpapatibay sa aking pagtitiwala at determinasyong magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova.
Isang araw, hinilingan akong gampanan ang isang papel sa Kastilang bersiyon ng Sesame Street, isang programa para sa mga bata. Inisip ko na hindi ko ito maaaring gawin at sinabi ko sa prodyuser na hindi ko maitataguyod ang mga bagay na gaya ng mga kapistahan at birthday dahil sa aking mga simulain sa Bibliya. Tumugon ang prodyuser na kung tatanggapin ko ang trabaho, igagalang niya ang aking mga paniniwala at maaari kaming pumirma ng kontratang nagsasaad ng aking paninindigan. Kaya tinanggap ko ito at gumawa ng 200 episode. Iyan ang huling trabaho na tinanggap ko bilang artista.
Isang kontrata na lamang ang hindi ko pa natatapos sa kompanyang nagrerekord ng musika; kaya nagrekord ako ng sampu sa mga kinatha kong awitin para rito, kasama na ang awit na kinatha ko hinggil sa aking ama at sa pagkabuhay-muli. Nagkaroon ako ng pagkakataong kantahin ang awit
na iyan sa telebisyon at sa madla, kung saan lagi kong binabanggit ang aking mga paniniwala. Gayunman, ginipit ako ng kompanya na magpakita ng mas sensuwal na hitsura. Nagbitiw ako.Mga Pagpapala sa Paglilingkuran sa Diyos
Noong Disyembre 1983, pinasyalan namin ni Isabel ang mga pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Doon ko nakilala ang lalaking naging asawa ko, si Russell Phillips. Nagsulatan kami sa loob ng halos dalawang taon. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw nang pasimulan ko ang aking paglilingkod bilang regular pioneer—nagpadala si Russell ng mga rosas mula pa sa New York!
Nagpayunir ako kasama ni Isabel sa loob ng isang taon. Pagkatapos ay inanyayahan siyang maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Ang mga pag-uusap namin hinggil sa kaniyang bagong atas ang pumukaw sa aking naisin na palawakin ang aking ministeryo at, kung loobin ni Jehova, makapaglingkod din sa Bethel.
Si Russell ay isa pang pagpapala sa aking buhay. Dahil sa pag-ibig niya kay Jehova at sa Kaniyang organisasyon, natutuhan kong pahalagahan ang buong-panahong paglilingkod. Mahal niya ang Bethel, palibhasa’y nakapaglingkod siya sa Brooklyn Bethel nang tatlong taon. Pagkatapos naming magpakasal, magkasama kaming naglingkod bilang mga regular pioneer sa Colorado, E.U.A. Nang maglaon, inanyayahan kaming maging mga internasyonal na manggagawa sa konstruksiyon ng bagong mga pasilidad ng sangay sa ibang mga lupain. Kaylaking gulat namin nang malaman naming inatasan kami sa Mexico! Noong Abril 1990, malugod naming tinanggap ang pinagpalang pribilehiyo na maging miyembro ng pamilyang Bethel sa Mexico. Lubha akong napasigla ng halimbawa ni Russell. Hinahangaan ko ang kaniyang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili na nagpakilos sa kaniya na iwan ang kaniyang katutubong bansa at pamilya upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian sa Mexico.
Tuwang-tuwa kami ni Russell sa aming pribilehiyo ng paglilingkod sa sangay sa Mexico. Subalit biglang-biglang nagbago ang mga bagay-bagay nang magdalantao ako. Nagulat kami sa balita. Gayunpaman, palagi naming hinahangaan ang mga magulang na pinalalaki ang kanilang mga anak sa daan ng katotohanan, at malugod naming tinanggap ito bilang bagong atas. Noong Oktubre 1993, isinilang si Evan, at pagkalipas ng dalawa at kalahating taon, ipinanganak naman si Gianna. Bagaman kailangan ang patuluyang pagsisikap sa pagpapalaki ng mga anak, nakadarama kami ng kasiyahan sa tuwing ipinahahayag ng aming 11-taóng-gulang at 8-taóng-gulang na mga anak ang kanilang pananampalataya habang nakikibahagi sila sa ministeryo.
Si Russell ay naglilingkod ngayon sa isang Kingdom Hall Regional Building Committee, at kamakailan ay bumalik ako sa buong-panahong ministeryo bilang payunir. Sa nakalipas na 20 taon, natulungan ko ang 12 miyembro ng aking pamilya, gayundin ang 8 iba pa, na malaman ang katotohanan sa Bibliya at maglingkod kay Jehova.
Kapag tinatanong ako ng aking mga anak, “Inay, nahirapan po ba kayong iwan ang pag-aartista?” Sinisipi ko ang mga salita ni apostol Pablo: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko . . . na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo.” (Filipos 3:8) Kaylaking pasasalamat ko na sinagip ako ni Jehova mula sa walang-saysay at walang-kabuluhang buhay at pinahintulutan niya akong maging bahagi ng kaniyang kahanga-hangang bayan! Hinding-hindi ako nagsasawang magpasalamat sa kaniya sa pagbibigay niya ng di-mabilang na mga pagpapala sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Madalas na inaawit ko nang may kagalakan ang kantang isinulat ko hinggil sa aking ama. Nagtitiwala akong makikita ko siyang muli.
[Mga talababa]
^ par. 21 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na iniimprenta.
^ par. 24 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na iniimprenta.
[Larawan sa pahina 10]
Kasama ang aking mga magulang at kuya noong ako’y isang taóng gulang
[Larawan sa pahina 12, 13]
Umaawit kasama ng grupong Arturo Castro and His Castros 76
[Credit Line]
Angel Otero
[Larawan sa pahina 14]
Kasama ang aking pamilya ngayon
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Activa, 1979