Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Anak ba Talaga ng Diyos si Jesus?

Anak ba Talaga ng Diyos si Jesus?

BUONG-PANANALIG na sinabi ni apostol Pedro kay Jesus: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mateo 16:16) Isa lamang ito sa maraming talata sa Bibliya kung saan tinawag si Jesus na Anak ng Diyos. Napakaraming iba’t ibang komento ang relihiyosong mga tao hinggil sa pananalitang ito.

Maraming tao na naniniwalang si Jesu-Kristo ang Diyos ang nahihirapang ipaliwanag kung bakit siya tinawag na Anak ng Diyos. Hindi makatuwirang sabihin na siya ang Diyos at siya rin ang Anak ng Diyos. Ipinapalagay naman ng iba na si Jesus ay isang mahalagang tao sa kasaysayan, isang matalinong tao, o marahil isang tunay na propeta pa nga ng Diyos, subalit hindi na hihigit dito ang kaniyang posisyon. Ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya? Mahalaga ba kung ano ang pinaniniwalaan mo?

Panganay na Anak ng Diyos

Ipinakikita ng Bibliya na may panahong mag-isa lamang ang Diyos. Dahil sa kaniyang pag-ibig, ipinasiya niyang ibahagi ang kaloob na buhay sa pamamagitan ng pagiging isang ama​—ngunit hindi tulad ng isang taong ama. Sa halip, ginamit ni Jehova ang kaniyang di-maarok na kapangyarihang lumalang upang gumawa ng isang nabubuhay at matalinong espiritung persona​—“ang pasimula ng paglalang ng Diyos,” na kilala natin ngayon bilang si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 3:14; Kawikaan 8:22) Dahil tuwirang nilalang ng Diyos si Jesus noong nag-iisa pa lamang ang Diyos, angkop na tawagin si Jesus na “bugtong na anak” at “ang panganay sa lahat ng nilalang.”​—Juan 1:14; Colosas 1:15.

Kaya bilang kauna-unahan sa mga nilalang ng Diyos, maliwanag na hindi si Jesus ang Maylalang, “ang tanging Diyos.” (1 Timoteo 1:17) Sa kabilang panig, pinagkalooban ng Diyos ang kaniyang Anak ng maraming pribilehiyo. Halimbawa, sa pamamagitan ni Jesus, nilalang ng Diyos ang “lahat ng iba pang bagay,” pati na ang mga anghel. Ang mga anghel na ito ay tinatawag na “mga anak ng Diyos”​—palibhasa’y si Jehova rin ang kanilang Tagapagbigay-Buhay.​—Colosas 1:16; Job 1:6; 38:7.

Pagkatapos ihanda ang lupa para panirahan ng mga tao, ganito ang sinabi ng Diyos na maliwanag na nakikipag-usap noon sa kaniyang panganay na Anak: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.” (Genesis 1:26; Kawikaan 8:22-31) Kaya nilalang din ni Jehova ang kauna-unahang taong anak ng Diyos, si Adan, sa pamamagitan ng espiritung nilalang na sa kalaunan ay naging si Jesus.​—Lucas 3:38.

Naging Taong Anak ng Diyos si Jesus

Isinisiwalat sa atin ni apostol Juan na sa itinakdang panahon, ang espiritung Anak ng Diyos ay “naging laman at tumahan sa gitna natin.” (Juan 1:14) Upang maging tao si Jesus, makahimalang inilipat ng Diyos ang buhay ni Jesus mula sa langit tungo sa sinapupunan ng dalagang si Maria na isang Judio. Sa gayong paraan, si Jesus ay nanatiling Anak ng Diyos bagaman isa na siyang tao. Bukod diyan, yamang ang Diyos, hindi ang sinumang tao, ang nagbigay ng buhay kay Jesus, ipinanganak si Jesus na sakdal, walang kasalanan. “Ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos,” ang sinabi kay Maria ng anghel na si Gabriel.​—Lucas 1:35; Hebreo 7:26.

