Ang Hamon ng Pagpapakain sa mga Lunsod
Ang Hamon ng Pagpapakain sa mga Lunsod
“Ang atas na paglaanan ng sapat na pagkain ang mga lunsod sa daigdig ay lalong nagiging hamon at apurahan, anupat humihiling ng pagtutulungan ng mga gumagawa ng pagkain, ng mga tagapaghatid nito, ng mga nagpapatakbo ng pamilihan at ng napakaraming nagtitinda.”—JACQUES DIOUF, DIRECTOR GENERAL NG FOOD AND AGRICULTURE ORGANIZATION NG UNITED NATIONS (FAO).
SINASABI ng mga eksperto hinggil sa pamamahagi ng pagkain na ang kasiguruhan sa pagkain ng lunsod ay maaaring maging “ang pinakamalaking problema ng tao” sa ika-21 siglo.
Ang kasiguruhan sa pagkain ay binigyang-katuturan bilang “ang pagkakaroon ng sapat na pagkain para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon upang matamo ang masigla at malusog na buhay.” Sa kasalukuyan, kayang sapatan ng pagkaing makukuha sa buong daigdig ang pangangailangan ng populasyon ng lupa—kung naipamamahagi ito alinsunod sa pangangailangan. Subalit ang totoo, mga 840 milyon katao ang natutulog gabi-gabi nang hindi nakakakain nang sapat. Marami sa kanila ang naninirahan sa mga lunsod. Isaalang-alang ang ilang aspekto ng problema.
Napakalaking mga Lunsod na Malalakas Kumain
Habang lumalaki ang mga lunsod, ang nakapalibot na mga lupa na dating pinagtatamnan ay unti-unting pinagtatayuan ng mga bahay, ginagamit sa industriya, at ginagawang mga daan. Bunga nito, lalong napapalayo mula sa mga lunsod ang mga bukiring nagsusuplay ng pagkain sa mga lunsod. Kadalasan, kakaunti o walang pagkaing tumutubo sa loob ng mga lunsod, at nanggagaling ang karne mula sa malalayong lalawigan. Sa maraming papaunlad na bansa, kulang ang mga kalsadang dinaraanan ng mga naghahatid ng pagkain
mula sa bukid tungo sa mga lunsod. Dahil dito, nagiging mas matagal ang biyahe, mas maraming nasisirang pagkain, at nagiging mas mataas ang presyo ng pagkain para sa mga mamimili, na karamihan sa mga ito ay lubhang naghihirap.Malalaki na ang ilang lunsod sa papaunlad na mga bansa at tiyak na lalo pang lalaki ang mga ito. Pagsapit ng 2015, inaasahan na ang Mumbai (dating tinatawag na Bombay) ay magkakaroon ng 22.6 milyong mamamayan, 20.9 milyon sa Delhi, 20.6 milyon sa Mexico City, at 20 milyon sa São Paulo. Tinataya na ang isang lunsod na may sampung milyon katao—gaya ng Maynila o Rio De Janeiro—ay kailangang umangkat ng 6,000 tonelada ng pagkain araw-araw.
Mahirap itong gawin, at lalo itong humihirap, lalo na sa mga lugar kung saan mabilis na dumarami ang populasyon. Halimbawa, hindi lamang mataas ang antas ng pagsilang (2.8 porsiyento) sa Lahore, Pakistan, kundi mayroon din itong “nakababahalang” mataas na antas ng pandarayuhan ng mga tao mula sa mga lalawigan. Sa maraming papaunlad na bansa, milyun-milyon katao ang lumilipat sa nagsisiksikan nang mga lunsod upang maghanap ng mas maalwang buhay, mas magandang trabaho, paninda, at serbisyo. Dahil sa gayong pandarayuhan, inaasahan na ang lunsod ng Dhaka, Bangladesh, ay tiyak na madaragdagan ng isang milyon o higit pa taun-taon sa hinaharap. Ayon sa mga pagtaya, pagsapit ng 2025, ang populasyon ng Tsina, kung saan sa kasalukuyan ay dalawang-katlo ang nakatira sa lalawigan, ay pangunahin nang maninirahan sa lunsod. Pagsapit ng panahon ding iyon, 600 milyon katao ang inaasahang maninirahan sa mga lunsod ng India.
