Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ilog Thames—Pambihirang Pamana ng Inglatera

Ilog Thames—Pambihirang Pamana ng Inglatera

Ilog Thames​—Pambihirang Pamana ng Inglatera

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

Nagmumula ang Ilog Thames sa apat na batis sa kaakit-akit na Cotswold Hills sa timog-sentral ng Inglatera. Habang liku-liko itong dumadaloy nang 350 kilometro pasilangan, sinasalubong nito ang iba pang mga ilog hanggang sa humugos ito sa wawa na mga 29 na kilometro ang luwang patungo sa North Sea. Kawili-wili ang kuwento kung paano hinubog ng maikling ilog na ito ang kasaysayan ng Inglatera.

PINAMUNUAN ni Julio Cesar ang kauna-unahang pagsalakay ng Roma sa Inglatera noong mga 55 B.C.E. Pagbalik niya nang sumunod na taon, nahadlangan ang kaniyang paglusob dahil sa ilog na pinanganlan niyang Tamesis, ang Thames. Ang Romanong emperador na si Claudio ang sumupil sa bansa makalipas ang 90 taon.

Nang panahong iyon, latian ang kahabaan ng magkabilang pampang ng Thames, subalit nang dakong huli, nagtayo ang hukbong Romano ng tulay na kahoy sa pinakamalayong lugar na nararating ng tubig-alat mga 50 kilometro ang layo mula sa wawa nito. Nagtayo sila ng daungang tinawag nilang Londinium sa pampang ng ilog sa gawing hilaga. *

Sa sumunod na apat na siglo, pinalawak ng mga Romano ang kanilang pakikipagkalakalan sa iba pang lugar sa Europa at umangkat sila ng mamahaling mga produkto mula sa Mediteraneo​—maging ng kahoy sa Lebanon. Ginamit din nila ang Thames upang ibiyahe sa London ang mga paninda mula sa mga lugar na malayo sa baybayin, anupat di-nagtagal, ang lunsod na ito, na sangandaan ng pangunahing mga lansangan, ay naging mahalagang sentro ng kalakalan.

Impluwensiya ni William na Manlulupig

Pagkatapos bumagsak ang Imperyo ng Roma, iniwan ng mga hukbong Romano ang Britanya noong 410 C.E., nag-alisan ang mga tao sa London, at natural lamang na humina ang kalakalan sa kahabaan ng Thames. Kinoronahan ang mga haring Anglo-Saxon sa Kingston​—isang pamayanan na malapit sa bukana ng ilog at 19 na kilometro ang layo mula sa London, kung saan madali nang lusungin patawid ang Thames​—hanggang noong ika-11 siglo nang sumalakay si William na Manlulupig mula sa Normandy. Matapos siyang koronahan sa Westminster noong 1066, itinayo niya ang Tower of London sa loob ng mga pader ng lunsod ng mga Romano upang mapangibabawan at mapalawak ang pamayanan ng mga negosyante at makontrol ang daungan. Muling umunlad ang kalakalan, at lumaki ang populasyon ng London tungo sa humigit-kumulang 30,000.

Nagtayo rin si William na Manlulupig ng moog sa ibabaw ng nakaungos na batong-apog mga 35 kilometro sa kanluran ng London, na kilala ngayon bilang Windsor. Ito ang pumalit sa tirahan ng mga maharlikang Saxon at kahanga-hangang pagmasdan ang Thames mula rito. Dahil sa pagtatayo ng karagdagang mga istraktura at bahagyang mga pagbabago, nabuo ang Windsor Castle, at isa pa rin ito sa pinakapopular na pasyalan ng mga turista sa Britanya.

Noong taóng 1209, natapos ang 30-taóng proyekto​—isang batong tulay patawid ng Thames sa London​—isa sa kauna-unahang mga batong tulay sa Europa. Ang pambihirang istrakturang ito, na tinayuan ng mga tindahan, bahay, at maging ng kapilya, ay may dalawang tulay na taas-baba at isang tore sa Southwark, sa gawing timog nito, bilang pandepensa.

