Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kahanga-hangang Tagalinis ng Dagat

Kahanga-hangang Tagalinis ng Dagat

Kahanga-hangang Tagalinis ng Dagat

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Fiji

Sila ay “umuusad sa sahig ng dagat na kasimbagal ng kamay ng orasan, o humihigop sa dinaraanan nitong putik na sagana sa organikong mga bagay. Nasa lahat ng dako sila mula sa tabing-dagat hanggang sa kaila-ilaliman ng karagatan. Tulad ng kawan ng pinaliit na mga ‘wildebeest’ na mabagal na nagpapagala-gala sa kailaliman ng karagatan, nanginginain sila ng organikong mga butil na bumabagsak na gaya ng niyebe mula sa itaas.”​—Philip Lambert, tagapangasiwa ng Royal British Columbia Museum.

BAKA magulat ka na may makatang maglalarawan nang ganito hinggil sa hamak na tripang (sea cucumber), na kilala rin bilang holothurian. Aba, inilalarawan ang nilalang na ito na “parang walang-ulo at makunat na longganisa.” Mas masalimuot kaya ang tripang kaysa sa nakikita lamang ng ating mga mata?

Maraming Nagagawa

Ang mga tripang ay sinasabing kamag-anak ng bituing-dagat (starfish) at salungo (sea urchin). Bagaman mukha itong lintang-kati (slug), ibang-iba ito sa tunay na mga sea slug, mga susong-dagat na walang balat. Sa kasalukuyan, mahigit sa 1,100 uri ng holothurian ang natuklasan. Sa mga ito, marami​—kasali na ang mga uring nakakain​—ang mukhang pangkaraniwan lamang. Ang iba naman ay nagagayakan ng napakaeksotikong dekorasyon. Maraming uri ang nagmumukhang pipino na may mga bukol dahil sa mga umbok nito sa balat.

Ang ilang tripang ay napakaliliit, samantalang ang iba naman ay humahaba nang hanggang limang metro. Gayunman, ang karamihan ay may sukat na 10 hanggang 30 sentimetro. Tinataya na ang mga tripang ang bumubuo sa mahigit 90 porsiyento ng dami ng lahat ng nilalang na nabubuhay sa lalim na 8,000 metro, anupat ang mga ito ang naging dominanteng organismo sa ilang malalalim na hukay sa karagatan. Bagaman ang karamihan sa mga ito ay nabubuhay sa pinakasahig ng dagat, ang ilang uri na nasa malalalim na bahagi ay nakalalangoy.

Masusumpungan ang mga tripang sa lahat ng karagatan sa daigdig na walang-lubay na nanginginain sa organikong banlik. Gaya ng isang grupo ng mga tagalinis, nililinis ng mga ito ang putik at burak sa sahig ng dagat sa pamamagitan ng paglulon sa maraming latak at pagsala sa organikong mga bagay, anupat naiiwang malinis ang buhanging nadaraanan nila. Hanggang 5,000 tripang ang maaaring mabuhay sa isang ektarya ng bahura ng korales.

Kabilang sa kinakain ng tripang ang pagkaliliit na organismo at organikong dumi na nasa pinakasahig ng karagatan o yaong tinatangay ng agos. Hanggang 30 tulad-balahibong galamay na may pantanging mga nerbiyo sa dulo ang ginagamit upang salatin at tipunin ang maliliit na piraso ng pagkain. Ang bawat galamay naman na ito ay paisa-isang “hinihimod ” ng tripang bago magpatuloy sa paghahanap ng pagkain.

Ang ilang uri ng tripang ay nagsisilbing “punong-abala” na nagpapatulóy ng mga “panauhin.” Ang mga “panauhin” ay mga isda at iba pang nilalang na tumitira sa daanan ng dumi ng punong-abala at lumalabas sa gabi upang manginain. Kabilang dito ang 27 uri ng pearlfish, o cucumber fish, ng pamilyang Carapidae. Kapag nabulabog, maaaring makita itong nagpupulasan pabalik sa kanilang taguan. Paminsan-minsan, ang mga ito ay kilalang nanginginain sa mga sangkap sa pagpaparami at mga sangkap sa paghinga ng kanilang punong-abala. Gayunman, hindi ito nakapipinsala sa punong-abala yamang tumutubong muli ang nawalang mga himaymay ng mga tripang.