Dahil sa pandarayuhan ng mga tao sa mga lunsod, nagbabago ang kayarian ng maraming bahagi ng daigdig. Halimbawa, sa Kanlurang Aprika,
14 na porsiyento lamang ng populasyon ang nakatira sa mga lunsod noong 1960. Noong 1997, 40 porsiyento na ng populasyon ang nakatira sa lunsod, at pinaniniwalaan na pagsapit ng 2020, ito ay tataas sa 63 porsiyento. Sa Horn of Africa, inaasahang dodoble ang populasyon ng lunsod sa loob ng isang dekada. At tinataya na 90 porsiyento ng kabuuang paglaki ng populasyon sa papaunlad na mga bansa sa malapit na hinaharap ay magaganap sa mga bayan at mga lunsod.Ang pagdagdag ng pagkaing iniluluwas sa mga lunsod upang pakainin ang mga tao ay isang napakalaking trabaho. Kailangan dito ang pagtutulungan ng libu-libong magsasaka, tagabalot ng pagkain, tagapaghatid ng pagkain, mangangalakal, at tagapaghanda at tagasuri ng pagkain, gayundin ang paggamit ng libu-libong sasakyan. Subalit sa ilang lugar, hindi na kayang sapatan ng nakapalibot na mga lugar na naglalaan ng pagkain ang lumalaking pangangailangan ng mga lunsod. Karagdagan pa, kulang na kulang ang mga serbisyong gaya ng transportasyon at mga gusaling gaya ng mga bodega, pamilihan, at mga katayan sa karamihan sa mga lunsod sa papaunlad na mga bansa.
Laganap na Kahirapan
Lalong nagiging masalimuot ang hamon ng pagpapakain sa lumalaking mga populasyon kapag laganap ang kahirapan. Limampung porsiyento o higit pa ng populasyon ng maraming malalaking lunsod sa papaunlad na mga bansa, tulad ng Dhaka, Freetown, Guatemala City, Lagos, at La Paz, ang dumaranas ng karalitaan.
Kapag pinag-uusapan ang suplay ng pagkain para sa gayong mga populasyon, sinasabi ng mga analista na may pagkakaiba ang pagkakaroon ng pagkain at ang makukuhang pagkain. Maaaring may pagkaing ipinagbibili sa mga pamilihan sa lunsod—iyon ay pagkakaroon ng pagkain—pero hindi rin ito makatutulong sa mga maralitang tagalunsod kung hindi abot-kaya ang presyo nito. Napapansin na habang tumataas ang kita ng ilang tagalunsod, humihiling sila at kumokonsumo ng mas maraming uri ng pagkain. Sa kabilang panig naman, ang maralitang tagalunsod ay nahihirapang bumili ng sapat na pagkain upang matugunan ang kanilang pangangailangan at naisin. Baka kailangang ilaan ng gayong mahihirap na pamilya ang mga 60 hanggang 80 porsiyento ng kanilang kabuuang kita para lamang sa pagkain.
Marahil, magiging mas mababa ang presyo ng pagkain kung bibilhin ito nang bultu-bulto; subalit, imposible iyan kung wala talagang pera ang mga tao. Hindi man lamang masapatan ng maraming sambahayan ang sustansiyang kailangan nila sa buong maghapon, at dahil dito, dumaranas sila ng malnutrisyon. Bilang halimbawa, sa mga lunsod ng Aprika sa timog ng Disyerto ng Sahara, sinasabing ang malnutrisyon ay “isang mabigat at laganap na problema.”
Ang lalo nang nanganganib na hindi makakuha ng sapat na pagkain ay ang mga bagong dating mula sa probinsiya na nahihirapang makibagay sa kapaligiran ng lunsod—iyon ay, mga nagsosolong ina, mga baguhang nagtatrabaho sa gobyerno na hindi agad nasusuwelduhan dahil sa problema sa pera ng pamahalaan, mga may-kapansanan, mga may-edad na, at mga maysakit. Ang gayong mga grupo ay madalas na naninirahan sa malalayong pamayanan na walang pangunahing mga serbisyo—kuryente, sistema ng tubig, imburnal, kalsada, at tapunan ng basura—kung saan napakaraming tao ang naninirahan sa pansamantala o di-ligtas na mga tirahan. Ang milyun-milyong nagpupunyagi upang makaraos sa ilalim ng ganitong mga kalagayan ay madaling naaapektuhan ng mga problema sa sistema ng pagsusuplay ng pagkain. Ang gayong mga tao ay madalas na naninirahan sa mga lugar na malayo sa mga pamilihan at wala silang magagawa kundi bumili ng mamahaling mga
pagkain na walang sustansiya. Napakalungkot nga ng kanilang kalagayan.Mga Kalagayang Walang Katiyakan at Masama sa Kalusugan
Sa maraming lugar, pangkaraniwan ang mabilis na paglaki ng lunsod nang walang pagpaplano at sa ilegal na paraan. Ang resulta ay isang kapaligirang masama sa kalusugan at may mataas na antas ng krimen. “Kadalasan,” ang sabi ng Feeding the Cities, isang publikasyon ng FAO, “ang mga administrador ng lunsod sa papaunlad na mga bansa ay nagpupunyagi upang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking populasyon sa isang kapaligiran na para lamang sa mas kaunting populasyon.”
