Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maihihinto ang Pananakit Ko sa Aking Sarili?

Paano Ko Maihihinto ang Pananakit Ko sa Aking Sarili?

“Hindi ko na matiis ang hirap ng kalooban ko. Saka ko natuklasan ang isang bagay na natitiis ko​—pisikal na kirot.”​—Jennifer, 20. *

“Kapag sumasama ang loob ko, hinihiwa ko ang aking sarili. Paraan ko ito ng pag-iyak. Masaya na ako pagkatapos nito.”​—Jessica, 17.

“Mga dalawang linggo ko nang hindi ito ginagawa. Matagal na ito para sa akin. Pero hindi ko siguro ito ganap na maihihinto.”​—Jamie, 16.

HINDI magkakakilala sina Jennifer, Jessica, at Jamie, pero marami silang pagkakatulad. Pawang naghihirap ang kanilang kalooban. Pare-pareho sila ng paraan ng pagharap sa kanilang kabiguan. Sina Jennifer, Jessica, at Jamie ay nakasusumpong ng pansamantalang kaginhawahan sa pananakit sa kanilang sarili. *

Bagaman waring kakatwa ang gawaing ito, nakagugulat na ang pananakit sa sarili​—kabilang na ang paghiwa o pagpinsala sa sarili​—ay nagiging karaniwan na sa mga tin-edyer at mga kabataang adulto. Sinabi ng National Post ng Canada na ang kinagawiang ito ay “ikinatatakot ng mga magulang, pinagtatakhan ng mga tagapayo [sa paaralan] at sumusubok sa kakayahan ng mga doktor.” Sinasabi rin nito na ang pananakit sa sarili ay “maaaring maging isa sa pinakamatinding pagkasugapa na kilala sa medisina.” Ikaw ba o isang taong malapít sa iyo ay nahihirati sa paggawa nito? Kung oo, ano ang maaari mong gawin tungkol dito?

Una, pag-isipan mo kung ano ang nagtutulak sa iyo na saktan ang iyong sarili. Tandaan, ang paghiwa sa sarili ay hindi basta isang bagay na nakakagawian ng isang taong kinakabahan. Kadalasang paraan ito upang makayanan ang isang anyo ng kaigtingan. Ginagamit ng naghihiwa sa sarili ang pisikal na kirot upang maibsan ang hirap ng kalooban. Kaya tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit ko ba sinasaktan ang aking sarili? Ano ba ang iniisip ko kapag parang gusto kong hiwain ang aking sarili?’ May situwasyon ba sa buhay mo​—baka may kinalaman sa iyong pamilya o mga kaibigan​—na nakaliligalig sa iyo?

Walang-alinlangang kailangan mo ng lakas ng loob para masuri mo ang iyong sarili. Pero malaki ang pakinabang nito. Kadalasang ito ang unang hakbang upang maihinto ang kinagawiang pananakit sa sarili. Gayunman, hindi sapat na alamin lamang ang dahilan ng iyong nakagawian.

Ang Kahalagahan ng Pagtatapat

Kung hindi mo mapigilang saktan ang iyong sarili, makikinabang ka kung sasabihin mo sa isang pinagkakatiwalaan at may-gulang na kaibigan ang iyong ikinababalisa. Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang balisa ng puso ay nagpapalupaypay sa tao, ngunit siya’y pinaliligaya ng isang magandang salita.” (Kawikaan 12:25, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Kapag ipinagtapat mo sa iba ang iyong damdamin, magbibigay ito sa iyo ng pagkakataong marinig ang nakaaaliw at magandang salitang kailangan mo.​—Kawikaan 25:11.

Sino ang dapat mong lapitan? Makabubuting piliin ang isang taong mas may-edad na sa iyo na nagpapakita ng karunungan, pagkamaygulang, at habag. Makatutulong sa mga Kristiyano ang mga elder sa kongregasyon, na “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.”​—Isaias 32:2.

