Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Michael Agricola—“Ama ng Bukang-Liwayway”

Michael Agricola—“Ama ng Bukang-Liwayway”

Michael Agricola​—“Ama ng Bukang-Liwayway”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND

“Wala nang iba pang aklat maliban sa Bibliya ang mas malalim at mas malawak na nakaimpluwensiya sa kultura, mga pamantayan, at takbo ng pag-iisip ng mga Pinlandes.”​—“Biblia 350​—The Finnish Bible and Culture.”

MAYROON na bang makukuhang Bibliya sa inyong katutubong wika? Malamang na mayroon na. Tutal, ang Bibliya​—sa kabuuan o bahagi nito​—ay naisalin na sa mahigit na 2,000 wika. At hindi ito nagkataon lamang. Sa buong kasaysayan, maraming lalaki at babae ang nagpagal upang maisalin ang Bibliya sa lokal na wika, sa kabila ng malalaking balakid. Isa sa kanila si Michael Agricola.

Si Agricola ang iskolar na nagsalin ng Bibliya tungo sa wikang Pinlandes. Malaki ang naitulong ng kaniyang mga akda sa pagbuo ng kultura ng Finland na alam natin ngayon. Kaya naman tinawag siyang Ama ng Bukang-Liwayway!

Si Agricola ay ipinanganak noong mga bandang 1510 sa nayon ng Torsby sa timog ng Finland. May bukid na pag-aari ang kaniyang ama kaya angkop ang kanilang apelyido na Agricola, na hango sa salitang Latin para sa “magsasaka.” Dahil lumaki sa rehiyon na gumagamit ng dalawang wika, malamang na nakapagsasalita si Agricola kapuwa ng Sweko at Pinlandes. Natuto siya ng iba pang wika nang mag-aral siya sa isang paaralang gumagamit ng wikang Latin sa bayan ng Vyborg. Nang maglaon ay lumipat siya sa Turku, ang sentro ng pangangasiwa sa Finland nang panahong iyon, kung saan siya ang naging kalihim ng obispong Katoliko ng Finland na si Martti Skytte.

Ang Relihiyon at Pulitika Noong Kaniyang Panahon

Sa panahong ito ng buhay ni Agricola, magulo sa Scandinavia. Ang Sweden ay nagsisikap na makalaya mula sa Unyon ng Kalmar, na binubuo ng mga bansa sa Scandinavia. Noong 1523, naging hari ng Sweden si Gustav I. Naging malaki ang epekto nito sa Finland, na noon ay isang probinsiya sa ilalim ng pamamahala ng Sweden.

Desidido ang bagong hari na patibayin ang kaniyang kapangyarihan. Upang matupad ang kaniyang mga tunguhin, itinaguyod niya ang Repormasyon, na noon ay lumalaganap sa hilagang Europa. Sa pagpapalit sa relihiyon ng kaniyang nasasakupan mula sa Katoliko tungo sa Luterano, naputol niya ang kaniyang ugnayan sa Batikano, napahina niya ang awtoridad ng mga obispong Katoliko, at nakuha niya ang kayamanan ng Simbahang Katoliko. Hanggang sa kasalukuyan, Luterano ang karamihan sa mga mamamayan ng Sweden at Finland.

Isang mahalagang layunin ng Protestantismo ang magdaos ng misa sa lokal na mga wika sa halip na sa wikang Latin. Kaya noong 1526, nailathala sa wikang Sweko ang Kristiyanong Griegong Kasulatan o “Bagong Tipan.” Subalit hindi kaagad lumaganap ang Protestantismo sa Finland. Nang panahong iyon, walang gaanong interesadong magsalin ng Bibliya tungo sa wikang Pinlandes. Bakit?

“Napakahirap at Nakapanghihimagod” na Trabaho

Ang isang pangunahing dahilan ay sapagkat halos wala pang inilabas na literatura sa wikang Pinlandes. Bago ang kalagitnaan ng ika-16 na siglo, kakaunti pa lamang ang naisusulat na dasal ng mga Katoliko sa lokal na wika. Kaya upang maisalin sa wikang Pinlandes ang Banal na Kasulatan, kakailanganing bumuo ng nasusulat na anyo ng maraming salita at mag-imbento ng bagong mga salita at mga parirala. At gagawin ito nang walang mga aklat-aralin tungkol sa wika. Gayunpaman, pinasimulan ni Agricola ang pagsasalin ng Bibliya!

Noong 1536, ipinadala ni Skytte, ang obispong Katoliko ng Finland, si Agricola sa Wittenberg, Alemanya upang pag-ibayuhin pa ang kaniyang pag-aaral sa teolohiya at wika. Ayon sa ilang ulat, sa bayang ito narinig ang mga pukpok ng martilyo ni Luther nang ipinapako niya sa pintuan ng kastilyong simbahan ang kaniyang tanyag na 95 tesis 20 taon na ang nakalilipas noon.

Habang nasa Wittenberg, higit pa sa pag-aaral ng teolohiya at wika ang ginawa ni Agricola. Pinasimulan niya ang napakalaking gawain ng pagsasalin ng Bibliya tungo sa wikang Pinlandes. Noong 1537, sa isang liham sa Swekong hari, isinulat niya: “Habang pinapatnubayan ng Diyos ang aking pag-aaral, sisikapin ko, gaya ng nasimulan ko na, na ipagpatuloy ang pagsasalin ng Bagong Tipan tungo sa wika ng mamamayan ng Finland.” Nang bumalik siya sa Finland, ipinagpatuloy niya ang pagsasalin, habang nagsisilbi ring prinsipal sa isang paaralan.

