Ang Pasimula ng Makabagong Industriya ng Diamante
Ang Pasimula ng Makabagong Industriya ng Diamante
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
ANG petsa ay Enero 1871. Si Adrian van Wyk, isang magsasakang mahilig magbasa ng Bibliya, ay naninirahang kasama ng kaniyang pamilya sa halos disyertong rehiyon ng Timog Aprika na kilala bilang Griqualand West. Subalit nagwakas ang kaniyang mapayapang paninirahan dito nang dumagsa ang mga estranghero sa kaniyang bukid at magkampo rito. Habang nakaupong nagmamasid sa kaniyang beranda, hindi makapaniwala si Van Wyk sa nangyayari!
Sa loob lamang ng ilang araw, dinagsa ng libu-libong tao ang kaniyang lupain—hanggang sa abot ng kaniyang tanaw! Aba, ang ilan pa nga ay nasa harap ng kaniyang hardin anupat naglalagay ng muhon nang hindi man lamang humihingi ng permiso at nambabati! Ano ba ang nangyari? Bakit gayon na lamang kasabik ang mga tao? Nagsimula ang pagkukumahog ng mga tao nang kumalat ang balitang napakaraming diamante raw sa bukid ni Van Wyk.
Ano ang Naging Dahilan ng Pagkukumahog sa Diamante?
Mga 12 taon bago nito, may nasumpungang limang-karat na diamante malapit sa Ilog Vaal, mga 70 kilometro sa hilaga ng bukid ni Van Wyk. Ipinagbili ito ng lalaking nakasumpong ng diamante sa paring nangangasiwa sa Berlin Mission Society sa halagang limang pound. Wala nang iba pang karagdagang rekord ang nasumpungan hinggil sa kauna-unahang diamanteng iyon na natuklasan. Subalit kumalat ang balita hinggil dito, kaya nagsimulang magsiyasat ang mga tao.
Nagpapatuloy ang kuwento makalipas ang siyam na taon sa bukid ni Schalk van Niekerk na nasa tabi ng Ilog Orange, ilang kilometro ang layo sa gawing timog kung saan sinasalubong nito ang Ilog Vaal. Ang pamilyang Jacobs ay may bahay sa bukid ni Van Niekerk. Ang mga anak ng mag-asawang
Jacobs ay nagkakatuwaan habang naglalaro ng tinatawag nilang limang bato. Kasali sa koleksiyon nila ang makintab na batong nasumpungan ng kanilang kuya na si Erasmus.Isang araw noong mga unang buwan ng 1867, dinalaw ni Van Niekerk ang pamilyang Jacobs. Alam ni Mrs. Jacobs na mahilig ito sa mahahalagang bato, kaya binanggit niya rito ang tungkol sa makinang na batong pinaglalaruan ng kaniyang mga anak. “Napakaganda ng ningning nito sa gabi kapag nasisinagan ng liwanag ng kandila,” ang sabi niya. Matapos suriin ito, may kapana-panabik na ideyang naisip si Van Niekerk. “May kutob akong diamante ito!” ang bulalas niya. Naalaala niya na may nabasa siyang isang paraan upang matiyak kung diamante ang isang bato. Gamit ang bato, ginuhitan niya ang salamin ng bintana sa likuran ng simpleng bahay na iyon. Nagulat siya nang makita niya ang malalim na markang naiwan sa salamin at humingi siya ng paumanhin dahil nasira ito. * Malugod na ibinigay ni Mrs. Jacobs ang bato kay Van Niekerk at hindi ito pinabayaran.
