Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kamangha-manghang Pulang Selula ng Iyong Dugo

Ang Kamangha-manghang Pulang Selula ng Iyong Dugo

Ang Kamangha-manghang Pulang Selula ng Iyong Dugo

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

Ang pinakakaraniwang selula sa iyong dumadaloy na dugo ang nagbibigay rito ng pulang kulay, kaya naman tinatawag itong pulang selula ng dugo. Sa isang patak lamang ng dugo ay may milyun-milyong ganitong selula. Kapag sinilip sa mikroskopyo, para silang mga doughnut na may yupi sa gitna sa halip na butas. Ang bawat selula ay siksik sa daan-daang milyong molekulang hemoglobin. Ang bawat molekula naman ng hemoglobin ay magandang hugis-globo na binubuo ng mga 10,000 hidroheno, karbon, nitroheno, oksiheno, mga atomo ng asupre, at apat na mas mabibigat na atomo ng iron, na siyang tumutulong upang makapagdala ng oksiheno ang dugo. Tumutulong ang hemoglobin upang maalis ng pulang selula ng iyong dugo ang carbon dioxide mula sa iyong baga at suplayan ang iyong katawan ng oksiheno mula sa hangin na nilalanghap mo.

Ang isa pang mahalagang bahagi ng pulang selula sa iyong dugo ay ang balot nito, na tinatawag na membrane. Dahil sa kahanga-hangang balot na ito, nababanat at napaninipis ng mga selula ang sarili nito anupat nakadaraan ito sa pinakamakipot na daluyan ng dugo at natutustusan nito ang bawat bahagi ng iyong katawan.

Sa utak ng iyong buto ginagawa ang pulang selula ng iyong dugo. Sa sandaling pumasok ang bagong selula sa iyong dumadaloy na dugo, maaari itong dumaan sa iyong puso at katawan nang mahigit 100,000 beses. Di-tulad ng iba pang selula, walang nukleo ang pulang selula ng dugo. Ito ang dahilan kung kaya mas marami itong espasyong paglalagyan ng oksiheno at mas magaan ang mga ito, na tumutulong naman sa pagbobomba ng iyong puso ng trilyun-trilyong pulang selula ng dugo sa buong katawan mo. Gayunman, dahil walang nukleo ang mga ito, hindi nito mapalitan ng bago ang mga panloob na bahagi nito. Dahil dito, pagkalipas ng mga 120 araw, nagsisimula nang masira ang pulang selula ng iyong dugo at hindi na elastiko ang mga ito. Ang malalaking puting selula ng dugo na tinatawag na phagocyte ang kumakain sa gastado nang mga selulang ito at nagluluwa sa mga atomo ng iron. Ang madalang na mga atomo ng iron na ito ay sumasama sa mga molekulang naghahatid sa mga ito sa utak sa buto upang gamitin sa paggawa ng panibagong mga pulang selula. Bawat segundo, naglalabas ang iyong utak sa buto ng dalawa hanggang tatlong milyong bagong pulang selula sa iyong dumadaloy na dugo!

Kung biglang huminto sa paggana ang trilyun-trilyong pulang selula ng iyong dugo, mamamatay ka sa loob lamang ng ilang minuto. Dapat tayong magpasalamat sa Diyos na Jehova dahil sa kamangha-manghang aspektong ito ng kaniyang paglalang, na nagpapanatili sa ating buhay! Walang-alinlangang sumasang-ayon ka sa salmista na nagsabi: “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako. Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”​—Awit 139:1, 14.

[Dayagram sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pulang selula ng dugo

Membrane

Hemoglobin (pinalaki)

Oksiheno