Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ Noong 2000, tinataya na nagkaroon ng 8.3 milyong bagong kaso ng tuberkulosis (TB) sa buong daigdig, at halos dalawang milyong biktima ng TB ang namatay—halos lahat sa kanila ay mula sa mahihirap na bansa.—MEDICAL JOURNAL OF AUSTRALIA.
▪ “Sa kasalukuyan, sampung milyong kabataan ang may sakit na HIV, at mahigit sa kalahati ng 4.9 milyon katao na bagong nahawahan nito sa buong daigdig taun-taon ay nasa edad na 15 hanggang 24.”—UNITED NATIONS POPULATION FUND.
▪ Naitala ng satelayt ang mga paglalakbay ng mga wandering albatross sa palibot ng daigdig. Ang pinakamabilis sa mga ibong ito ay nakalipad sa palibot ng globo sa loob lamang ng 46 na araw.—MAGASING SCIENCE, E.U.A.
▪ “Sa bawat oras araw-araw, ang daigdig ay gumugugol ng mahigit sa $100 milyon para sa mga sundalo, sandata, at munisyon.”—VITAL SIGNS 2005, WORLDWATCH INSTITUTE.
Tumitinding Karahasan Laban sa mga Klerigo?
“Ang pagiging pari ang isa sa pinakamapanganib na propesyon sa [Britanya],” ang ulat ng Daily Telegraph sa London noong 2005. Isiniwalat ng isang surbey ng gobyerno noong 2001 na halos tatlong-kapat ng mga klerigo na kinapanayam ay dumanas ng pang-aabuso o pagsalakay sa nakalipas na dalawang taon. Mula noong 1996, di-kukulangin sa pitong klerigo ang pinaslang. Sa maunlad na lalawigan ng Merseyside “sa katamtaman, ay may nagaganap na pagsalakay, pagnanakaw o panununog sa isa sa 1,400 lugar nito ng pagsamba araw-araw.”
Pambihirang Biyolohikal na Pagkasari-sari
Sa kabila ng pagkasira ng maulang kagubatan, “napakarami pa ring iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa pinakasentro ng isla ng Borneo,” ang ulat ng The New York Times. Ayon sa World Wildlife Fund, sa pagitan ng 1994 at 2004, natuklasan ng mga biyologo ang 361 bagong uri ng mga halaman at mga hayop sa isla, na bahagi ng Brunei, Indonesia, at Malaysia. Kabilang sa bagong tuklas na mga uri ang 260 insekto, 50 halaman, 30 isda, 7 palaka, 6 na bayawak, 5 alimango, 2 ahas, at isang palakang-lupa. Gayunman, ang maulang kagubatan sa pinakasentro ng isla ay maaaring nanganganib dahil sa lumulubhang pagkakalbo ng kagubatan bunsod ng pangangailangan sa kahoy na makikita sa tropiko, goma, at langis ng palma.
Dumarami ang Naniniwala sa Pamahiin
“Kahit na sa panahon ng teknolohiya at siyensiya, hindi pa rin nawawala ang impluwensiya ng pamahiin,” ang ulat ng Allensbach, isang institusyon sa Alemanya na nagsusurbey ng opinyon. Ipinakita ng isang matagal na pag-aaral na “nagpapatuloy pa rin ang di-makatuwirang paniniwala sa mga palatandaan ng suwerte o malas, at sa katunayan, mas popular pa nga ito sa ngayon kaysa sa lumipas na 25 taon.” Noong dekada ng 1970, naniniwala ang 22 porsiyento ng populasyon na may kaugnayan sa kanilang buhay ang mga bulalakaw. Ngayon ay 40 porsiyento na ang naniniwala rito. Sa kasalukuyan, 1 sa 3 adulto lamang ang hindi naniniwala sa lahat ng uri ng pamahiin. Isiniwalat ng isa pang pag-aaral na sangkatlo sa 1,000 estudyante sa unibersidad sa Alemanya ay nagtitiwala sa mga anting-anting na isinasabit sa kotse o ikinakabit sa mga key ring.
Lumiliit ang mga Glacier sa Antartiko
“Sa lumipas na 50 taon, lumiit ang 87 porsiyento ng 244 na mga glacier sa peninsula sa Antartiko,” at mas mabilis ito kaysa sa unang inakala ng mga eksperto, ang ulat ng pahayagang Clarin sa Buenos Aires. Isiniwalat din ng unang komprehensibong pagsusuri sa mga glacier sa lugar na ito na ang temperatura ng hangin ay tumaas nang higit pa sa 2.5 digri Celsius sa loob ng nakaraang 50 taon. Ang malawakang pagliit ay pangunahin nang dahil sa pagbabago ng klima, ang sabi ni David Vaughan ng British Antarctic Survey. “Ang mga tao ba ang may kagagawan nito?” ang tanong niya. “Hindi natin matiyak, subalit malapit na nating masagot ang mahalagang tanong na ito.”