Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Gadyet na Pamproteksiyon Laban sa Pating
Maraming maliligo sana sa karagatan ang umaayaw dahil sa takot na salakayin sila ng pating. Gayunman, ang Natal Sharks Board ng Timog Aprika ay nakagawa ng isang gadyet na pamproteksiyon laban sa pating. “Natuklasan [ng lupon] na may epekto ang espesipikong daloy ng kuryente sa sensitibong mga pandama na nasa nguso ng mga pating,” ang ulat ng Weekend Witness ng KwaZulu-Natal. Dinisenyo ng lupon ang isang transmiter na tinatawag na Protective Oceanic Device, na nagiging sanhi ng tumitinding kirot na nararanasan ng pating habang papalapit ito sa gadyet. Kapag hindi na matiis ang kirot, “umaalis ang pating at iniiwan ang lugar na iyon.” Isang pabrika sa Australia ang gumagawa ng gayong transmiter para sa mga naliligo at nagse-surfing. Kapag ikinabit sa binti, lumilikha ito ng isang kapaligirang hindi malalapitan ng pating para sa may-suot nito. Gayunpaman, nagbababala ang pabrika: “Imposible talagang garantiyahan na lahat ng pating ay maitataboy sa lahat ng kalagayan.”
Mas Malamang na Malason ang mga Adulto
“Kapag iniisip ng mga tao na hadlangan ang pagkalason, karaniwang naiisip nila ang mga bata,” ang sabi ni Debra Kent ng British Columbia Drug and Poison Information Centre. Gayunman, sinabi pa ni Kent, “ang karamihan sa mga namamatay dahil sa pagkalason ay mga tin-edyer at adulto.” Ayon sa The Vancouver Sun, ang karamihan sa mga di-sinasadyang pagkalason ng mga adulto ay “bunga ng paglalagay ng isang tao ng nakalalasong substansiya sa isang di-minarkahang sisidlan—halimbawa, isang plastik na lalagyan ng tubig.” Maiiwasan sana ang ibang aksidente kung binuksan lamang ng mga tao ang ilaw at binasa ang etiketa bago ginamit ang isang produkto. Ayon sa Sun, “ang pagkalason ay ikaapat sa 10 pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga adulto dahil sa pagkapinsala.”
Nakasasamâ sa mga Musmos ang Telebisyon?
“Ang mga musmos na nanonood ng telebisyon ay mas nanganganib na magkaproblema sa pagtutuon ng pansin kapag nagsimula na silang pumasok sa paaralan,” ang ulat ng The Herald ng Mexico City. Binanggit ng ulat ang isang pag-aaral na inilathala sa medikal na babasahing Pediatrics na nagsasangkot sa dalawang grupo na may kabuuang bilang na 1,345 bata—isang taon ang edad ng bawat bata sa isang grupo at tatlong taon naman ang edad ng bawat bata sa isa pang grupo. Ayon sa pag-aaral, sa bawat isang oras na nanonood ng telebisyon ang mga bata araw-araw, tumataas nang 10 porsiyento ang panganib na makararanas sila ng mga problema sa pagtutuon ng pansin pagsapit nila sa edad na pito. Naniniwala ang mga mananaliksik na ang “di-makatotohanang mga larawang mabilis na ipinakikita sa karaniwang mga programa sa TV ay maaaring makaapekto sa normal na pagsulong ng utak” ng mga musmos. “Ang totoo, napakaraming dahilan kung bakit hindi dapat manood ng telebisyon ang mga bata,” ang sabi ni Dr. Dimitri Christakis, awtor ng pag-aaral. “Ipinakikita ng ibang mga pag-aaral na nauugnay ang sobrang katabaan at pagiging mapusok sa [panonood ng TV].”
Mabisang Gamot ang Pagtawa
“Natuklasan ng mga neurologo sa Stanford University ang isa pang dahilan kung bakit nakapagpapaganda ng pakiramdam ang pagtawa,” ang ulat ng UC Berkeley Wellness Letter. “Sinubaybayan nila ang reaksiyon ng utak ng mga taong nagbabasa ng nakatatawang mga cartoon at natuklasan nila na pinupukaw ng pagpapatawa at pagtawa ang mga ‘reward center’ ng utak,” ang mismong mga bahagi na naaapektuhan ng mga drogang pampasigla. “Binabawasan ng pagtawa ang kaigtingan, pinagiginhawa ang isip, at pinatitibay nito ang kalooban,” ang sabi ng Wellness Letter. Pinararami rin ng pagtawa ang produksiyon ng ating hormon at pinabibilis ang pintig ng ating puso, at nakatutulong ito sa mas magandang sirkulasyon ng dugo at kondisyon ng kalamnan. “Tunay nga, ang malakas na pagtawa ay isang uri ng ehersisyo,” ang sabi ng Wellness Letter. “Subalit hindi naman nito sinusunog ang maraming kalori—maaari kang humalakhak, ngunit hindi ka naman papayat.”
