Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ko Sinasaktan ang Aking Sarili?
“Napalalim ang hiwa ko sa aking pulso anupat kinailangan itong tahiin. Sinabi ko noon sa doktor na nahiwa ako ng basag na bombilya, na totoo naman—hindi ko lang binanggit na sinadya ko iyon.”—Sasha, 23.
“Napansin ng aking mga magulang ang aking mga hiwa, pero yaon lang hindi masyadong malubha at parang galos lamang. . . . Kung minsan napapansin din nila ang hiwa na hindi nila alam ay sinadya ko, kaya nag-iimbento ako ng dahilan. . . . Ayokong malaman nila.”—Ariel, 13.
“Sinasaktan ko na ang aking sarili mula pa nang ako ay 11 anyos. Alam kong malaki ang pagpapahalaga ng Diyos sa katawan ng tao, pero ito man ay hindi nakapigil sa akin.”—Jennifer, 20.
MAAARING may kilala kang tulad nina Sasha, Ariel, o Jennifer. * Baka isa siya sa mga kaeskuwela mo. O maaaring kapatid mo. O marahil ikaw mismo. Sa Estados Unidos lamang, tinatayang milyun-milyong tao—karamihan ay mga kabataan—ang sadyang nananakit sa kanilang sarili sa iba’t ibang paraan, gaya ng paghiwa, pagsunog, pagsugat, o paggasgas sa kanilang balat. *
Sinasadyang saktan ang kanilang sarili? Noon, maaaring iugnay ng marami ang gayong gawain sa ilang lubhang kakatwang kausuhan o kulto. Subalit nitong mga nakaraang taon, lubhang dumami ang kaalaman tungkol sa pananakit sa sarili—kasali na ang paghiwa o pagpinsala sa sarili. Sa katunayan, dumami rin ang mga umaamin na may ganito silang problema. “Sinasabi ng bawat manggagamot na ang problema ay lumulubha,” ang sabi ni Michael Hollander, direktor ng isang pagamutan sa Estados Unidos.
Bagaman bihira ang namamatay sa pananakit sa sarili, mapanganib pa rin ito. Halimbawa, isaalang-alang ang karanasan ni Beth. “Kapag sinasaktan ko ang aking sarili, gumagamit ako ng labaha,” ang sabi niya. “Dalawang beses na akong naospital. Minsan ay kinailangan akong isugod sa emergency room dahil sa malalim na hiwa.” Tulad ng maraming dumaranas ng ganitong
sakit, sinasaktan ni Beth ang kaniyang sarili kahit hanggang sa maging adulto na siya. “Sinasaktan ko ang aking sarili mula pa nang ako ay 15 anyos, at ngayo’y 30 anyos na ako,” ang sabi niya.Ikaw ba o isang kakilala mo ay naging biktima ng pananakit sa sarili? Kung oo, huwag kang mawalan ng pag-asa. May tulong na makukuha. Tatalakayin natin sa susunod na isyu ng Gumising! kung paano matutulungan ang mga nananakit sa sarili. * Subalit makabubuting talakayin muna ang tungkol sa mga taong dumaranas ng ganitong sakit at kung bakit nila ito ginagawa.
Iba-iba ang Kalagayan
Mahirap ilagay sa iisang kategorya ang mga nananakit sa sarili—o kung minsan ay tinatawag na mga naghihiwa sa sarili. Ang ilan ay nagmula sa magulong pamilya; ang iba naman ay mula sa matatag at maliligayang pamilya. Ang ilan ay bumabagsak sa eskuwela, subalit marami ang mahuhusay na estudyante. Kadalasan nang hindi mapapansin na may problema ang mga nananakit sa sarili dahil hindi naman nila laging ipinahahalata na may problema sila. Ganito ang sinasabi sa Bibliya: “Maging sa pagtawa man ay maaaring nasasaktan ang puso.”—Kawikaan 14:13.
Iba-iba rin ang tindi ng pananakit sa sarili ng bawat tao. Halimbawa, sa isang pag-aaral ay natuklasan na hinihiwa ng ilang indibiduwal ang kanilang sarili minsan lamang sa isang taon samantalang ang iba naman ay sa katamtaman, dalawang beses sa isang araw. Kapansin-pansin, mas maraming lalaki ang nananakit sa kanilang sarili kaysa sa dating inaakala. Gayunman, ang problema ay masusumpungan sa karamihan sa mga kabataang babae.