Totoo na baka nakatatakot isiping malalaman ng iba ang iyong lihim. Baka madama mo rin ang nadama ni Sara. “Sa umpisa, nahihirapan akong magtiwala,” ang pag-amin niya. “Inakala ko na kapag nakilala ako ng mga tao​—ang totoong ako​—​baka lumayo sila sa akin dahil sa inis at suklam.” Gayunman, nang magtapat si Sara, natanto niya ang katotohanan ng sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 18:24: “May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” Sinabi niya: “Hindi ako kailanman dinusta ng may-gulang na mga Kristiyanong pinagtapatan ko, anuman ang ipagtapat ko sa kanila tungkol sa nakagawian kong pananakit sa aking sarili. Sa halip, nagbigay sila sa akin ng praktikal na mga mungkahi. Nangatuwiran sila sa akin mula sa Kasulatan, at matiyagang pinatitibay ako kapag nalulungkot ako at nakadaramang wala akong halaga.”

Bakit hindi mo ipakipag-usap ang iyong problemang pananakit sa sarili? Kung sa palagay mo ay hindi mo pa kayang makipag-usap nang personal, subukan mong makipag-usap sa pamamagitan ng sulat o telepono. Makatutulong sa iyong paggaling ang pagtatapat. Ganito ang sabi ni Jeniffer, “Ang pinakamahalaga ay ang malamang may talagang nagmamalasakit sa akin, na may makakausap ako kapag nanlulumo ako.” *

Ang Kahalagahan ng Panalangin

Hindi na alam ni Donna ang gagawin niya. Sa isang banda, iniisip niyang kailangan niya ang tulong ng Diyos. Sa kabilang banda naman, inaakala niyang hindi siya aalalayan ng Diyos malibang ihinto niya ang paghiwa sa kaniyang sarili. Ano ang nakatulong kay Donna? Ang isa ay pagbubulay-bulay sa 1 Cronica 29:17, na bumabanggit sa Diyos na Jehova bilang “tagasuri ng puso.” “Alam ni Jehova na sa puso ko, talagang gusto kong huminto sa paghiwa sa aking sarili,” ang sabi ni Donna. “Nang manalangin ako upang humingi ng tulong sa kaniya, nakamamangha ang nangyari. Unti-unti akong lumakas.”

Ganito ang isinulat ng salmistang si David, na dumanas din ng maraming hirap: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Oo, alam ni Jehova ang iyong pagdurusa. Higit pa riyan, ‘siya ay nagmamalasakit sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Kung hinahatulan ka ng iyong puso, tandaan na ang Diyos ay ‘mas dakila kaysa sa iyong puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.’ Oo, nauunawaan niya kung bakit mo sinasaktan ang iyong sarili at kung bakit ka nahihirapang ihinto ito. (1 Juan 3:19, 20) Kung lalapit ka sa kaniya sa panalangin at sisikapin mong daigin ang kinagawiang ito, ‘talagang tutulungan ka niya.’​—Isaias 41:10.

Gayunman, paano kung magawa mo ito ulit? Nangangahulugan ba na lubusan kang nabigo? Hinding-hindi! Sinasabi ng Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” Ganito ang sinabi ni Donna bilang pagbubulay-bulay sa talatang ito, “Mahigit pitong beses akong nabuwal, pero hindi ako sumuko.” Natuklasan ni Donna na kailangan ang tiyaga. Gayundin si Karen. “Natutuhan kong ituring na pansamantalang pagkabuwal, hindi pagkabigo, ang muling pagkakasala, at magsimula ulit gaanuman karaming beses kailangan itong gawin,” ang sabi niya.

Kung Kailan Kailangan ng Higit Pang Tulong

Sumang-ayon si Jesus na ‘nangangailangan ng manggagamot yaong mga may karamdaman.’ (Marcos 2:17) Sa maraming kaso, kailangang kumonsulta sa isang kuwalipikadong propesyonal upang malaman kung pisikal o mental na karamdaman ang nasa likod ng nakagawiang pananakit sa sarili at makapagmungkahi siya ng panggamot. * Pinili ni Jennifer na magpatulong sa ganitong paraan, kasama pa ang suportang tinanggap niya mula sa maibiging mga tagapangasiwang Kristiyano. “Hindi doktor ang mga elder, pero lagi silang matulungin,” ang sabi niya. “Bagaman nadarama ko pa rin kung minsan na gusto kong saktan ang aking sarili, nagtagumpay akong kontrolin ito sa tulong ni Jehova, ng kongregasyon, at ng mga kasanayang natutuhan ko upang iwasan ito.” *

