Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nakaaapekto sa Puso ang Pagkakaibigan
“Ang pagkakaroon ng kaibigan at mabuting kaugnayan sa pamilya ay nakapagpapababa sa panganib na atakihin sa puso o maistrok ang isang tao,” ang sabi ng pahayagang Diario Médico sa Espanya. Ang dami ng kolesterol, presyon ng dugo, at timbang ay matagal nang kinikilala ng mga doktor bilang mahahalagang salik na nakaaapekto sa kalagayan ng puso ng isang tao. Subalit ayon sa isang kamakailang pag-aaral sa 500 kababaihan na nakaranas ng paninikip ng dibdib, dapat ding isaalang-alang ang dami ng kapamilya at kaibigan ng isang pasyente at kung gaano siya kalapít sa mga ito. Isinisiwalat ng bagong pag-aaral na “dalawang beses nanganganib mamatay [nang wala sa panahon] yaong may maigting na mga ugnayan kung ihahambing sa mga babaing may mabuting kaugnayan sa iba.” Sinabi pa ni Carl J. Pepine, kasamang awtor sa pag-aaral, na “napansing bumaba ang panganib [na maistrok o atakihin sa puso ang isang tao] dahil sa pagkakaroon ng [kahit] isa o dalawang malalapít na kaibigan.”
Kakaibang Espongha
Natuklasan kamakailan ng mga mananaliksik sa University of Stuttgart, Alemanya, ang maputi at pabilog na espongha na may ilang kakaibang kakayahan, ang ulat ng diyaryong Die Welt sa Alemanya. Bagaman napakaliit nito, nakauusad nang ilang sentimetro ang espongha bawat araw, anupat ito ang pinakamabilis umusad na espongha na natuklasan hanggang sa kasalukuyan. Kapag lumiliit ang mga selula ng organismong ito, naglalabas ng tubig ang kaniyang katawan, anupat lumiliit ito nang 70 porsiyento. Kapag humihinga—sa pamamagitan ng pagsipsip ng tubig—nasisipsip nito ang mga nutriyente at oksiheno sa tubig. Natuklasan ng mga mananaliksik na mas malakas ang pagbuga ng espongha kapag nilagyan ng maliliit na krustasyo ang akwaryum nito. “Napakapambihira nito,” ang sabi ng mananaliksik na si Michael Nickel, yamang ang espongha ay “wala namang sistema ng nerbiyo.” Paano nakokontrol ng espongha ang galaw nito o paano nito nalalaman na may iba pang nilalang sa paligid gayong wala naman itong sistema ng nerbiyo? Pinag-aaralang mabuti ng mga mananaliksik ang espongha, anupat umaasang matutuklasan nila kung paano nagagawa ng espongha ang mga bagay na ito.
Pag-unti ng Krill sa Antartiko
Ang mga krill—maliliit at mukhang hipon na krustasyo na mahalagang pagkain ng iba pang mga uri ng nilalang sa karagatan—ay kumaunti nang 80 porsiyento sa Antartiko mula noong dekada ng 1970, ang sabi ni David Adam, gaya ng iniulat sa diyaryong Guardian sa London. Kinakain ng mga krill ang mga alga na nanganganlong sa ilalim ng nakalutang na yelo sa karagatan, subalit ang katamtamang temperatura ng hangin sa Peninsula ng Antartiko ay tumaas nang 2.5 digri Celsius mula noong dekada ng 1950, anupat natunaw ang ilan sa mga yelo. Ganito ang sinabi ni Angus Atkinson ng British Antarctic Survey: “Hindi pa namin lubusang nauunawaan kung paano nauugnay ang pagkatunaw ng yelo sa karagatan sa pag-init ng temperatura, pero naniniwala kami na maaaring ito ang sanhi ng pag-unti ng mga krill.” Sinuri ng pangkat ang siyentipikong mga rekord sa pangingisda ng siyam na bansang nangingisda sa Antartiko mula noong 1926 hanggang 1939, at mula 1976 hanggang 2003. Sinasabi nila na mga sangkalima na lamang ng dami ng krill ang umiiral ngayon kung ihahambing noong nakalipas na tatlong dekada.
