Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Kailangan Pa ba Namin ng Pormal na Kasalan?

Kailangan Pa ba Namin ng Pormal na Kasalan?

“Ang aking katipang si Cindy ang nakaisip na palihim kaming umalis at magpakasal nang hindi nalalaman ng aming mga kaibigan at mga kamag-anak. Pagkatapos naming mapag-usapan iyon, napag-isip-isip namin na makatitipid kami ng panahon at lakas kung ganito ang gagawin namin at hindi kami masyadong mahihirapan.”​— Allen. *

KUNG nasa tamang edad ka na at may romantikong kaugnayan sa isa, baka maudyukan kang palihim na magpakasal. Sa ilang kaso, ang isang magkatipan ay baka maakit na umalis at saka magpakasal nang hindi nagpapaalam kahit na sa kanilang mga magulang. * Anong mga simulain ang makatutulong sa iyo na magpasiya kung ano ang dapat gawin?

Talaga Bang Kailangang Sumunod sa Tradisyon?

Bagaman karaniwan ang pagpapakasal sa maraming kultura, iba’t iba naman ang mga kostumbre na kaugnay rito. Para sa magkatipang Kristiyano, hindi kailangang sumunod sa lahat ng lokal na kostumbre. (Roma 12:2) Sa halip, ang pangunahing hangarin nila ay gawing marangal sa harap ng Diyos na Jehova ang kanilang pagliligawan at pag-aasawa.​—1 Corinto 10:31.

Yamang ang pag-aasawa ay isang marangal na kaayusan, hindi nanaisin ng maraming magkatipan na ilihim ito. Sa maraming lupain sa Kanluran, karaniwan nang isinasaayos ng mga magkatipang Saksi ni Jehova na gawin ang seremonya ng kasal sa kanilang Kingdom Hall. * Pagkatapos, depende sa kanila kung maghahanda sila ng isang salu-salo at marahil ng ilang programa kasama ng kanilang pamilya at mga kaibigan. Hindi naman kailangang gawing enggrande ang ganitong mga okasyon. Gayunman, totoong nakapapagod at di-biro ang gastos sa paghahanda ng isang kasalan at ng isang piging. Halimbawa, sa Estados Unidos, karaniwan nang nagkakahalaga ng libu-libong dolyar ang isang handaan sa kasal.

Upang hindi gaanong mapagod at medyo makatipid, nagpapasiya ang ilang magkatipan na gawin itong simple. “Sinabi namin sa aming mga magulang na hindi kami magkakaroon ng tradisyonal na kasalan,” ang sabi ni Cindy, “dahil gusto naming gawing simple at di-magastos ang okasyon. Tiniyak sa amin ng aking mga magulang na nauunawaan nila ang aming kalagayan at sumang-ayon sila sa amin. Napakamaunawain nila.” Sa kabilang panig naman, nang si Allen, katipan ni Cindy na binanggit kanina, ay magsabi sa kaniyang mga magulang tungkol kanilang plano sa kasal, nahirapang unawain ng mga ito ang kanilang desisyon. “Inisip nila na may kasalanan sila,” ang sabi ni Allen, “na nagpasiya kami nang gayon dahil sa nagawa nila. Pero hindi naman talaga iyon ang dahilan.”

Maaaring madismaya rin ang iyong mga magulang kung ipasiya ninyong magkaroon ng napakasimpleng kasalan, dahil baka gusto nilang masaksihan ng mas maraming tao ang maligaya at espesyal na okasyong ito. Paano naman kung iniisip mong mag-asawa nang hindi man lamang ipinaaalam ito sa iyong mga magulang, dahil alam mong tututulan ng iyong pamilya ang mismong ideya na mag-aasawa ka na?

Isaalang-alang ang Damdamin ng Iyong Pamilya

Marahil nadarama ng iyong mga magulang na napakabata mo pa para gumawa ng gayon kaseryosong desisyon kung kaya tutol sila. Baka nag-aalala sila na magbabago pa ang iyong gusto habang nagkakaedad ka at na pagsisihan mo balang-araw ang ginawa mong pagpili ng mapapangasawa. Sa kabilang dako naman, baka naniniwala sila na nasa edad ka na para mag-asawa, pero may nakikita silang mga kapintasan sa iyong mapapangasawa. O baka pigilan ka pa nga nilang mag-asawa dahil ang napili mong mapangasawa ay hindi mo kapananampalataya.

