Napalalakas ng Aking Pananampalataya—Namumuhay Nang May ALS
Napalalakas ng Aking Pananampalataya—Namumuhay Nang May ALS
AYON SA SALAYSAY NI JASON STUART
“Ikinalulungkot ko, Mr. Stuart. Mayroon kang ‘amyotrophic lateral sclerosis,’ o ALS, na kilala rin bilang ‘Lou Gehrig’s disease.’” * Saka sinabi ng doktor ang kalunus-lunos na mangyayari: Di-magtatagal at hindi na ako makakakilos o makapagsasalita, at kikitlin ng sakit na ito ang aking buhay sa bandang huli. “Gaano katagal pa ako mabubuhay?” ang tanong ko. “Baka tatlo hanggang limang taon,” ang sagot niya. Ako ay 20 taóng gulang lamang. Subalit sa kabila ng malungkot na balita, nadama kong marami pa rin akong pagpapala. Hayaan mong ipaliwanag ko.
IPINANGANAK ako noong Marso 2, 1978, sa Redwood City, California, E.U.A., ang pangatlo sa apat na anak nina Jim at Kathy Stuart. May masidhing pag-ibig sa Diyos ang aking mga magulang, at ikinintal nila sa akin at sa mga kapatid ko—sina Matthew, Jenifer, at Johnathan—ang matinding paggalang sa espirituwal na mga simulain.
Mula nang magkaisip ako, bahagi na ng regular na rutin ng aming pamilya ang pagbabahay-bahay sa ministeryo, pag-aaral ng Bibliya, at pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Ang espirituwal na pagpapalaki na iyan ang tumulong sa akin na magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos na Jehova. Hindi ko akalain na masusubok pala ang aking pananampalataya.
Naabot Ko ang Aking Pangarap
Noong 1985, isinama ni Itay ang aming buong pamilya sa New York para dumalaw sa Bethel sa Brooklyn, ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman pitong taóng gulang lamang ako noon, naisip kong espesyal ang Bethel. Waring maligaya ang lahat sa kanilang trabaho. Naisip ko, ‘Paglaki ko, pupunta ako sa Bethel at tutulong ako sa paggawa ng mga Bibliya para kay Jehova.’
Noong Oktubre 18, 1992, sinagisagan ko ng bautismo sa tubig ang aking pag-aalay kay Jehova. Pagkalipas ng ilang taon, noong 17 anyos na ako, isinama ako ulit ni Itay sa Bethel. Yamang mas may isip na ako, mas napahalagahan ko ang trabaho roon. Umuwi akong mas determinadong maabot ang aking tunguhing maglingkod sa Bethel.
Noong Setyembre 1996, nagsimula akong maglingkod bilang regular pioneer, o buong-panahong ebanghelisador. Upang maituon ko ang aking pansin sa aking tunguhin, nagpakaabala ako sa espirituwal na mga bagay. Pinag-ibayo ko ang aking personal na pag-aaral at pagbabasa ng Bibliya araw-araw. Sa gabi naman, nakikinig ako sa mga rekording ng mga pahayag sa Bibliya. Binanggit ng ilan sa pahayag na ito ang mga karanasan ng mga Kristiyanong napaharap sa kamatayan na may matibay na pananampalataya sa darating na Paraiso at sa pagkabuhay-muli. (Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4) Di-nagtagal at nakabisa ko ang lahat ng pahayag. Hindi ko akalain noon na magiging napakahalaga pala para sa akin ng nakapagpapatibay na impormasyong iyon sa malapit nang hinaharap.
Noong Hulyo 11, 1998, may dumating na sulat galing sa Brooklyn. Oo, inaanyayahan akong maglingkod sa Bethel. Makalipas ang isang buwan, naroroon na ako sa aking kuwarto sa Bethel. Naatasan akong magtrabaho sa bindery, sa paggawa ng mga aklat na ipinadadala sa maraming kongregasyon. Naabot ko na ang aking pangarap. Nasa Bethel na ako, ‘gumagawa ng mga Bibliya para kay Jehova’!
Pagkakasakit
Gayunman, mga isang buwan bago ako pumunta sa Bethel, napansin kong hindi ko maiunat nang husto ang aking kanang hintuturo. Nang mga panahon ding iyon, parang madali akong mahapo sa trabaho ko na paglilinis ng swimming pool. Inisip ko na lamang na baka hindi ako gaanong nagsisipag. Nakakaya ko naman kasi noon ang mas mabibigat na trabaho.
