Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Alhambra—Islamikong Hiyas ng Granada

Ang Alhambra—Islamikong Hiyas ng Granada

Ang Alhambra​—Islamikong Hiyas ng Granada

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

“Napakaraming alamat at tradisyon, totoo at kathang-isip; napakaraming himig at awitin, Arabe at Kastila, tungkol sa pag-ibig at digmaan at pagkamaginoo, ang iniuugnay sa mga istrakturang ito sa silangan!”​—WASHINGTON IRVING, AMERIKANONG MANUNULAT NOONG IKA-19 NA SIGLO.

ANG tanyag na lugar na naging inspirasyon sa pagsulat ng mga salitang ito ay ang Alhambra, naiibang palasyo na nagpapaganda sa lunsod ng Granada sa Espanya. Maliit na larawan ng Arabia o Persia ang Alhambra sa timog ng Europa. Ang natatanging kagandahan ng kuta, o tanggulan, ay utang nito sa mga Morong Muslim, na ang malakas na impluwensiya sa Espanya ay tumagal nang ilang siglo. *

Itinatag ng tagapamahalang Arabe na si Zawí ben Zirí ang nagsasariling kaharian ng Granada noong ika-11 siglo. Tumagal ito nang mga 500 taon, na sa panahong iyon ay umunlad ang sining at kultura nito. Bumagsak ito nang wakasan ng mga monarkang Katoliko na sina Ferdinand at Isabella ang pamamahala ng mga Muslim sa Espanya noong 1492.

Narating ng Granada sa ilalim ng mga Moro ang tugatog nito nang malupig ng mga hukbo ng Sangkakristiyanuhan ang Córdoba noong 1236. Ang Granada ay naging kabisera ng rehiyon sa Espanya na kontrolado ng mga Muslim at itinayo ng sunud-sunod na mga tagapamahala nito ang palasyo​—ang Alhambra​—na bago sa paningin ng Europa. Inilarawan ito ng isang napahangang manunulat bilang “pinakamagandang gusali sa buong daigdig.”

Marilag din ang kinaroroonan ng Alhambra. Sa likod nito, tulad ng pagkalaki-laking larawan, makikita ang taluktok ng Sierra Nevada na nababalutan ng niyebe at 3,400 metro ang taas. Nakatayo ang Alhambra mismo sa Sabika, isang mahaba at magubat na burol na 150 metro ang taas sa lunsod. Sa paningin ng ika-14 na siglong makata na si Ibn Zamrak, ang burol sa ibabaw ng Granada ay gaya ng isang asawang lalaking nakatunghay sa kaniyang kabiyak.

Lunsod sa Loob ng Lunsod

Ang pangalang Alhambra, na nangangahulugang “ang pula” sa wikang Arabe, ay tumutukoy marahil sa kulay ng ladrilyo na ginamit ng mga Moro sa pagtatayo ng panlabas na mga pader. Gayunman, mas pinaniniwalaan ng ilan ang paliwanag ng Arabeng mga istoryador na nagsasabing itinayo ang Alhambra sa “liwanag ng mga sulo.” Ang ilaw na ito sa gabi, sabi nila, ang dahilan kung bakit ang mga pader ay naging kulay pula. Hinango mula rito ang pangalan ng gusali.

Hindi lamang palasyo ang Alhambra. Mailalarawan ito bilang lunsod sa loob ng lunsod ng Granada. Nasa likod ng malawak nitong muralya ang mga hardin, pabilyon, palasyo, ang Alcazaba (o, tanggulan), at maging ang isang maliit na medina, o bayan. Makikita sa disenyo ng mga Moro at sa mga idinagdag pa nila sa Alhambra nang maglaon ang natatangi, magaganda, at masalimuot na sining ng Arabe na katabi ng mas makakapal at balanseng mga linya sa arkitektura noong Renasimyento (Renaissance) sa Europa.

Utang ng Alhambra ang kagandahan nito sa pamamaraang ginamit ng mga Moro at ng sinaunang mga Griego. Una, ginamit nila ang kulay at gaspang ng bato sa pagbuo ng mga istraktura ayon sa simulain ng armonya, proporsiyon, at pagiging simple. Saka nila pinalamutian ang kanilang eleganteng konstruksiyon. Gaya ng pagkakasabi ng isang eksperto, “laging sinusunod ng mga Moro ang itinuturing ng mga arkitekto na pangunahing simulain ng arkitektura​—palamutian ang itinayo, hindi magtayo ng palamuti.”

Pamamasyal sa Alhambra

Sa bungad ng Alhambra ay may malaking arko na kahugis ng bakal ng kabayo at tinatawag na Gate of Justice. Ipinaaalaala ng pangalan nito ang korte na nagtitipon doon para dinggin ang maliliit na reklamo noong panahon ng pananakop ng mga Muslim. Ang paggawad ng katarungan sa pintuang-daan ng lunsod ay karaniwang kaugalian sa buong Gitnang Silangan at binabanggit sa Bibliya. *

Palitada ang ginamit sa magarbong dekorasyon, na karaniwan sa mga palasyo ng mga Arabe gaya ng Alhambra. Inuukit ng mga artisano ang palitadang ito at ginagawang tulad-leys at masining na disenyong inuulit nang maraming beses. Ang ilang magagarbong arko ay mistulang mga stalactite na kamangha-mangha ang simetriya. Isa pang tampok na bahagi ng palasyo ang zillij​—makintab at tinabas na mga baldosang bumubuo ng masasalimuot na disenyong heometriko. Nakahilera ang mga ito sa ibabang bahagi ng pader at may matitingkad na kulay, na litaw na litaw naman sa tabi ng mapusyaw na kulay ng palitada sa itaas.