Kung ang mga magulang mo ay mga tunay na Kristiyano, malamang na may maka-Kasulatan silang basehan sa kanilang mga ikinababahala. Angkop lamang naman na ipahayag nila ang anumang pag-aalinlangan nila. Sa katunayan, ituturing sila ni Jehova na pabaya at walang pagmamahal kung hindi nila gagawin iyon. At para sa kapakanan mo na pakinggan ang kanilang pangmalas.​—Kawikaan 13:1, 24.

Upang ilarawan: Kapag bumili ka ng isang damit, malamang na itatanong mo sa iba kung bagay ba iyon sa iyo. Maaaring hindi ka palaging sumang-ayon sa kanilang opinyon, ngunit inaasahan mo pa ring sasabihin sa iyo ng malalapít mong kaibigan kung talagang sa palagay nila ay hindi bagay sa iyo ang damit na iyon. Pinasasalamatan mo ang kanilang mga komento, sapagkat maaari silang makatulong upang hindi masayang ang pera mo. Hindi kaya mas pasasalamatan mo ang opinyon ng iyong pamilya tungkol sa pagpili mo ng mapapangasawa? Oo nga’t puwede mo namang papalitan o idispatsa ang isang damit, ngunit inaasahan ni Jehova na pakikisamahan mo ang iyong kabiyak habambuhay. (Mateo 19:5, 6) Kung ang personalidad at espirituwalidad mo at ng pinili mong maging asawa ay talagang hindi magkabagay, ang inyong pagsasama ay magiging mas malala pa kaysa sa pagsusuot ng isang damit na hindi bagay sa iyo. (Genesis 2:18; Kawikaan 21:9) At bilang resulta, maaaring mapalampas mo ang pagkakataong makasumpong ng tunay na kaligayahan.​—Kawikaan 5:18; 18:22.

Totoo, maaaring makasarili ang dahilan ng ilang magulang kung kaya tumututol sila sa pag-aasawa ng kanilang anak​—halimbawa, upang patuloy nilang makontrol ang kanilang anak. Gayunman, bago mo ituring na makasarili ang mga ikinababahala ng iyong mga magulang at magpasiyang palihim na umalis upang magpakasal, bakit hindi mo pag-isipang mabuti ang dahilan ng kanilang pagtutol?

Kung Bakit Dapat Mag-ingat

Totoo na nagbabago ang mga bagay na gusto mo habang nagkakaedad ka. “Noong ako ay sanggol pa,” ang sulat ni apostol Pablo, “nagsasalita akong gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.” (1 Corinto 13:11) Sa katulad na paraan, ang mga katangiang hinahanap mo sa isang tao nang tin-edyer ka pa ay malamang na mag-iba habang nagkakaedad ka. Kaya iminumungkahi ng Bibliya na maghintay ka hanggang sa ikaw ay “lampas na sa kasibulan ng kabataan”​—ang mga taon kung kailan malakas ang iyong seksuwal na pagnanasa​—bago ka gumawa ng seryosong hakbang ng pagpili ng mapapangasawa.​—1 Corinto 7:36.

Paano kung may nakikitang kapintasan ang iyong mga magulang sa mapapangasawa mo? Dahil sa kanilang mga karanasan sa buhay, ang kakayahan sa pang-unawa ng iyong mga magulang ay mas sanay nang kumilala ng tama at mali. (Hebreo 5:14) Kaya maaaring may nakikita silang seryosong mga kapintasan sa personalidad ng iyong mapapangasawa, na hindi mo naman nakikita. Isaalang-alang ang simulain sa isinulat ng matalinong lalaking si Solomon: “Ang nauna sa kaniyang usapin sa batas ay matuwid; ang kaniyang kapuwa ay dumarating at sinisiyasat siya.” (Kawikaan 18:17) Sa katulad na paraan, maaaring nakumbinsi ka ng iyong minamahal na siya ang bagay sa iyo. Gayunman, matapos ‘siyang siyasatin’ ng iyong mga magulang, baka itawag-pansin nila sa iyo ang ilang bagay na matalino namang pag-isipan.