Sa sumunod niyang paglalakbay malapit sa Hopetown, ipinakita ni Van Niekerk sa kaniyang mga kaibigan ang bato, subalit walang isa man sa kanila ang nakatitiyak kung diamante ito. Ang batong ito ay pinagpasa-pasahan ng mapagkakatiwalaang mga indibiduwal at pagkatapos ay ipinadala sa koreo hanggang sa makarating ito sa kamay ng isang manggagamot, si Dr. Atherstone, na taga-Grahamstown. Nagpatulong siya sa isang guro sa paaralan. Sa laboratoryo ng paaralan, ginawa ang mga pagsubok upang masuri ang densidad ng bato (specific gravity), at natuklasang katugma ito ng densidad ng diamante. Pagkatapos, ipinasuri ang bato sa isang alahero roon, na nabigong gasgasan ito gamit ang kaniyang kikil. Kinonsulta ang iba pang indibiduwal, at tulad ni Van Niekerk, kumbinsido rin sila na diamante nga ito. Pagkatapos ay kinumpirma ni Dr. Atherstone sa isang liham na ang bato ay isang diamante na tumitimbang nang 21.25 karat. Nakatanggap si Van Niekerk ng 350 pound para sa hiyas, at kaagad niyang binigyan ng kaparte ng halagang ito si Mrs. Jacobs. Angkop naman na panganlang Eureka ang batong ito, isang ekspresyon na nagpapahiwatig ng “tagumpay sa pagtuklas.”
Isang Pastol at Isang Matapat na Magsasaka
Nagpapatuloy ang kuwento makalipas ang dalawang taon sa isang lugar sa gawing timog ng pinagsasalubungan ng Ilog Orange at Ilog Vaal. Doon binabantayan ng isang Aprikanong pastol na nagngangalang Booi ang kaniyang nanginginaing mga tupa nang makakita siya ng isang makintab na bagay sa lupa. Dinampot niya ang makinang at bilog na bato at ibinulsa ito. Nabalitaan niya na mahilig sa ilang uri ng bato ang mga tagaroon, kaya habang naglilibot siya upang maghanap ng trabaho, inialok niya ito sa isang magsasaka at
pagkatapos ay sa isang negosyante. Itinuro naman nila siya sa bukid ni Van Niekerk.Sa wakas, nakarating si Booi sa bukid ni Van Niekerk at ipinakita niya rito ang bato. Kaagad naisip ni Van Niekerk ang posibilidad na diamante ang ipinakikita sa kaniya, mas malaki at mas mamahalin kaysa sa ibinigay sa kaniya ni Mrs. Jacobs. Tinanong ni Van Niekerk ang hamak na pastol kung ano ang gusto niya kapalit ng batong ito. “Panginoon,” ang magalang na tugon ni Booi, “bahala na po kayo kung ano ang iniisip ninyong nararapat ibayad sa akin.” Walang pag-aatubiling ibinigay sa kaniya ni Van Niekerk ang halos lahat ng pag-aari niya—500 matatabang tupa, 10 barakong baka, ang karwaheng ginagamit niya upang ibiyahe ang kaniyang mga gulay sa bayan, at pati na ang kabayong sinasakyan niya! Tiyak na naisip ni Booi na mayaman na siya—dahil lamang sa makintab at bilog na batong iyon!
Kaagad nagtungo si Van Niekerk sa Hopetown upang ipagbili ang kaniyang diamante. Isang namanghang grupo ng mga negosyante roon ang pumayag magbayad ng 11,300 pound para sa batong ito na 83.5 karat. Nang maglaon, nakilala ito bilang Star of South Africa. * Ang tinabas at pinakintab na batong ito ang naging pinakatampok na bahagi ng magandang kuwintas na makikita sa pahinang ito. Nang mabalitaan ng ibang mga bansa ang hinggil sa diamanteng ito, naglaho ang anumang pag-aalinlangan na may malalaking diamante nga sa Timog Aprika, at libu-libong tao mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Hilaga at Timog Amerika, Inglatera, Europa, at Australia ang dumagsa sa Timog Aprika anupat umaasang yayaman sila rito.
