Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Maaaring Magbago ang mga Batang “Matitigas ang Ulo”

“Maraming batang matitigas ang ulo na nasa edad para mag-aral sa paaralang primarya ang nagbabago ng ugali habang lumalaki,” ang sabi ng The Sydney Morning Herald. “Maaari silang maging may-gulang na mga tin-edyer.” Isang pananaliksik na isinagawa ng Australian Institute of Family Studies ang sumubaybay sa paglaki ng 178 bata na sa edad 11 o 12 ay kinakitaan ng tatlo o higit pang mga ugaling gaya ng “labis na pagkaagresibo, hindi pakikipagtulungan, kawalan ng pagpipigil sa sarili, mahinang kakayahan sa pagtututok ng pansin sa ginagawa, sobrang kalikutan at pagiging labis na magagalitin o sumpungin.” Makalipas ang anim na taon, 100 sa mga kabataang ito ang nagpamalas ng ugali na “halos katulad ng grupo na binubuo ng mas mababait na kabataan.” Ano ang nakatulong sa kanila na magbago? “Ang mga batang naging maliligayang tin-edyer ay mas malamang na hindi nakisama sa mga kababatang hindi marunong makipagkapuwa [at] malamang din na mas nasubaybayang mabuti ng mga magulang,” ang sabi ng report.

Mga Inang Osong Hindi Takót sa mga Turista

“Ang pamamasyal ng maiingay na ekoturista ay maaaring di-inaasahang pakinabangan ng kulay-kapeng mga oso [brown bear] sa gubat,” ang ulat ng magasing New Scientist sa Britanya. Ang mga taong namamasyal sa likas na mga dakong liblib ay kadalasan nang nakagagambala sa ugali ng mga hayop, na kung minsan ay kapaha-pahamak ang mga resulta. Gayunman, natuklasan ng mga mananaliksik sa Britanya at Amerika na nag-aaral hinggil sa kulay-kapeng mga oso sa isang liblib na pangitlugan ng mga salmon sa kanlurang Canada na “bagaman iniiwasan ng mga lalaking adulto[ng oso] ang mga turista, . . . hindi naman nababahala sa pamamasyal ng mga tao ang mga ina at bata[ng oso], na wari bang ginagamit ang ingay ng mga bus bilang palatandaan na umalis na sa batis ang mapanganib na mga lalaki[ng oso],” ang sabi ng ulat. “Kahit nakaalis na sa lugar ang lahat ng lalaki[ng oso], hindi nagpapakita ang mga babae hangga’t hindi nagpapakita ang mga turista.” Lumilitaw na sinasamantala ng mga inang oso ang pagkakataon para manginain sa pinakamaiinam na lugar sa batis nang hindi nanganganib na salakayin ng mga lalaking oso ang kanilang mga anak.

Pagtatrabaho Kahit Na May Sakit

Ang posibilidad na magkasakit sa puso ay malamang na dinodoble ng “mga taong pilit pang nagtatrabaho kahit masama na ang kanilang pakiramdam,” ang ulat ng pahayagan sa Internet na Telegraph sa Britanya. Sinuri ng mga siyentipiko sa University College sa London ang rekord ng kalusugan at pagpasok sa trabaho ng mahigit sa 10,000 empleado ng gobyerno sa London sa loob ng mahigit sampung taon. Ayon sa direktor ng pag-aaral na si Sir Michael Marmot, “sa sumunod na mga taon ay nadoble ang insidente ng sakit sa puso” ng 30 hanggang 40 porsiyento ng mga manggagawa na hindi nagpapahinga sa bahay kapag may sakit​—kahit na pangkaraniwang sipon lamang.

Ang Pinakamahirap Isaling Salita sa Buong Daigdig

“Ang napiling pinakamahirap isaling salita sa buong daigdig ay ang ‘ilunga’ mula sa wikang Tshiluba,” na ginagamit sa Democratic Republic of Congo, ang sabi ng BBC News. Ang salitang iyon ang nanguna sa surbey na isinagawa sa sanlibong lingguwista. Ang ilunga ay tumutukoy sa “isang taong handang magpatawad sa anumang kasalanan sa unang pagkakataon, magparaya sa ikalawang pagkakataon, subalit hindi kailanman sa ikatlong pagkakataon.” Ang isa pang salita na mahirap isalin ay ang naa, isang salita sa wikang Hapon na ginagamit lamang “sa lugar ng Kansai sa Hapon upang idiin ang mga pangungusap o sang-ayunan ang iba.” Ayon kay Jurga Zilinskiene, nangangasiwang direktor ng ahensiya sa pagsasaling-wika at pag-iinterprete na nagpagawa sa surbey, “nalilimutan kung minsan ng mga tao na ang isang interprete . . . ay kailangang magsalin hindi lamang mula sa isang wika tungo sa ibang wika kundi mula sa isang kultura tungo sa isa pang kultura, [at] kung minsan, ang isang katumbas na ideya ay sa isang kultura lamang umiiral.”

Nakapagpapataas ng Marka ang Pagbabasa Para Malibang

Ang pagbabasa para malibang ay higit na nakapagpapataas ng mga marka kaysa sa “dami ng mga oras na ginugugol sa pag-aaral, edukasyon ng mga magulang, paggamit ng mga nota sa klase, o paggamit ng computer,” ang ulat ng pahayagang Milenio sa Mexico City. Isang pagsusuri sa daan-daang libong pagsusulit upang makapasok sa haiskul ang nagpapakita na ang mga estudyanteng naglalaan ng panahon sa kanilang mga aralin sa paaralan at sa pagbabasa para malibang ay mas malamang na magtagumpay sa paaralan. Ang mga aklat na pinipili ng mga estudyante ay hindi naman kailangang tungkol sa mga asignatura lamang sa paaralan kundi maaaring kalakip din sa mga ito yaong mga binabasa para lamang malibang, gaya ng mga biyograpiya, aklat ng mga tula, at mga aklat hinggil sa mga paksa sa siyensiya. Sa kabilang panig, binabanggit ng ulat na ang mga estudyanteng nanonood ng TV nang maraming oras sa isang araw sa halip na magbasa ay karaniwan nang may mas mabababang marka.

Pandaraya sa Résumé

Bagaman karaniwan nang ninanais ng mga aplikante sa trabaho na gumanda ang impresyon sa kanila ng potensiyal na mga amo, bumabaling ang ilan sa tahasang pandaraya. Natuklasan sa isang pag-aaral ng Australian Background, isang kompanyang nagsisiyasat sa mga aplikante sa trabaho, na sa 1,000 naghahanap ng trabaho, 21 porsiyento ang nagsinungaling sa kanilang magiging amo hinggil sa kanilang mga kuwalipikasyon, ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Bukod diyan, “60 porsiyento ng mga nahatulang gumawa ng krimen ang hindi umamin hinggil dito, kahit pa nang tanungin sila,” ang sabi ng pahayagan. “Baka sinasabi ng [mga] aplikante na hari sila ng daigdig,” ang sabi ng ehekutibo ng kompanyang nagsisiyasat sa mga aplikante na si Gary Brack. “Pero kung higit ka pang mag-uusisa hinggil sa pinakahuli nilang trabaho, baka lumitaw na hari lamang sila ng maliit na sulok ng opisina.”

Mas Nakamamatay Kaysa sa Paninigarilyo ang Hindi Pagkilos

“Ang hindi pagkilos ay mas nakamamatay kaysa sa paninigarilyo,” ayon sa isinagawang pagsusuri hinggil sa kaugalian sa pag-eehersisyo ng 24,000 residente ng Hong Kong na namatay noong 1998. Isinisiwalat sa pag-aaral na dahil sa hindi pagkilos, ang panganib na mamatay nang wala sa panahon ay tumaas nang 59 na porsiyento sa mga kalalakihan at 33 porsiyento naman sa kababaihan, ang ulat ng South China Morning Post. “Mabuti naman kung hindi ka naninigarilyo. Pero kung hindi ka nag-eehersisyo, napapaharap ka [pa rin] sa malaking panganib,” ang sabi ni Lam Tai-hing, pinuno ng departamento ng pampamayanang medisina sa University of Hong Kong. Mas mabuti na ang kahit kaunting ehersisyo kaysa wala, ayon kay Propesor Lam. Inirerekomenda niya ang paglalakad o paglilinis ng bahay sa loob ng kalahating oras sa halip na maupo.

Dumarami ang May Sipilis

Sa Italya, ang naiulat na mga kaso ng sipilis na isang sakit na naililipat sa pagtatalik ay “dumami nang mahigit sa dalawang ulit sa nakalipas na dalawang taon,” ang sabi ng lingguhang babasahin na Panorama ng Italya. Ayon kay Giampiero Carosi, direktor ng mga pag-aaral hinggil sa nakahahawang mga sakit sa tropiko sa University of Brescia, ang karamihan sa mga kasong ito ay kinasasangkutan ng mga kabataang hindi pa kailanman nakadalo sa mga programa hinggil sa pag-iwas sa AIDS at nagtutungo sa ospital pagkatapos ng kanilang unang pakikipagtalik. Binanggit ng Panorama na sa 40 porsiyento ng mga nahawahan ng sipilis, lumalala ang sakit hanggang sa ikatlong yugto, kung saan “ang pinsala sa panloob na mga sangkap ay kumakalat sa utak, puso, buto, kasukasuan, mata, at atay.”