Sumasayaw na mga Kabayo ng Karagatan
Sumasayaw na mga Kabayo ng Karagatan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
NAMULA ang magkapareha nang magkita sila. Tila nagmamalaki ang lalaki, habang nanonood naman nang may pagsang-ayon ang babae. Nagdampian sila at pagkatapos ay magiliw na nagyapusan. Nang masinagan na sila ng bukang-liwayway, marahan nilang inumpisahan ang isa sa pinakaeleganteng sayaw sa kalikasan—ang sayaw ng kabayong-dagat (sea horse).
“Talagang nakabibighani, kakaiba, at kaakit-akit ang mga kabayong-dagat,” ang sabi ng eksperto sa karagatan na si Dr. Keith Martin-Smith. Subalit noon, hindi matiyak ng mga tao kung ano talaga ang mga ito. Ginamit ng sinaunang mga naturalista ang pangalang Hippocampus, na ipinangalan rin sa mitolohikal na mga kabayong may buntot ng isda na humihila sa karo ni Poseidon, ang diyos ng dagat ng mga Griego.
Ipinapalagay na noong edad medya, maaaring ipinagbili ng mga tagapaglako ang mga kabayong-dagat, anupat inaangking ang mga ito raw ay maliliit na dragong bumubuga ng apoy. Ang totoo, ang mga kabayong-dagat ay matinik na isda lamang—bagaman hindi sila katulad ng karamihan sa mga isda o lumalangoy na gaya nila. Ang mga kabayong-dagat ay nagpapatangay sa agos o lumulutang-lutang lamang sa iisang dako sa ilalim ng tubig, at itinulad ang mga ito sa maririkit na kabayong kristal at buháy na mga piyesa ng chess.
Ang mga kabayong-dagat ay masusumpungan sa karamihan ng maiinit na katubigan sa mga baybayin ng daigdig. Lubhang iba-iba ang hugis at laki ng mga ito. Tinataya ng mga eksperto na maaaring may 33 hanggang mahigit na 70 iba’t ibang uri ng kabayong-dagat. Kabilang dito ang mga kabayong-dagat na pygmy, na kasinlaki ng iyong kuko, at ang kabayong-dagat na potbellied, na maaaring lumaki nang hanggang 30 sentimetro ang haba.
Walang Ngipin, Walang Sikmura, Walang Problema!
Dahil sa kakaibang hitsura ng kanilang ulo na mukhang kabayo, matinik na balat, at buntot na kagaya ng sa unggoy, mas angkop na manatili sa isang lugar ang mga kabayong-dagat kaysa sa lumanguy-langoy. Tila kontento na sila na ipulupot lamang ang kanilang buntot sa angkop na damong-dagat o korales at manginain nang halos buong maghapon. Kung kailangang gumalaw ang mga kabayong-dagat, isang maliit na palikpik sa likod ang nagpapausad sa kanila nang unti-unti, habang ang mga palikpik nila sa gilid ang nag-uugit ng direksiyon. Sa pagkontrol nila sa laman ng kanilang pantog-hangin, maaari silang umangat o lumubog kagaya ng isang submarino.
Malalakas kumain ang mga kabayong-dagat, at anumang maliliit na hipon o krustasyo na lumalangoy sa harap nila ay mabilis na nahihigop ng kanilang matinik na nguso. Yamang ang mga kabayong-dagat ay walang ngipin o sikmura na tumutulong sa pagtunaw ng pagkain, kailangan silang manghuli ng 50 hipon araw-araw para makuha nila ang kinakailangang sustansiya upang mabuhay. Hindi ito problema sa magagaling na maninilang ito, yamang matalas ang paningin ng mga kabayong-dagat. Ang isang mata ay maaaring
maghanap ng masisila sa harapan habang ang isa naman ay tumitingin-tingin sa likuran. Ang kanilang mata ay nakakakita rin ng mas maraming kulay kaysa sa mata ng tao at mas maraming detalye kaysa sa karamihan sa mga isda.Dapat din namang iwasan ng mga kabayong-dagat na maging pagkain sila ng ibang hayop. Upang matakasan ang gayong mga maninila kagaya ng mga alimango at pagong, maraming uri ng kabayong-dagat ang nakapagbabalatkayo anupat halos hindi sila makita dahil nakakatulad sila ng tinitirhan nilang damong-dagat, korales, o bakawan. Dahil sa kanilang batik-batik na balat, tulad-damong-dagat na mga usli sa katawan, at kakayahang baguhin kaagad ang kulay ng kanilang balat, nagagawa nilang tularan nang eksaktung-eksakto ang kanilang kapaligiran. “Napakahusay magbalatkayo ng kanilang katawan anupat kailangan mong talasan ang iyong mata upang makita sila,” ang sabi ng mananaliksik na si Rudie Kuiter.
