Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Bundok—Mahalaga sa Buhay sa Lupa (Marso 22, 2005) Isa sa pinakakapana-panabik na pangyayari sa buhay ko ay nang makita ko ang Grand Tetons. Pero namangha ako nang mabasa ko kung gaano kahalaga ang mga bundok. Mas malaki na ngayon ang pagpapahalaga ko sa mga bundok sa ating lupa at sa kahanga-hangang Maylalang na nagdisenyo ng mga ito.
J. G., Estados Unidos
Kapag nakikita ko ang kagandahan ng nilalang ni Jehova, hindi ko maapuhap ang mga salita upang ilarawan ang aking nadarama. Sa kabila ng pamiminsala at pagpaparumi ng tao sa kapaligiran, mapahahalagahan at masisiyahan pa rin ang isa sa mga bundok. Nagagalak akong sabihin sa iba ang mangyayari sa malapit nang hinaharap, gaya ng ipinangako sa Awit 72:16.
R. C., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ko Kailangang Magtrabaho Nang Manu-mano? (Marso 22, 2005) Nagtatrabaho ako sa kompanya na nagpipintura ng mga gusali at pinangangasiwaan ng aking ama, pero may nagsabi sa akin na sa ganitong uri ng trabaho, hindi na kailangang gamitin ang utak. Gayunman, itinawag-pansin ng artikulo na sina Jesus at Pablo ay nagtrabaho nang manu-mano. Napatibay ako na maging mas masigasig ngayon sa aking trabaho. Gusto kong magpagal upang magamit ko ang kasanayang ito sa pagtatayo ng Assembly Hall at Kingdom Hall.
M. Y., Hapon
Talagang napasigla ako ng artikulong ito! Muli nitong ipinaalaala sa akin na ang pangunahin nating layunin sa buhay ay paglingkuran ang Diyos na Jehova at ang dapat kong piliing karera ay yaong kaayon ng layuning ito. Naudyukan ako ng magandang artikulong ito na magkusang tumulong sa kinakailangang mga gawaing-bahay. Mas mahalaga rito, tinulungan ako ng artikulong ito na malaman ang pangmalas ni Jehova tungkol sa manu-manong trabaho.
Y. K., Russia
Buhay—Isang Kagila-gilalas na Kalipunan ng mga Kadena (Enero 22, 2005) Ako po ay 15 taóng gulang. Sa klase namin na biyolohiya sa paaralan, pinag-aaralan namin ang paksang tinatawag na energy metabolism. Nang dalhin ko sa paaralan ang magasing ito, ginamit ng aking guro sa biyolohiya ang artikulo sa pagtuturo sa klase, at ipinakita niya ang mga drowing doon. Pagkatapos ng klase, ang lahat ay nagsabi na gusto nilang magkaroon ng magasing ito. Maliwanag na iniharap ng artikulong ito kung gaano kalawak ang karunungan ni Jehova. Walang-alinlangang karapat-dapat siyang purihin. Dumating na sana ang panahong lahat ng nabubuhay ay pupuri kay Jehova!
Y. B., Russia
“Kung Alam Lamang ng mga Tao!” (Enero 8, 2005) Ako po ay 17 taóng gulang, at madalas kong maisip na lumipat ng lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Pinatibay ng halimbawa ni David ang aking determinasyong lumipat sa gayong teritoryo pagkatapos kong mag-aral. Pakisuyong maglathala pa kayo ng gayong nakapagpapatibay na mga halimbawa. Laging kailangan ng mga kabataang kaedad ko ang pampasigla upang sumulong sa gawaing pangangaral.
K. O., Poland
Ako po ay 20 taóng gulang, at napaiyak ako nang mabasa ko ang artikulong ito. Naisip ko, ‘Kung maaga akong mamamatay, ayaw kong manghinayang dahil hindi ko pinaglingkuran si Jehova sa abot ng aking makakaya!’ Tunguhin kong maging buong-panahong ebanghelisador sa malapit na hinaharap. Ilalagay ko sa kuwadro ang artikulong ito at isasabit sa dingding para hindi ko kailanman malimutan ang nadama ko nang basahin ko ito. Salamat sa paglalathala ng gayong magagandang karanasan.
N. N., Hapon