Ang pagsasalin ng Bibliya ay napakahirap na gawain para kay Agricola kung paanong gayundin ito para sa naunang mga tagapagsalin. Kahit si Luther ay bumulalas: “Napakahirap at nakapanghihimagod na pilitin ang mga Hebreong manunulat na magsalita ng Aleman”! Sabihin pa, maaaring makatulong kay Agricola ang mga salin ng iba, subalit ang pangunahing hamon na kailangan niyang harapin ay ang wikang Pinlandes mismo. Sa katunayan, halos hindi pa nga ito naisusulat!

Kaya para bang si Agricola ay nagtatayo ng isang bahay nang walang hawak na plano, at may kakaunti at kalat-kalat na mga materyales. Paano niya ginawa iyon? Nagsimula si Agricola sa pagpili ng mga salita mula sa iba’t ibang diyalekto ng Pinlandes at isinulat ito ayon sa bigkas. Malamang na si Agricola ang unang nag-imbento ng mga salitang Pinlandes para sa “gobyerno,” “mapagpaimbabaw,” “manuskrito,” “hukbong militar,” “huwaran,” at “eskriba.” Bumuo siya ng mga salitang tambalan at mga salitang hango, at humiram mula sa ibang mga wika, partikular na sa Sweko. Kabilang sa mga salitang ito ang enkeli (anghel), historia (kasaysayan), lamppu (lampara), marttyyri (martir), at palmu (puno ng palma).

Ang Salita ng Diyos Para sa mga Mamamayan

Sa wakas, inilathala noong 1548 ang Se Wsi Testamenti (Ang Bagong Tipan), ang unang bahagi ng salin ni Agricola. Ipinalalagay ng ilan na tapos na ang saling ito limang taon bago pa ang nasabing petsa, subalit naantala ang paglalathala nito dahil sa kakulangan sa pera. Malamang na si Agricola mismo ang gumastos para sa malaking bahagi ng pag-iimprenta.

Pagkalipas ng tatlong taon, lumabas ang Dauidin Psaltari (Mga Awit) na malamang na isinalin ni Agricola sa tulong ng kaniyang mga kasama. Pinangunahan din niya ang pagsasalin ng mga aklat ni Moises at ng mga propeta.

Yamang mapagpakumbaba niyang kinikilala ang kaniyang mga limitasyon, tahasang isinulat ni Agricola: “Wala sanang Kristiyano at makadiyos na tao o sinumang mambabasa ng Banal na Aklat na ito ang masiphayo kung sa saling ito ng isang baguhan ay may makita siyang anumang pagkakamali o kakaiba at di-kanais-nais o bago ang pagkakasabi.” Sa kabila ng anumang pagkukulang na maaaring makita sa salin ni Agricola, ang kaniyang matinding sigasig na maisalin ang Bibliya para sa karaniwang tao ay talagang kapuri-puri.

Ang Pamana ni Agricola

Sa pasimula ng 1557, si Agricola​—na Luterano na noon at obispo ng Turku​—ay pinili na maging kasama ng delegasyon na ipadadala sa Moscow upang ayusin ang pagtatalo hinggil sa hangganan sa pagitan ng Sweden at Russia. Nagtagumpay ang misyon. Subalit lumilitaw na biglang nagkasakit si Agricola dahil sa mahirap na paglalakbay pauwi. Habang nasa biyahe, namatay siya sa edad na mga 47 taon.

Sa kaniyang medyo maigsing buhay, mga sampung publikasyong Pinlandes lamang ang natapos ni Agricola, na may kabuuang halos 2,400 pahina. Gayunpaman, marami ang naniniwala na pinasigla ng “Ama ng Bukang-Liwayway” ang pagsulong ng kultura ng Finland. Mula noon, malaki ang isinulong ng wikang Pinlandes at ng mga mamamayan nito sa larangan ng sining at siyensiya.

Higit sa lahat, nakatulong si Michael Agricola sa isa pang mahalagang pagsulong​—na higit na maunawaan ng mga nagsasalita ng wikang Pinlandes ang Salita ng Diyos. Ito ay binuod sa isang tula sa wikang Latin na isinulat bilang pag-alaala sa kaniya pagkamatay niya: “Hindi siya nag-iwan ng pangkaraniwang pamana. Sa halip na pamana, iniwan niya ang kaniyang akda​—isinalin niya sa Pinlandes ang banal na mga aklat​—at ang akdang ito ay karapat-dapat sa dakilang papuri.”

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Ang Bibliya sa Wikang Pinlandes

Ang unang kumpletong Bibliya sa wikang Pinlandes, na pangunahin nang nakasalig sa salin ni Michael Agricola, ay inilathala noong 1642. Nang maglaon, ito ang naging opisyal na Bibliya ng Simbahang Luterano sa Finland. Sa loob ng maraming taon, nagkaroon lamang ng ilang maliliit na rebisyon sa salin subalit nanatili itong halos hindi nababago hanggang noong 1938. Ang pinakahuling rebisyon ay inilabas noong 1992.

Ang tanging iba pang kumpletong Bibliya sa wikang Pinlandes ay ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Inilabas ito noong 1995. Dalawampung taon bago nito, noong 1975, ang mga Saksi ay nakapaglathala na ng kanilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinikap ng mga tagapagsalin ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan na maging tapat, hangga’t maaari, sa orihinal na teksto. Sa kasalukuyan, mga 130,000,000 ang nailimbag na.

[Larawan sa pahina 22]

Si Michael Agricola at ang unang Bibliya sa wikang Pinlandes. Postkard noong 1910

[Credit Line]

National Board of Antiquities/Ritva Bäckman

[Larawan sa pahina 23]

Ang “Bagong Tipan” ni Agricola

[Picture Credit Line sa pahina 21]

National Board of Antiquities