Sayaw at Romansa
Di-tulad ng karamihan sa iba pang isda, habang-buhay na nagsasama ang magkaparehang kabayong-dagat at bibihira silang maghiwalay. Tuwing bukang-liwayway, pinatitibay nila ang kanilang buklod sa pamamagitan ng isang pambihirang sayaw. “Napakaganda at napakarikit ng pagsasayaw ng kabayong-dagat anupat nakatutuwang panoorin ito,” ang sabi ng isang nagpaparami ng kabayong-dagat na si Tracy Warland. Kapag natapos ang sayaw, bumabalik ang mga kabayong-dagat sa kani-kanilang kinakapitan na damong-dagat o korales upang manginain sa nalalabing bahagi ng araw. Mas masalimuot ang sayaw ng pagtatalik. Habang nilalapitan siya ng babae, pinalalaki ng lalaki ang kaniyang lukbutan (tulad-supot na bahagi ng kaniyang katawan), pinatitingkad ang kaniyang kulay, at nagpaparoo’t parito sa harapan ng babae. Marahan nilang iniikutan ang isa’t isa at pagkatapos ay pinagbubuhol ang kanilang mga buntot. Habang sabay na umiikot, ang magkapareha ay sumasayaw-sayaw at tumatalun-talon sa karagatan kagaya ng nagmamartsang mga kabayo. Samantalang umaangat at lumulubog, umiikot at nagbabagu-bago ng kulay, naglalaro sila nang hanggang kalahating oras.
Siyempre, ang sayaw ng pagtatalik ang unang hakbang sa kanilang pagiging magulang. “Habang papalapit ang panahon ng pagtatalik, humahaba at dumadalas ang sayaw ng mga kabayong-dagat at maaari itong maulit sa buong maghapon,” ang sabi ni Kuiter. “Habang patungo na ang sayaw sa kasukdulan nito, unti-unting lumulutang sa ibabaw ng tubig ang magkapareha habang magkabuhol ang kanilang buntot at magkalapit ang kanilang mga katawan. Sumunod ay dahan-dahang ililipat ng babae ang kaniyang mga itlog sa tulad-kanggarung lukbutan ng lalaki.” Pagkatapos, ang magiging ama ay maghahanap ng mapayapang lugar upang matiyak na nakapasok nang husto ang mga itlog sa kaniyang lukbutan. Pinupunlaan niya ito at pagkatapos ay pinasisimulan ang pinakakakaibang pagbubuntis sa kaharian ng mga hayop.
“Ang Pangarap ng Bawat Babae”
“Sa palagay ko, kapana-panabik na ang lalaking kabayong-dagat ang nabubuntis at nanganganak,” ang sabi ng isang babae. “Ito ang pangarap ng bawat babae,” ang susog pa ng isa. Nakayanan pa nga ng isang lalaking kabayong-dagat ang pitong magkakasunod na tig-21-araw na pagbubuntis sa iisang taon!
Habang ang mumunting kabayong-dagat ay nasa kailaliman ng lukbutan, isang sistema ng daluyan ng dugo ang nagtutustos sa mga ito ng oksiheno at sustansiya. Sa kalaunan, nadaragdagan ang alat sa loob ng lukbutan, anupat inihahanda ang mumunting kabayong-dagat sa kanilang paninirahan sa tubig-dagat. Kapag oras na ng pagsilang, ang pagdaramdam sa panganganak (labor) ng ama ay maaaring tumagal nang ilang oras hanggang sa dalawang araw. Sa wakas, bumubukas ang lukbutan, at unti-unting lumalabas ang mumunting kabayong-dagat sa daigdig. Iba-iba ang bilang ng isinisilang na mga kabayong-dagat, depende sa uri, pero maaari itong umabot nang hanggang 1,500.
