Obsesyon sa Kagandahan
Obsesyon sa Kagandahan
SI Maria * ay isang matagumpay na kabataang babae at kabilang sa isang mahusay na pamilya. Pero hindi pa rin siya maligaya. Bakit? Hindi siya kontento sa kaniyang hitsura. Bagaman sinisikap ng kaniyang pamilya na pasiglahin siya, iniisip pa rin ni Maria na hindi siya maganda, at dahil dito ay nanlulumo siya.
Si José naman ay galing sa isang iginagalang na pamilya at waring taglay niya ang lahat ng dahilan upang maging maligaya. Pero inaakala niyang hindi siya kailanman makakakita ng mapapangasawa. Bakit? Iniisip ni José na ordinaryo lamang ang hitsura niya, na pangit pa nga siya. Kumbinsido siya na walang mahusay na babaing magkakagusto sa kaniya.
Gustung-gusto naman ng walong-taóng-gulang na si Luis na pumasok sa paaralan at mahilig siyang makisalamuha sa mga tao. Natutuwa siyang makipaglaro sa kaniyang mga kamag-aral, pero madalas naman siyang mapaiyak dahil ginagawa nilang katatawanan ang kaniyang hitsura. Sinasabi nilang mataba siya.
Maraming ganitong kaso. Ang problema nina Maria, José, at Luis ay hindi lamang tungkol sa paggalang sa sarili. Ang totoo, walang sinuman ang gustong makadamang tinatanggihan siya dahil sa kaniyang hitsura.
Gayunman, labis-labis ang pagpapahalagang iniuukol ng lipunan sa hitsura. Sa katunayan, ang tagumpay ay waring madalas na nakasalalay sa pisikal na kaanyuan. Halimbawa, ang lubhang kaakit-akit na mga tao ang tila may mas maraming pagkakataon na makakita ng trabaho. Sinabi ni Pilar Muriedas, isa sa mga direktor ng Latin-American and Caribbean Women’s Health Network, na para sa mga babae, “ang magandang kaanyuan ay isa sa mga pangunahing kahilingan para magtagumpay.” At ayon kay Dr. Laura Martínez, alam na alam ng mga babae na sa kabila ng lahat, “importante ang hitsura sa paghahanap ng trabaho.”
Sabihin pa, nagiging obsesyon na ng maraming lalaki ang pagkakaroon ng “pinakamagandang” katawan. Sa katunayan, maraming lalaki at babae ang handang gumawa ng kahit ano para gumanda lamang, hanggang sa punto na hindi na sila kumakain o kaya’y sumasailalim sila sa masakit na pagpaparetoke makamit lamang ang posibleng pinakamagandang mukha o pigura. Sulit ba ang pagsusumakit na ito? Mayroon bang mga panganib dito?
[Talababa]
^ par. 2 Binago ang mga pangalan.
[Larawan sa pahina 3]
Maaaring nakasalalay sa hitsura ng isa ang mga pagkakataong mabubuksan sa kaniya