Amag—Kaibigan at Kaaway!
Amag—Kaibigan at Kaaway!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SWEDEN
Ang ilang amag ay nagliligtas ng buhay; ang iba naman ay pumapatay. Ang ilan ay pampalasa sa keso at alak; ang iba naman ay lason sa pagkain. Ang ilan ay tumutubo sa mga troso; sa mga banyo at sa aklat naman ang iba. Sa katunayan, nasa lahat ng dako ang amag—baka nasisinghot mo pa nga ito habang binabasa mo ang pangungusap na ito.
KUNG nag-aalinlangan ka na nasa lahat nga ng dako ang amag, mag-iwan ka lamang ng tinapay, kahit sa loob ng repridyeretor. Hindi magtatagal at magkakaroon ito ng balot na parang bulak—amag!
Ano ang Amag?
Ang mga amag ay kabilang sa Fungi kingdom, na may mahigit 100,000 uri, kasama na ang mga mildew, kabute, plant rust, at yeast. Mga 100 fungus lamang ang kilalang nagdudulot ng sakit sa tao at hayop. Mahalaga ang papel ng maraming iba pa sa food chain—binubulok ang patay nang organikong mga bagay at sa gayong paraan ay nareresiklo ang mahahalagang elemento sa anyong magagamit ng halaman. Ang iba pa ay may simbiyotikong kaugnayan sa mga halaman, at tumutulong sa mga ito na masipsip ang mga nutriyente mula sa lupa. Ang ilan naman ay parasito.
Nagsisimula ang buhay ng amag bilang pagkaliliit na espora (spore) na tinatangay ng hangin. Kapag napadpad ang espora sa isang angkop na mapagkukunan ng pagkain na, bukod pa sa ibang bagay, may tamang temperatura at antas ng halumigmig, tutubo ang espora, at bubuo ng gahiblang mga selula na tinatawag na hypha. Kapag nakabuo ng kolonya ang hypha, ang tulad-balahibo at buhul-buhol na kulupon ay tinatawag na mycelium, na siyang nakikita bilang amag. Maaari ring magmukhang dumi o mantsa ang amag, tulad kapag nabubuo ito sa pagitan ng mga baldosa sa banyo.
Napakagaling magparami ng amag. Sa karaniwang amag sa tinapay, Rhizopus stolonifer, ang maliliit na tuldok na kulay itim ay mga katawan ng espora, o sporangium. Sa isang tuldok lamang, may mahigit sa 50,000 espora, at ang bawat isa nito ay nakabubuo ng daan-daang milyong bagong espora sa loob lamang ng ilang araw! At kung tama ang kalagayan, madali ring tumubo ang amag sa aklat, bota, o wallpaper kung paanong gayon kadali itong tumubo sa troso sa gubat.
Paano “kumakain” ang amag? Di-tulad ng mga hayop at tao, na kumakain muna bago tunawin ang pagkain sa kanilang sistema ng panunaw, kadalasang binabaligtad ng amag ang proseso. Kapag napakalaki o napakasalimuot ng organikong mga molekula para kainin ng amag, naglalabas ang mga ito ng panunaw na enzyme na siyang tumutulong upang gawing simple ang mga molekulang ito na sisipsipin naman ng amag. Bukod dito, yamang hindi makapaglakbay ang mga amag upang maghanap ng pagkain, kailangang tumira ang mga ito sa kanilang pagkain.
Kayang gumawa ng amag ng nakalalasong substansiya na tinatawag na mycotoxin, na may masamang
epekto sa mga tao at hayop. Maaaring mahantad ang isa sa amag sa pamamagitan ng paglanghap, paglunok, o pagdikit sa balat. Pero hindi naman laging nakapipinsala ang amag, sapagkat may pakinabang naman dito.Ang Kapaki-pakinabang na Katangian ng Amag
Noong 1928, di-sinasadyang natuklasan ng siyentipikong si Alexander Fleming ang kakayahan ng berdeng amag na pumatay ng mga mikrobyo. Ang amag, na nakilala sa kalaunan bilang Penicillium notatum, ay napatunayang pumapatay ng baktirya subalit hindi nakapipinsala sa tao at hayop. Nakatulong ang tuklas na ito upang maimbento ang penisilin, na sinasabing “nagligtas ng mas maraming buhay kaysa sa alinpamang gamot sa modernong medisina.” Dahil sa kanilang nagawa, si Fleming at ang kaniyang kapuwa mananaliksik na sina Howard Florey at Ernst Chain ay ginantimpalaan ng Nobel Prize para sa medisina noong 1945. Mula noon, may nakuha pang ibang substansiyang nakagagamot mula sa amag, kabilang na ang mga panlunas sa pamumuo ng dugo, sakit ng ulo na migraine, at Parkinson’s disease.