Pagkaraan ng ilang linggo pagdating ko sa Bethel, lumala ang mga sintomas. Napag-iiwanan ako ng ibang kabataang lalaki sa pagpanhik-panaog sa hagdanan. Kasama sa trabaho ko sa bindery ang pagbubuhat ng pinagsama-samang bahagi ng aklat. Hindi lamang ako agad napapagod kundi bumabaluktot nang kusa ang aking kanang kamay. Bukod dito, lumiit ang kalamnan sa hinlalaki ng kamay ko, at di-nagtagal ay hindi ko na ito maigalaw.
Noong kalagitnaan ng Oktubre, dalawang buwan pa lamang mula nang dumating ako sa Bethel, nasuri ng doktor na ALS ang sakit ko. Nang paalis na ako sa opisina ng doktor, agad kong inalaala ang mga pahayag sa Bibliya na nakabisa ko. Malamang na sumaakin noon ang espiritu ni Jehova yamang hindi ako natakot isiping mamamatay ako. Basta lumabas ako at naghintay sa sasakyang susundo sa akin pabalik sa Bethel. Nanalangin akong bigyan sana ni Jehova ng tibay ng loob ang aking pamilya kapag ibinalita ko ito sa kanila.
Gaya ng nabanggit ko sa simula, nadama kong pinagpala ako. Natupad ang pangarap ko noong bata pa ako na maglingkod sa Bethel. Nang gabing iyon ay naglakad ako sa Brooklyn Bridge, at nagpasalamat ako kay Jehova dahil pinahintulutan niyang maabot ko ang aking tunguhin. Marubdob din akong humingi ng tulong sa kaniya upang makayanan ang napakahirap na kalagayang ito.
Maraming kaibigan ko ang tumawag upang patibayin at palakasin ako. Sinikap kong maging masayahin at positibo. Gayunman, pagkaraan ng isang linggo nang masuri ako, kausap ko sa telepono ang aking ina at sinabi niyang mabuti naman at nilalakasan ko ang aking loob, pero sinabi rin niyang okey lang naman kung iiyak ako. Hindi pa niya tapos sabihin ang mga salitang ito nang mapahagulgol ako. Bigla kong natanto na mawawala ang lahat ng pinangarap ko.
Nais nina Inay at Itay na sunduin na ako, kaya sinorpresa nila ako isang umaga noong papatapos na ang Oktubre nang kumatok sila sa pintuan ko. Sa sumunod na mga araw, inilibot ko sila sa Bethel at ipinakilala ko sila sa aking mga kaibigan at sa iba pang mas matatanda at matatagal nang miyembro ng pamilyang Bethel. Ang mga araw na iyon nang makasama ko ang aking mga magulang sa Bethel ang isa sa pinakamaliligayang alaala sa aking buhay.
Pagtutuon ng Pansin sa Aking mga Pagpapala
Mula noon, pinagpapala pa rin ako ni Jehova sa maraming paraan. Noong Setyembre 1999, nagpahayag ako sa madla sa kauna-unahang pagkakataon. Nakapagpahayag ako sa marami pang kongregasyon, subalit nagsimula na akong mabulol anupat kinailangan ko nang huminto sa pagpapahayag.
Isa pang pagpapala ang di-nagmamaliw na pag-ibig at pag-alalay ng aking kapamilya at mga kapananampalataya. Nang humina na ang aking mga binti, inaalalayan na ako ng mga kaibigan sa paglalakad sa ministeryo. Pumupunta pa nga sa bahay namin ang ilan para alagaan ako.
Ang isa sa pinakamalaking pagpapala ay ang aking asawa, si Amanda. Nang umuwi ako mula sa Bethel, naging malapít kaming magkaibigan, at napahanga ako sa kaniyang espirituwal na pagkamaygulang. Sinabi ko sa kaniya ang lahat tungkol sa ALS at ang inaasahan ng mga doktor na mangyayari. Matagal-tagal kaming nagkasama sa ministeryo bago kami nagligawan. Ikinasal kami noong Agosto 5, 2000.
Nagpaliwanag si Amanda: “Nagustuhan ko si Jason dahil sa kaniyang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang sigasig sa espirituwal na mga bagay. Madaling mapalapít sa kaniya ang mga bata’t matanda. Tahimik at mahiyain ako, samantalang napakasigla at palakaibigan naman siya. Pareho kaming palabiro, kaya madalas kaming magtawanan. Palagay na palagay ang loob ko sa kaniya, na para bang matagal na kaming magkakilala. Tiniyak ni Jason na alam ko ang lahat tungkol sa kaniyang sakit at ang maaaring mangyari. Pero naisip kong maaari naming samantalahin ang lahat ng panahon na magkasama kami. Isa pa, wala naman talagang garantiya sa sistemang ito ng mga bagay. ‘Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari’ ay sumasapit maging sa mga may mabuting kalusugan.”—Eclesiastes 9:11.
