Sa Aming mga Mambabasa
Sa Aming mga Mambabasa
SIMULA sa isyung ito, mapapansin ang ilang pagbabago sa Gumising! Bagaman may ilang bagay na maiiba, karamihan naman ay hindi mababago.
Hindi nagbago ang layunin ng Gumising! sa loob ng maraming dekada. Gaya ng ipinaliliwanag sa pahina 4, “ang babasahing ito ay inilalathala para sa pagbibigay-liwanag sa buong pamilya.” Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga pangyayari sa daigdig, pag-uulat hinggil sa mga tao sa iba’t ibang kultura, paglalarawan sa kamangha-manghang mga nilalang, pagtalakay sa kalusugan, o pagpapaliwanag sa siyensiya sa mga taong hindi dalubhasa sa larangang ito, ang Gumising! ay patuloy na maghahatid ng impormasyon sa aming mga mambabasa, anupat pinananatili silang mapagbantay sa daigdig sa palibot natin.
Sa isyu nito ng Agosto 22, 1946, nangako ang Gumising!: “Ang panghahawakan sa katotohanan ang magiging pinakamahalagang tunguhin ng magasing ito.” Bilang pagtupad sa pangakong iyon, laging sinisikap ng Gumising! na maglathala ng makatotohanang impormasyon. Upang magawa ito, ang mga artikulo ay lubusang sinasaliksik at maingat na sinusuri upang tiyakin ang kawastuan nito. Subalit ‘nanghahawakan sa katotohanan’ ang babasahing ito sa isa pang mas mahalagang paraan.
Lagi namang itinatawag-pansin ng Gumising! ang Bibliya sa mga mambabasa. Gayunman, simula sa isyung ito, mas maraming itatampok na artikulong salig sa Bibliya ang Gumising! (Juan 17:17) Patuloy pa ring itatampok ng Gumising! ang mga artikulong nagpapakita kung paano makatutulong ang praktikal na mga payo ng Bibliya upang maging makabuluhan at matagumpay ang ating buhay ngayon. Halimbawa, maraming payong salig sa Bibliya ang inilalaan sa seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” at “Ang Pangmalas ng Bibliya,” na magiging regular na bahagi pa rin ng babasahing ito. Bukod diyan, patuloy na itatawag-pansin ng Gumising! sa mga mambabasa ang pangako ng Bibliya hinggil sa mapayapang bagong sanlibutan na malapit nang pumalit sa tampalasang sistema ng mga bagay sa kasalukuyan.—Apocalipsis 21:3, 4.
Ano pa ang magiging kaibahan? Simula sa isyung ito, ang Gumising! ay ilalathala buwan-buwan sa karamihan sa 82 wika kung saan ito inililimbag (dati itong inililimbag nang makalawang beses sa isang buwan sa maraming wika). * Ang “Pagmamasid sa Daigdig,” na regular na bahagi nito mula 1946, ay lilitaw pa rin sa bawat isyu subalit isang pahina na lamang ito sa halip na dalawa. Sa pahina 31, ilalabas din namin ang isang kawili-wili at bagong regular na bahagi na pinamagatang “Paano Mo Sasagutin?” Ano ang nilalaman nito, at paano mo ito magagamit?
Tingnan sandali ang pahina 31 ng isyung ito. Ang ilang seksiyon sa pahinang ito ay magugustuhan ng mga kabataang mambabasa; ang ilan naman ay susubok sa memorya ng mga estudyante ng Bibliya na mas marami nang nalalaman. Ang seksiyong “Kailan Ito Nangyari?” ay tutulong sa iyo na bumuo ng talangguhit ng panahon (time line) na magpapakita kung kailan nabuhay ang mga tauhan sa Bibliya at kung kailan naganap ang mahahalagang pangyayari. Ang mga sagot sa seksiyong “Mula sa Isyung Ito” ay masusumpungan sa iba’t ibang artikulo ng magasin ding iyon, samantalang ang mga sagot sa karamihan ng iba pang mga tanong ay lilitaw sa isang espesipikong pahina, at ililimbag ito nang pabaligtad. Bakit hindi muna magsaliksik nang kaunti bago mo basahin ang mga sagot na iyon at pagkatapos ay ipakipag-usap sa iba ang mga natutuhan mo? Magagamit mo pa nga ang bagong bahaging ito na “Paano Mo Sasagutin?” bilang batayan ng talakayan sa Bibliya bilang pamilya o grupo.
Mga 60 taon na ang nakararaan, ganito ang ipinangako ng Gumising!: “Hinggil sa mga paksang tinatalakay, sisikapin ng magasing ito na iharap ang impormasyon batay sa mga pangyayari sa buong daigdig sa halip na sa isang lugar lamang. Pupukaw ito ng interes ng lahat ng tapat na tao sa lahat ng bansa. . . . Ang mga materyal at nilalaman ng magasing ito . . . ay maghahatid ng impormasyon, makapagtuturo at kawili-wili sa maraming tao, bata man o matanda.” Sumasang-ayon ang mga mambabasa sa buong daigdig na tinupad ng Gumising! ang pangakong iyan. Makaaasa kayong magiging tapat pa rin ito sa pangakong iyan.
Mga Tagapaglathala
[Talababa]
^ par. 6 Ang Gumising! ay inilalathala tuwing ikatlong buwan sa ilang wika, at ang mga bahaging tinatalakay sa artikulong ito ay maaaring hindi lumabas sa lahat ng edisyong iyon.
[Mga larawan sa pahina 3]
Ang “The Golden Age” noong 1919 ay pinalitan ng pangalang “Consolation” noong 1937, at naging “Awake!” sa edisyong Ingles noong 1946
[Mga larawan sa pahina 4]
Matagal nang itinatawag-pansin ng “Gumising!” ang Bibliya sa mga mambabasa nito
[Credit Lines]
Guns: U.S. National Archives photo; starving child: WHO photo by W. Cutting