Sa kalakhang bahagi ng Aprika, ang mga pamilihan ay kadalasang lumilitaw na lamang sa kung saan-saan at hindi nakaplano. Nagsisimulang magbenta ang mga mangangalakal ng kanilang paninda saanman may pangangailangan. Bunga nito, ang mga pamilihan na lumilitaw ay wala man lamang pangunahing mga serbisyo.
Sa Colombo, Sri Lanka, hindi maganda ang lokasyon at napakasikip ng kasalukuyang mga pamilihan. Nagrereklamo ang mga drayber ng trak dahil gumugugol sila nang maraming oras para lamang makarating at makaalis sa sentro ng pamilihan. Hindi sapat ang mga paradahan at lugar ng kargahan at babaan.
Sa ibang dako, hindi maayos ang pagmamantini at hindi maganda ang pangangasiwa sa mga pamilihan. Ang maruruming kalagayan dahil sa dumaraming basura ay nagsasapanganib sa kalusugan. “Ang mga problemang ito,” ang sabi ng alkalde ng
isang lunsod sa Timog Asia, “ay nagpapalala sa masama nang kalidad ng buhay.”Ang kalubhaan ng mga problemang ito na may kaugnayan sa mga isyu hinggil sa kalinisan at kapaligiran ay makikita sa mga natuklasan sa isang surbey hinggil sa mga produktong galing sa hayop na ipinagbibili sa isang lunsod sa Timog-Silangang Asia. Ang ipinagbibiling karne roon ay karaniwan nang “nakalapag lamang sa lupa kung saan may alikabok at maruming tubig.” Nasumpungan ang salmonella sa 40 porsiyento ng sampol ng baboy at 60 porsiyento ng sampol ng karne ng baka, samantalang 100 porsiyento ng sampol ng karne ng baka ang may E. coli. Nasumpungan din sa mga karneng ito ang mga heavy metal, gaya ng tingga at asoge.
Bilang tugon sa di-sapat, di-maaasahan, o di-regular na makukuhang suplay ng pagkain, sinusubukan ng mga tagalunsod, kagaya ng marami sa Kano, Nigeria, na magtanim sa mga bakanteng lote. Gayunman, karamihan sa mga taong ito ay walang legal na karapatan sa loteng iyon. Dahil dito, posibleng mapaalis sila at sa gayon ay masira ang pinaghirapan nilang itanim.
Inilarawan ni Olivio Argenti, isang kinatawan ng FAO at espesyalista hinggil sa kasiguruhan sa pagkain sa lunsod, ang nakita niya nang dumalaw siya sa taniman sa isang lunsod sa Mexico, katabi ng isang ilog na ginagawang imburnal ng isang kalapit na nayon. Ginagamit ng mga nagtatanim doon ang tubig sa ilog upang diligan ang kanilang gulay at ang putik nito upang ihanda ang mga punlaan ng halaman. “Tinanong ko ang mga awtoridad doon kung batid nila ang panganib nito,” ang sulat ni Argenti, “at sinabi nila na wala silang magagawa hinggil dito dahil wala silang sapat na salapi o gamit.” Gayundin ang mga problema sa maraming lugar sa papaunlad na mga bansa.