Nagsimula ang Pagkukumahog
Nagsimula ang paghuhukay ng diamante sa kahabaan ng Ilog Orange at Ilog Vaal. Pagkatapos, noong 1870, kumalat ang balitang may nakukuhang malalaking diamante sa mga bukid malapit sa sentro ng bansa sa pagitan ng dalawang ilog. Kaya, dumagsa sa bukid ni Adrian van Wyk ang mga naghuhukay ng diamante sa ilog. Hindi alam ni Van Wyk at ng kaniyang mga kapitbahay na may di-aktibong mga bulkan sa kailaliman ng kanilang mga bukid. Ang
mga diamante ay natuklasan sa tinatawag na blue ground na masusumpungan sa sinaunang mga daanan ng lava sa loob ng bulkan.Samantala, bigla na lamang nagsulputan ang mga toldang tirahan, na di-nagtagal ay naging mga istrakturang gawa sa yero. Napakasimple ng mga tirahang ito anupat wala roong sapat na suplay ng tubig at pangunahing mga serbisyo. Tiniis ng bagong dating na mga dayuhan ang alikabok, ang kulupon ng mga langaw, ang panahon ng tag-araw na umaabot ng mahigit 40 digri Celsius, at ang mga gabi ng taglamig na kung minsan ay mas mababa pa sa temperatura ng pagyeyelo. Tiniis nila ang lahat ng hirap na ito dahil sa pag-asang yumaman.
Ano ang nangyari kay Adrian van Wyk matapos dagsain ng mga naghuhukay ng diamante ang kaniyang bukid? Sa umpisa, pinahintulutan niyang maghukay sila sa kaniyang bukid kapalit ng maliit na halaga buwan-buwan. Subalit yamang parami nang paraming naghuhukay ang dumaragsa sa kaniyang bukid, naging napakagulo ng situwasyon anupat hindi na ito makontrol ni Van Wyk. Nang alukin siya ng isang kompanya sa pagmimina ng 2,000 pound kapalit ng kaniyang bukid, malugod niyang tinanggap ito, pinirmahan ang mga papeles, at umalis upang maghanap ng mas mapayapang matitirhan.
Hindi kalayuan sa bukid ni Van Wyk matatagpuan ang isa pang bukid na pag-aari ng magkapatid na De Beer. Ginamit ang kanilang pangalan sa pagrerehistro ng De Beers Consolidated Mines, ang pinakamalaking minahan ng diamante sa daigdig hanggang sa kasalukuyan. Ang hamak na mga bukid na iyon noon ay sakop na ngayon ng lunsod ng Kimberley. Naging puspusan ang pagtatrabaho sa bukid ng magkapatid na De Beer at naghukay ang mga lalaki ng napakalalim at napakaluwang na hukay anupat nakilala ito bilang Malaking Hukay.
Bago matuklasan na may diamante sa Timog Aprika, ang mahahalagang hiyas na ito ay minimina na sa India at Brazil. Subalit kakaunti lamang ang nasumpungan sa mga bansang ito anupat hindi nasapatan ang pangangailangan ng pandaigdig na pamilihan. Nang matuklasan ang pagkarami-raming diamante sa Timog Aprika, nagpasimula ang makabagong industriya ng diamante.
[Mga talababa]
^ Makalipas ang mahigit isang siglo, ang mismong salamin na iyon na may malalim na guhit ay makikita na sa Colesberg Museum ng Timog Aprika.
^ Ang pangalan ng diamanteng ito ay naipagkakamali kung minsan sa isa pang diamanteng tinatawag na Star of Africa.—Tingnan ang kahong “ Premier Mine,” sa pahina 16.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]
PREMIER MINE
Noong 1903, binuksan ang isang minahan ng diamante mga 30 kilometro ang layo mula sa silangan ng Pretoria, Timog Aprika. Angkop na pinanganlan itong Premier Mine (Nangungunang Minahan). Makalipas ang dalawang taon, nang sampung metro na ang lalim ng hukay sa minahan, itinawag-pansin ng isang minero ang makintab na bagay sa mabatong gilid ng hukay. Maingat na bumaba sa hukay ang kaniyang manedyer at sinungkit ito gamit ang kaniyang lanseta. Nakuha niya ang pinakamalaking di-pa-natatabas na diamanteng namina kailanman; kasinlaki ito ng kamao ng tao. Ang napakalaking diamanteng ito na 3,106 na karat ay isinunod sa pangalan ng nakatuklas ng minahan na si Thomas Cullinan. Nang tabasin ang diamanteng Cullinan, nakagawa mula rito ng siyam na malalaking hiyas at 96 na maliliit na hiyas. Isa sa mga bahagi nito, ang Cullinan I, o ang Star of Africa, ang pinakamalaking natabas na diamante sa buong daigdig. Nakapalamuti ito sa maharlikang setro ng Britanya, gaya ng makikita sa pahinang ito. Makalipas ang isang siglo, angkop pa ring tawaging Premier Mine ang minahang ito yamang nakakakuha pa rin dito ng maraming malalaki at de-kalidad na diamante.
