Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Daigdig na Wala Nang Gutom?

Isang Daigdig na Wala Nang Gutom?

Isang Daigdig na Wala Nang Gutom?

GUNIGUNIHIN ang nadarama ng isang nagmamalasakit na ama kapag nakikita niyang dumaranas ng malnutrisyon ang kaniyang mga anak. Tiyak na napakasakit nito para sa kaniya. Kung ganiyan ang reaksiyon ng isang taong magulang, isipin na lamang kung ano ang malamang na nadarama ng ating maibiging makalangit na Ama. Alam na alam niya ang pagdurusa ng daan-daang milyon na napapaharap sa ganitong situwasyon.

Sa kabila ng mabubuting intensiyon ng tao na maglaan ng pagkain para sa mga nagugutom sa daigdig, lumalala pa rin ang taggutom sa ika-21 siglo. Subalit kayang alisin at tunay ngang papawiin ng ating makalangit na Ama, si Jehova, ang taggutom magpakailanman. Paano natin nalaman ito?

Ipinaliliwanag ng Bibliya na noong inilagay ng Diyos sina Adan at Eva sa hardin ng Eden, inilaan niya ang lahat ng kailangan nila upang magkaroon sila ng katiwasayan, kasiyahan, at saganang pagkain. Sinabi ng Diyos sa kanila: “Ibinigay ko sa inyo ang lahat ng pananim na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng buong lupa.” Ang layunin ni Jehova ay ‘punuin ng mga anak nina Adan at Eva ang lupa’ at magkaroon ng sagana at nakapagpapalusog na pagkain ang buong sangkatauhan.​—Genesis 1:28, 29.

Bagaman naghimagsik ang unang mag-asawa laban sa kanilang Maylalang at naiwala nila ang kaniyang lingap, hindi nagbago ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Tinatawag ng Bibliya si Jehova bilang “ang Isa na nagbibigay ng tinapay sa mga gutóm,” at naglalaman ito ng maraming hula na nagpapahiwatig na aalisin niya ang lahat ng problemang may kinalaman sa pagkakaroon ng pagkain.​—Awit 146:7.

Nang hilingan si Jesus ng kaniyang mga alagad ng isang tanda, o patotoo, upang malaman nila kung kailan niya itatatag ang kaniyang Kaharian at kung kailan siya mamamagitan sa mga gawain sa lupa, itinala ni Jesus ang mga kalagayan na magaganap bago mangyari ito. Ang isa ay “mga kakapusan sa pagkain.” Ang maingat na pagsasaalang-alang sa mga salita ni Jesus ay nagbibigay ng katiyakan na malapit nang magwakas ang pagdurusa ng sangkatauhan. *​—Mateo, kabanata 24.

Ganito ang inihula ng Awit 72:16 hinggil sa Paraisong itatatag ng Diyos: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” Sa sinaunang Israel, karaniwan nang tumutubo ang butil sa mga libis. Pero sa pinagpalang mga kalagayang inilarawan sa hulang ito, ang binhing itinanim maging sa pinakatigang at pinakatuyong lupa​—na karaniwan nang hindi matamnan​—ay mamumunga nang sagana. “Sa panahon ng Mesiyas,” ang sabi ng isang iskolar sa Bibliya, “waring sumasayaw ang mga butil sa parang, maging sa taluktok ng mga bundok, o waring ang mga burol ay tinamnan maging sa pinakatuktok ng mga ito, upang ang buong lupain ay matakpan ng waring sumasayaw at nakalulugod na pananim.”

Kaylaking pagkakaiba ng kinabukasang inihuhula ng Bibliya kung ihahambing sa kalagayan ng milyun-milyon sa ngayon! Tunay nga na sa kinabukasang ipinangangako ng Diyos, “ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.”​—Awit 67:6.

Kung nais mong malaman kung paanong ikaw at ang iyong mga mahal sa buhay ay makapagtatamasa ng mga bagay na ito at ng maraming iba pang pagpapala na inilarawan sa nakapagpapasiglang mga hula sa Bibliya, huwag mag-atubiling tanungin ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa angkop na adres na nasa pahina 5 ng magasing ito.

[Talababa]

^ Para sa pagtalakay kung paano natutupad ang hula ni Jesus, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Buong-pahinang larawan sa pahina 10]