Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Maaari Mong Gawin Hinggil sa Trapik?

Ano ang Maaari Mong Gawin Hinggil sa Trapik?

Ano ang Maaari Mong Gawin Hinggil sa Trapik?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PILIPINAS

BABALA: Maraming malalaking lunsod ang pinahihirapan ng isang salot. Hindi ito nakahahawang sakit, at hindi rin ito mapaminsalang kulupon ng matatakaw na insekto. Gayunpaman, nagbabanta ito sa kalusugan at kaligayahan ng milyun-milyong tao. Ano ba ito? Ito ang salot na pagsisikip ng trapiko!

Ayon sa mga mananaliksik, nakapipinsala sa iyong kalusugan ang madalas na pagkaipit sa trapik. Ipinahihiwatig pa nga sa isang pananaliksik kamakailan na lumalaki ang panganib na atakihin sa puso ang isang tao sa loob ng di-kukulangin sa isang oras matapos siyang maipit sa trapik. Iniulat ng The New Zealand Herald na ang “usok na ibinubuga ng mga sasakyan, ingay at kaigtingan [na dulot ng trapik] ang malamang na pangunahing mga sanhi ng biglang paglaki ng panganib.”

Lason sa Hangin

Karamihan sa mga sasakyang de-motor ay naglalabas ng mga nitrogen oxide at ilang elemento na nagdudulot ng kanser. Maraming sasakyan, lalo na yaong may mga makinang disel, ang nagbubuga ng napakaraming pagkaliliit na partikula. Napakapanganib ng mga ito sa kalusugan ng publiko. Tinatayang umaabot ng tatlong milyon katao ang namamatay taun-taon dahil sa polusyon sa hangin, na sa kalakhang bahagi ay nagmumula sa mga sasakyang de-motor. Sinasabi sa isang report na 10 porsiyento ng mga impeksiyon sa palahingahan ng mga batang taga-Europa ay sanhi ng pinong mga partikula sa maruming hangin, at mas mataas pa nga ang porsiyento sa mga lunsod na nagsisikip ang trapiko.

Isaalang-alang din ang mga panganib na idinudulot nito sa kapaligiran ng lupa. Ang mga nitrogen oxide at sulfur dioxide na ibinubuga ng mga sasakyan ay nagiging sanhi ng asidong ulan, na nagpaparumi sa katubigan, nakapipinsala sa mga nilalang sa tubig, at nakasisira sa napakaraming uri ng pananim. Mas malala pa rito, nagbubuga ang mga sasakyan ng pagkarami-raming carbon dioxide. Ito ang pangunahing gas na sinasabing dahilan ng pag-init ng globo, na nagdudulot ng iba pang mga panganib sa planetang Lupa.

Mas Maraming Aksidente

Habang tumitindi ang trapik, lalo namang nanganganib ang buhay ng mga tao. Mahigit isang milyon katao ang namamatay sa mga aksidente sa sasakyan taun-taon, at patuloy na tumataas ang bilang na ito. Napakalaki ng panganib sa ilang lugar. Halimbawa, natuklasan ng mga mananaliksik ng European Commission na “sa bawat isang milyong residente, 690 ang namamatay sa kalsada sa Gresya, di-tulad sa Sweden na 120” lamang.

Ang isang di-kaayaayang salik na nakatawag ng pansin nitong kamakailang mga taon ay ang pagngangalit habang nasa daan (road rage). Parami nang parami ang mga ulat hinggil sa mga drayber na nagbubulalas ng kanilang galit sa ibang drayber. Ayon sa surbey na isinagawa ng National Highway Traffic Safety Administration sa Estados Unidos, iniisip ng mga drayber na isa sa mga dahilan ng pagiging agresibo ng mga nagmamaneho ay ang “pagdami ng mga sasakyan sa kalsada o pagsisikip ng trapiko.”

Salot sa Ekonomiya

Magastos din ang pagsisikip ng trapiko. Ipinakikita sa isang pag-aaral na sa Los Angeles, California pa lamang, mahigit apat na bilyong litro ng gasolina at krudo ang nasasayang taun-taon dahil sa pagkaantala na sanhi ng trapik. Mayroon ding di-tuwirang mga kalugihan, kasali na ang nawalang mga oportunidad sa negosyo, karagdagang gastos sa pangangalaga sa kalusugan dahil sa polusyon, at ang kapinsalaang sanhi ng dumaraming aksidente sa trapiko.

Ang lahat ng kalugihang ito ay nagpapahina sa ekonomiya ng bansa. Ipinakikita ng isang pag-aaral na nalulugi ang mga Amerikano ng mga 68 bilyong dolyar taun-taon dahil sa nasayang na panahon at gasolina pa lamang sanhi ng pagkakabuhol-buhol ng trapiko. Sa Malayong Silangan, ganito ang sinabi sa ulat ng Philippine Star: “Gaya ng patuloy na pag-andar ng metro ng taksi, nalulugi ang bansa nang bilyun-bilyong piso taun-taon dahil sa pagbubuhol ng trapiko.” Sa Europa, ang kalugihan ay tinatayang mga sangkapat ng isang trilyong euro.