Halimbawa, maaaring mariin nilang ipaalaala sa iyo ang utos ng Bibliya sa mga tunay na Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Baka ikatuwiran mo na mayroon namang ilan na alam mong nakapag-asawa ng di-kapananampalataya ngunit ngayon ay maligaya at magkasama nang naglilingkod kay Jehova. Bagaman totoo ito, napakadalang naman nitong mangyari. Kung mag-aasawa ka ng isang di-kapananampalataya, hindi mo lamang binabale-wala ang mga pamantayan ni Jehova kundi inilalagay mo rin ang iyong sarili sa malubhang espirituwal na panganib.​—2 Corinto 6:14. *

Padalus-dalos na Dahilan Para Magpakasal

Ang ilang kabataan na nasangkot sa imoral na paggawi ay nagtanan upang magpakasal sa paniniwalang maiibsan nito ang kanilang pagkadama ng pagkakasala. O malamang na inakala nilang mapagtatakpan ng pagpapakasal ang bunga ng kanilang pagkakasala, gaya ng di-inaasahang pagdadalang-tao.

Kung magpapakasal ka upang mapagtakpan lamang ang iyong kasalanan, dinaragdagan mo lamang ang iyong kasalanan. “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay,” ang babala ni Solomon, “ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” (Kawikaan 28:13) Natutuhan ng mga magulang ni Solomon, sina David at Bat-sheba, ang kamangmangan ng pagsisikap na pagtakpan ang kanilang imoral na paggawi. (2 Samuel 11:2–12:25) Sa halip na ilihim ang iyong nagawang kasalanan, ipagtapat ito sa iyong mga magulang at sa mga elder sa kongregasyon. Kailangan mo ng lakas ng loob upang magawa ito, ngunit makatitiyak ka na patatawarin ka ni Jehova kung tunay kang nagsisisi. (Isaias 1:18) Kapag napanumbalik mo na ang isang malinis na budhi, nasa mas mabuti kang kalagayan na gumawa ng timbang na pagpapasiya hinggil sa pag-aasawa.

Iwasan ang Pagsisisi sa Bandang Huli

Habang ginugunita ni Allen ang kaniyang kasal, sinabi niya: “Hindi kami gaanong nahirapan sa aming kasal dahil sa pasiya naming gawin itong simple. Ang tanging pinagsisisihan ko lang ay hindi ko naipaunawang mabuti sa aking pamilya ang aming pasiya.”

Ang totoo, personal na desisyon ng may-gulang na magkatipan kung nais nilang magkaroon ng tradisyonal na kasalan o hindi. Gayunman, kung gagawa ka ng anumang pasiya hinggil sa pag-aasawa, huwag magmadali, makipag-usap sa iyong pamilya, at ‘pag-isipan ang iyong hakbang.’ Makatutulong iyan upang hindi ka magsisi sa bandang huli.​—Kawikaan 14:15.

[Mga talababa]

^ Binago ang mga pangalan.

^ Ang gawaing ito ay tinutukoy kung minsan na pagtatanan.

^ Ang mga dakong ito ng pagsamba ay angkop na lugar ng kasalan para sa mga Saksi ni Jehova. Simple lamang ang seremonya at bahagi nito ang isang maigsing pagtalakay sa mga simulain ng Bibliya na nagsisilbing pundasyon ng isang matagumpay na pag-aasawa. Siyempre pa, walang bayad ang paggamit nila ng Kingdom Hall.

^ Para sa higit pang pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang Bantayan, mga isyu ng Hulyo 1, 2004, pahina 30-1, at Nobyembre 1, 1989, pahina 18-22.

[Larawan sa pahina 23]

Kung gagawa ka ng anumang pasiya hinggil sa pag-aasawa, makipag-usap sa iyong pamilya