Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakaantig sa Puso ang Isang Mas Matagal Nang Artikulo

Nakaantig sa Puso ang Isang Mas Matagal Nang Artikulo

Nakaantig sa Puso ang Isang Mas Matagal Nang Artikulo

SA ISANG paaralan sa Suwałki, sa hilagang-silangang Poland, hiniling ng isang guro na maghanda ang mga estudyante para sa isang talakayan hinggil sa aborsiyon. Ang 16-na-taóng-gulang na si Justyna ay nagtipon ng ilang impormasyon mula sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa araw ng talakayan, binigyan ng guro ang mga estudyante ng pagkakataong ipahayag ang kanilang mga opinyon.

“Lumapit ako sa guro at ipinakita ko sa kaniya ang artikulong ‘Talaarawan ng Sanggol na Di Pa Isinisilang,’ na inilathala sa [Setyembre 22, 1980], na isyu ng Gumising!” ang sabi ni Justyna. Sinabi niya sa kaniyang guro: “Pansinin po ninyo na isinulat ito ayon sa pananaw ng isang bata, isang fetus, na ipalalaglag. Sa palagay ko po’y lubhang nakatatawag ng pansin ito.” Sinimulan ng guro na basahin nang malakas ang talaarawan. Tahimik ang mga estudyante, at matamang nakikinig ang lahat.

Bago pa man mabasa ng guro ang kalahati ng nilalaman nito, hindi na niya ito maituloy at ipinabasa na lamang ito sa isang estudyante. Umupo ang guro at nagsimulang umiyak. Pagkatapos mabasa ang talaarawan, isang kawili-wiling talakayan ang sumunod, at humiling ng kopya ng artikulo ang ilang estudyante. “Nagbago ang saloobin ng klase hinggil sa literaturang inilalathala ng mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Justyna. “Negatibo ang kanilang impresyon noon, subalit kaayaaya na ang kanilang impresyon ngayon. Naging regular na mambabasa pa nga ng Gumising! ang isang batang lalaki.”

Kung paanong matagumpay na nagamit ni Justyna ang isang artikulong nasumpungan niya sa isyu ng Gumising! na mahigit 20 taóng gulang na, makasusumpong ka rin ng “isang supot ng karunungan” sa mas matatagal nang isyu ng magasing ito. (Job 28:18) Kapag dumadalo ka sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, maaari mong suriin ang mga tomo ng Gumising! na nasa mga istante ng aklatan. Masisiyahan ka sa pagbabasa ng kapaki-pakinabang na mga artikulo na hindi nawawalan ng halaga sa paglipas ng panahon. Makakakuha ka rin ng kopya ng kasalukuyang isyu ng Gumising! mula sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.

[Larawan sa pahina 31]

Si Justyna noong nag-aaral siya