Ano ang Inaasahang Lagay ng Trapiko?

Sa kabila ng maraming pagsisikap na makahanap ng solusyon, lumalala ang problema sa trapiko. Ipinakikita ng pambansang surbey ng Texas Transportation Institute sa 75 lugar sa mga lunsod ng Estados Unidos na ang panahong nasasayang sa trapik ay tumaas mula sa katamtamang 16 na oras bawat taon noong 1982 hanggang 62 oras noong 2000. Ang haba ng oras sa araw kung kailan mas malamang na maipit sa trapik ang mga pasahero ay tumaas mula 4.5 tungo sa 7 oras. Sinasabi ng ulat na “lalong lumala ang pagsisikip ng trapiko sa lahat ng lugar sa panahong isinasagawa ang pag-aaral. Mas tumatagal ang pagsisikip ng trapiko at mas marami na ngayon ang naglalakbay at ang daan na apektado kaysa dati.”

Gayundin ang mga report mula sa ibang mga bansa. Ganito ang naging konklusyon ng mga mananaliksik na nagtatrabaho sa ilalim ng pangangasiwa ng European Commission: “Kung hindi tayo gagawa ng malalaking pagbabago sa ating sistema ng transportasyon, ang pagsisikip sa trapiko ay hahantong sa pagkaparalisa ng mga lunsod sa susunod na dekada.”

Gayundin ang problema sa mga bansa sa Asia. Kilala ang Tokyo sa pagsisikip ng trapiko, at lalong lumalala ang trapik sa iba pang mga lunsod sa buong Hapon. Sa Pilipinas, pangkaraniwan na lamang ang ganitong ulat mula sa Manila Bulletin: “Buhul-buhol at napakasikip ng trapiko, libu-libong pasahero ang nag-aabang ng masasakyan sa panahon ng kasagsagan ng trapik.”

Makatotohanang sabihin na tila wala pa ring ganap na solusyon sa problema sa trapik hanggang sa ngayon. Ganito ang naging konklusyon ni Anthony Downs, awtor ng aklat na Stuck in Traffic​—Coping With Peak-Hour Traffic Congestion: “Anuman ang pampublikong patakaran na ipatupad upang lunasan ang pagsisikip ng trapiko sa hinaharap, malamang na lumala pa ito sa halos lahat ng panig ng daigdig. Kaya ang panghuli kong payo ay: Masanay ka na rito.”

Ano ang Maaari Mong Gawin?

Dahil sa mga nabanggit na, ano ang maaari mong gawin upang maharap ang nakayayamot na problemang ito? Kung kabilang ka sa milyun-milyon katao na madalas maipit sa trapik, may magagawa ka upang ingatan ang iyong pisikal at mental na kalusugan.

◼ MAGING HANDA. Marami ang nakadarama na ng kaigtingan bago pa man sila maipit sa trapik. Tanghali na silang bumabangon. Nagmamadali silang maligo, magbihis, at kumain. Nababalisa sila kapag naiisip nilang mahuhuli na sila sa trabaho. Lalo lamang silang nakadarama ng kaigtingan kapag sumikip na ang trapiko. Kung alam mo nang matatrapik ka, mas maaga kang bumiyahe. Kung aalis ka nang mas maaga, baka makaiwas ka pa nga sa trapik. Ayon sa aklat na Commuting Stress​—Causes, Effects, and Methods of Coping, “ang di-gaanong maigting na pagbibiyahe ay nagsisimula isang araw o gabi bago ka bumiyahe.” Ganito pa ang sinabi sa aklat: “Ihanda na sa gabi ang damit, portpolyo, o pananghalian ng magbibiyahe o ng mga anak upang maiwasan ang pagmamadali sa umaga.” Mangyari pa, napakahalaga ng sapat na tulog sa gabi. Upang makagising nang maaga, dapat kang matulog sa makatuwirang oras.

May iba pang pakinabang sa pagbangon nang maaga. Halimbawa, ang matagal na pag-upo sa sasakyan dahil sa trapik ay maaaring magpaigting ng iyong mga kalamnan anupat mahirapan kang igalaw ang mga ito. Kung angkop sa kalagayan mo, bakit hindi mag-ehersisyo sa umaga? Ang regular na programa ng pag-eehersisyo ay makapagpapalusog sa iyo at makatutulong sa iyo na makayanan ang pisikal na mga kaigtingang dulot ng pagkaipit sa trapik. Maaari ka ring makakain ng masustansiyang agahan kung babangon ka nang maaga. Kung matatrapik ka at sitsirya lamang ang kinain mo o walang laman ang iyong sikmura, baka lalo ka lamang makadama ng kaigtingan.

