Saan Patungo ang Daigdig na Ito?
Saan Patungo ang Daigdig na Ito?
ANO ang mangyayari makalipas ang 10, 20, o 30 taon? Maaaring nakatatakot isipin ang kinabukasan ngayong napakalaganap ng terorismo. Mabilis na umuunlad ang teknolohiya. Mas maraming bansa ang dumedepende sa isa’t isa dahil sa globalisasyon. Magkakaisa kaya ang mga lider sa daigdig upang maging mas maaliwalas ang kinabukasan? Oo ang sagot ng ilang tao, anupat umaasang pagsapit ng taóng 2015, malulunasan na ng mga lider ang kahirapan at gutom, mapipigil ang paglaganap ng AIDS, at mababawasan nang kalahati ang dami ng mga walang makuhang ligtas na tubig na maiinom at sanitasyon.—Tingnan ang kahong “Optimismo at ang Tunay na Situwasyon.”
Gayunman, kadalasang napatutunayan na ilusyon lamang ang mga ideya ng tao hinggil sa kinabukasan. Halimbawa, ilang dekada na ang nakalilipas, sinabi ng isang eksperto na pagsapit ng 1984, aararuhin na ng mga magsasaka ang sahig ng karagatan sa pamamagitan ng mga traktorang pantubig; may nagsabi na pagsapit ng 1995, ang mga sasakyan ay magkakaroon na ng mga piyesang kinokontrol ng computer na makahahadlang sa mga banggaan; at may humula pa na pagsapit ng 2000, mga 50,000 katao ang mamumuhay at magtatrabaho sa kalawakan. Mangyari pa, malamang na iniisip ngayon ng mga nagsabi ng gayong hula na nanahimik na lamang sana sila. Ganito ang isinulat ng isang peryodista: “Panahon lamang ang magpapakitang mangmang ang pinakamatatalinong tao sa daigdig.”
Isang “Mapa” Upang Pumatnubay sa Atin
Walang katapusan ang espekulasyon ng mga tao hinggil sa kinabukasan, subalit kung minsan, ang kanilang mga pananaw ay idealistiko at hindi makatotohanan. Saan natin masusumpungan ang maaasahang pananaw hinggil sa mangyayari sa hinaharap?
Isaalang-alang ang isang ilustrasyon. Gunigunihing naglalakbay ka sakay ng bus sa isang banyagang lupain. Dahil hindi ka pamilyar sa lugar, nag-aalala ka. ‘Nasaan na kaya ako?’ ang tanong mo. ‘Tama kaya ang dinaraanan ng bus? Gaano pa kaya ako kalayo sa pupuntahan ko?’ Sa pagtingin sa tumpak na mapa at sa pagmamasid sa mga karatula sa labas ng iyong bintana, masasagot ang mga tanong mo.
Ganiyan din ang kalagayan ng maraming tao sa ngayon na nag-aalala sa kinabukasan. ‘Saan tayo patungo?’ ang tanong nila. ‘Talaga nga kayang patungo na tayo sa pangglobong kapayapaan? Kung oo, kailan tayo makararating sa destinasyong iyon?’ Ang Bibliya ay gaya ng isang mapa na makatutulong sa atin na masagot ang mga tanong na iyan. Sa pamamagitan
ng maingat na pagbabasa nito—at pagmamasid nang mabuti sa mga nagaganap sa labas ng ating “bintana” sa tanawin ng daigdig—marami tayong malalaman kung nasaan na tayo at kung saan tayo patungo. Gayunman, dapat muna nating isaalang-alang kung paano nagsimula ang ating mga suliranin.Kalunus-lunos na Pasimula
Sinasabi sa atin ng Bibliya na sakdal ang unang lalaki at babae nang lalangin sila ng Diyos at na inilagay niya sila sa isang paraiso. Nilalang sina Adan at Eva upang mabuhay magpakailanman—hindi lamang sa loob ng 70 o 80 taon. Sinabi sa kanila ng Diyos: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” Layunin ng Diyos na palawakin nina Adan, Eva, at ng kanilang mga inapo ang Paraiso sa buong lupa.—Genesis 1:28; 2:8, 15, 22.
Naghimagsik sina Adan at Eva sa Diyos. Dahil dito, naiwala nila ang kanilang Paraisong tahanan. Bukod diyan, unti-unting humina ang kanilang katawan at isip. Umikli ang kanilang buhay sa bawat araw na lumipas. Bakit? Sapagkat nang talikuran nila ang kanilang Maylalang, nagkasala sila, at “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.”—Roma 6:23.
Namatay nang dakong huli sina Adan at Eva, subalit nagkaroon muna sila ng ilang anak na lalaki at babae. Maisasakatuparan kaya ng mga anak na ito ang orihinal na layunin ng Diyos? Hindi, sapagkat namana nila ang di-kasakdalan ng kanilang mga magulang. Sa katunayan, nagmana ng kasalanan at kamatayan ang lahat ng inapo ni Adan sa sunud-sunod na henerasyon. Namana rin natin ito. “Sa pamamagitan ng isang tao,” ang sabi ng Bibliya, “ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat Roma 3:23; 5:12.
ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Inaalam Kung Nasaan Na Tayo
Ang paghihimagsik nina Adan at Eva ang pasimula ng mahaba at mapanglaw na paglalakbay ng sangkatauhan na nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Ayon sa pagkakasabi ng isang manunulat ng Bibliya, ang sangkatauhan ay “ipinasakop sa kawalang-saysay.” (Roma 8:20) Angkop na angkop na paglalarawan ito sa pagpupunyagi ng tao! Aba, kabilang sa naging mga inapo ni Adan ang mga dalubhasa sa siyensiya, eksperto sa medisina, at mga imbentor sa larangan ng teknolohiya. Gayunman, walang isa man sa kanila ang nakapagdulot ng pangglobong kapayapaan at sakdal na kalusugan na siyang layunin ng Diyos para sa tao.
Personal na naaapektuhan ng paghihimagsik nina Adan at Eva ang bawat isa sa atin. Halimbawa, sino ang hindi nakadarama ng sama ng loob dahil sa kawalang-katarungan, takot sa krimen, kirot na dulot ng malalang sakit, o dalamhati na nagpapahirap sa atin kapag namatay ang isa nating mahal sa buhay? Waring mabilis na pinapawi ng trahedya ang ating kapayapaan. Sa kabila ng maliligayang sandali sa ating buhay, ang ating pag-iral ay gaya mismo niyaong inilarawan ng sinaunang patriyarka na si Job nang sabihin niya: “Ang tao . . . ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.”—Job 14:1.
Kapag isinaalang-alang kung saan tayo nagmula at ang kaawa-awang kalagayan natin ngayon, waring mapanglaw ang kinabukasan. Subalit tinitiyak Isaias 55:10, 11) Bakit tayo makatitiyak na malapit na itong mangyari?
sa atin ng Bibliya na hindi pahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang gayong mga kalagayan habang panahon. Ang kaniyang orihinal na layunin para sa tao ay magtatagumpay. (Ayon sa Bibliya, dumaraan tayo ngayon sa mapanganib na panahon na tinatawag na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Hindi ipinahihiwatig ng pariralang iyan ang wakas ng planetang Lupa at ng lahat ng nabubuhay rito. Sa halip, nangangahulugan ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” at, kung gayon, ng wakas ng mga kalagayang nagdudulot sa atin ng pighati. (Mateo 24:3) Inilalarawan ng Bibliya ang mga pangyayari at katangian ng mga tao na magiging laganap sa mga huling araw. Pansinin ang ilan sa mga ito sa kahon sa pahina 8, at pagkatapos ay tumingin sa labas ng “bintana” sa tanawin ng daigdig. Ang ating mapa, ang Bibliya, ay tumutulong sa atin na malaman kung nasaan na tayo, na napakalapit na pala natin ngayon sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Subalit ano ang susunod na magaganap?
Kung Saan Tayo Patungo
Karaka-raka pagkatapos maghimagsik nina Adan at Eva, isiniwalat ng Diyos ang kaniyang layunin hinggil sa kaayusan na itatag ang isang Kaharian na “hindi magigiba kailanman.” (Daniel 2:44) Ang Kahariang ito, na itinuro sa marami na hilingin sa panalanging karaniwang tinatawag na Ama Namin, ay magdudulot ng saganang pagpapala sa sangkatauhan.—Mateo 6:9, 10.
Ang Kaharian ng Diyos ay hindi malabong konsepto sa puso ng isang tao. Isa itong tunay na makalangit na pamahalaan na magdudulot ng malalaking pagbabago sa lupa. Pansinin ang ipinangako ng Diyos na gagawin niya para sa mga tao sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Sinasabi ng Bibliya na ‘ipapahamak muna ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Ano ang gagawin niya para sa mga masunurin sa kaniya? Sinasabi ng kaniyang nasusulat na Salita na “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) May tao bang makagagawa ng ganitong mga bagay? Ang Diyos lamang ang makapaglalaan sa atin ng mga kalagayang nilayon niya noon para sa sangkatauhan.
Paano ka makikinabang sa mga pagpapalang idudulot ng Kaharian ng Diyos? Sinasabi sa Juan 17:3: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng pambuong-daigdig na programa ng pagtuturo na tumutulong sa mga tao na kumuha ng kaalamang iyan. Ang kanilang ministeryo ay isinasagawa sa mga 230 bansa, at ang kanilang mga literatura ay inilalathala sa mahigit 400 wika. Kung nais mong matuto nang higit pa, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa angkop na adres na nakatala sa pahina 5.