Tinatakan ni Haring John ng Inglatera (1167-1216) ang kaniyang bantog na Magna Carta noong 1215 sa Runnymede, sa Thames malapit sa Windsor. Dahil sa batas na ito, napilitan siyang garantiyahan hindi lamang ang mga karapatang sibil ng Inglatera kundi lalo na ang mga karapatan ng lunsod ng London at ang malayang kalakalan sa daungan nito at ng mga negosyante.

Pinaunlad ng Thames

Sa sumunod na mga siglo, umunlad ang negosyo sa Thames. Sa kalaunan, nasagad ang mga pasilidad sa kahabaan ng ilog dahil sa pagsulong ng kalakalan. Dalawang daang taon bago nito, 600 barko lamang ang nakadadaong sa piyer ng Thames. Gayunman, kung minsan 1,775 barkong naglalayag ang naghihintay sa mga daungan upang magdiskarga ng mga kargamento nito. Dahil sa pagsisikip na ito, naging malubhang problema ang nakawan. Kinakalag ng mga magnanakaw ang pagkakatali ng mga barko sa gabi upang samsaman ang mga ito, at ikinakalakal nila ang mga kontrabando sa kahabaan ng Thames sakay ng maliliit na bangka. Upang lutasin ang problemang ito, nagtalaga ang pamahalaan ng London ng hukbo ng mga pulis na magbabantay sa ilog na siyang kauna-unahan sa buong daigdig. Nakadestino pa rin sila roon hanggang ngayon.

Gayunman, marami pang dapat gawin upang malutas ang problema sa mga pasilidad ng daungan. Kaya noong ika-19 na siglo, sumang-ayon ang Parlamento ng Inglatera na magtayo ng pinakamalaking sistema ng napapaderang daungan sa daigdig, na huhukayin sa mabababang lupain sa magkabilang panig ng ilog. Ang Surrey Commercial Docks, London Dock, at ang mga daungang West India at East India ang kauna-unahang natapos, noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, na sinundan naman ng Royal Victoria Dock noong 1855 at ng katambal nito, ang Royal Albert Dock, noong 1880.

Pinagdugtong ng mag-amang inhinyero na sina Marc I. at Isambard K. Brunel ang magkabilang pampang ng Thames noong 1840 sa pamamagitan ng paggawa ng tunel sa ilalim ng tubig na siyang kauna-unahan sa buong daigdig. Ang haba nito ay 459 na metro at ginagamit pa ring bahagi ng sistema ng mga riles sa ilalim ng lupa sa Greater London. Noong 1894, natapos ang Tower Bridge na makabagong pasyalan ng mga turista. Ang magkabilang panig ng tulay na ito ay naitataas nang 76 na metro upang makaraan ang malalaking barko sa pagitan ng dalawang tore nito. At kung aakyat ka nang halos 300 baitang, lalabas ka sa isang makipot na daanan sa itaas kung saan mo makikita ang kahanga-hangang mga tanawin sa kahabaan ng ilog.

Pagsapit ng ika-20 siglo, may sapat nang mga pasilidad ang mga daungan sa London para sa dumaraming mas malalaking bapor na nagsusuplay ng mga paninda na ikinakalakal sa lunsod. Nang maitayo noong 1921 ang kahuli-hulihang daungan, na isinunod sa pangalan ni Haring George V, ang London na ang “pinakamalaki at pinakamaunlad na sistema ng daungan sa daigdig.”

