Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Tumutulong sa Atin ang Pagtulog sa Paglutas ng mga Problema

“Nasusumpungan ng maraming tao na ang isang problemang hindi nila malutas bago matulog ay tila mas simple na lamang sa umaga, na para bang tahimik itong nilulutas ng utak sa buong magdamag,” ang sabi ng The Times ng London. Sinasabi ng mga siyentipiko sa Alemanya na natuklasan na nila ang katibayan na totoo ito, anupat inilathala ang kanilang tuklas sa babasahing Nature. Tinuruan nila ng dalawang tuntunin ang 66 na boluntaryo upang lutasin ang isang matematikal na problema subalit hindi nila sinabi ang ikatlong tuntunin na mas tuwirang paraan upang makuha ang tamang sagot. Pagkatapos, ang ilan sa mga boluntaryo ay hinayaang matulog, samantalang ang iba pa ay pinanatiling gising nang magdamag o maghapon. “Kamangha-mangha ang nagawa ng pagtulog,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng London, na nagkomento sa pag-aaral ding iyon. “Ang ikatlong tuntunin ay dalawang beses na mas malamang na matuklasan [ng mga natulog] kaysa niyaong mga nanatiling gising.” Upang tiyakin na ang mga resulta ay hindi dahil sa nakapagpahinga at narepreskuhan ang grupong hinayaang matulog, nagsagawa pa ng ikalawang eksperimento ang mga siyentipiko. Iniharap sa dalawang grupo ang isa pang problema sa umaga pagkagising nila o sa gabi pagkatapos ng buong maghapon na gising sila. Sa pagkakataong ito, walang pagkakaiba sa nagawa ng mga grupo, na nagpapakitang ang “epekto ay hindi dahil sa nakapagpahinga ang utak kundi dahil muling naorganisa ng utak ang sarili nito sa panahon ng pagtulog,” ang sabi ng The Times. “Kaya,” sa palagay ng mananaliksik na si Dr. Ullrich Wagner, “ang pagtulog ay isang proseso upang matutong maging malikhain.”

Hilig na Mamilí at ang mga Bata

Ang mga bata at kabataang Amerikano “ang pinakamahilig sa mga produktong may pangalan, pinakanahuhumaling sa pamimilí at ang pinakamateryalistikong henerasyon sa kasaysayan,” ang sabi ni Juliet Schor, sosyologo sa Boston College na nagsuri sa epekto sa mga bata ng hilig na mamilí. Kasali sa mga sintomas ng hilig sa pamimilí ang “labis na pag-aalala sa hitsura at pananamit, obsesyon sa tanyag na mga tao at kayamanan, mas matagal na panonood ng TV at paggugol ng mas maraming panahon sa Internet at sa paglalaro ng mga video game,” ang sabi ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Natuklasan ni Propesora Schor na ang mga batang nahuhumaling sa mga bagay na gusto nilang bilhin ay mas madalas na nangangarap yumaman. “Mas nagiging mapamintas din sila sa kanilang sarili at hindi maligaya sa kanilang buhay kapag inihahambing ito sa mga nakikita nila sa TV at mga anunsiyo.” Sa kabilang panig, ang mga batang hindi materyalistiko ay natuklasang hindi gaanong dumaranas ng depresyon, pagkabalisa, at mga karamdamang sanhi ng labis na pag-aalala, may mas mataas na paggalang sa sarili, at may mas mabuting kaugnayan sa kanilang mga magulang, ang ulat ng Globe.

Pagbabawal sa Sarili na Magsugal

“Ang bilang ng mga sugarol sa Pransiya ay tinatayang nasa pagitan ng 300,000 at 500,000,” ang isiniwalat ng pang-araw-araw na pahayagang Le Figaro sa Pransiya. Gayunman, nababatid ng parami nang paraming sugarol na kailangan nilang ihinto ang kanilang bisyo. Sinasabi sa pahayagan na 28,000 katao sa Pransiya ang boluntaryong nagbawal sa kanilang sarili na magsugal sa pamamagitan ng paghiling sa pulisya na ipagbawal ang pagpunta nila sa mga establisimyento sa pagsusugal sa loob ng di-kukulangin sa limang taon. Iniuulat ng pulisya sa Pransiya na taun-taon, 2,000 hanggang 3,000 ang humihiling ng ganito at na tumaas ang bilang nang anim na ulit sa loob ng sampung taon. Nais ng maraming pusakal na sugarol na ituring ang kanilang pagkasugapa na “malubhang problema sa kalusugan ng publiko na gaya ng tabako, alkohol, at pag-abuso sa droga,” ang sabi ng Le Figaro.