Ginagawang Alagang-Hayop, Kakaibang Palamuti, at Gamot
Sa buong daigdig, lalong nanganganib ang populasyon ng mga kabayong-dagat sa kabila ng mataas na bilang ng mga isinisilang nito. Tinataya ng ilang awtoridad na taun-taon, 30 milyong kabayong-dagat ang hinuhuli at kinakalakal sa buong daigdig. Marami ang dinadala sa pamilihan ng tradisyonal na gamot sa Asia, kung saan ginagamit ang mga ito upang gamutin ang maraming sakit mula sa hika at nabaling mga buto hanggang sa pagkabaog.
Taun-taon, mga isang milyong kabayong-dagat ang ginagamit ng mga nagbebenta ng kakaibang mga palamuti upang gumawa ng mga key chain, paperweight, at alpiler. Dahil sa polusyon, pangingisda na ginagamitan ng baklad na lambat, at pagpapasabog ng dinamita sa mga bahura ng korales, nanganganib ang maseselan na lugar ng baybayin na pinaninirahan ng mga kabayong-dagat. Hinuhuli rin ang mga kabayong-dagat sa karagatan upang ipagbili sa mga nagnenegosyo ng akwaryum—bagaman iilan lamang ang nabubuhay kapag nahuli, yamang maselan sa pagkain at madaling magkasakit ang mga kabayong-dagat.
Upang mapigilan ito, ipinanukala ang legal na mga hakbang na humihiling sa maraming bansa na tiyaking hindi makaaapekto sa ekolohiya ang pagluluwas nila ng mga kabayong-dagat. Ang mas magagaling na pamamaraan at teknolohiya ay nakatutulong din upang masuplayan ng ilang negosyanteng nagpaparami ng kabayong-dagat ang negosyo ng akwaryum.
Ang pag-asa ng mga kabayong-dagat ay nauugnay sa kinabukasan ng karagatan. “Malinaw na nanganganib ang karagatan ng daigdig dahil sa kagagawan ng tao. Masyadong marami ang kinukuha natin sa mga ito,” ang hinagpis ni Kuiter. Tuluyan na kayang maglaho ang nakatutuwang mga mananayaw na ito ng dagat dahil sa sinasabing “pagsulong” ng tao? “Dapat tayong maging optimistiko,” ang sabi ni Martin-Smith. “Sa pangkalahatan ay handa namang makipagtulungan ang mga tao. Trabaho naming tulungan ang mga tao na maging mapagmalasakit sa buháy na mga nilalang sa lupa. Kapag nangyari iyan, magkakaroon ng pagbabago. Marahil, kung maililigtas natin ang mga kabayong-dagat, maililigtas din natin ang karagatan.” Marahil ay gayon nga. Gayunman, mabuti na lamang at may mas mapananaligang pinagmumulan ng pag-asa.—Apocalipsis 14:7.
[Larawan sa pahina 15]
Kabayong-dagat na “pygmy” (aktuwal na laki)
[Credit Line]
© Reinhard Dirscherl/Visuals Unlimited
[Larawan sa pahina 16]
May kakayahan ang mga kabayong-dagat na baguhin kaagad ang kulay ng kanilang balat upang tularan ang kanilang kapaligiran
Kabayong-dagat na “shorthead”
Kabayong-dagat na “potbellied”
“Lined sea horse”
[Larawan sa pahina 16]
Kabayong-dagat na “high-crown”
[Larawan sa pahina 17]
Mga kabayong-dagat na “shorthead”
[Larawan sa pahina 17]
Nanganganak na lalaking kabayong-dagat na “shorthead”
[Larawan sa pahina 17]
Mumunting kabayong-dagat na “shorthead”
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Lined seahorse: © Ken Lucas/Visuals Unlimited; lahat ng iba pang larawan: Rudie H Kuiter
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Lahat ng larawan: Rudie H Kuiter