Mga Lunsod na Nagpupunyaging Lutasin ang Problema
Tila walang katapusan ang mga problemang napapaharap sa mabilis lumaking mga lunsod. Ginagawa ng internasyonal na mga organisasyon, tagapagplano, at mga administrador ang lahat ng magagawa nila upang lutasin ang mga ito. Kasama sa kanilang estratehiya ang pagtataguyod ng produksiyon ng pagkain sa lalawigan at paglalaan ng sapat na makukuhang pagkain, gayundin ang paggawa ng bagong mga kalsada, pamilihan, at katayan. Nakikita nila ang pangangailangan na pasiglahin
ang pribadong sektor na maglaan ng pera para sa pagtatayo ng mga bodega, padaliin ang pagpapahiram ng salapi sa mga magsasaka, mangangalakal, at tagapaghatid ng pagkain, at ipatupad ang angkop na mga regulasyon sa pagbebenta at kalinisan. Subalit napansin ng mga analista na sa kabila ng lahat ng pagsisikap, hindi batid at hindi wastong natutugunan ng maraming lokal na awtoridad ang nasasangkot na mga usapin. Kahit na nagagawa nila ito, hindi sapat ang kanilang kakayahan o pananalapi upang lutasin ang mga problema.Dahil sa laki ng hamong kinakaharap ng mga lunsod, partikular na sa papaunlad na mga bansa, mahigpit na nagbabala ang mga eksperto. Ayon sa International Food Policy Research Institute, Washington, D.C., “patuloy na lalaki ang populasyon ng lunsod, at ang mga problemang ito [gutom, malnutrisyon, at karalitaan] ay darami kasabay ng paglaki ng populasyon—malibang kumilos tayo kaagad.” Hinggil sa kinabukasan ng mga lunsod sa mas mahihirap na bansa, si Janice Perlman, presidente ng Mega-Cities Project, isang internasyonal na kalipunan ng mga organisasyon na nakatalaga sa paghahanap ng mga solusyon sa mga problema sa lunsod ang nagsabi: “Hindi pa kailanman napaglaanan ng pagkain, pabahay, trabaho, o transportasyon ang napakaraming tao sa isang lubhang nagsisiksikang lugar at sa harap ng matitinding problema sa pananalapi at kapaligiran. Hindi na kaya ng mga lunsod na tustusan ang pangangailangan ng mga tao.”
Subalit may mabubuting dahilan upang maniwala na ang mga problema sa suplay at pamamahagi ng pagkain ay malapit nang malutas.
[Kahon sa pahina 5]
LUMALAKING MGA LUNSOD
◼ Inaasahan na sa susunod na 30 taon, ang paglaki ng populasyon sa buong daigdig ay halos puro sa mga lunsod magaganap.
◼ Inaasahan na pagsapit ng 2007, mahigit sa kalahati ng populasyon ng daigdig ang titira sa mga lunsod.
◼ Ang bilang ng mga taong naninirahan sa mga lunsod sa buong daigdig ay tinatayang tataas sa katamtamang antas na 1.8 porsiyento taun-taon; sa antas na ito, dodoble ang populasyon ng mga lunsod sa loob ng 38 taon.
◼ Ang bilang ng mga lunsod na may limang milyon o higit pang naninirahan ay inaasahang tataas mula 46 sa 2003 hanggang 61 sa 2015.
[Credit Line]
Pinagmulan: World Urbanization Prospects—The 2003 Revision, United Nations Department of Economic and Social Affairs, Population Division
[Kahon sa pahina 6]
ILANG SANHI AT EPEKTO NG DI-MAAASAHANG SUPLAY NG PAGKAIN
◼ “Alam na alam at napatunayan na sa buong daigdig na kapag bigla at lubhang tumaas ang mga presyo ng pagkain, nagkakaroon ng kaguluhan sa pulitika at lipunan sa lunsod.”—Jacques Diouf, director general ng UN Food and Agriculture Organization.
◼ Noong 1999, sinalanta ng bagyong Georges at Mitch ang lugar ng Caribbean at ang Sentral Amerika, anupat nagdulot ito ng laganap na pagkawasak, pagkagambala sa normal na mga gawain, at kakapusan sa pagkain.
◼ Ang mga protesta laban sa mataas na presyo ng gasolina sa Ecuador noong 1999 at sa Britanya noong 2000 ay nagdulot ng malubhang problema sa suplay ng pagkain.
◼ Kabilang sa kahapisang dulot ng digmaan ang kakapusan sa pagkain.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
ISA SA MILYUN-MILYON
SI Consuelo at ang kaniyang 13 anak ay nakatira sa isang lugar ng mga iskuwater (ipinakita sa itaas) sa labas ng Lima, Peru. Tatlo sa kaniyang mga anak ang may tuberkulosis. “Dati kaming nakatira sa kabundukan,” ang sabi niya, “pero isang gabi, daan-daang tao mula sa aming nayon ang lumipat sa lunsod. Inisip namin na ‘sa Lima, makapag-aaral ang aming mga anak at makapagsusuot sila ng sapatos. Gaganda ang buhay nila.’ ” Kaya gumawa ng mga banig ang mga taganayon, at isang gabi, lumipat silang lahat sa lunsod upang magtayo ng mga bahay na gawa sa mga ito. Kinaumagahan, napakaraming iskuwater sa lugar na iyon anupat hindi na sila mapaalis ng mga awtoridad.