Naiibsan ng Luya ang Pagsusuka sa Umaga

“Naiibsan ng luya ang pagsusuka sa umaga sa unang mga buwan ng pagdadalang-tao,” ang sabi ng pahayagang Australian. Natuklasan sa pananaliksik na isinagawa ng University of South Australia na ang pagkain ng isang gramo ng luya araw-araw ay nakababawas sa pagsusuka sa umaga ng mga babaing bago pa lamang nagdadalang-tao. Sa maraming dako, ang luya ay tradisyonal na panlunas para sa pagsusuka sa umaga. Gayunman, hindi pa napagtitibay ng siyensiya ang pagiging mabisa nito. Natuklasan sa pag-aaral na ang luya ay kasimbisa ng araw-araw na dosis ng bitamina B6, isa pang karaniwang panlunas na inirereseta.

Dumarami ang Namamatay Dahil sa Pagsasalin ng Dugo

Natuklasan sa pag-aaral na inilathala sa JAMA (Journal of the American Medical Association) na ang mga pasyenteng may acute coronary syndrome na palagiang sinasalinan ng dugo ay mas nanganganib mamatay kaysa sa mga hindi sinasalinan. Ayon sa ulat, “kahit isinaalang-alang na ang pisikal na mga katangian ng pasyente at ang mga pangyayari sa ospital gaya ng pagdurugo at ang mga pamamaraan na gaya ng paghiwa at pagpapasok ng instrumento sa loob ng katawan, malaki pa rin ang panganib na mamatay dahil sa pagsasalin.” Ibinuod ng mga doktor na nagsagawa ng pag-aaral ang kanilang tuklas sa pagsasabing: “Nagbababala kami laban sa pagsasalin ng dugo bilang rutin mapanatili lamang ang inaakalang tamang antas ng pulang selula ng dugo ng malalakas na pasyenteng may ischemic heart disease.”

Pagkakabaha-bahagi ng mga Anglikano

Binatikos kamakailan ni Philip Jensen, dekanong Anglikano sa Sydney at isa sa pinakaprominenteng prelado sa Australia, ang Arsobispo ng Canterbury bilang isang “teolohikal na patutot na hindi karapat-dapat sumuweldo,” ang ulat ng pahayagang The Age ng Australia. Tinuligsa ni Jensen ang lider ng kanilang simbahan dahil sa panghahawakan sa liberal na mga pananaw hinggil sa isyu ng homoseksuwalidad. Ganito ang sabi ng The Age: “Lubhang nababahagi ang Simbahang Anglikano hinggil sa [isyu ng] homoseksuwalidad, anupat pinutol ng maraming sangay sa Aprika at Asia ang kanilang kaugnayan sa simbahan sa Canada dahil sa pagbasbas nito sa mga ugnayang homoseksuwal at sa simbahan sa [Estados Unidos] dahil sa paghirang ng isang kilalang baklang obispo.”

Isang Bilyong Bata ang Nagdurusa

Ayon sa United Nations Children’s Fund, mahigit sa kalahati ng mga bata sa daigdig​—mahigit isang bilyon​—ang lubhang napagkakaitan ng kanilang mga pangangailangan, ang ulat ng The New York Times. Ang karamihan sa pagsulong na nagawa sa nakalipas na 15 taon ay nawalan ng saysay dahil sa mga digmaan, AIDS, at karukhaan. Mula noong 1990, ang mga digmaan​—55 sa mga ito ay digmaang sibil​—ay kumitil ng tinatayang 3.6 milyong buhay, halos kalahati sa mga ito ay mga bata. Sa marami sa mga labanang ito, ang mga bata ay dinudukot ng mga rebelde, hinahalay, o isinasabak sa labanan. Laganap ang malnutrisyon; kadalasan ay walang pangangalagang pangkalusugan. Ang bilang ng mga batang naulila dahil sa AIDS ay umabot na ng 15 milyon noong 2003. Mahigit sa dalawang milyong bata ang ipinapasok sa industriya ng sekso. At, ayon sa ulat, samantalang umabot na sa $956 na bilyon ang ginagastos sa militar taun-taon, $40 hanggang $70 bilyon lamang ang halagang kailangan sa paglaban sa karukhaan.