Sa kabila ng iba-ibang kalagayan, tila may ilang magkakaparehong katangian ang ilang nananakit sa kanilang sarili. Ganito ang sinasabi ng isang ensayklopidiya hinggil sa mga kabataan: “Ang mga kabataan na nananakit sa sarili ay kadalasang nakadarama na sila ay inutil, nahihirapang magtapat sa iba ng kanilang damdamin, nakadaramang sila’y nag-iisa o ibinubukod, natatakot, at mababa ang pagtingin sa sarili.”
Siyempre, baka naman sabihin ng iba na maaaring kumapit ang paglalarawang ito sa halos sinumang kabataan na napapaharap sa mga pangamba at alalahanin na karaniwan na sa mga nagbibinata at nagdadalaga. Subalit para sa isang nananakit sa sarili, lalo nang matindi ang pagpupunyagi. Dahil hindi niya masabi at maipagtapat sa isang kaibigan ang mga damdaming ito, waring hindi niya maharap ang mga hamon sa eskuwela o trabaho, o ang mga alitan sa pamilya. Wala siyang makitang solusyon at inaakala niyang wala siyang makausap. Waring hindi na niya makayanan ang tensiyon. Sa wakas, may natuklasan siya: Nang saktan niya ang kaniyang sarili sa pisikal na paraan, para bang naibsan ang hirap ng kaniyang kalooban, at pakiramdam niya ay makakaya na niyang harapin ang buhay—kahit man lamang sa sandaling iyon.
Bakit kaya pinipili ng isa na saktan ang kaniyang sarili upang maibsan ang hirap ng kalooban? Bilang paglalarawan, isaalang-alang ang nangyayari kapag ikaw ay nasa klinika ng doktor at malapit ka nang iniksiyunan. Habang iniiniksiyunan ka, kinukurot mo ba ang iyong sarili o dinidiinan mo ng iyong kuko ang iyong balat para hindi mo gaanong maramdaman ang sakit ng iniksiyon? Ganoon din ang ginagawa ng isang nananakit sa sarili, subalit sa mas mapanganib na antas. Para sa nananakit sa sarili, pansamantalang hindi niya napapansin at waring naiibsan ang hirap ng kaniyang kalooban sa pamamagitan ng paghiwa. At dahil sa bigat ng kaniyang kalooban, mas pipiliin pa ng isa na masaktan sa pisikal na paraan. Marahil iyan ang dahilan kung bakit inilarawan ng
isang nananakit sa sarili ang paghiwa bilang “gamot sa aking mga pangamba.”“Isang Paraan ng Pagharap sa Kaigtingan”
Para sa mga hindi pamilyar sa sakit na ito, ang pananakit sa sarili ay parang pagtatangkang magpakamatay. Subalit kadalasang hindi ganito ang kaso. “Karaniwan nang gusto lamang ng mga taong ito na wakasan ang kanilang paghihirap, hindi ang kanilang buhay,” ang sulat ni Sabrina Solin Weill, executive editor sa isang magasin para sa mga tin-edyer. Kaya tinukoy ng isang reperensiyang akda ang pananakit sa sarili bilang “isang ‘salbabida’ sa halip na isang paraan upang wakasan ang buhay.” Tinukoy rin ng aklat ang pananakit sa sarili bilang “isang paraan ng pagharap sa kaigtingan.” Anong uri ng kaigtingan?
Nasumpungan na marami sa mga nananakit sa sarili ang dumanas ng isang uri ng trauma tulad ng pang-aabuso o pagpapabaya noong sila ay bata pa. Para sa iba, isang salik ang alitan sa pamilya o alkoholismo ng isang magulang. Para naman sa ilan, nasasangkot ang sakit sa isip.