May malaking butas ang bubong ng bahay ni Consuelo at hindi sementado ang sahig nito. “Inaalagaan ko ang mga manok na ito upang ibenta sa mayayaman,” ang sabi niya, habang itinuturo ang mga hayop na patakbu-takbo sa palibot ng kaniyang bahay. “Gusto kong magkapera para sa sapatos ng aking anak na babae. Pero dapat ko na itong ipambayad ngayon sa ospital at gamot.”
Ilang sibuyas lamang ang pagkain ni Consuelo. Mahirap maghanap ng trabaho, at wala siyang sapat na pera upang regular na makabili man lamang ng tubig. Wala ring gripo sa kaniyang barung-barong at wala itong palikuran. “Ginagamit namin ang baldeng ito. Sa gabi, inuutusan ko ang mga bata na itapon ang laman nito sa kung saan,” ang paliwanag niya. “Wala na kaming iba pang magagawa.”
Walang sustentong ibinibigay kay Consuelo ang kaniyang asawa, na bihira lamang niyang makita. Mahigit 30 anyos pa lamang siya pero mukha siyang mas matanda. “Medyo namamanas ang kaniyang mukha, at ang kaniyang maliliit at maiitim na mata ay nakatingin sa malayo,” ang sabi ng manunulat na nakipag-usap sa kaniya. “Makikita sa kaniyang mga mata ang kawalan ng pag-asa.”
[Credit Lines]
Pinagmulan: In Context
AP Photo/Silvia Izquierdo
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
“DAPAT BA AKONG LUMIPAT SA LUNSOD?”
DAPAT isaalang-alang ng sinumang nag-iisip na lumipat sa lunsod ang ilang salik bago niya gawin ito. “Ang isa sa pangunahing pang-akit ay ang pag-asa na magkaroon ng mas magandang buhay kung ihahambing sa mga oportunidad na iniaalok sa probinsiya,” ang sabi ng Feeding the Cities, isang publikasyon ng UN Food and Agriculture Organization. Gayunman, “maaaring hindi kaagad makamit ang pag-asenso, marahil ay sa susunod na salinlahi o mas matagal pa nga.”
Ang totoo, marami sa mga lumipat mula sa probinsiya tungo sa lunsod ang napaharap sa kawalan ng tirahan, kawalan ng trabaho, at mas matindi pang paghihirap kaysa sa dati, sa isang di-pamilyar na kapaligiran. Kaya kung iniisip mong lumipat sa lunsod, makatitiyak ka bang masusuportahan mo ang iyong pamilya? Ang trabaho sa mga lunsod, kung may masumpungan ka man, ay kadalasan nang mababa ang suweldo. Hindi kaya mapabayaan mo o ng iyong pamilya ang mga gawaing itinuturing ninyong mahalaga dahil sa panggigipit na magtrabaho nang mahahabang oras para lamang makaraos?—Mateo 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25.
Ipinasiya ng ilang magulang na lumipat sa lunsod samantalang ang kanilang pamilya ay nasa lalawigan. Katalinuhan kaya ito? May obligasyon ang Kristiyanong mga magulang na maglaan ng materyal na mga bagay sa kanilang pamilya, pero paano naman ang espirituwal at emosyonal na pangangailangan ng pamilya kung mapapahiwalay ang mga magulang? (1 Timoteo 5:8) Mabisa kayang mapalalaki ng mga ama ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova”? (Efeso 6:4) Hindi kaya mahantad sa imoral na mga tukso ang mag-asawa kung magkakalayo sila?—1 Corinto 7:5.
Sabihin pa, personal na desisyon ang paglipat ng isa. Bago gumawa ng gayong desisyon, dapat isaalang-alang ng mga Kristiyano ang lahat ng salik na nasasangkot at manalangin kay Jehova ukol sa kaniyang patnubay.—Lucas 14:28.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Nagpupunyagi ang mga lunsod sa maruruming kalagayan at malubhang trapik
India
Niger
Mexico
Bangladesh
[Larawan sa pahina 8]
Sa maraming mahihirap na pamilya sa lunsod, kailangang magtrabaho maging ang mga bata
[Picture Credit Lines sa pahina 8]
India: © Mark Henley/Panos Pictures; Niger: © Olivio Argenti; Mexico: © Aubrey Wade/Panos Pictures; Bangladesh: © Heldur Netocny/ Panos Pictures; larawan sa ibaba: © Jean-Leo Dugast/Panos Pictures