[Blurb sa pahina 6]
“Pakinggan ninyo ito, kayong nagsasabi, ‘Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at gayong bayan at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal, at kikita nang malaki.’ Ni hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas!”—Santiago 4:13, 14, Magandang Balita Para sa Ating Panahon
[Blurb sa pahina 6]
Inilalahad ng Bibliya ang ating kasaysayan mula noong panahon ng unang lalaki at babae. Kaya sinasabi nito sa atin kung saan tayo nagmula. Ipinakikita rin nito kung saan tayo patungo. Pero upang maunawaan ang sinasabi sa atin ng Bibliya, kailangang maingat natin itong pag-aralan, gaya ng gagawin natin sa isang mapa
[Blurb sa pahina 7]
Ang “kasalanan” ay maaaring tumukoy sa isang maling gawa o sa hilig na gumawa ng masama. Ipinanganak tayong makasalanan, at nakaaapekto ito sa ating mga kilos. “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.”—Eclesiastes 7:20
[Blurb sa pahina 8]
Kung magpo-photocopy ka ng isang piraso ng papel na may maitim na marka, lilitaw ang markang iyon sa lahat ng kopya. Bilang mga inapo ni Adan—mga kopya, wika nga—may bahid tayo ng kasalanan. May gayong marka rin si Adan, ang “orihinal”
[Blurb sa pahina 8]
Sinasabi ng Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ito ang dahilan kaya bigo ang mga pagsisikap ng tao na makamit ang kapayapaan sa daigdig. Hindi siya nilalang upang “magtuwid . . . ng kaniyang hakbang” nang hiwalay sa Diyos
[Blurb sa pahina 9]
Ang salmista sa Bibliya ay nagsabi sa Diyos: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Bilang lampara, tinutulungan tayo ng Bibliya na gumawa ng tamang mga hakbang kapag napapaharap tayo sa mga pagpapasiya. Bilang ‘liwanag sa ating landas,’ iniilawan nito ang landas sa ating unahan upang maunawaan natin ang kinabukasang naghihintay sa sangkatauhan
[Kahon sa pahina 7]
OPTIMISMO AT ANG TUNAY NA SITUWASYON
Noong Setyembre 2000, napagkasunduan ng lahat ng mga estadong miyembro ng United Nations na magtakda ng ilang tunguhin na kailangang abutin pagsapit ng 2015. Kabilang dito ang mga sumusunod:
▪ Bawasan nang kalahati ang bilang ng mga taong kumikita ng wala pang isang dolyar bawat araw pati na ang bilang ng mga nagugutom.
▪ Tiyaking makatatapos ng elementarya ang lahat ng bata.
▪ Pawiin ang di-pagkakapantay-pantay dahil sa kasarian anuman ang antas ng edukasyon.
▪ Bawasan nang dalawang-katlo ang bilang ng mga batang namamatay nang wala pang limang taóng gulang.
▪ Bawasan nang 75 porsiyento ang bilang ng mga babaing namamatay sa pagbubuntis at panganganak.
▪ Pigilin ang pagkalat ng HIV/AIDS at pababain ang bilang ng mga nagkakaroon ng sakit na ito at ng iba pang pangunahing mga sakit, gaya ng malarya.
▪ Bawasan nang 50 porsiyento ang bilang ng mga taong walang makuhang ligtas na tubig na maiinom.
Maaabot kaya ang mga tunguhing ito? Pagkatapos na suriing muli ang mga kalagayan noong 2004, sinabi ng isang grupo ng mga opisyal sa kalusugan sa palibot ng daigdig na hindi dapat masyadong umasa, dahil hindi talaga nangyayari ang inaasam-asam na pagsulong. Ganito ang sinabi sa paunang salita ng aklat na State of the World 2005: “Patuloy na pinababagal ng kahirapan ang pag-unlad sa maraming lugar. Dumarami ang nagkakaroon ng mga sakit na gaya ng HIV/AIDS, isang seryosong banta sa kalusugan ng mga tao sa maraming bansa. Sa nakalipas na limang taon, mga 20 milyong bata ang namatay sa maiiwasan sanang mga sakit na nakukuha sa tubig, at daan-daang milyon katao ang araw-araw na namumuhay sa hirap at nakapandidiring kapaligiran dahil sa kawalan ng malinis na tubig na maiinom at sapat na sanitasyon.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
ILANG PAGKAKAKILANLAN NG “MGA HULING ARAW”
Wala pang katulad na digmaan.—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4.
Taggutom.—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:5, 6, 8.
Salot.—Lucas 21:11; Apocalipsis 6:8.
Paglago ng katampalasanan.—Mateo 24:12.
Pagsira sa lupa.—Apocalipsis 11:18.
Malalakas na lindol.—Lucas 21:11.
Panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.—2 Timoteo 3:1.
Labis na pag-ibig sa salapi.—2 Timoteo 3:2.
Pagiging masuwayin sa mga magulang.—2 Timoteo 3:2.
Kawalan ng likas na pagmamahal.—2 Timoteo 3:3.
Pagiging maibigin sa kaluguran kaysa sa Diyos.—2 Timoteo 3:4.
Kawalan ng pagpipigil sa sarili.—2 Timoteo 3:3.
Kawalan ng pag-ibig sa kabutihan.—2 Timoteo 3:3.
Hindi pagbibigay-pansin sa nagbabantang panganib.—Mateo 24:39.
Hindi tinatanggap ng mga manunuya ang patotoo hinggil sa mga huling araw.—2 Pedro 3:3, 4.
Pangglobong pangangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
[Credit Lines]
© G.M.B. Akash/Panos Pictures
© Paul Lowe/Panos Pictures
[Larawan sa pahina 9]
Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos