Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Papel ng Pagtutulungan sa Kalikasan

Ang Papel ng Pagtutulungan sa Kalikasan

Ang Papel ng Pagtutulungan sa Kalikasan

Sa kalikasan, “ang pananatiling buháy ay nakasalalay sa malapít na pakikipag-ugnayan sa iba kung paanong ito ay nakasalalay sa paglaki at pagpaparami.”​—“Liaisons of Life.”

PAYAPA at tahimik ang dagat. Ang tanging maririnig ay ang ingay ng dose-dosenang ibong-dagat. Ang kanilang kaguluhan ay nagpapahiwatig na may nangyayari sa ilalim ng tubig. Walang anu-ano, lumitaw ang mga bula, pagkarami-raming bula sa ibabaw ng tubig. Makalipas ang ilang sandali, lumitaw sa gitna ng mga bula sa malinaw na tubig ang dalawang dambuhala at maiitim na anyo. Balyenang humpback ang mga ito na umaahon mula sa kailaliman ng dagat, habang nakabuka ang kanilang mga bibig na may mga baleen. Sa ibabaw ng tubig, isinasara nila ang kanilang pagkalalaking panga, nagbubuga ng hangin, saka sumisisid para ulitin ang pagtatanghal.

Magkasama ang dalawang balyena habang nangongolekta at kumakain ng kulu-kulumpon ng malahipong mga krill. Ang 40-toneladang mga mamalya, na waring nagtatanghal ng baléy sa ilalim ng tubig, ay sumisid sa ilalim ng mga krustasyo at lumangoy nang paikot habang nagbubuga ng hangin. Ang mahusay na maniobrang ito ay bumuo ng “lambat” ng mga bula sa palibot ng mga krill. Saka umahon ang mga balyena sa gitna ng kanilang “lambat” at nagpiyesta sa kanilang nasila.

Sa kapatagan ng Aprika, madalas magtulungan ang mga baboon at mga impala. “Ang dalawang uring ito ay nagbibigay ng babala sa isa’t isa kapag may panganib,” ang sabi ng babasahing Scientific American. Tugmang-tugma ang malakas na pang-amoy ng mga impala sa matalas na paningin ng mga baboon, anupat mahirap para sa mga maninila na lumapit nang hindi napapansin. Nagtutulungan din ang mga avestruz, na may matalas na paningin, at mga sebra, na may matalas na pandinig.

Ilan lamang ang mga ito sa di-mabilang na mga halimbawa ng pagtutulungan sa buháy na daigdig na nakapalibot sa atin. Oo, makikita ang pagsuporta sa isa’t isa sa lahat ng antas ng buhay, mula sa mga mikroorganismo hanggang sa tao at sa pagitan ng magkakatulad at magkakaibang uri. Libu-libong taon na ang nakalilipas, pinagmasdan ni Haring Solomon, isang estudyante ng kalikasan, ang hamak na langgam. Isinulat niya: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka. Bagaman wala itong kumandante, opisyal o tagapamahala, naghahanda ito ng kaniyang pagkain sa tag-araw; nagtitipon ito ng kaniyang laang pagkain sa pag-aani.”​—Kawikaan 6:6-8.

Ang mga langgam ay huwaran sa pagtutulungan, sipag, at kaayusan, at madalas na sama-samang nagtatrabaho upang makapag-uwi ng mga bagay na ilang ulit na mas malaki kaysa sa kanila. Tinutulungan pa nga ng ilang langgam ang mga nasugatan o nahapong mga miyembro ng kolonya pabalik sa kanilang bahay. Dahil sa mga katangiang ito, hindi nakapagtataka na mga langgam ang pinili ni Solomon na huwaran para tularan natin.

Sa sumusunod na mga artikulo, makikita natin kung paanong ang pagtutulungan ay pangunahing tema sa ‘aklat ng kalikasan,’ anupat tumutulong sa patuloy na pag-iral ng buhay, lakip na ang buhay ng tao. Sa kabilang panig naman, malalaman din natin ang ginagawang pananamantala ng mga tao sa likas na daigdig, pagpaparumi nito, at pagsasapanganib na malipol ang mga nilalang dito. Pahihintulutan kaya ng Maylalang na magpatuloy magpakailanman ang ganitong kalakaran?

[Larawan sa pahina 3]

Itaas: Ang mga “baboon” at mga “impala” ay nagbibigay ng babala sa isa’t isa kapag may panganib

[Larawan sa pahina 4]

Ang mga langgam ay huwaran sa pagtutulungan

[Larawan sa pahina 4]

Nagtutulungan ang mga avestruz, na may matalas na paningin, at mga sebra, na may matalas na pandinig