Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Astrolohiya ba ang Susi sa Iyong Kinabukasan?

Astrolohiya ba ang Susi sa Iyong Kinabukasan?

PAANO mo mapauunlad ang iyong buhay at paano ka magtatagumpay sa paghahanap ng pag-ibig at salapi? Umaasa ang maraming tao sa astrolohiya para sa kasagutan. Araw-araw, milyun-milyon ang kumokonsulta sa mga horoscope sa pahayagan sa pag-asang magtatagumpay o yayaman sila sa hinaharap. Batid ng karamihan na maging ang mga lider sa daigdig ay umaasa sa mga bituin upang gumabay sa kanilang mga desisyon.

Mapananaligan kaya ang astrolohiya? Paano nanghuhula ang mga astrologo? Dapat bang hayaan ng mga Kristiyano na ang mga bagay sa kalangitan ang magtakda kung paano sila mamumuhay?

Ano ba ang Astrolohiya?

Ayon sa The World Book Encyclopedia, ang astrolohiya “ay nakasalig sa paniniwala na ang mga bagay sa kalangitan ay bumubuo ng mga parisan na makapagsisiwalat sa personalidad o sa kinabukasan ng isang tao.” Inaangkin ng mga astrologo na ang eksaktong mga posisyon ng mga planeta at ang mga tanda ng sodyako sa araw ng kapanganakan ng isang tao ay maaaring makaimpluwensiya sa landasin ng kaniyang buhay. * Ang posisyon ng mga bagay na ito sa kalangitan sa anumang espesipikong panahon ay tinatawag na horoscope.

Matagal na ang paniniwala sa astrolohiya. Mga apat na libong taon na ang nakalilipas nang magsimula ang mga Babilonyo na hulaan ang hinaharap batay sa mga posisyon ng araw, buwan, at ng limang pinakamalinaw na nakikitang mga planeta. Inaangkin nila na ang mga bagay na ito sa kalangitan ay may puwersa sa paanuman sa paggawi ng mga tao. Nang maglaon, inilakip nila ang mga tanda ng sodyako sa kanilang mga hula.

Mahabang Kasaysayan ng Pagkabigo

Itinatampok ng Bibliya ang kaugnayan ng Babilonya at ng astrolohiya, at maraming beses nitong binabanggit ang mga astrologong Babilonyo. (Daniel 4:7; 5:7, 11) Noong panahon ni propeta Daniel, napakalaganap ng astrolohiya sa Caldea (Babilonia) anupat ang paggamit ng terminong “mga Caldeo” ay halos tumutukoy na rin sa mga astrologo.

Hindi lamang nasaksihan ni Daniel ang impluwensiya ng astrolohiya sa Babilonya kundi ang kabiguan din ng mga astrologo nito na hulaan ang pagbagsak ng lunsod. (Daniel 2:27) Pansinin ang tumpak na inihula ni propeta Isaias dalawang siglo patiuna. “Bayaan mong lumantad ang iyong mga astrologo, ang mga tagasipat ng bituin na naglalahad ng mga hula bawat buwan; bayaang sila ang magligtas sa iyo mula sa mga bagay na darating,” may-panlilibak na isinulat ni Isaias. “Ni hindi nila maililigtas ang kanilang sarili.”​—Isaias 47:13, 14, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Lumilitaw na hindi nahulaan ng mga astrologong Babilonyo ang pagbagsak ng kanilang lunsod kahit ilang oras lamang bago ito nangyari. At nang lumitaw sa pader ng palasyo ni Haring Belsasar ang mismong masamang hatol ng Diyos, hindi mabigyang-kahulugan ng mga astrologo ang mahiwagang sulat.​—Daniel 5:7, 8.

Sa ngayon, wala ring kakayahan ang mga astrologo na hulaan ang mahahalagang pangyayari. Pagkatapos suriin ang mahigit sa 3,000 espesipikong astrolohikal na mga hula, nahinuha ng mga imbestigador sa siyensiya na sina R. Culver at Philip Ianna na 10 porsiyento lamang ang tumpak sa mga ito. Mas tumpak na mahuhulaan ng sinumang marunong na analista ang mga pangyayari.

Salungat sa mga Turo ng Bibliya

Gayunman, may iba pang dahilan kung bakit tinanggihan ng mga propetang Hebreo ang astrolohiya bukod sa hindi nito tumpak na mahulaan ang hinaharap. Ang Kautusan na ibinigay ng Diyos kay Moises ay espesipikong nagbabala sa mga Israelita laban sa paghanap ng mga tanda. “Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang sinumang nanghuhula, . . . o ang sinumang naghahanap ng mga tanda,” ang sabi sa Kautusan. “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.”​—Deuteronomio 18:10, 12.

Bagaman hindi naman espesipikong binanggit sa tekstong iyan ang astrolohiya, maliwanag na kasali sa pagbabawal ang gawaing iyon. Sinasabi sa Encyclopædia Britannica na ang astrolohiya ay isang “uri ng panghuhula na may kinalaman sa pagsasabi ng mga mangyayari sa lupa at mga tao sa pamamagitan ng pagmamasid at pagbibigay-kahulugan sa di-gumagalaw na mga bituin, Araw, Buwan, at mga planeta.” Ang lahat ng anyo ng panghuhula​—batay man sa mga bituin o iba pang mga bagay​—​ay labag sa mga panuntunan ng Diyos. Bakit? May mabuting dahilan.

Sa halip na ipagpalagay na ang mga bituin ang sanhi ng ating mga tagumpay at kabiguan, maliwanag na sinasabi sa Bibliya na “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Pananagutin ng Diyos ang bawat isa atin sa ating mga kilos, yamang may malaya tayong kalooban. (Deuteronomio 30:19, 20; Roma 14:12) Totoo, maaari tayong maaksidente o magkasakit dahil sa mga pangyayaring hindi natin kayang kontrolin. Subalit ipinaliliwanag ng Kasulatan na ang gayong mga kalamidad ay sanhi ng ‘panahon at di-inaasahang pangyayari,’ hindi ng ating horoscope.​—Eclesiastes 9:11.

Hinggil naman sa mga ugnayan ng tao, pinasisigla tayo ng Bibliya na magbihis ng mga katangiang gaya ng habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, mahabang pagtitiis, at pag-ibig. (Colosas 3:12-14) Ang mga katangiang ito ang susi sa pagbuo ng pangmatagalang pagkakaibigan at pagpapatibay sa pag-aasawa. Ang “pagiging magkabagay ayon sa astrolohiya” ay hindi isang mapananaligang patnubay sa paghahanap ng mapapangasawa. Sinuri ng sikologong si Bernard Silverman ang mga horoscope ng kapanganakan ng mga 3,500 mag-asawa, na 17 porsiyento sa mga ito ay nagdiborsiyo nang dakong huli. Hindi niya nasumpungang mas mababa ang bilang ng mga nagdiborsiyo niyaong mga nagpakasal sa isang kapareha na ‘kabagay nila ayon sa astrolohiya.’

Maliwanag, ang astrolohiya ay kapuwa di-mapananaligan at mapandaya. Uudyukan tayo nito na sisihin ang mga bituin sa halip na ang ating sarili sa tuwing nakagagawa tayo ng pagkakamali. Higit sa lahat, maliwanag na hinahatulan ito ng Salita ng Diyos.

[Talababa]

^ Ang mga tanda ng sodyako ay ang 12 konstelasyon sa kalangitan na ginagamit sa astrolohiya.