Maaari rin namang may iba pang problema. Halimbawa, si Sara ay nasa kalagayang tinatawag niyang pang-aabuso sa sarili dulot ng perpeksiyonismo. Bagaman tinulungan na siya ng mga Kristiyanong elder dahil sa kaniyang malulubhang pagkakasala, labis pa rin siyang nakokonsiyensiya dahil sa kaniyang araw-araw na mga pagkakamali. “Dapat akong ‘maging malupit’ sa aking sarili,” ang sabi ni Sara. “Para sa akin, ang pananakit sa sarili ay pagdidisiplina lamang sa sarili. Kasama sa aking ‘pagdidisiplina sa sarili’ ang pagsabunot, paghiwa sa pulso at braso, paghampas na nagdudulot ng malalalim na sugat, at pagpaparusa tulad ng pagbababad ng aking kamay sa napakainit na tubig, pag-upo sa labas nang walang pangginaw kahit na napakalamig ng panahon, o hindi pagkain sa loob ng isang araw.”
Para kay Sara, ang pananakit sa sarili ay nagpapakita ng matinding pagkamuhi sa sarili. “May mga pagkakataong alam kong pinatawad na ako ni Jehova sa aking mga pagkakamali,” ang sabi niya, “pero ayokong patawarin niya ako. Gusto kong magdusa dahil labis kong kinamumuhian ang aking sarili. Bagaman hindi kailanman naisip ni Jehova ang isang lugar ng pagpaparusa tulad ng impiyerno ng Sangkakristiyanuhan, gusto kong gumawa siya ng gayon para lang sa akin.”
“Mga Panahong Mapanganib”
Baka ang ilan ay nagtataka kung bakit nitong kamakailang dekada lamang napag-alaman ang ganitong nakababahalang gawain. Subalit alam ng mga estudyante sa Bibliya na ito na ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kaya hindi nila ikinagugulat malaman na ang mga tao—kabilang na ang mga kabataan—ay bumabaling sa paggawing mahirap ipaliwanag.
Kinikilala ng Bibliya na “sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.” (Eclesiastes 7:7) Ang mga hamon na napapaharap sa mga nagbibinata’t nagdadalaga—na may kasamang kalunus-lunos na mga karanasan sa buhay sa ilang kaso—ay maaaring maging dahilan para mamihasa sa nakapipinsalang paggawi, kabilang na ang pananakit sa sarili. Ang isang kabataan na nakadaramang nag-iisa siya at walang makausap ay maaaring bumaling sa paghiwa sa sarili para makahanap ng ginhawa. Subalit anumang ginhawa na tila iniaalok ng pananakit sa sarili ay pansamantala lamang. Sa malao’t madali ay babalik ang mga problema, pati na rin ang pananakit sa sarili.
Karaniwan na, gustong ihinto ng mga nananakit sa sarili ang nakapipinsalang gawaing ito subalit lubha silang nahihirapan. Paano nagtagumpay ang ilan sa paghinto sa pananakit sa sarili? Tatalakayin ito sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” “Paano Ko Maihihinto ang Pananakit Ko sa Aking Sarili?” sa Pebrero 2006 isyu ng Gumising!
[Mga talababa]
^ par. 6 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 6 Ang pananakit sa sarili ay iba sa pagbutas sa mga bahagi ng katawan o pagpapatato. Ang mga ito ay karaniwang nang dahil sa pagsunod sa uso at hindi dahil sa di-mapigilang damdamin. Tingnan ang Agosto 8, 2000 ng Gumising!, pahina 18-9.
^ par. 9 Sinasabi sa Levitico 19:28: “Huwag kayong magkukudlit ng mga hiwa sa inyong laman dahil sa isang namatay na kaluluwa.” Ang paganong kaugaliang ito—na malamang na dinisenyo upang payapain ang mga diyos na pinaniniwalaang namumuno sa mga patay—ay naiiba sa nakagawiang pananakit sa sarili na tinatalakay rito.
MGA BAGAY NA MAAARING PAG-ISIPAN
▪ Bakit sinasaktan ng ilang kabataan ang kanilang sarili?
▪ Matapos basahin ang artikulong ito, may naiisip ka bang ilang mas maiinam na paraan upang harapin ang nakaliligalig na mga damdamin?
[Blurb sa pahina 11]
“Maging sa pagtawa man ay maaaring nasasaktan ang puso.”—Kawikaan 14:13
[Blurb sa pahina 11]
“Karaniwan nang gusto lamang nilang wakasan ang kanilang paghihirap, hindi ang kanilang buhay”
[Blurb sa pahina 12]
Tayo ay nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”—2 Timoteo 3:1