Mga Paraan ng Pakikipagtalastasan
Nang maging mas mahirap nang intindihin ang pagsasalita ko, naging tagapagsalin ko si Amanda. Nang hindi na ako makapagsalita, gumawa kami ng espesyal na sistema ng pakikipagtalastasan. Sasabihin ni Amanda ang mga titik ng alpabeto, at kapag nabanggit niya ang titik na gusto ko, kukurap ako. Tinatandaan niya ang titik na iyon, saka kami tutungo sa susunod na titik. Sa ganitong paraan, nababaybay ko ang buong
mga pangungusap. Nasanay kami nang husto ni Amanda sa paraang ito ng pakikipagtalastasan.Sa ngayon, salamat sa modernong teknolohiya at mayroon akong laptop computer na tumutulong sa aking pakikipagtalastasan. Itina-type ko ang gusto kong sabihin, at ang boses ng computer ang bumibigkas ng binuo kong salita. Yamang hindi ko na magamit ang aking mga kamay, may infrared sensor na nakatapat sa aking pisngi at nakababasa ng galaw nito. Isang kahon kung saan nakasulat ang alpabeto ang lumalabas sa sulok ng iskrin ng aking computer. Sa pamamagitan ng galaw ng aking pisngi, maaari kong piliin ang titik na gusto ko at i-type ang mga salita.
Sa tulong ng computer na ito, maaari na akong lumiham sa mga taong interesado sa Bibliya—sa mga natatagpuan ng aking asawa sa ministeryo. Gamit ang boses sa aking computer, maaari akong maghanda ng mga presentasyon sa pagbabahay-bahay at magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Sa ganitong paraan ko naipagpapatuloy ang aking paglilingkod bilang regular pioneer. Nitong kamakailan, nakapagpapahayag na ulit ako at nagagampanan ko ang iba pang atas na pagtuturo sa kongregasyon, kung saan ako ministeryal na lingkod.
Pananatiling Palabiro
Marami kaming pinagdaanang hirap. Nang humina na ang aking mga binti, madalas akong matumba. Hindi lamang minsan akong nabubuwal at nasusugatan sa ulo. Maninigas ang aking mga kalamnan, kaya matutumba ako na parang punungkahoy. Matataranta ang mga nakakakita sa akin at tutulungan ako. Pero madalas kong dinadaan ito sa biro upang mawala ang pag-aalala ng mga tao. Lagi kong sinisikap na maging palabiro. Ano pa ba ang magagawa ko? Puwede naman akong magalit sa hirap ng nagiging buhay ko, pero ano naman ang mabuting idudulot nito?
Isang gabi nang nasa labas kami ni Amanda at ng dalawang kaibigan namin, bigla akong nabuwal at nabagok ang ulo ko. Naaalaala ko ang tatlong bahalang-bahalang mukha na nakatingin sa akin at nagtanong ang isa sa aking mga kaibigan kung okey lang daw ba ako.
“Oo,” ang sabi ko, “pero mga bituin ang nakikita ko.”
“Seryoso ka ba?” ang tanong ng kaibigan ko.
“Talaga, tingnan mo,” ang sagot ko, habang itinuturo ang kalangitan. “Ang ririkit nila.” Nagtawanan ang lahat.
Pagharap sa Araw-araw na Hamon
Habang lalong natutuyot ang aking mga kalamnan, lalo akong nahihirapan. Di-nagtagal at ang simpleng mga gawain, tulad ng pagkain, paliligo, paggamit ng palikuran, at pagbubutones ng aking damit, ay naging nakapapagod at nakasisiphayong ritwal sa araw-araw. Lumala na ang aking kalagayan anupat hindi na ako makagalaw, makapagsalita, makakain, o makahinga nang walang tulong. May nakakabit na tubo sa aking tiyan na dinaraanan ng likidong pagkain. May nakakabit na ventilator sa tubo sa aking lalamunan, kung kaya nakahihinga ako.
