Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbisita sa Isang Sentro ng Artipisyal na mga Biyas

Pagbisita sa Isang Sentro ng Artipisyal na mga Biyas

Pagbisita sa Isang Sentro ng Artipisyal na mga Biyas

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NEW ZEALAND

MAY dalawang dahilan ako para magpaiskedyul ng pagbisita sa Sentro ng Artipisyal na mga Biyas sa Wellington, New Zealand. Una sa lahat, kailangang kumpunihin nang bahagya ang aking artipisyal na binti. Pangalawa, gusto kong libutin ang sentro para malaman pa kung paano ginagawa ang artipisyal na mga biyas.

Mabait namang sumang-ayon ang aking prosthetist sa kahilingan kong maglibot. Naging kasiya-siyang karanasan iyon, anupat lalo kong napahalagahan ang bihasang paggawa at puspusang pagsisikap ng mga nasa larangan ng prosthetics.

Ang salitang prosthesis ay tumutukoy sa “artipisyal na pamalit sa nawalang bahagi.” Ang prosthetics ay “ang larangan ng kaalamang may kaugnayan sa mga prosthesis.” Ang prosthetist ay “isang dalubhasa sa prosthetics at nagpapraktis ng aplikasyon nito.”​—Encyclopedia and Dictionary of Medicine, Nursing, and Allied Health, Third Edition.

Paano Ginagawa ang Artipisyal na Binti?

Karamihan sa mga pasyente ay nagpupunta sa sentro para magpagawa ng artipisyal na binti. Ang unang hakbang sa paggawa nito ay ang pagsusuot ng malambot na tela (sleeve) sa naghilom na biyas ng pasyente. Pagkatapos, gagawa ng moldeng yari sa plaster kung saan mabubuo ang eksaktong modelo ng natirang biyas. Saka gagamitin ang modelo para bumuo ng kabitan na pagdurugtungan ng bagong biyas. Ganito nagsisimula ang proseso ng paggawa ng binting kapalit ng nawala. Ang mga programang CAD/CAM (computer-aided design and manufacturing) ay mas bago at mas mahusay na paraan ng pagsukat ng natirang biyas. Pagkatapos, isang makina ang uukit ng eksaktong replika ng natirang biyas ng isang tao.

Matapos obserbahan ang mga pagtatanghal ng teknikal na kasanayang ginagamit sa sentro, ipinakita sa akin ang ilang yari na at inangkat na mga bahagi ng prothesis. Isang kahanga-hangang halimbawa ang hydraulic na hugpungan ng tuhod na naidurugtong sa thermoplastic na kabitang nahuhulma kapag ininit at naiaakma ang hugis para maging komportable ang pasyente. Makukuha ang komprehensibong katalogo na may mga larawan ng ganitong mga produkto mula sa iba’t ibang tagagawa nito sa buong daigdig.

Sa mga huling hakbang sa pagbuo ng artipisyal na binti, binabago ito nang kaunti para magkatugma-tugma ang mga bahagi ng kabitan, tuhod, balat, at paa upang makalakad sa pinakanatural na paraan ang pasyente. Panghuli sa lahat, inihahanda ang pambalot na foam. Tinatakpan nito ang mga “buto” ng artipisyal na biyas. Pinagaganda pa ito para maging kamukhang-kamukha hangga’t maaari ng natirang natural na biyas.

Kapag nagkaroon na ng sapat na kumpiyansa ang pasyente, isinasaayos na ang pagkonsulta niya sa dumadalaw na siruhanong ortopediko sa sentro ng mga biyas. Sa gayon, naisasagawa ang panghuling propesyonal na pagsusuri para matiyak na magagamit nang husto ang bagong biyas.

Mga Batang Pasyente at mga Atleta

Habang naglilibot, napansin ko ang isang batang babae. Hindi siya nahiyang ipakita sa amin kapuwa ang natira at artipisyal niyang biyas. Nang maglaon, pinanood ko siyang naglululukso, na para bang walang pakialam sa mundo.

Interesadung-interesado ako sa sasabihin ng aking prosthetist tungkol sa mga batang naputulan ng biyas. Ipinakita niya sa akin ang isang maliit na kamay at ipinaliwanag na ikinakabit ang gayong mga prosthesis sa mga sanggol na anim na buwan pa lamang. Bakit? Para masanay sila sa paggamit ng artipisyal na kamay o bisig sa kalaunan. Kung walang ganitong pagsasanay, ang sabi niya, lálaki ang bata na isang bisig lamang ang ginagamit at mahihirapan nang matutong gamitin ang dalawang bisig sa kalaunan.