Mga Palasyo, Kamahalan, at Parada sa Ilog

Sa kabila ng pagsulong ng London, pangit pa rin at hindi sementado ang mga daan dito, at kadalasang hindi madaanan kapag taglamig. Kaya ang pinakamabilis at pinakapraktikal na paraan ng transportasyon ay ang paglalayag sa Thames, na sa loob ng maraming taon ay naging napakaabalang daanan sa tubig. Ang mga bangkero sa Thames ay nagsisiksikan sa mga hagdanan sa pampang at karaniwang sumisigaw ng “Sagwan!” upang pasakayin ang mga pasahero na tatawid sa kabilang ibayo o magpaparoo’t parito sa kahabaan ng ilog o sa paliku-likong mga sangang-ilog na gaya ng Fleet at Walbrook, na matagal na ngayong natambakan at naging mga lansangan sa London na isinunod sa pangalan ng mga ito.

Nang maglaon, naging kahawig na kahawig ng London ang Venice, na may mariringal na palasyong ang terasa ay palusong sa ilog. Nauso ang paninirahan ng mga miyembro ng maharlikang pamilya sa pampang ng Thames, kaya nga may mga palasyo sa Greenwich, Whitehall, at Westminster. Gayundin, naging tahanan ng mga hari at reyna sa Inglatera ang Hampton Court, at tinitirhan pa rin ng mga maharlika ang Windsor Castle na malapit sa bukana ng ilog.

Noong 1717, kinatha ni George Frideric Handel ang kaniyang “Water Music” upang aliwin si Haring George I sa piknik ng mga maharlika sa ilog. Ang gabarang sinasakyan ng hari ay may kasabay na “Pagkarami-raming Bangka, anupat parang natatakpan ang buong Ilog,” ayon sa ulat ng isang pahayagan noon. Ang gabarang sumusunod sa sinasakyan ng hari ay may lulang 50 musikero, na tatlong beses tumugtog ng komposisyon ni Handel habang naglalayag sila nang walong kilometro pasalunga sa ilog mula sa Westminster hanggang sa Chelsea.

Nakalulugod at Nakarerelaks na Ilog

Bago maitayo ang Westminster Bridge noong dekada ng 1740, ang London Bridge, na binago nang bahagya at sa wakas ay pinalitan noong dekada ng 1820, ang tanging paraan upang matawid nang naglalakad ang Thames. Bumagal nang husto ang daloy ng ilog dahil sa mga posteng sumusuporta sa 19 na arko ng orihinal na batong istraktura ng London Bridge. Dahil dito, sa loob ng mga 600 taon mula nang itayo ang tulay na ito, di-kukulangin sa walong beses na nagyelo ang Thames. Tuwing mangyayari ito, nagbubukas ng malalaking “perya sa yelo,” kung saan ginaganap ang maraming palaro. Nag-iihaw ng mga barakong baka, at makikitang kumakain doon ang mga maharlika. Lumalakas ang benta ng mga aklat at laruang nilalagyan ng etiketang “binili sa Thames.” Ang mga diyaryo at maging mga kopya ng Ama Namin ay iniimprenta sa mga palimbagang itinayo sa nagyelong ilog!

Sa mas makabagong panahon, naging taunang palaro tuwing tagsibol ang University Boat Race, isang kompetisyon sa pagitan ng mga unibersidad ng Oxford at Cambridge. Naghihiyawan ang nakahilerang mga tao sa pampang ng Thames sa pagitan ng Putney at Mortlake bilang pagsuporta sa naglalabanang mga pangkat na may tig-wawalong tagasagwan habang binabagtas ng mga ito ang layong halos pitong kilometro sa loob ng wala pang 20 minuto. Ang kauna-unahang karera ay ginanap noong 1829 malapit sa bukana ng ilog sa Henley. Matapos ilipat ang lokasyon ng karera mas malapit sa wawa ng ilog, nag-isponsor ang Henley ng sarili nitong royal regatta, ang pinakamatanda at pinakakilalang karera ng bangka sa Europa. Umaakit ito sa pinakamagagaling na tagasagwan sa daigdig na nakikipagkarera nang isang milya. Ang karerang ito ng mga bangka tuwing tag-araw ay naging usong larong panlibangan ngayon.