[Mga larawan]
Ang maharlikang setro ng Britanya
Ang di-pa-natatabas na diamanteng Cullinan, na kasinlaki ng kamao ng tao
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
IMPORMASYON HINGGIL SA DIAMANTE
◆ Ang diamante ang pinakamatigas na likas na substansiyang kilala ng tao.
◆ Ang diamante ay gawa sa karbon, gaya ng lead, o grapito, ng lapis. Pero bakit matigas ang diamante samantalang malambot naman ang grapito? Magkaiba kasi ang pagkakaayos ng mga atomo ng karbon ng dalawang substansiyang ito.
◆ Ang yunit na ginagamit sa pagsukat sa timbang ng diamante ay karat. Ang isang karat ay katumbas ng sangkalima ng isang gramo o ika-142 bahagi ng isang onsa.
◆ Kadalasan, kinakailangang salain ang 400 tonelada ng bato, graba, at buhangin upang makakuha ng isang karat ng diamante.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
ANG MALAKING HUKAY SA KIMBERLEY
Sa loob ng apat na taon mula 1869 hanggang 1873, dumami ang populasyon sa palibot ng makabagong-panahong lunsod ng Kimberley mula sa mangilan-ngilang magsasaka tungo sa humigit-kumulang 50,000 katao. Marami sa mga ito ang naghahangad yumaman at nagmula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Libu-libo katao ang naglakad nang 1,000 kilometro mula sa daungan sa Cape Town. Gamit ang mga piko at pala, pinaghuhukay nila ang isang burol anupat ito ang naging pinakamalaking hukay na kailanma’y nagawa ng tao nang manu-mano. Sa wakas, nang itigil ang manu-manong paghuhukay, may lalim na itong 240 metro. Nagpatuloy ang pagmimina sa ilalim ng lupa hanggang sa lalim na 1,097 metro. Pagsapit ng 1914, nang itigil na ang lahat ng pagmimina rito, “25 milyong tonelada ng lupa” ang nahukay, ayon sa Standard Encyclopaedia of Southern Africa. Mula sa lahat ng bato at lupang iyon, ang sabi pa ng reperensiya, nakuha ang tatlong tonelada ng diamante na nagkakahalaga ng mahigit sa 47,000,000 pound.
[Larawan sa pahina 17]
Dr. Atherstone
[Larawan sa pahina 17]
Schalk van Niekerk
[Larawan sa pahina 17]
Ang diamanteng Eureka
[Credit Line]
De Beers Consolidated Mines Ltd.
[Larawan sa pahina 18]
Ang Star of South Africa
[Larawan sa pahina 18, 19]
Ang Malaking Hukay noong 1875. Gumamit ng mga lubid ang daan-daan katao na nag-aangking may-ari ng mina upang ibaba ang mga minero sa hukay at iahon ang inambato na may mga diamante
[Mga larawan sa pahina 19]
Mabilisang itinayo ang mga kampong minahan dahil sa pagkukumahog sa diamante
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Crown ©/The Royal Collection © 2005, Her Majesty Queen Elizabeth II; Photo: www.comstock.com
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Photo by Fox Photos/Getty Images
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Portraits: From the book The Grand Old Days of the Diamond Fields by George Beet
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Photos: De Beers Consolidated Mines Ltd.
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Photos: De Beers Consolidated Mines Ltd.