Bagaman determinado akong hindi magpatulong hangga’t maaari, lagi namang handa si Amanda na umalalay sa akin. Yamang mas kailangan ko ng tulong, hindi niya kailanman ipinadama sa akin na pabigat ako. Lagi niya akong pinakikitunguhan nang may dignidad. Kahanga-hanga
ang pag-aalaga niya sa akin ngayon, pero alam kong hindi ito madali.Ganito inilarawan ni Amanda ang kaniyang damdamin: “Unti-unti ang paghina ni Jason, kaya natutuhan ko kung paano siya alagaan habang tumatagal. Yamang may nakakabit sa kaniya na ventilator, kailangan niya ng 24 na oras na pangangalaga. Maraming naiipong plema at laway sa kaniyang baga, na kailangang palabasin ng instrumento. Kaya pareho kaming napupuyat. Kung minsan, pakiramdam ko’y nag-iisa ako at nasisiphayo. Bagaman lagi kaming magkasama, mahirap makipagtalastasan. Dating napakasigla niya, ngayon ang mga mata na lamang niya ang may sigla. Palabiro pa rin siya, at matalas ang kaniyang isip. Pero hinahanap-hanap ko ang tinig niya. Hinahanap-hanap ko rin ang kaniyang yakap at paghawak sa aking kamay.
“Tinatanong ako kung minsan ng mga tao kung paano ko nakakayanan ito. Buweno, itinuro sa akin ng karanasang ito na kailangan kong umasa kay Jehova. Kung sarili ko lamang ang aasahan ko, nalulugmok ako sa aking kalagayan anupat para bang hindi na ako makahinga. Nakatutulong ang panalangin, sapagkat si Jehova lamang ang tunay na nakauunawa sa akin at sa dinaranas ko. Malaking tulong ang mga magulang ni Jason. Lagi silang naririyan tuwing kailangan kong magpahinga o nais kong lumabas sa ministeryo sa larangan. Pinahahalagahan ko ang tulong at suporta na natatanggap namin mula sa mga kapatid sa aming kongregasyon. Ang isa pang nakatutulong sa akin ay ang pagsasaisip na ‘panandalian lamang at magaan’ ang anumang paghihirap sa sistemang ito. (2 Corinto 4:17) Sinisikap kong magtuon ng pansin sa darating na bagong sanlibutan, kung saan aayusin ni Jehova ang lahat. Baka sabay akong matatawa at maiiyak kapag nawala na ang lahat ng kaigtingang ito at magaling na si Jason.”
Pagdaig sa Depresyon
Inaamin ko na kung minsan, bilang isang lalaki, nasisiraan talaga ako ng loob sa pag-upo rito sa silyang de-gulong at walang magawa. Natatandaan ko nang minsang magkatipun-tipon kaming pamilya sa bahay ng ate ko. Hindi pa ako kumakain, kaya gutom ako. Tuwang-tuwang nagkakainan ang lahat ng inihaw na hamburger at mais. Habang pinanonood ko ang iba na nagkakainan at nakikipaglaro sa mga sanggol, nalungkot ako. Naisip ko: ‘Hindi makatarungan ito! Bakit hindi ko magawa ang mga bagay na ito?’ Ayaw kong masira ang gabi ng lahat ng naroroon, kaya nagsumamo ako kay Jehova upang hindi ako maiyak.
Ipinaalaala ko sa sarili ko na sa pananatiling tapat, mabibigyan ko ng pagkakataon si Jehova na ‘masagot si Satanas, na tumutuya sa kaniya.’ (Kawikaan 27:11) Napalakas ako nito, sapagkat natanto ko na may mas mahahalagang isyu kaysa sa pagkain ko ng mais o pakikipaglaro sa mga sanggol.
Alam na alam ko kung gaano kadali para sa isang taong may sakit na tulad ko na malunod sa kaniyang sariling mga problema. Pero nakatulong sa akin na “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Sa pagiging abala sa ministeryo, wala akong panahong mabalisa sa sarili kong mga problema. Ang pagtutuon ng pansin sa pagtulong sa iba na manampalataya kay Jehova ay isang susi ng kaligayahan ko.
Mayroon pang nakatulong sa akin sa pagdaig sa depresyon. Binubulay-bulay ko ang mga karanasan ng mga taong tapat na nabilanggo, ang ilan sa bartolina, dahil hindi sila humintong mangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos. Ginuguniguni kong bilangguan ang aking kuwarto at na nabilanggo ako dahil sa aking pananampalataya. Iniisip ko ang mga bentaha ko kaysa sa ilan sa kanila. May nakukuha akong literatura sa Bibliya. Nakadadalo ako sa mga pulong Kristiyano, sa pamamagitan ng pagpunta roon mismo o sa telepono. Malaya ako sa aking ministeryo. Naririyan ang aking mahal na asawa para samahan ako. Ang pagbubulay-bulay sa ganitong paraan ay tumutulong sa akin na matanto kung gaano karami ang aking mga pagpapala.
