Kakaibang Uri ng Paglalakad!
Kakaibang Uri ng Paglalakad!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND
Narinig mo na ba ang “Nordic walking”? Sa Finland, ang ganitong uri ng paglalakad ay naging isa sa pinakapopular na ehersisyo. Ginagamit sa paglalakad na ito ang mga “pole” na kahawig niyaong ginagamit sa pag-iiski. Paano nagsimula ito, at ano ang mga pakinabang dito?
KAPAG nakakita ka ng isang taong naglalakad na gumagamit ng mga pole, baka maisip mo ang isang taong nag-iiski nang walang pang-iski. Ang totoo, ang mga kareristang nag-iiski ang nagpauso ng Nordic walking nang pag-ibayuhin nila ang kanilang pagsasanay sa tag-araw sa pamamagitan ng paglalakad gamit ang kanilang mga ski pole. Noong dekada ng 1980, iminungkahi sa iba pang mga atleta ang paglalakad gamit ang mga pole bilang mabisang ehersisyo. Sa huling mga taon ng dekada ng 1990, maraming tao na ang naglalakad na gamit ang mga pole. Ipinakikita ng 2004 Gallup survey na 760,000 taga-Finland—19 na porsiyento ng populasyon—ang naglalakad gamit ang mga pole nang minsan sa isang linggo. “Ang Nordic walking ang pumapangalawa na ngayon sa [karaniwang] paglalakad bilang pinakapopular na ehersisyo sa Finland,” ang sabi ni Tuomo Jantunen, ehekutibong direktor ng Suomen Latu, ang organisasyon na nagpagawa ng surbey. Ang Nordic walking ay hindi panandaliang kausuhan lamang. Nitong nakalipas na mga taon, unti-unti na ring dumami ang naglalakad sa ganitong paraan sa iba pang mga bansa.
Marami ang nakaaalam sa mga pakinabang ng paglalakad, subalit ano ba ang mga bentaha ng paglalakad gamit ang mga pole? “Ang isang malaking pakinabang ng Nordic walking ay naeehersisyo nito ang itaas na bahagi ng katawan, kasali na ang mga kalamnan sa bisig, likod, at tiyan,” ang sabi ng physical therapist at eksperto sa Nordic walking na si Jarmo Ahonen. “Nakatutulong din ito upang marelaks ang maiigting na kalamnan sa leeg at balikat, na karaniwang problema ng mga nag-oopisina,” ang sabi pa niya.
Dahil mas maraming kalamnan ang naeehersisyo sa Nordic walking kaysa sa karaniwang paglalakad, mas maraming kalori rin ang nasusunog ng katawan. Sa paggamit ng mga pole, mas madaling mapabibilis ng isang tao ang kaniyang lakad at pulso. Pero hindi lamang iyan. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na kapag wastong ginamit ang mga pole, matutulungan nito ang isang tao na lumakad nang tuwid, anupat napagaganda ang kaniyang bikas. “Naiibsan din ng Nordic walking ang tensiyon sa mga kasukasuan, yamang nasusuportahan ng mga pole na ginagamit sa paglalakad ang bigat ng katawan ng isang tao,” ang sabi ni Ahonen. Ipinaliwanag ng isang nagsasagawa ng Nordic walking na nakatutulong ang matutulis na dulo ng mga pole na mapanatili ang kaniyang panimbang kapag naglalakad sa madudulas na lugar. Dahil dito, ginagawa na rin ng mga may-edad na ang bagong uring ito ng paglalakad sa panahon ng taglamig, yamang ang lupa ay kadalasang nababalutan ng niyebe o yelo sa panahong iyon.
[Kahon sa pahina 20]
Kung Paano Ito Sisimulan
Hindi kailangan ang mamahaling kagamitan sa Nordic walking. Ang kailangan mo lamang ay komportableng sapatos at mga pole na may pantanging disenyo at tamang haba. Kung maglalakad ka sa kongkretong daan, lagyan ng rubber plug ang matutulis na dulo ng mga pole. Hindi mahirap matutuhan ang Nordic walking. Kaya mo ito. Gayunman, kung baguhan ka, makabubuting humingi ng payo sa isang bihasa sa Nordic walking.