Napag-alaman ko na kamakailan lamang, isang kompanya sa Europa ang nagpadala ng isang container ng mga bahagi ng prosthetic na mga biyas para sa mga atleta sa Sydney, Australia, upang gamitin sa Paralympics. Ibinigay ito nang libre sa mga manlalaro, at dumating din ang mga prosthetist, kasama na ang ilan mula sa New Zealand, para matulungan ang mga kalahok sa panahon ng laro.

Pinasadya ang ilang bahagi ng biyas para sa mga atleta. Ipinakita sa akin ang isang halimbawa. Paa at bukung-bukong iyon na gawa sa espesyal na materyales at nagagaya ang natural na galaw ng paa ng tao.

Modernong Pagsulong

Ano ang maaasahan natin sa hinaharap sa larangan ng prosthetics? Sinabi sa akin ng aking prosthetist ang tungkol sa artipisyal na binti na kontrolado ng computer at kasalukuyang sinusuot ng di-kukulangin sa isang pasyente sa New Zealand. Maliwanag na tumutugon ito sa presyon mula sa mga sensor na nasa loob ng yunit. Bilang resulta, nagagaya nito ang natural na paglakad.

Sa ilang bansa, nag-eeksperimento ang bihasang ortopedikong mga siruhano sa teknik na tinatawag na osteointegration. Isang espesyal na pin, na isinisingit sa biyas matapos itong maputol, ang nagsisilbing angkla na pagkakabitan ng artipisyal na bahagi. Kaya hindi na kailangan ng mga molde at mga kabitan.

Kasalukuyan ding sinasaliksik kung paano ikakabit ang mga receptor sa mga hibla ng nerbiyo para makontrol ng isang tao ang kaniyang prosthesis sa pamamagitan ng isip lamang. Sa Estados Unidos at sa ibang mga bansa, limitadong bilang ng transplant ng mga kamay ang naisagawa na, pero medyo kontrobersiyal ang prosesong ito dahil kailangang uminom ng gamot na antirejection ang mga pasyente habambuhay.

Sa larangan ng arm prosthetics, ginagamit na ngayon ang sistemang tinatawag na myoelectronics. Natatanggap ng mga electrode ang mga impulso mula sa mga kalamnan ng braso, na kadalasang naroon pa sa natirang biyas. Pinalalakas ang mga impulsong ito sa pamamagitan ng batirya para makontrol ang elektronikong piyesa ng artipisyal na biyas. Ang pinakabagong teknolohiya ng prosthetics para sa bisig ay gumagamit ng computer para lalong maiakma ang artipisyal na bisig sa nagsusuot nito.

Dahil namangha ako sa mga pagsulong ng teknolohiya sa artipisyal na biyas, tinanong ko sa aking prosthetist kung ano ang masasabi niya kapag inihambing ang mga ito sa natural na biyas. Siyempre, agad niyang kinilala na mas mahusay ang orihinal. Dahil dito naisip ko ang mga salita ng salmista na, sa kaniyang panalangin sa Maylalang, ay nagsabi: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”​Awit 139:14.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

[Mga larawan]

Ginagamit ng mga kamay na “myoelectric” ang mga signal mula sa kalamnan para makontrol ang bilis at higpit ng hawak

[Credit Line]

Hands: © Otto Bock HealthCare

[Mga larawan]

Sa loob ng “hi-tech” na tuhod na ito, tumutulong ang mga “computer chip” at mga “magnetic field” upang umakma ang tuhod sa paglakad ng nagsusuot nito

[Credit Line]

Knee: Photos courtesy of Ossur

[Larawan]

Ipinakikita sa kros-seksiyon ng paang ito ang pambalot na “foam” at balangkas ng bukung-bukong

[Credit Line]

© Otto Bock HealthCare

[Credit Line]

© 1997 Visual Language

[Larawan sa pahina 21]

Ina-“adjust” ang artipisyal na binti

[Larawan sa pahina 22]

Pagkakabit ng “prosthesis” sa pasyente

[Larawan sa pahina 23]

Isang maliit na “prosthesis” na kamay na ginagamit para sanayin ang mga sanggol na may putol na biyas

[Larawan sa pahina 23]

Noong 2004, natapos ng nanalo sa Paralympic ang 100-metrong takbuhan sa loob ng 10.97 segundo gamit ang paa na yari sa “carbon fiber”

[Credit Line]

Photo courtesy of Ossur/Photographer: David Biene

[Picture Credit Line sa pahina 21]

© Otto Bock HealthCare