Sinasabi sa isang babasahing panturista sa Britanya na “makikita [sa Thames] ang maraming iba’t ibang nakalulugod na tanawin habang bumabagtas ito sa kabukiran ng Inglatera na karaniwang may mabababang burol, kakahuyan, kaparangan, mga mansiyon sa lalawigan, magagandang nayon at maliliit na bayan. . . . Walang katabing kalsada ang mahahabang seksiyon ng ilog na ito kundi karaniwan nang makipot na daanan lamang. Kaya bagaman maaaring mapagmasdan ng motorista ang ilog sa mga bayan na nasa kahabaan ng ruta nito, matutunghayan lamang nang mabuti ang tahimik na kagandahan ng Thames kapag nakasakay sa bangka o naglalakad.”

Plano mo bang pumasyal sa Inglatera? Kung oo, gumugol ng panahon sa paggalugad sa Thames upang mapahalagahan mo ang kasaysayan nito. Mula sa napakagandang bukana nito sa lalawigan hanggang sa abalang wawa nito, napakarami mong makikita, magagawa, at matututuhan! Hindi ka bibiguin ng Ilog Thames.

[Talababa]

^ par. 5 Bagaman ang pangalang London ay mula sa Latin na Londinium, ang dalawang salitang ito ay maaaring hango sa mga salitang Celtic na llyn at din, na kapag pinagsama ay nangangahulugang “bayan [o, kuta] sa lawa.”

[Kahon sa pahina 27]

PANITIKAN AT ANG THAMES

Nailarawan ni Jerome K. Jerome ang nakarerelaks na kapaligiran ng Thames sa kaniyang aklat na Three Men in a Boat. Isinasalaysay rito ang pamamangka ng tatlong magkakaibigan pasalunga sa ilog kasama ng kanilang aso sa panahon ng bakasyon, mula Hampton Court hanggang Oxford. Isinulat ito noong 1889, isinalin sa maraming wika, at popular pa ring “klasika ng nakatatawang kuwento.”

Ang The Wind in the Willows ay isa pang kilalang kuwento, na gustung-gusto ng mga bata’t matanda. Natapos ito noong 1908 ni Kenneth Grahame, na nakatira sa Pangbourne, isang bayan sa Thames, at isa itong kathang-isip na salaysay hinggil sa mga hayop na nakatira sa pampang ng ilog o malapit dito.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

ANG HARI LABAN SA THAMES

Minsan, mapilit na humingi ng £20,000 mula sa Corporation of London si Haring James I, na nagpuno sa unang mga taon ng ika-17 siglo. Nang tumanggi ang alkalde ng Lunsod ng London, nagbanta ang hari: “Pababagsakin kita at ang iyong lunsod magpakailanman. Ililipat ko ang aking hukuman ng batas, ang Korte ko mismo, at ang aking Parlamento sa Winchester o sa Oxford, at gagawin kong tiwangwang ang Westminster; at saka mo pag-isipan ang mangyayari sa iyo!” Sumagot ang alkalde: “Laging may konsuwelo ang mga mangangalakal sa London: hindi madadala ng inyong kamahalan ang Thames.”

[Credit Line]

From the book Ridpath’s History of the World (Vol. VI)

[Mga mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

INGLATERA

London

Ilog Thames

[Credit Line]

Map: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 24, 25]

Big Ben at ang mga gusaling pinagpupulungan ng Parlamento, Westminster, London

[Larawan sa pahina 25]

London Bridge, gawa sa bato, 1756

[Credit Line]

From the book Old and New London: A Narrative of Its History, Its People, and Its Places (Vol. II)

[Larawan sa pahina 26]

Makikita sa lilok na ito noong 1803 ang ilog ng Thames at ang daan-daang barko na nakatali sa daungan

[Credit Line]

Corporation of London, London Metropolitan Archive

[Larawan sa pahina 26, 27]

Lilok na perya sa yelo noong 1683

[Credit Line]

From the book Old and New London: A Narrative of Its History, Its People, and Its Places (Vol. III)