Mapamaraan Kapag Nanganganib

Tiyak na aagaw ng iyong pansin ang mga tripang kapag nakakita ka nito sa susunod na pamamasyal mo sa karagatan. Subalit mag-ingat ka! Kapag nanganganib ang mga tagalinis ng dagat, marami silang malikhaing pamamaraan upang labanan ang mga maninila. Halimbawa, ang ilan ay nagpupulandit ng mahahaba at malalagkit na hibla na sumasalabid o lumilito sa mga maninila. Mabilis tumigas ang malagkit na materyal, kaya walang magagawa ang kaawa-awang mga taong nabiktima kundi ahitin ang anumang buhok na nadikitan ng malagkit na hibla.

Ang iba namang tripang ay lumilikha ng lason na tinatawag na holothurin. Nakamamatay sa maraming uri ng isda ang substansiyang ito. Bagaman mapanganib ito sa mga mata at maaaring maging sanhi ng singaw sa balat, waring wala na itong idinudulot na iba pang pinsala sa tao. Sa maraming henerasyon, ginagamit ng mga tagaisla ang substansiyang ito upang lasunin, patayin, o hiluhin ang mga isdang hinuhuli bilang pagkain, at mabisa itong pantaboy sa pating. Ipinakikita ng pananaliksik na ang lason na nililikha ng mga tripang ay posibleng gawing gamot sa kanser at mga impeksiyon. Ang mga praktisyoner ng alternatibong medisina ay gumagamit ng iba’t ibang substansiya na nagmula sa tripang upang gamutin ang artritis, paghilumin ang mga butong mura, at pababain ang presyon ng dugo. Pinoproseso rin ang mga hayop na ito upang makagawa ng mga suplementong bitamina at mineral.

Subalit may isa pang sorpresa ang tripang na ginagamit lamang nito sa napakapanganib na mga situwasyon, isang reaksiyon na kakaibang anyo ng pandepensa sa sarili. Kung susubukin mong baguhin ang posisyon nito, kusa nitong bibiyakin ang magkabilang gilid ng kaniyang katawan at ilalabas ang kaniyang mga laman-loob. Palibhasa’y nabigla ka sa nakagugulat at labis-labis na reaksiyong ito, mag-iisip ka kung ano ang nagawa mo na humantong sa kahila-hilakbot na kamatayan ng kaawa-awang nilalang na ito! Pero relaks ka lang. Malamang, hindi mo naman ito napatay. Sa halip, nasaksihan mo lamang ang isang kakaibang pamamaraan nito ng pagtakas. Matibay ang hayop na ito anupat sa loob lamang ng ilang linggo, tutubuan ito ng bagong set ng mga laman-loob!

Mabili Pa Rin

Hanggang ngayon, may nanghuhuli pa rin ng tripang sa mga katubigan sa mga lugar na katamtaman ang klima at sa tropiko. Sa katunayan, handang isapanganib ng mga maninisid ang kanilang buhay at kaligtasan maparami lamang ang kanilang huli. Ang karamihan sa mga ito ay dinadala sa Tsina at sa iba pang bahagi ng Silangan​—gaya ng ginagawa na sa loob ng maraming siglo. Upang makagawa ng dinaing na tripang, pinakukuluan muna ito sa tubig na maalat at pagkatapos ay inaalisan ng laman-loob, pinauusukan, at ibinibilad sa araw bago ipagbili. Sa ngayon, may mabibili na ring iladong tripang.

Makatitikim ka kaya ng tripang? Marahil. Kapag luto na, ang tripang ay parang gulaman at halos aninag na aninag ang loob nito. Ginagamit itong pampalapot at pampalasa sa sopas. Sa Fiji, ang ilang uri ng tripang doon ay ginagataan sa tradisyonal na istilo ng mga tagaisla, at ang resulta ay lasang isda, malinamnam, at makunat.

