Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Namumuhay sa Takot

Namumuhay sa Takot

Namumuhay sa Takot

NATATAKOT si Roxana * na sabihin sa kaniyang asawa na gusto niyang magtrabaho nang part-time. Nang humingi siya rito ng pamasahe sa bus para dalawin ang kaniyang ina, sinuntok nito nang pagkalakas-lakas si Roxana anupat kinailangang magpagamot ni Roxana. Namumuhay siya sa takot.

Hinahayaan noon ni Rolando na umuwi nang gabi ang kaniyang asawa sakay ng pampublikong sasakyan, ngunit sinusundo na niya ngayon ito ng kanilang kotse. Napakaraming ulat ng karahasan kamakailan sa kanilang pamayanan anupat nangangamba siya sa kaligtasan ng kaniyang asawa.

Nagtatrabaho si Haidé sa sentro ng kabiserang lunsod. Nang minsang papauwi siya, napagitna siya sa isang grupong naglalakad, nagpoprotesta, at naging marahas. Ngayon, sa tuwing makaririnig siya ng dumaraang mga nagpoprotesta, kinakabahan siya. “Pakiramdam ko’y hindi ako ligtas,” ang sabi niya. “Ayoko nang magtrabaho rito. Pero wala akong magawa.”

Sina Roxana, Rolando, at Haidé ay naaapektuhan ng takot​—at hindi lamang kapag may bumabangong kagipitan. Isang bagay ito na laging nakaaapekto sa kanila. Kapag ang mga tao ay napipilitang mamuhay sa takot, maaaring manlulupaypay sila. Hindi sila nagiging maligaya sapagkat hindi nila magawa ang nais nila dahil sa takot. Maaaring pangibabawan ng takot ang isip ng mga tao anupat hindi sila makapagtuon ng pansin sa ibang bagay.

Lubhang maigting ang mamuhay sa takot. Madalas itong humahantong sa depresyon at nakapagpapahina ng kalusugan ng isang tao. “Sinusupil ng kaigtingan ang sistema ng imyunidad at isa itong sanhi ng karamihan ng pagkakasakit,” ang paliwanag ng isang magasing pangkalusugan. “Magkakaroon ng sintomas ng kapinsalaan ang katawan, lalo na sa apektadong mga sangkap. Maaaring magkaroon ng alta presyon, sakit sa puso, sa bato, sa tiyan at sa bituka, ulser, sakit ng ulo, insomniya, depresyon, at kabalisahan. Ang matagal na pagdanas nito ay nagbubunga ng pagkahapo.”

Sa daigdig ngayon, karaniwan nang namumuhay ang mga tao sa takot. Makikita pa kaya natin ang isang daigdig kung saan ang mga tao ay mamumuhay nang hindi na natatakot?

[Talababa]

^ Binago ang ilang pangalan.