Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Anak Nabasa ko kamakailan ang seryeng “Mga Unang Taon ng Isang Bata​—Ano ang Dapat Gawin ng mga Magulang?” (Oktubre 22, 2004) Hangang-hanga ako sa mga artikulong ito kaya ipinasiya kong sumulat. May anak akong babae na malapit nang maglimang taóng gulang. Iniisip ko noon na kailangan kong iiskedyul ang lahat ng gagawin niya sa mga oras na gising siya. Gayunman, sinabi sa magasin na nadarama ng ilang edukador na talagang kailangan ang karaniwang paglalaro, sapagkat nagpapasigla ito sa pagkamalikhain at nagpapasulong sa sosyal, mental, at emosyonal na kakayahan ng isang bata. Maraming salamat! Patuloy sana kayong maglathala ng mga artikulo hinggil sa gayong mga paksa!

I. K., Russia

Nang basahin ko ang seryeng ito, hindi ko mapigilang lumuha. Nagbalik sa aking alaala ang nakalipas na 29 na taon nang isilang ko ang aking sanggol, bilang isang napakabatang ina na hindi naglilingkod kay Jehova. Marami akong nagawang pagkakamali. Subalit ang aking mga luha ng kalungkutan ay naging mga luha ng kagalakan. Isang linggo pa lamang ang nakalilipas nang isilang ng aking anak na babae ang kaniyang panganay na sanggol. Malaki ang pasasalamat ko kay Jehova na ang aking apo ay may mga magulang na umiibig kay Jehova at makikinabang sa gayong mga artikulo.

E. H., Estados Unidos

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?” (Oktubre 22, 2004) Kamakailan lamang, tinapos ng isang kabataang babae ang aming pagliligawan. Dahil mahal ko pa rin siya, umasa akong magbabago ang isip niya. Pero matapos kong mabasa ang artikulong ito, napag-isip-isip kong ilusyon lamang ito, at sa kauna-unahang pagkakataon, nadama kong kaya ko nang harapin ang katotohanan. Salamat sa pagtalakay sa gayong praktikal na paksa. Muli, nakita ko kung paano makatutulong sa atin ang mga simulain sa Bibliya.

Y. K., Hapon

Bagaman hindi pa naman ako naghahanap ng mapapangasawa, kapaki-pakinabang ang artikulong ito sapagkat tinutulungan ako nito na maging maingat. Totoong mas nanganganib kaming mga kabataan sa mga pagsalakay ni Satanas, subalit totoo rin na tinutulungan kami ni Jehova. Patuloy kayong maglathala ng gayong mga artikulo!

C. D., Romania

Tinulungan ako ng artikulong ito na maging makatotohanan sa aking pananaw sa mga bagay-bagay. Tinulungan ako nito na magpasiyang palipasin muna ang mas mahabang panahon bago ko ipahayag ang aking damdamin. Higit sa lahat, pinasigla ako nito na gumawa pa ng mas maraming bagay para sa kongregasyon upang magkaroon ng mas magandang reputasyon doon at mapasulong din ang aking kaugnayan kay Jehova. Tutulong ito upang maging mas kaakit-akit ako sa paningin ng lahat. Salamat sa gayong mapagmalasakit na atensiyon sa mga kabataan!

D. K., Holland

Isang araw, napag-usapan namin ng kaibigan ko ang tungkol sa taong napupusuan niya. Gusto niyang humingi sa akin ng payo kung ano ang gagawin niya. Sinikap naming pag-isipan ang mga simulain ng Bibliya. Kaya maguguniguni ninyo kung gaano na lamang ang aming pagkamangha nang matanggap namin ang magasing ito kinabukasan mismo! Maraming salamat sa paglilimbag ng gayong mga artikulo!

J. S., Ireland

Ako po ay edad 14. Sa aming klase sa paaralan, kadalasang laman ng usapan ang pag-ibig at relasyon. Dahil sa pagbabasa ng artikulong ito, marami akong natutuhan kung paano hahanap ng mapapangasawa sa hinaharap. Naunawaan ko rin kung paano talagang nagmamalasakit si Jehova at kung paano siya nagbibigay ng mabuting payo. Gusto kong kumilos nang may katalinuhan​—sa paraan na kaayaaya sa harap ng Diyos​—kapag nakikitungo sa mga di-kasekso. Patuloy sana kayong maglathala ng magagandang artikulo na gaya nito sa hinaharap.

K. I., Hapon