Maaari mong maiwasan ang higit pang kaigtingan kung titiyakin mong nasa kondisyon ang iyong sasakyan. Wala nang mas nakayayamot pa kaysa sa masiraan ng sasakyan sa gitna ng buhul-buhol na trapiko. Lalo nang totoo ito kapag masama ang lagay ng panahon. Kaya wastong mantinihin ang iyong preno, gulong, air conditioner, heater, windshield wiper, defroster, at iba pang mahahalagang bahagi ng sasakyan. Matinding kaigtingan ang idinudulot maging ng maliliit na aksidente sa gitna ng masikip na trapiko. At, siyempre, laging tiyakin na sapat ang gasolina ng iyong sasakyan.

◼ MAKIBALITA. Bago magmaneho, maaaring makatulong sa iyo kung makikibalita ka hinggil sa di-karaniwang mga kalagayan gaya ng masamang lagay ng panahon, konstruksiyon ng kalsada, pansamantalang pagsasara ng daan, mga aksidente, at iba pang kasalukuyang kalagayan ng trapiko. Malalaman mo ito sa pamamagitan ng pakikinig sa isinasahimpapawid na balita o pagbabasa ng pahayagan. Gayundin, magdala ng mapa ng lugar na daraanan mo. Kung pamilyar ka sa alternatibong mga ruta, maaari mong lampasan ang matrapik na mga kalsada.

◼ SIKAPING MAGING KOMPORTABLE. I-adjust ang bentilasyon ng iyong sasakyan pati na ang posisyon ng iyong pag-upo upang maging komportable ka hangga’t maaari. Kung mayroon kang radyo o cassette o CD player, maaari kang makinig sa paborito mong musika. Ang ilang uri ng musika ay may nakapagpapakalmang epekto at maaari nitong bawasan ang iyong kaigtingan. Sa paggawa nito, maiiwasan mo ring mayamot sa ingay na dulot ng buhul-buhol na trapiko. *

◼ GAWING MAKABULUHAN ANG IYONG PANAHON. Ang isa sa pinakakapaki-pakinabang na magagawa mo kapag naipit ka sa trapik ay ang mag-isip nang positibo. Sa halip na ituon ang isip sa masamang lagay ng trapiko, sikaping isipin ang mga aktibidad sa maghapon. Kung nag-iisa ka lamang sa biyahe at naipit ka sa trapik, maaari mong gamitin ang panahong iyan upang magbulay-bulay at gumawa pa nga ng mga desisyon nang hindi nagagambala.

Kung pasahero ka, baka lalo ka lamang makadama ng kaigtingan kung pagmamasdan mo ang napakahabang linya ng sasakyan sa unahan. Kaya planuhing gamitin sa makabuluhang paraan ang oras na ginugugol mo sa trapik. Baka gusto mong dalhin ang iyong paboritong aklat o pahayagan. Maaari mong basahin ang ilan sa mga liham na natanggap mo nang nagdaang araw. Baka masumpungan ng ilan na komportableng sumulat ng liham o gumawa ng ilang trabaho sa portable computer.

◼ MAGING MAKATOTOHANAN. Kung nakatira ka sa lugar kung saan problema ang pagsisikip ng trapiko, asahan mo nang matatrapik ka at gumawa ng angkop na plano. Hindi maaalis ang pagsisikip ng trapiko sa karamihan ng mga lunsod. Ganito ang sinasabi ng aklat na Stuck in Traffic​—Coping With Peak-Hour Traffic Congestion: “Ang malubhang pagsisikip ng trapiko sa mga oras ng pagpasok at paglabas sa trabaho ay halos tiyak na magpapatuloy nang mahabang panahon sa lahat ng mga lugar sa malalaking lunsod na nakararanas na nito.” Kaya matutong tanggapin ang trapik bilang normal na bahagi ng iyong buhay, at gawin ang iyong makakaya upang maging makabuluhan ang gayong mga oras!

[Talababa]

^ Maraming mambabasa ng Gumising! ang nasisiyahang makinig sa mga rekording ng babasahing ito pati na ng kasamahan nitong Ang Bantayan. Sa ilang wika, makukuha ito sa audiocassette, compact disc, at MP3 format.

[Larawan sa pahina 26]

Iwasan ang trapik sa pamamagitan ng patiunang pagpaplano

[Larawan sa pahina 26]

Bago magmaneho, pumili ng angkop na “cassette” o CD

[Larawan sa pahina 26]

Kung pasahero ka, umisip ng paraan upang magamit ang iyong panahon sa makabuluhang paraan

[Larawan sa pahina 26]

Huwag mayamot sa mga bagay na hindi mo mababago