Kapansin-pansin sa mga looban ng Alhambra ang Court of the Lions, na inilarawan bilang “pinakamahalagang halimbawa ng sining ng mga Arabe sa Espanya.” Isang giyang aklat doon ang nagpaliwanag: “May katangian ang orihinal na gawang-sining na hindi kayang gayahin at kopyahin. . . . Gayon ang nadarama namin sa harap ng korteng ito sa Granada.” Ang mga arkada nito na tamang-tama ang proporsiyon at ang payat na mga haligi ay nakapalibot sa isang fountain na nasa ibabaw ng 12 leon na gawa sa marmol. Isa ito sa mga lugar na pinakamadalas kunan ng litrato sa Espanya.

Mga Harding Nakarerepresko

Mayroon ding pagkagagandang mga hardin, fountain, at tipunang-tubig sa Alhambra. * Ayon kay Enrique Sordo sa kaniyang aklat na Moorish Spain, “ang hardin na istilong Arabe ay patikim ng paraiso.” Kitang-kita ang impluwensiya ng Islam sa lahat ng dako. Ganito ang komento ng Kastilang manunulat na si García Gómez: “Detalyadong inilalarawan sa Koran ang paraiso ng mga Muslim bilang malagong hardin . . . na may umaagos na nakasisiyang mga batis.” Sa Alhambra, maraming ginagamit na tubig​—luho para sa mga taong nasanay sa init ng disyerto. Natanto ng mga nagdisenyo ng hardin na pinalalamig ng tubig ang hangin at masarap pakinggan ang nakarerelaks na lagaslas nito. Waring mas malaki at kumikinang ang paligid dahil sa parihabang mga tipunang-tubig na sumasalamin sa maaliwalas na kalangitan ng Espanya.

Malapit sa Alhambra ang Generalife, isang nakabukod na villa at hardin ng mga Moro na nasa Cerro del Sol, isang burol na katabi ng Sabika. Ang Generalife, isang mainam na halimbawa ng tanawing Arabe, ay tinawag na “isa sa pinakamagagandang hardin sa daigdig.” * May tulay na dating nagdurugtong dito at sa palasyo ng Alhambra, at lumilitaw na nagsilbi itong villa na pahingahan ng mga tagapamahala ng Granada. Isang looban ang patungo sa Water Staircase. Masisiyahan dito ang mga bisita dahil sa liwanag, kulay, at iba’t ibang samyo.

Ang Buntung-Hininga ng Moro

Nang isuko ng pinakahuling hari ng Granada, si Boabdil (Muḥammad XI), ang lunsod kina Ferdinand at Isabella, siya at ang kaniyang pamilya ay napilitang maging tapon. Pagkaalis sa lunsod, huminto sila diumano sa isang mataas na dako na tinatawag na ngayong El Suspiro del Moro (Ang Buntung-Hininga ng Moro). Nang lumingon sila sa kahuli-huling pagkakataon sa kanilang maluwalhating pulang palasyo, sinabi raw ng ina ni Boabdil sa kaniya: “Tumangis ka na gaya ng babae dahil sa hindi mo maipagtanggol bilang lalaki!”

Sa ngayon, ang dakong ito ay dinadayo pa rin ng mga tatlong milyong bisita sa Alhambra taun-taon. Tulad ni Boabdil, matatanaw nila mula rito ang lunsod ng Granada na nasa ibaba ng burol na kinatatayuan ng palasyong Arabe nito​—ang pinakatampok na bahagi ng lunsod. Kung papasyal ka sa Granada balang-araw, baka maunawaan mo rin ang nadamang lungkot ng pinakahuli nitong haring Moro.

[Mga talababa]

^ par. 4 Noong 711 C.E., sinalakay ng mga hukbong Arabe at Berber ang Espanya, at ang kalakhang bahagi ng peninsula ay pinamahalaan ng mga Muslim sa loob ng pitong taon. Ang lunsod ng Córdoba ang naging pinakamalaki at malamang na pinakaedukado at sopistikadong lunsod sa Europa sa loob ng dalawang siglo.

^ par. 13 Halimbawa, tinagubilinan ng Diyos si Moises: “Magtalaga [ka] ng mga hukom at mga opisyal para sa iyong sarili sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan . . . , at hahatulan nila ang bayan ng matuwid na paghatol.”​—Deuteronomio 16:18.

^ par. 17 Pinauso ng mga Arabe ang mga istilo ng harding Persiano at Bizantino sa buong rehiyon ng Mediteraneo, kabilang na ang Espanya.

^ par. 18 Hinango ang pangalang ito sa salitang Arabe na “Jennat-al-Arif,” isinasalin kung minsan na “matataas na hardin,” bagaman mas malamang na nangangahulugang “hardin ng arkitekto” ang termino.

[Larawan sa pahina 15]

Ang Alcazaba

[Larawan sa pahina 16]

Ang Court of the Lions

[Larawan sa pahina 16, 17]

Mga hardin ng Generalife

[Larawan sa pahina 17]

Ang Water Staircase

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Line art: EclectiCollections

[Picture Credit Line sa pahina 15]

All except top photo: Recinto Monumental de la Alhambra y Generalife

[Picture Credit Line sa pahina 16]

All photos: Recinto Monumental de la Alhambra y Generalife

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Above photos: Recinto Monumental de la Alhambra y Generalife; bottom photo: J. A. Fernández/San Marcos