Ang Pangmalas ng Bibliya
Bakit Tayo Dapat Umasa sa Bibliya Para sa Patnubay?
“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”—2 Timoteo 3:16.
ANO ang inaasahan mong papatnubay sa iyong buhay? Sa ngayon, pagkarami-raming payo ang makukuha sa halos lahat ng paksang maiisip mo. Sa kabila nito, marami ang umaasa sa sinaunang mga akda ng Bibliya para sa patnubay.
Gayunman, minamaliit ng karamihan ng mga tao ang Bibliya, lalo na sa panahong ito na napakadaling kumuha ng impormasyon at makabago na ang teknolohiya. Sumasang-ayon ang ilang tinitingalang edukador at siyentipiko na hindi na mahalaga ang Bibliya. Tama kaya sila? Kung isasaalang-alang ang maraming mapagkukunan ng patnubay na napakalaganap sa ngayon, bakit dapat pang umasa ang sinuman sa Bibliya?
Isang Aklat ng Katotohanan
Minsan, nagpapahinga si Jesu-Kristo sa isang balon at nakikipag-usap sa isang babaing Samaritana. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Ipinakikita ng pananalitang ito na may anyo ng pagsamba na katanggap-tanggap sa Diyos. Upang makasamba tayo sa katotohanan, dapat na kasuwato ito ng mga isiniwalat ng Diyos hinggil sa kaniyang sarili sa Bibliya. Nasa Salita ng Diyos ang katotohanan.—Juan 17:17.
Gayunman, maraming relihiyon ang nag-aangking naniniwala sa Bibliya, at waring magkakaiba ang itinuturo ng bawat isa. Dahil dito, marami ang nalilito kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Si Jesus ba ang Diyos o siya ang Anak ng Diyos? May kabilang-buhay ba o wala? Ang impiyerno ba ay talagang isang lugar kung saan pinahihirapan ang mga tao pagkamatay? Totoo bang persona si Satanas? Ano ang kahulugan ng pagiging Kristiyano? Talaga bang mahalaga sa Diyos ang ginagawa at iniisip natin? * Inaangkin ng iba’t ibang relihiyon na katotohanan ang itinuturo nila tungkol sa mga bagay na ito. Subalit kadalasan nang nagkakasalungatan ang relihiyosong mga doktrina. Hindi maaaring katotohanan ang lahat ng iyon.—Mateo 7:21-23.
Puwede bang magsama nang di-kasal ang dalawang tao basta’t talagang nagmamahalan sila? Mali bang uminom ng alak?Kung gayon, paano mo masusumpungan ang katotohanan tungkol sa Diyos at ang anyo ng pagsamba na nakalulugod sa kaniya? Ipagpalagay nang kailangan kang operahan upang lunasan ang isang malubhang sakit. Ano ang gagawin mo? Hangga’t maaari, sisikapin mong hanapin ang pinakamagaling na siruhano para sa gayong uri ng operasyon. Aalamin mo ang kaniyang mga kredensiyal at karanasan, pupuntahan mo siya, at kakausapin. Sa wakas, matapos kang makumbinsi sa mga katibayan na siya nga ang pinakamagaling na siruhano, magtitiwala ka sa kaniya at magpapaopera. Baka iba ang opinyon ng ilan. Subalit matibay na ngayon ang pagtitiwala mo sa siruhanong ito.
Sa katulad na paraan, kung matapat at lubusan mong susuriin ang makukuhang mga ebidensiya, malilinang mo ang pagtitiwala sa Diyos at sa Bibliya. (Kawikaan 2:1-4) Sa paghanap ng mga sagot sa mga tanong hinggil sa uri ng pagsamba na katanggap-tanggap sa Diyos, may mapagpipilian ka. Maaari mong suriin ang nagkakasalungatang turo at opinyon ng mga tao, o maaari mong isaalang-alang ang pangmalas ng Bibliya.
Tumpak at Praktikal
Kung maingat mong susuriin ang Bibliya, makasusumpong ka ng maraming patotoo na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” * (2 Timoteo 3:16, 17) Halimbawa, ang Bibliya ay punô ng detalyadong mga hula. Pinatutunayan ng kasaysayan na natupad ang mga ito. (Isaias 13:19, 20; Daniel 8:3-8, 20-22; Mikas 5:2) Bagaman hindi aklat-aralin sa siyensiya ang Bibliya, tumpak ito pagdating sa siyensiya. Naglalaman ito ng mga katotohanan hinggil sa kalikasan at kalusugan na isinulat libu-libong taon bago pa marating ng mga siyentipiko ang gayunding mga konklusyon.—Levitico 11:27, 28, 32, 33; Isaias 40:22.
Bukod diyan, tinutulungan tayo ng Bibliya na gumawa ng matatalinong desisyon. Napakarami nitong praktikal na payo hinggil sa buhay pampamilya, pisikal at emosyonal na kalusugan, hanapbuhay, at iba pang pang-araw-araw na mga gawain. Sinasabi sa Kawikaan 2:6, 7: “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. At para sa mga matuwid ay mag-iimbak siya ng praktikal na karunungan.” Kung aasa tayo sa Bibliya para sa patnubay, masasanay mo ang iyong mga kakayahan sa pang-unawa na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Hebreo 5:14.
Tinutulungan din tayo ng Salita ng Diyos na maunawaan ang layunin ng buhay. (Juan 17:3; Gawa 17:26, 27) Ipinaliliwanag nito ang kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig. (Mateo 24:3, 7, 8, 14; 2 Timoteo 3:1-5) Ipinakikita ng Diyos sa atin sa pamamagitan nito kung paano niya aalisin ang kasamaan sa lupa at bibigyan ng sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay ang sangkatauhan.—Isaias 33:24; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3, 4.
Naranasan mismo ng milyun-milyon katao na ang Bibliya ay talaga ngang mapananaligan at mapagkakatiwalaang pinagmumulan ng praktikal na karunungan. Inaanyayahan ka ng mga tagapaglathala ng Gumising! na suriin ang serye ng mga artikulo na pinamagatang “Ang Pangmalas ng Bibliya,” na itinatampok sa bawat isyu ng magasing ito. Sa pamamagitan nito, makasusumpong ka ng karagdagang ebidensiyang nagpapatunay na ang Bibliya ang pinakamagaling na patnubay sa iyo mismong buhay.
[Mga talababa]
^ par. 8 Ang mga ito at ang iba pang mga tanong na ito ay tatalakayin sa “Ang Pangmalas ng Bibliya”—regular na bahagi ng Gumising!—sa susunod na mga isyu.
^ par. 12 Para sa katibayan na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
▪ Anong anyo ng pagsamba ang katanggap-tanggap sa Diyos?—Juan 4:24.
▪ Ano ang dapat mong gawin upang makinabang sa karunungan ng Diyos?—Kawikaan 2:1-4.
▪ Sa anong paraan pinagmumulan ng praktikal na patnubay ang Bibliya?—Hebreo 5:14.