Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kaigtingan Talagang napapanahon para sa akin ang seryeng “Kaginhawahan Mula sa Kaigtingan!” (Pebrero 8, 2005) Dumating ang artikulo noon mismong inaakala kong malapit na akong masiraan ng bait, dahil lamang sa hindi ko nakakayanang harapin nang wasto ang kaigtingan. Napakalaki ng nabago sa buhay ko dahil sa ibinigay ninyong mga mungkahi.
Hindi ibinigay ang pangalan, Estados Unidos
Kamakailan, nasuri ng doktor na may depresyon ako. Kaya napatibay ako ng pangungusap na, “Tama lamang na asikasuhin mo ang iyong sariling mga pangangailangan.” Pinahahalagahan ko ang binanggit dito na ‘pag-iipon ng lakas na magagamit mo sa panahon ng pangangailangan.’ Nasaid ang aking emosyonal na lakas, subalit sisikapin kong alamin ang aking mga limitasyon mula ngayon.
Y. O., Hapon
Kauuwi ko lang mula sa isang seminar kung saan nagbigay ako ng maikling presentasyon kung paano mapagtatagumpayan ang kaigtingan. Natalakay ko ang hinggil sa mga sanhi at epekto ng kaigtingan, gayundin kung ano ang makatutulong—pawang batay sa kahanga-hangang magasin na ito!
J. L., Alemanya
Cellphone Salamat sa artikulong “Ang Cellphone—Kaibigan o Kaaway?” (Pebrero 8, 2005) Ako po ay 14 na taóng gulang, at masyado na akong nakadepende sa aking cellphone. Tinulungan ako ng artikulo na maunawaang hindi telepono ang dapat maging pinakamahalagang bagay sa aking buhay, lalo na kung isasaalang-alang ang posibleng mga epekto nito sa kalusugan. Salamat po sa inyong kawili-wiling mga artikulo.
M. B., Romania
Harp Seal Gusto kong ipahayag ang aking taos-pusong pagpapahalaga sa nakatutuwa at nakapagtuturong mga artikulo sa Gumising! Pagkabasa ko sa artikulong “Mga Sanggol sa Niyebe ng mga Pulo ng Magdalen,” talagang nagustuhan ko ang nakatutuwang mga hayop na ito. (Enero 8, 2005) Natulungan ako ng mga larawan na maunawaan ang kawili-wiling mga yugto ng kanilang paglaki. Hindi lamang ako naudyukan ng artikulong ito na pasalamatan si Jehova, na siyang lumalang sa mga hayop na ito, kundi pinasidhi rin nito ang pagnanais kong mabuhay sa Paraiso. Mayroon akong ilang nakapagpapaigting na problema, at hindi ko maapuhap ang tamang mga salita upang ipaalam sa inyo kung gaano ako napatibay ng nakaaaliw na artikulong ito. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang paglalathala ng mga artikulong gaya nito.
N. S., Hapon
Kabayong-Dagat Nakatanggap ako ng magasin ninyo mula sa mga Saksi ni Jehova, at gusto kong magpasalamat sa artikulong “Sumasayaw na mga Kabayo ng Karagatan.” (Disyembre 22, 2004) Kamakailan, nakakuha ako ng mataas na marka sa aking takdang-aralin sa paaralan hinggil sa mga kabayong-dagat (sea horse) nang gamitin ko ang impormasyon sa inyong artikulo. Dahil sa magasing Gumising!, mas marami akong natututuhan hinggil sa siyensiya at teknolohiya—at lalo na tungkol sa Diyos. Salamat, mga Saksi ni Jehova, sa inyong ekselenteng mga magasin!
T. P., Indonesia
Nasusulat . . . Tuwang-tuwa po ako sa pagbabasa sa artikulong “Nasusulat na Makikita Ko Siya”! (Disyembre 22, 2004) Ako po ay 11 taóng gulang, at wala pa rin akong lakas ng loob hanggang ngayon na sabihin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Subalit matapos kong basahin ang talambuhay ni Rosalía Phillips, naunawaan kong tutulungan ako ni Jehova. Gusto ko pong maging matapang na mamamahayag ng mabuting balita gaya ni Rosalía.
P. P., Poland
Ako ay 27 taóng gulang, at natulog na sa kamatayan ang aking ina 24 na taon na ang nakararaan. Mula nang ako’y maging Saksi ni Jehova, nanghahawakan na akong mahigpit sa pag-asang makita siyang muli. Nagpapasalamat ako sa mga artikulong gaya nito—nagpapasalamat ako kay Jehova, sa Gumising!, at kay Rosalía dahil sa pagbabahagi sa amin ng kaniyang magandang karanasan.
A. F., Venezuela