Pagsasalita sa Pamamagitan ng Pagsipol
Ang mga pastol ng La Gomera sa Canary Islands ay gumagamit ng isinisipol na wika na tinatawag na Silbo. Nakapag-uusap ang mga pastol bagaman napakalayo nila sa isa’t isa sa pamamagitan ng sistema ng pakikipagtalastasang binubuo ng dalawang patinig at apat na katinig, na isinisipol sa iba’t ibang tono. Kamakailan, gumamit ang mga mananaliksik ng magnetic resonance imaging upang paghambingin ang gawain ng utak ng limang indibiduwal na nagsasalita ng Kastila at ng limang pastol na gumagamit ng wikang Kastila at Silbo. Natuklasan ng mga mananaliksik na kapag nakikipagtalastasan ang mga pastol sa pamamagitan ng pagsipol, “ang kanilang utak ay naglalabas ng mga signal na katulad din ng mga signal kapag nagsasalita sila,” ang sabi ng pahayagang El País ng Espanya. Sinipi ng report ang isang mananaliksik na nagsabi: “Ang mga resulta ng pagsusuri na ito ay nagbibigay ng higit na katibayan hinggil sa kakayahan ng tao na matuto ng iba’t ibang anyo ng wika.”
Ang Lumalaking Gastos sa Pagsasaling-Wika
Noong Mayo 2004, nadagdagan ng sampung bagong miyembrong bansa ang European Union, anupat 25 na ang kabuuang bilang nito ngayon. Gayunman, ang karagdagang ito ay nagdulot ng mga problema sa wika, anupat lumaki ang gastusin. Itinuturing na opisyal na mga wika ang 20 wika na ginagamit sa 25 bansa. Kaya kailangang isalin sa lahat ng wikang ito ang mga dokumento. “Bago nadagdag ang mga bansang ito,” ang ulat ng magasing pambalita na Valeurs Actuelles sa Pransiya, “nakapagsalin ang European Commission ng 1,416,817 pahina [ng teksto] noong 2003.” Gayunman, mabilis na darami ngayon ang mga pahinang isasalin. Dahil sa nadagdag na siyam na bagong wika, ang posibleng mga kombinasyon ng salin (halimbawa, mula sa Maltese tungo sa Pinlandes, o Estoniano tungo sa Griego) ay dumami mula 110 tungo sa 380. Lalong humihirap ang paghahanap ng kuwalipikadong mga tagapagsalin at interprete. Ang badyet para sa pagsasalin—550 milyong euro sa kasalukuyan—ay inaasahang mabilis na tataas at “maaaring umabot nang 808 milyong euro,” ang sabi ni Robert Rowe ng departamento sa pagsasalin ng European Commission.
Maruming Hangin sa Simbahan
Ang mga partikula ng usok na nagmumula sa nakasinding mga kandila at sinusunog na insenso ay maaaring nagsasapanganib sa kalusugan ng mga pari at ng mga miyembro ng parokya na nananatili nang matagal sa mga simbahang hindi maganda ang bentilasyon, ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Natuklasan sa isang pag-aaral na ang dami ng partikulang nasa usok sa dalawang simbahan ay “hanggang 20 beses na mas mataas sa itinuturing na ligtas na antas na maaaring langhapin batay sa pamantayang itinakda ng Europa hinggil sa polusyon sa hangin,” ang sabi ng pahayagan. Binanggit ng report na ang antas ng polusyon dito ay katulad niyaong sa “hangin sa tabi ng kalsada na dinaraanan ng 45,000 sasakyan araw-araw.” Ang laging pagkahantad sa polusyong ito sa hangin sa loob ng simbahan ay maaaring magpalaki sa panganib na magkaroon ang isa ng kanser sa baga o iba pang sakit sa palahingahan, ang babala ng isa sa mga awtor ng pag-aaral.
Monumento Para sa mga Hayop na Ginamit sa Digmaan
“Isang pambansang monumento para sa mga hayop na naglingkod, nagdusa at namatay na kasama ng mga hukbong Britano at ng mga bansang Alyado sa mga digmaan at labanan sa nakalipas na mga siglo” ang iniharap sa madla sa sentro ng London, ang ulat ng The Times. Ang monumento ay binubuo ng tansong estatuwa ng kabayo, aso, at dalawang mulang may kargada, na napalilibutan ng batong pader na inukitan ng mga larawan ng iba pang mga hayop na ginamit sa iba’t ibang digmaan. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig I, tinatayang walong milyong kabayo ang namatay, bukod pa sa di-mabilang na mga mula at buriko. Iniulat din ng diyaryong Guardian na ginamit ng mga sundalo noong Digmaang Pandaigdig I ang mga glowworm sa pagbabasa ng mga mapa sa gabi. Isang kahanga-hangang hayop, na pinanganlang Rob ang “para-dog,” ang mahigit 20 beses na isinakay sa parasyut at ibinagsak sa Hilagang Aprika at Italya. Bukod diyan, noong Digmaang Pandaigdig II, isang kalapating pinanganlang Cher Ami ang “hindi kailanman nabigo sa paghahatid ng di-kukulangin sa 12 mensahe,” ang sabi ng The Times. Gayunman, ayon sa isang reperensiya, tinatayang 20,000 kalapati ang namatay sa digmaang iyon.