Samantalang nasa lupa si Jesus bilang tao, ang Ama mismo ang nagbigay ng patotoo na si Jesus ay Kaniyang anak. Noong bautismo ni Jesus, nasaksihan ni Juan na Tagapagbautismo na nabuksan ang langit at narinig niya ang isang tinig mula rito na nagsabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:16, 17) Hindi kataka-takang sinabi ni Juan sa kaniyang mga alagad: “Nakita ko iyon, at nagpatotoo ako na ang isang ito ang Anak ng Diyos.”​—Juan 1:34.

Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, hindi ipinangalandakan ni Jesus na siya ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. (Marcos 8:29, 30) Kadalasang hinahayaan niya na ang mga tao mismo ang magsabing siya ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang mga turo at pagmamasid sa kaniyang paraan ng pamumuhay at sa marami niyang himala, na karamihan sa mga ito ay ginawa niya sa harap ng maraming tao. Halimbawa, pinagaling niya ang “lahat niyaong mga nasa masamang kalagayan, napipighati ng iba’t ibang karamdaman at mga pahirap.” (Mateo 4:24, 25; 7:28, 29; 12:15) Ang mga bulag, bingi, pilay, at mga may sakit ay pawang lumapit kay Jesus, at pinagaling niya sila. Bumuhay pa nga siya ng mga patay! (Mateo 11:4-6) Nasaksihan mismo ng mga alagad ni Jesus nang makahimala siyang lumakad sa tubig at nang patahimikin niya ang hangin at mga alon sa panahon ng isang malakas na bagyo. Dahil sa pagtatanghal na ito ng kapangyarihan, nasabi ng kaniyang mga alagad: “Tunay ngang ikaw ang Anak ng Diyos.”​—Mateo 14:24-33.

Kung Paano Ka Makikinabang sa Ginawa ng Anak ng Diyos

Bakit inilipat ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak mula sa langit tungo sa lupa at hinayaang dumanas ng malupit na kamatayan dito? “Upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Oo, sa pamamagitan lamang ng kaniyang kamatayan ‘maibibigay ni Jesus ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mateo 20:28) Sa buong kasaysayan, talagang walang sinuman ang nakapagpakita ng mas matinding pag-ibig kaysa kay Jehova at sa kaniyang bugtong na Anak.​—Roma 8:32.

Pagkamatay ni Jesus, siya ay “ipinahayag na Anak ng Diyos” sa napakapambihira at makapangyarihang paraan, “sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay” tungo sa buhay bilang isang espiritung Anak ng Diyos. (Roma 1:4; 1 Pedro 3:18) Pagkatapos ng matiyagang paghihintay sa tabi ng kaniyang Ama sa loob ng halos 19 na siglo, iniluklok si Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos​—isang makalangit na pamahalaan na malapit nang mamahala sa buong lupa.​—Awit 2:7, 8; Daniel 7:13, 14.

Gusto mo bang makamit ang lingap ng makapangyarihang Anak na ito ng Diyos? Kung oo, pinasisigla ka naming suriin ang kaniyang mga turo at ikapit ang mga ito sa iyong buhay. Sinabi mismo ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, talagang mahalaga kung ano ang paniniwala natin tungkol sa Anak ng Diyos!​—Juan 3:18; 14:6; 1 Timoteo 6:19.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

▪ Sa anong paraan masasabing bugtong na Anak ng Diyos si Jesus?​—Juan 1:3, 14; Apocalipsis 3:14.

▪ Bakit makapaniniwala kang Anak ng Diyos si Jesus?​—Mateo 3:16, 17.

▪ Paano ka makikinabang sa paniniwalang Anak ng Diyos si Jesus?​—Juan 3:16; Juan 14:6; 17:3.

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Pinatunayan ng praktikal na mga turo at makapangyarihang mga himala ni Jesus na hindi siya ordinaryong tao