Pabrika ng Kamatayan
Pabrika ng Kamatayan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA
SINASABI ng ilan na sa buong daigdig, ang Mittelwerk ang pinakamalaking pabrika na nasa ilalim ng lupa. Ang pasilidad ng pabrika na 20 kilometro ang lawak at binubuo ng pagkalalaking lagusan na hinukay sa paanan ng isang burol ay matatagpuan sa Kabundukan ng Harz sa Alemanya, mga 260 kilometro sa timog-kanluran ng Berlin. Mula 1943 hanggang 1945, libu-libong bilanggo sa kampong piitan ang pinagtrabaho bilang mga alipin sa mga lagusang ito. Sa ilalim ng kahila-hilakbot na mga kalagayan, sapilitan silang pinagawa ng mga sandata para sa Estado ng Nazi.
Hindi pangkaraniwang mga sandata ang ipinagawa sa mga bilanggong trabahador. Binuo sa pabrikang ito ang mga rocket na tinatawag na V-1 at V-2. Iniluluwas ang mga ito mula sa Mittelwerk patungo sa mga lunsaran, pangunahin nang sa Pransiya at Netherlands. Matapos pakawalan, lumilipad ang mga ito nang walang piloto patungo sa mga target nito sa Belgium, Britanya, at Pransiya, at sumasabog sa oras na bumagsak ito sa lupa. Tinangka pa nga ng mga Nazi na bumuo ng isang napakalakas na rocket na makapaglulunsad ng isang bomba patawid sa Karagatang Atlantiko hanggang sa New York. Nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, daan-daang missile na V-1 at V-2 ang tumama sa mga lunsod ng Europa. Gayunman, maliit na bilang lamang ito kung ihahambing sa dami ng mga missile na ginawa at tinangkang gamitin ng mga Nazi laban sa kanilang mga kaaway. Walang isa man sa mga missile na ito ang tumama sa New York.
Nakalulungkot na Kaibahan
Pagkatapos ng digmaan, kara-karakang lumisan sa Alemanya ang napakaraming siyentipiko at teknisyang Aleman na nagdisenyo ng mga missile na V-1 at V-2. Taglay nila ang kanilang mga kasanayan sa paggawa ng rocket, na ginamit nila sa mga bansang naging bago nilang tirahan. Isa sa gayong mga siyentipiko na dalubhasa sa paggawa ng rocket ay si Wernher von Braun. Nandayuhan siya sa Estados Unidos, at tumulong siya roon sa pagbuo ng rocket na Saturn na naghatid sa tao patungo sa buwan.
Sa ngayon, may isang monumento sa tabi mismo ng pabrika sa Mittelwerk na itinayo bilang pag-alaala sa 60,000 katao na ibinilanggo roon. Hindi lamang nagtrabaho sa malamig at mamasa-masang lagusan ang marami sa mga bilanggo kundi dito na rin sila nanirahan. Hindi kataka-taka na ayon sa ilang pagtantiya, halos 20,000 bilanggo ang namatay rito. Ang mga dumadalaw sa alaalang museo na ito ay maaaring samahan ng isang giya sa pamamasyal sa mga lagusan na sa sahig nito ay may nagkalat pang mga piyesa ng rocket na iniwan doon mga 60 taon na ang nakararaan. Binanggit ng magasing After the Battle ang isang nakalulungkot na kaibahan ng mga missile ng Mittelwerk: “Ang V1 at V2 ang tanging mga sandata na mas maraming kinitil na buhay noong ito’y ginagawa kaysa nang ito’y aktuwal na gamitin.”
[Larawan sa pahina 21]
Kuha noong 1945 ng mga “rocket” na V-1 sakay ng mga troli
[Credit Line]
Quelle: Dokumentationsstelle Mittelbau-Dora
[Larawan sa pahina 21]
Naglilibot ang mga panauhin sa mga lagusan na sa sahig nito ay may nagkalat pang mga piyesa ng “rocket”