Manalig kang matututuhan mong palitan ang nakagawiang ito ng mas makatutulong na mga paraan ng pagharap sa suliranin. Manalangin ka tulad ng salmista: “Itatag mo nang matibay ang aking mga hakbang sa iyong pananalita, at huwag nawang manaig sa akin ang anumang bagay na nakasasakit.” (Awit 119:133) Tiyak na masisiyahan ka at magkakaroon ng paggalang sa sarili kapag napagtagumpayan mo ang nakagawiang ito upang hindi ka na madaig nito.

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 6 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pananakit sa sarili​—ang saklaw at mga sanhi nito​—tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ko Sinasaktan ang Aking Sarili?” sa Enero 2006 isyu ng Gumising!

^ par. 14 Maaari mong insayuhin kung paano ipahahayag ang iyong damdamin sa iba kung isusulat mo ito paminsan-minsan. Ang mga taong sumulat ng mga awit sa Bibliya ay mga lalaking may matitinding damdamin na nagsulat ng kanilang nadaramang pagsisisi, galit, pagkasiphayo, at kalungkutan. Bilang halimbawa, baka gusto mong repasuhin ang Awit 6, 13, 42, 55, at Aw 69.

^ par. 20 Kung minsan, ang pananakit sa sarili ay masamang epekto ng iba pang karamdaman, tulad ng depresyon, bipolar disorder, obsessive-compulsive disorder, o sakit na nauugnay sa pagkain. Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang paraan ng paggamot na kanilang pipiliin ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.

^ par. 20 Tinalakay sa nakaraang mga isyu ng Gumising! ang mga artikulo may kinalaman sa mga bagay na kadalasang nasa likod ng pananakit sa sarili. Halimbawa, tingnan ang seryeng “Pag-unawa sa mga Mood Disorder” (Enero 8, 2004), “Tulong Para sa Nanlulumong mga Tin-edyer” (Setyembre 8, 2001), “Ano ang Nasa Likod ng mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain?” (Enero 22, 1999), at ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Isang Alkoholikong Magulang​—Paano Ko Makakayanan?” (Agosto 8, 1992).

PAG-ISIPAN

▪ Anu-ano ang maaari mong gawin sa halip na saktan ang iyong sarili kapag naliligalig ka?

▪ Kanino ka maaaring magtapat kung problema mo ang paghiwa sa iyong sarili?

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

PAGTULONG SA ISA NA NANANAKIT SA KANIYANG SARILI

Paano mo matutulungan ang isang kapamilya o kaibigan na may problemang pananakit sa sarili? Yamang kailangang-kailangan ng ganitong mga indibiduwal ang isang taong mapagtatapatan ng kanilang damdamin, makinig ka sa kaniya. Sikapin mong maging “tunay na kaibigan” na “ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Totoo, baka ang una mong maging reaksiyon ay galit at baka sabihan mo siyang ihinto agad-agad ang paghiwa. Pero malamang na lumayo lamang siya kapag ganito ang iyong reaksiyon. Bukod dito, hindi sapat ang basta pagsasabing huminto siya. Kailangan ng unawa upang matulungan ang isang nananakit sa sarili na matutuhan ang bagong mga paraan ng pagharap sa mga suliranin. (Kawikaan 16:23) Kailangan din ng panahon. Kaya magmatiyaga. Maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”​—Santiago 1:19.

Kung kabataan ka, huwag mangahas isipin na kaya mong tulungan ang isang nananakit sa kaniyang sarili. Tandaan, baka may suliranin na nasa likod nito o karamdaman na kailangang gamutin. Gayundin, maaaring magsapanganib ng buhay ang pananakit sa sarili​—kahit wala namang intensiyong magpakamatay ang isa. Kung gayon, isang katalinuhan na himukin ang isang naghihiwa sa kaniyang sarili na ipaalam ang bagay na ito sa isang adultong may-gulang at nagmamalasakit.

[Mga larawan sa pahina 19]

Huwag kailanman maliitin ang kahalagahan ng panalangin at ng pagtatapat sa isang mahal sa buhay