Gayunman, ang nilalang na ito, na di-napapansin at tahimik ngunit marami namang nagagawa, ay hindi lamang basta malinamnam na pagkain. Talagang may utang na loob tayo sa mga tripang dahil sa kanilang walang-tigil na paglilinis upang mapanatiling maganda ang kalagayan ng ating karagatan. Anuman ang itawag mo rito​—mga holothurian o tripang​—ang kahanga-hangang mga tagalinis na ito ng dagat ay nagbibigay ng tahimik na papuri sa Isa na lumalang sa mga ito!​—Awit 104:24, 25.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]

Kakaibang mga Katangian ng Tripang

◼ Malaki ang kaibahan ng sistema ng palahingahan ng tripang kaysa sa itinuturing natin na karaniwan. Sa bituka pumapasok ang tubig, at ang oksiheno ay pumapasok sa pinakasapin ng dalawang magkasangang tubo sa palahingahan. Ginagamit naman ng ilang uri na nakatira sa kailaliman ng dagat ang buong katawan nila sa pagsipsip ng oksiheno. Ang ilan pa nga ay humihinga sa balat ng kanilang mga paa.

◼ Maraming uri ng tripang ang may natatanging hitsurang pipino dahil wala itong mga tinik kundi maliliit na buto (ossicle). Kapag sinilip sa electron microscope, ang maliliit na butong ito ay napakagagandang disenyo na kahugis ng gulong, angkla, at matutulis na pangawit na nakabaon sa kanilang balat, kaya naman magaspang at makunat ito. Ang masalimuot at pagkaliliit na kristal na ito na calcium carbonate ay may mga katangian na nagkakaiba-iba sa bawat uri at sa gayon ay nagiging pagkakakilanlan ng mga tripang.

◼ Nakakakilos ang mga tripang sa pamamagitan ng hydraulic power. Ang daan-daang hungkag na tube foot, na kinokontrol ng isang sistema ng de-balbulang mga ugat na puno ng tubig, ay gumagalaw nang sabay-sabay at magkakatugma. Kapag lumalaki at umuurong ang mga ugat na ito, nabobomba ang tubig patungo sa mga paa at humahaba ito sa wastong pagkakasunud-sunod upang makagalaw ayon sa gusto nito.

◼ Kapag nagpaparami, karaniwan nang ginagawa ang pertilisasyon sa labas ng katawan, at pagkatapos ay pipirme sa pinakasahig ng karagatan ang lumalangoy na mga embrayo. Gayunman, ang ilang uri ay gumagamit ng mas matinding pamamaraan. Aktuwal na binibiyak nila ang kanilang katawan, anupat hinahati ito nang pahalang sa dalawang seksiyon. Kamangha-mangha, napatutubo nilang muli ang nawawalang mga bahagi ng kanilang katawan. Malaki ang trabahong kailangan upang muling mabuo ang mga himaymay sa bawat nahating piraso sa ganitong uri ng pagpaparami.

[Credit Lines]

From top to bottom: Courtesy Bruce Carlson, Georgia Aquarium; courtesy of UC Museum of Paleontology, www.ucmp.berkeley.edu; © Houseman/BIODIDAC; Ocean Sky Diving, Hong Kong

[Larawan sa pahina 23]

Tripang na nagpupulandit ng malalagkit na hiblang pandepensa

[Larawan sa pahina 23]

Bukul-bukol na tripang

[Larawan sa pahina 23]

Tripang na may iisang galamay sa bibig na ginagamit sa pagkain

[Mga larawan sa pahina 25]

Ginataang tripang sa tradisyonal na istilo ng mga tagaisla

[Picture Credit Line sa pahina 22]

http://www.JohnHarveyPhoto.com

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Top inset: © David Wrobel/Visuals Unlimited; background: © Phillip Colla/SeaPics.com; bottom left: © Doug Perrine/SeaPics.com