Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Naubos ang Pagkain

Kapag Naubos ang Pagkain

Kapag Naubos ang Pagkain

SA ILANG bahagi ng daigdig, inaasahan ng mga tagalunsod na magkakaroon ng sapat na suplay ng pagkaing ipinagbibili sa abot-kayang halaga kapag nagpunta sila sa tindahan o palengke sa kanilang lugar. Kapag gayon, maaaring hindi masyadong pinag-iisipan ng mga mamimili ang hinggil sa suplay at pamamahagi ng pagkain. Subalit sa panahon ng krisis, iisipin ng mga tao kung ano ang dapat gawin upang may mabili silang pagkain. Kung sa anumang dahilan ay nanganganib ang suplay ng pagkain, maaaring kapaha-pahamak ang resulta.

Isaalang-alang ang nangyari sa isang bansa sa Hilagang Aprika na may mga problema sa ekonomiya. Nang huminto ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong na salapi para sa pagkain, biglang dumoble ang presyo ng tinapay. Bilang protesta, dumaluhong sa mga kalye ang galít na mga mang-uumog, binasag nila ang salamin ng mga tindahan, at pinasok ang mga bangko at tanggapan ng koreo. Nagkagulo ang buong bansa, at idineklara ang state of emergency. Sa pagsisikap na ihinto ang kaguluhan, pinagbabaril ng mga pulis ang mga pulutong, anupat 120 katao ang iniulat na namatay at marami ang nasugatan.

Maaari ring maging problema ang suplay ng pagkain kahit sa mga bansang may matatag na ekonomiya gaya ng ipinakikita ng nangyari sa Britanya noong Setyembre 2000. Hinarangan ng mga nagpoprotesta laban sa mataas na presyo ng gasolina ang mga labasan ng mga pabrika ng langis, anupat hindi makalabas ang mga trak na naghahatid ng langis. Sa loob ng ilang araw, naubusan ng suplay ang mga istasyon ng gasolina, nawalan ng gasolina ang mga sasakyan, at nahinto ang sistema ng paghahatid ng pagkain. Sa buong bansa, ang mga tindahan at mga supermarket, na karaniwan nang nagpapahatid lamang ng suplay kapag kinakailangan, ay naubusan ng paninda sa kanilang mga istante.

Iba-iba ang problemang nauugnay sa pamamahagi ng pagkain sa papaunlad na mga bansa. Ayon sa Feeding the Cities, na inilathala ng Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO), ‘napakadalas na pumapalya at nahihinto ang sistema ng pamamahagi ng pagkain’ dahil sa ilang salik​—kasama na rito ang tagtuyot, krisis sa ekonomiya, kaguluhan sa bansa, at digmaan. “Kapag naganap ang mga ito, kahit na ang mga epekto nito ay maaaring sa isang lugar o pansamantala lamang, ang mahihirap ang nagdurusa.”

Naniniwala ang mga analista na ang mabilis na paglaki ng mga lunsod ay magdudulot ng “napakalaking mga hamon” sa mga tagasuplay at tagapamahagi ng pagkain. Tinataya na pagsapit ng taóng 2007, mahigit sa kalahati ng populasyon ng daigdig ang maninirahan sa mga lunsod. Ayon sa FAO, “ang pagsusuplay [sa mga tagalunsod] ng ligtas at abot-kayang pagkain ay lubhang makaaapekto sa sistema ng pagsusuplay at pamamahagi ng pagkain hanggang sa tuluyan na itong bumagsak.”

Napakahalaga nga ng pagsusuplay ng pagkain sa tindahan para sa mga mamimili. Kaya gaano ba talaga katatag ang sistema ng pagsusuplay ng pagkain? Bakit ang mga eksperto ay nababahala na lubhang nagigipit ang sistemang ito? At darating kaya ang panahon na wala nang sinuman ang mag-aalala kung saan niya kukunin ang susunod niyang kakainin?

[Larawan sa pahina 3]

Pandarambong sa panahon ng kakapusan sa pagkain

[Credit Line]

BETAH/SIPA