Naging pampalasa rin ng pagkain ang amag. Kuning halimbawa ang keso. Alam mo ba na natatangi ang lasa ng mga kesong Brie, Camembert, Danish blue, Gorgonzola, Roquefort, at Stilton dahil sa ilang uri ng amag na Penicillium? Utang din ng salami, toyo, at serbesa ang masarap na lasa nila sa amag.
Totoo rin ito sa alak. Kapag inani sa tamang panahon ang ilang uri ng ubas na may tamang dami ng tumubong fungus sa bawat bungkos, maaaring gamitin ang mga ito upang makagawa ng masarap na alak na panghimagas. Lalong pinatatamis ng amag na Botrytis cinerea ang asukal sa ubas, anupat pinasasarap ito. Sa imbakan ng alak, lalo pang ginagawang malasa ng amag na Cladosporium cellare ang alak habang pinagugulang ito. Ayon sa kasabihan ng mga gumagawa ng alak sa Hungary: ‘Gumagawa ng masarap na alak ang marangal na amag.’
Kapag Naging Kaaway ang Amag
Ang di-mabubuting katangian ng ilang amag ay may mahabang kasaysayan din. Noong ikaanim na siglo B.C.E., ginamit ng mga Asiryano ang amag na Claviceps purpurea upang lasunin ang mga balon ng kanilang mga kaaway—isang sinaunang anyo ng biyolohikal na digmaan. Noong Edad Medya, ang amag ding ito na tumutubo kung minsan sa senteno, ang dahilan kung bakit ang maraming tao ay inatake ng epilepsi, nakadama ng hapdi ng katawan, nagkaroon ng ganggrena, at dumanas ng halusinasyon. Ang sakit na ito, na tinatawag na ngayong ergotism, ay binansagang St. Anthony’s fire sapagkat maraming biktima nito na umaasang makahimalang gagaling ang nagtungo sa dambana ni St. Anthony sa Pransiya.
Ang pinakamatapang na substansiyang nagdudulot ng kanser ay ang aflatoxin—lason na ginagawa ng amag. Sa isang bansa sa Asia, 20,000 taun-taon ang sinasabing namamatay dahil sa aflatoxin.
Ang nakamamatay na substansiyang ito ang ginagamit sa modernong biyolohikal na mga sandata.Gayunman, sa pang-araw-araw na buhay, ang mga sintomas ng pagkahantad sa karaniwang amag ay malamang na makairita lamang sa halip na maging matinding banta sa kalusugan. “Hindi nakasasama ang karamihan sa mga amag kahit pa malanghap mo ang mga ito,” ang sabi ng UC Berkeley Wellness Letter. Kabilang sa mga taong madalas makaranas ng masamang epekto ay yaong may sakit sa baga, tulad ng hika; mga taong may alerdyi, sensitibo sa mga kemikal, o may mahinang sistema ng imyunidad; at mga magbubukid na nahahantad sa pagkarami-raming amag. Maaaring mas sensitibo rin ang mga sanggol at may-edad na sa epekto ng pagkahantad sa amag.
Ayon sa California Deparment of Health Services sa Estados Unidos, maaaring magdulot ng sumusunod na sintomas ang amag: ‘Problema sa palahingahan, tulad ng paghinga nang may huni, pagsisikip at pangangapos ng hininga; pagbabara ng ilong at sinus; iritasyon sa mata (pag-iinit, pagluluha, o pamumula ng mata); tuyong ubo, pangangati ng ilong at lalamunan; singaw o iritasyon sa balat.’
Amag at mga Gusali
Sa ilang lupain, kadalasang mababalitaan mong ipinasasara ang mga paaralan o pinababakante ang mga bahay o opisina upang alisan ng amag ang gusali at ayusin ito upang hindi na muling amagin. Noong maagang bahagi ng 2002, ipinasara ang kabubukas lamang na Museum of Modern Arts sa Stockholm, Sweden, dahil sa amag. Humigit-kumulang limang milyong dolyar ang nagastos sa pag-aalis ng amag sa gusaling iyon! Bakit kaya dumalas ang problemang ito kamakailan?
