Hayun, Palayo Na Sila!
Hayun, Palayo Na Sila!
HALOS magtatakip-silim na at malamig ang simoy ng hangin sa taglagas. Subalit di-nagtagal ay nabasag ang katahimikan dahil sa maingay na huni ng kawan ng mga gansa. Bigla silang lumitaw sa himpapawid—marahan subalit malakas ang pagaspas ng pakpak ng humigit-kumulang 20 sa kanila nang magliparan sila at bumuo ng malaking hugis-V. Isang gansa ang marahang kumaliwa at pumuwesto sa likuran. Ang kahanga-hangang panooring iyon ay pumukaw ng aking interes. Bakit kaya lumilipad nang nakahanay ang mga gansa? At saan sila patungo?
Ang mga gansa ay mga ibong marunong lumangoy at kauri ng mga bibi at sisne. May mga 40 uri ng gansa sa buong daigdig, at pinakakaraniwan silang makikita sa Asia, Europa, at Hilagang Amerika. Ang Canada goose ay isa sa pinakakilalang uri, na may kapansin-pansing mahaba at itim na leeg at puting patse sa lalamunan nito. Ang mga adultong lalaki ng isang uri ng ibong ito na tinatawag na giant Canada goose ay maaaring tumimbang ng walong kilo at ang haba ng kanilang mga pakpak kapag parehong nakabuka ay dalawang metro. Ang gansang ito ay nagpapalipas ng tag-araw sa hilaga hanggang sa Alaska at sa hilagang Canada at pagkatapos ay nandarayuhan patimog hanggang sa Mexico sa mga buwan ng taglamig.
Napakahalagang nasa tamang panahon ang pandarayuhan ng mga gansa. Kung masyadong napaaga ang dating nila sa hilaga, nagyeyelo pa ang tubig at kakaunti ang pananim. Kaya, karaniwan nang nandarayuhan pahilaga ang mga Canada goose kasabay ng pagbabago ng panahon. Pagdating nila sa kanilang destinasyon, magpapares-pares
ang mga gansa, at bawat pares ay magtatatag ng sariling teritoryo para sa pagpaparami.Dahil sa paglipad nang nakahanay, nakikita ng mga gansa ang isa’t isa at mabilis na nakasusunod kapag nagbago ng direksiyon, bilis, at taas ng lipad ang ibong nasa unahan. Bukod diyan, naniniwala ang ilang eksperto na dahil sa daloy ng hangin na nililikha ng gansa sa unahan ng hanay, nagiging mas maalwan ang lipad ng buong kawan yamang nababawasan ang alimpuyo ng hangin. Sa anu’t anuman, ang isang nandarayuhang kawan ay karaniwan nang binubuo ng ilang pamilya ng mga gansa, at ang mga adulto ang nagpapalitan sa unahan ng hanay.
Kadalasang iisang lugar lamang ang pinamumugaran ng mga Canada goose taun-taon. Ang pugad ay karaniwan nang gawa sa simpleng mga materyales, gaya ng mga patpat, damo, at lumot. Ang mga gansa ay monogamo—samakatuwid nga, iisa lamang ang kapareha nila habambuhay. Kapag namatay ang kapareha nito, maaaring humanap ng bagong asawa ang gansa. Gayunman, karaniwang hindi na nito pinapalitan ang kaniyang kapareha.
Apat hanggang walo ang nagiging itlog ng mga babaing gansa, na nililimliman niya nang mga 28 araw. Mabagsik na tagapagsanggalang ang mga magulang na gansa. Kapag nanganganib sila o ang kanilang inakay, nagiging agresibo ang magkapares na gansa. Gamit ang kanilang mga pakpak, kaya nilang hampasin nang ubod-lakas ang mga maninila.
Ang mga inakay na gansa ay nakikipagtalastasan na kahit nasa loob pa sila ng itlog. Iba-iba ang kanilang pagsiyap mula sa matinis na huni (pahiwatig na nasisiyahan sila) hanggang sa huning nagpapahiwatig na kailangan nila ng tulong. Kapag nakikipagtalastasan sa kanilang mga inakay o sa isa’t isa, iba’t ibang huni rin ang ginagamit ng mga adulto. Sa katunayan, natukoy ng mga mananaliksik ang di-kukulangin sa 13 iba’t ibang huni ng mga Canada goose.
Talagang “may likas na karunungan” ang mga gansa. (Kawikaan 30:24) Siyempre, ang lahat ng kapurihan ay sa Diyos na Jehova, ang isa na gumawa ng lahat ng bagay—kasali na ang mga nilalang na may pakpak sa himpapawid.—Awit 104:24.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]
Alam mo ba?
● Pagkalabas mismo ng mga inakay na gansa sa itlog, permanente na nilang iiwan ang kanilang pugad kasama ng kanilang nanay at tatay. Karaniwan nang nananatiling magkakasama ang mga pamilya ng gansa.
● Ang mga bar-headed goose ay sinasabing lumilipad sa ibabaw ng Bundok Everest, na may altitud na halos 8,900 metro, kapag nandarayuhan.
● Ang ilang uri ng gansa ay nakalilipad nang hanggang 1,600 kilometro nang walang pahinga.
● Kapag lumilipad nang nakahanay ang mga gansa na kasimbilis ng gansang lumilipad nang nag-iisa, mas madalang nilang ipagaspas ang kanilang pakpak at sa gayon ay mas mabagal ang pintig ng kanilang puso.
[Credit Line]
Top left: U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./Duane C. Anderson
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Flying geese: © Tom Brakefield/CORBIS