Naging mas malapít sa aking puso ang mga salita ni apostol Pablo: “Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw.” Talagang nanghihina ang pagkatao ko sa labas. Ngunit determinado akong hindi manghimagod. Napalalakas ako sa pagtutuon ng aking mga mata ng pananampalataya sa “mga bagay na di-nakikita,” kalakip na ang mga pagpapala sa darating na bagong sanlibutan, kung saan alam kong pagagalingin ako ni Jehova.—2 Corinto 4:16, 18.
[Talababa]
^ par. 3 Upang maunawaan ang epekto ng sakit na ito, iminumungkahi na basahin mo ang kahon na “Impormasyon Tungkol sa ALS,” sa pahina 27.
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Impormasyon Tungkol sa ALS
▪ Ano ang ALS? Ang ALS (amyotrophic lateral sclerosis) ay isang sakit na mabilis lumala at sumasalakay sa mga motor neuron (mga selula ng nerbiyo) na nasa gulugod at sa ibaba ng likod ng utak. Ang mga motor neuron ang naghahatid ng mga mensahe mula sa utak patungo sa mga kalamnan sa buong katawan na hindi kusang gumagalaw. Dahil sa ALS, humihina o namamatay ang mga motor neuron, na humahantong naman sa unti-unting pagkaparalisa. *
▪ Bakit tinatawag ding Lou Gehrig’s disease ang ALS? Si Lou Gehrig ay sikat na Amerikanong manlalaro ng beysbol na nasuring may ALS noong 1939 at namatay noong 1941 sa edad na 38. Sa ilang lupain, tinatawag din ang ALS na sakit sa motor neuron, na mas malawak na kategorya ng mga sakit lakip na ang ALS. Tinatawag din kung minsan ang ALS na Charcot’s disease, na isinunod sa pangalan ni Jean-Martin Charcot, ang neurologong Pranses na unang tumukoy rito noong 1869.
▪ Ano ang sanhi ng ALS? Hindi pa alam ang sanhi ng ALS. Ayon sa mga mananaliksik, ang pinaghihinalaang pinagmulan ay mga virus, kakulangan sa protina, namanang depekto (lalo na sa familial ALS), heavy metal, mga neurotoxin (lalo na sa Guamanian ALS), mga abnormalidad sa sistema ng imyunidad, at mga abnormalidad sa enzyme.
▪ Ano ang prognosis sa sakit? Habang lumalala ang sakit, kumakalat sa buong katawan ang panghihina at pagkatuyot ng mga kalamnan. Sa huling mga yugto ng sakit, pinahihina nito ang kalamnan sa sistema ng palahingahan at kakailanganin nang umasa ng pasyente sa ventilator sa kalaunan. Dahil ang mga motor neuron lamang ang naaapektuhan ng sakit, hindi nito napipinsala ang isip, personalidad, talino, o memorya ng pasyente. Hindi rin nito napipinsala ang mga pandama—ang mga pasyente ay nakakakita, nakaaamoy, nakalalasa, nakaririnig, at nakararamdam. Madalas na kumikitil ng buhay ang ALS sa loob ng tatlo hanggang limang taon mula sa paglitaw ng mga sintomas, ngunit hanggang 10 porsiyento ng mga pasyente ang maaaring mabuhay nang sampung taon o higit pa.
▪ Ano ang gamot sa sakit? Wala pang gamot para sa ALS. Maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot upang maibsan ang hirap dahil sa ilang sintomas. Depende sa sintomas at kalubhaan ng sakit, maaaring makinabang ang pasyente sa mga serbisyong pangrehabilitasyon, kasama na ang pisikal at occupational na terapi, terapi sa pagsasalita, at iba’t ibang pantulong na kagamitan.
[Talababa]
^ par. 48 May tatlong karaniwang klasipikasyon ang ALS: sporadic (ang pinakakaraniwan), familial (mga 5 hanggang 10 porsiyento ang may ninunong pinagmanahan), at Guamanian (maraming kaso nito sa Guam at sa ipinagkatiwalang mga teritoryo sa Pasipiko).
[Credit Line]
Lou Gehrig: Photo by Hulton Archive/Getty Images
[Larawan sa pahina 25]
Pagdalaw sa Bethel noong 1985
[Larawan sa pahina 26, 27]
Nang ikasal kami ni Amanda
[Larawan sa pahina 28]
Tinutulungan akong makipagtalastasan ng espesyal na “laptop computer”
[Larawan sa pahina 28, 29]
Gustung-gusto kong nagpapahayag sa aming kongregasyon