Ang Paghahangad na Ibigin
Ang Paghahangad na Ibigin
Matagal na panahon na ang nakalilipas, isang dalagang nagngangalang Lea ang nakatira sa isang lunsod sa lupain ng Turkey ngayon. Simple lamang ang hitsura ni Lea, pero maganda ang kaniyang nakababatang kapatid na si Raquel.
NAKILALA ni Raquel ang isang lalaking mahal na mahal siya anupat sumang-ayon itong magtrabaho sa kaniyang ama sa loob ng pitong taon upang mapangasawa siya. Gayunman, sa gabi ng kasal, inihalili ng kanilang ama ang kaniyang kapatid na si Lea. Hindi natin alam kung ano ang nadama ni Lea sa pakana ng kaniyang ama, pero tiyak na alam niyang hindi ito magandang pasimula sa pag-aasawa.
Nang matuklasan ng bagong kasal na lalaki ang nangyari, nagreklamo siya. Ipinaliwanag ng ama na kaugaliang ibigay muna bilang asawa ang nakatatandang anak na babae. Kaya dahil sa panlilinlang, naikasal si Lea sa isang lalaking unang umibig sa kaniyang nakababatang kapatid, na pinakasalan din nito. Tiyak na napakalungkot ni Lea na makitang mas napag-uukulan ng pagmamahal ang kaniyang kapatid! Walang maikukuwento si Lea hinggil sa panliligaw sa kaniya, at kaunti lamang ang maliligayang alaala sa araw ng kaniyang kasal, kung mayroon man. Tiyak na gusto rin niyang mahalin siya gaya ni Raquel! Kaya dahil na rin sa mga kalagayang hindi niya kontrolado, malamang na madalas madama ni Lea na hindi siya minamahal at hindi siya mahalaga. *
Sa paanuman, marami sa ngayon ang may karanasang katulad ng kay Lea. Lahat tayo ay may likas na pangangailangang umibig at ibigin. Baka minimithi natin ang isang asawang magmamahal sa atin. Gusto rin nating mahalin tayo ng ating mga magulang, anak, kapatid, at kaibigan. Gaya ni Lea, baka makita nating nakasusumpong ang iba ng pag-ibig, di-gaya natin.
Mula pagkabata, nakaririnig na tayo ng romantikong mga kuwento hinggil sa magagandang tauhang nag-ibigan at nagsama nang maligaya habambuhay. Mga himig ng pag-ibig ang malambing na kinakanta ng mga mang-aawit; dinadakila naman ito ng mga makata. Gayunman, ganito ang isinulat ng isang mananaliksik hinggil sa paksang ito: “Halos walang anumang aktibidad, anumang gawain, maliban sa pag-ibig, ang labis nating inaasam-asam at pinananabikan subalit napakadalas namang bumigo sa atin.” Totoo naman na kadalasang ang pinakamalalapit sa atin ang higit na nakasasakit sa ating kalooban—na nagdudulot sa atin ng hapis sa halip na namamalaging kaligayahan. Sa ilang bansa, mga 40 porsiyento ng lahat ng pag-aasawa ngayon ang nauuwi sa diborsiyo, at marami sa mga mag-asawang hindi nagdidiborsiyo ang hindi naman talaga maligaya.
Sa maraming bansa, dumarami rin ang mga pamilyang may nagsosolong magulang at walang magandang ugnayan sa isa’t isa, kaya nagdurusa rin ang mga anak. Gayunman, lalo nang kailangan ng mga bata na makadama ng katiwasayan sa isang mapagmalasakit at maibiging pamilya. Kaya, ano na ba ang nangyari sa pag-ibig? Saan tayo maaaring bumaling upang matutuhan ang mahalagang katangiang ito? Susuriin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.
[Talababa]
^ par. 4 Mababasa ang salaysay na ito sa kabanata 29 at 30 ng aklat ng Bibliya na Genesis.