Halamang Nakadidiskubre ng Nakatanim na mga Bomba
“Isang kompanya hinggil sa biyoinhinyeriya sa Denmark ang nakapagpatubo ng halaman na ang mga dahon ay nagiging kulay pula kapag tumubo ito sa ibabaw ng nakatanim na mga bomba,” ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Ang halamang ito na nakadidiskubre ng bomba, ang Arabidopsis thaliana, ay nagbabago ng kulay kapag nahantad sa nitrogen dioxide, na sumisingaw mula sa nakatanim na mga bomba. “Kapag nasipsip ng mga ugat nito ang substansiyang ito,” ang paliwanag ng pahayagang iyon, “nagsisimula ang isang biyokemikal na reaksiyon na naghuhudyat sa paggawa ng isang likas na pangkulay—ang anthocyanin.” Sinabi ni Simon Oostergaard, presidente ng isang kompanya hinggil sa biyoteknolohiya, na planong “dalhin ang mga binhi sa apektadong mga lugar, ihasik ang mga ito sa mga parang, maghintay nang limang linggo, at pagkatapos ay tanggalan ng piyus ang mga bomba.” Ang malawakang pagtatanim ng halamang ito na nakadidiskubre ng bomba ay makapagliligtas ng libu-libong buhay bawat taon, ang sabi ni Oostergaard. Ang mga digmaang ipinaglaban noong ika-20 siglo ay nag-iwan ng 100 milyong bomba na nakabaon sa lupa sa 75 bansa.
Ang mga Kasanayan ng Sibad sa Paglalakbay
Ang mga sibad ay “nandarayuhan sa layong mahigit pa sa 6,000 kilometro mula Aprika hanggang Inglatera tuwing magtatapos ang Abril,” ang sabi ng The Sunday Telegraph ng London. Bagaman sila ay “walang global positioning satellite, walang giya sa trapiko sa himpapawid at walang piloto,” paulit-ulit silang nakalilipad sa taas na 3,000 metro sa gabi, anupat ginagamit ang mga kasanayan sa paglalakbay na mas makabago kaysa sa modernong sasakyang panghimpapawid. Binabago ng mga ibon ang kanilang paglipad upang hindi sila maligaw sa kanilang destinasyon, anupat tinitiyak ang kanilang posisyon batay sa hangin sa halip na sa mga palatandaan sa lupa, gaya ng dating akala. Si Dr. Johan Bäckman ng Lund University, sa Sweden, na gumamit ng radar upang subaybayan ang 225 ibon, ay nagsabing “maging ang pinakamakabagong mga eroplano, na may napakahusay na mga instrumento sa paglalakbay ay hindi marahil makatutulad sa kakayahan ng mga ibon na tiyakin ang direksiyon ng hangin.” Ang kahanga-hanga pa, ipinakikita ng ilang pag-aaral na kalahati lamang ng utak ng mga ibon ang gumagana kapag lumilipad sila sa gabi. Ngunit may mga tanong pa rin, ang sabi ni Graham Madge ng Royal Society for the Protection of Birds. Halimbawa, “Ano naman kaya ang kanilang kinakain habang nasa himpapawid?”
Di-kaayaayang mga Palikuran
Dahil sa “basang mga sahig, napakalamig na tubig sa gripo, walang sabon,” at pagiging di-pribado ng mga palikuran bunga ng “sirang mga trangka” at “maliliit na partisyon na dingding,” maraming mág-aarál na Pranses ang umiiwas sa paggamit ng mga palikuran sa paaralan, ang sabi ng lingguhang pahayagan na L’Express ng Pransiya. Isiniwalat ng isang pag-aaral na pinangasiwaan ng Fédération des conseils de parents d’élèves (Pederasyon ng mga Konseho ng mga Magulang ng mga Mág-aarál) na “mahigit na 48 porsiyento ng mga mág-aarál ang hindi regular na gumagamit ng mga palikuran sa kanilang paaralan.” May masasamang epekto ito sa kalusugan ng mga bata. Ayon sa pag-aaral, “sangkapat sa kanila ay may sakit sa bituka o sa daanan ng ihi.” Ang pedyatrisyan na espesyalista sa sistema ng pag-ihi na si Michel Avérous ay nagsabi: “Ang mga bata ay dapat gumamit ng palikuran nang lima o anim na beses sa isang araw. Ang pagpigil sa pag-ihi ay maaaring magkaroon ng nakapipinsalang mga impeksiyon sa pantog.”