Ang sagot ay nakasalalay sa dalawang salik: ang mga materyales at disenyo ng mga gusali. Nitong nakalipas na mga dekada, ang mga materyales na ginagamit sa pagtatayo ay mas madaling tubuan ng amag. Isang halimbawa ang drywall, o gypsum board, na kadalasang gawa sa matigas na plaster na nababalutan ng susun-susong papel. May halumigmig ang plaster na ito. Kaya kung matagal na basa ang materyales na ito, maaaring tumubo at dumami ang mga espora ng amag, na siyang kumakain ng papel sa drywall.
Nagbago na rin ang disenyo ng mga gusali. Bago ang mga taon ng dekada ng 1970, maraming gusali sa Estados Unidos at sa ilan pang bansa ang di-gaanong maganda ang insulasyon at mas pinapasukan ng hangin kaysa sa mga bagong disenyo. Nagkaroon ng mga pagbabago dahil sa paghahangad na gawing mas matipid sa kuryente ang mga gusali sa pamamagitan ng pagbawas sa pumapasok na init, lamig, at hangin sa mga ito. Kaya kapag may pumasok na tubig, nakukulong nang mas matagal ang halumigmig, anupat mas madaling tumubo ang amag. May solusyon ba sa problemang ito?
Ang pinakamabisang paraan upang lunasan, o kahit bawasan man lamang, ang problema sa amag ay ang panatilihing malinis at tuyo ang lahat ng bagay sa loob ng gusali at mababa ang antas ng halumigmig. Kung sakaling may maipong halumigmig saanmang dako, tuyuin ito agad at gawin ang kinakailangang pagbabago o pagkumpuni upang hindi maipon ulit ang tubig. Halimbawa, panatilihing malinis at nasa ayos ang bubong at mga alulod. Tiyaking aagos palayo sa gusali ang tubig upang hindi maipon sa palibot ng pundasyon. Kung may air-conditioning, panatilihing malinis ang tinutuluan ng tubig at walang nakabara sa inaagusan ng tubig.
“Ang susi sa pagkontrol sa amag ay ang pagkontrol sa halumigmig,” ang sabi ng isang eksperto. Maiiwasan mo at ng iyong pamilya ang di-mabuting katangian ng amag sa pamamagitan ng simpleng mga hakbang. Sa ilang paraan, ang amag ay tulad ng apoy. Maaari itong makapinsala, pero maaari rin itong maging kapaki-pakinabang. Malaki ang nakasalalay sa paraan ng paggamit at pagkontrol natin dito. Mangyari pa, marami pa tayong dapat malaman tungkol sa amag. Subalit lagi tayong makikinabang sa kaalaman hinggil sa kamangha-manghang mga nilalang ng Diyos.
[Kahon/Larawan sa pahina 14, 15]
AMAG NOONG PANAHON NG BIBLIYA?
Binabanggit ng Bibliya “ang salot na ketong sa isang bahay,” na nangangahulugang nasa gusali mismo. (Levitico 14:34-48) Ipinapalagay na ang salot na ito, na tinatawag ding “malubhang ketong,” ay isang anyo ng amag, subalit hindi ito tiyak. Anuman ito, tinagubilinan ng Kautusan ng Diyos ang mga may-ari ng bahay na alisin ang nahawahang mga bato, kayurin ang buong loob ng bahay, at itapon sa labas ng lunsod “sa isang dakong marumi” ang lahat ng pinaghihinalaang bagay na nahawahan. Kung bumalik ang salot, ipahahayag na marumi ang buong bahay, ipagigiba, at ipatatapon ang lahat ng materyales nito. Ang detalyadong tagubilin ni Jehova ay nagpapakita ng kaniyang masidhing pag-ibig sa kaniyang bayan at sa kanilang pisikal na kapakanan.
[Larawan sa pahina 13]
Nakapagliligtas ng maraming buhay ang mga gamot na galing sa amag
[Larawan sa pahina 15]
Nakukulong ang halumigmig sa “drywall” at “vinyl,” na madali namang tinutubuan ng amag