Isang Mabuhanging Paraisong Isla
Isang Mabuhanging Paraisong Isla
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
NOONG 1770, naglayag ang manggagalugad na si Kapitan James Cook ng Britanya sa silangang baybayin ng Australia. Mahigit sa 150 kilometro sa hilaga ng kasalukuyang lunsod ng Brisbane, napadaan siya sa isang malawak at mabuhanging isla sa dagat na sa kalaunan ay aakit sa 300,000 bisita taun-taon. Gayunman, hindi iyon gaanong pinansin ni Cook. Sa katunayan, inisip niya at ng iba na iyon ay isang peninsula, hindi isla. Pagkalipas ng ilang taon, dumaong mismo sa dalampasigan ang manggagalugad na si Matthew Flinders. “Wala nang mas tigang pa kaysa sa peninsulang ito,” ang isinulat niya.
Kung sumuong sana sina Cook at Flinders sa kabila pa ng kahabaan ng ginintuang mga baybayin at mga burol ng buhangin, ibang-iba sana ang magiging opinyon nila. Matatagpuan sana nila ang isang daigdig ng maulang kagubatan na hindi pa nagagalaw, tubig-tabang na mga lawa na sinlinaw ng kristal, mabuhanging mga dalisdis na kahanga-hanga ang kulay, at daan-daang uri ng mga hayop. Ang mabuhanging islang ito na siyang pinakamalaki sa buong daigdig at tinatawag ngayong Fraser Island ay lubhang katangi-tangi anupat isinama ito sa World Heritage List noong 1992. *
Nagmula sa Kabundukan
May haba na 120 kilometro at lapad na 25 kilometro ang Fraser Island. Isang daan at animnapung libong ektarya ang lawak nito. Ang napakalalaking mabuhanging burol sa isla ay halos 240 metro ang taas mula sa kapantayan ng dagat, kaya ito ang pinakamataas na mabuhanging isla sa daigdig. Anong mga puwersa ang bumuo sa kamangha-manghang lupaing ito?
Ipinahihiwatig ng ebidensiya na ang tone-toneladang buhangin na bumuo sa isla ay nagmula sa Great Dividing Range, isang hanay ng mga bundok sa buong kahabaan ng silangang baybayin ng Australia. Sa paglipas ng panahon, natibag ang mga pira-piraso ng bato mula sa mga bundok na ito dahil sa malalakas na pag-ulan at tinangay ang mga ito sa mga ilog palabas sa dagat. Dahil sa mga agos ng karagatan, ang mga pira-pirasong bato ay naging pinong buhangin, na unti-unting tinangay pahilaga sa pinakasahig ng dagat. Dahil nahaharangan ng mga lupang nakausli sa dagat at mga batong pumapaibabaw mula sa sahig ng karagatan, natipon ang mga buhangin at nabuo ang Fraser Island.
Mula noon, patuloy na nagtatambak ang Karagatang Pasipiko ng buhangin sa kahabaan ng mga baybayin. Tinatangay ng hangin ang buhangin mula sa baybayin ng dagat papasok sa isla at bumubuo ng mga burol ng buhangin. Gumagapang naman ang mga burol ng buhangin sa bilis na isang metro bawat taon at nilalamon ang lahat ng bagay sa landas nito.
Tubig-Tabang na mga Lawa at Pambihirang Kagubatan
Nakagugulat, 40 tubig-tabang na lawa ang matatagpuan sa guwang ng mga burol ng buhangin sa buong isla. Ang ilan sa mga lawang ito ay matatagpuan sa malalaking hukay sa ibabaw ng matataas na burol ng buhangin. Ano ang pumipigil sa pagtagas ng tubig? Isang organikong sapin, na binubuo ng bahagyang nabulok na mga dahon, balat ng kahoy, at mga sanga.
Ang isla ay mayroon ding mga lawa na nabuo nang lumubog ang malalim na bahagi ng buhangin na mas mababa sa antas ng tubig sa ilalim ng lupa. Pumapasok ang tubig-tabang sa mga guwang at naging sinlinaw ng kristal na mga lawa na nasala ng buhangin, at para bang mga bintana sa tubig sa ilalim ng lupa.
Napapalitan ang tubig ng mga lawa sa isla ng 150 sentimetro ng tubig-ulan bawat taon. Nagiging
mga sapa na dumadaloy sa dagat ang tubig na hindi naipon sa mga lawa o hindi nasipsip ng buhangin. Sa isang batis, tinatayang mahigit sa limang milyong litro ng tubig ang umaagos patungong Karagatang Pasipiko sa loob ng isang oras.Dahil sa saganang tubig, maberde ang Fraser Island. Karaniwan na, walang maulang kagubatan sa buhanginang kulang sa nutriyente. Subalit isa ang Fraser Island sa iilang lugar sa daigdig kung saan lumalago ang maulang kagubatan sa buhanginan. Sa katunayan, may panahon na napakakapal ng kagubatan anupat sa loob ng mahigit 100 taon, umalingawngaw rito ang tunog ng palakol ng nagsisibak na magtotroso. Gustung-gusto ng mga mangangahoy ang punong blackbutt, kauri, at tallowwood. Ganito ang sabi ng isang mangangahoy noong 1929: “Matatagpuan ng isang manlalakbay ang . . . higanteng mga punungkahoy na hanggang 45 [metro] ang taas . . . Mula dalawa hanggang tatlong metro ang diyametro ng mga dakilang haring ito ng kagubatan.” Nagamit sa pagtatayo ng mga pader ng Suez Canal ang ilan sa mga puno tulad ng satinay at ng agwaras. Subalit sa ngayon, wala nang nagtotroso sa Fraser Island.
Paraiso na May Mapait na Kahapon
Nagmula sa trahedya ang pangalan ng isla. Noong 1836, nakaligtas sa pagkawasak ng barkong Stirling Castle at napadpad sa isla si Kapitan James Fraser at ang kaniyang asawa na si Eliza. Isang katutubong tribo ang malamang na pumatay sa kapitan, pero nang maglaon ay nailigtas si Eliza. Bilang pag-alaala sa trahedya, binago ang pangalan ng isla mula sa Great Sandy Island tungo sa Fraser Island.
Dumanas din ng trahedya ang mga katutubo. May panahon na umabot sa 2,000 ang mga Aborigine na naninirahan sa Fraser Island. Sinasabing matitipuno at malalakas sila. K’gari o Paraiso ang tawag nila sa kanilang tahanan. Isang alamat ng mga Aborigine tungkol sa paglalang sa islang ito ang naglalarawan dito bilang ang pinakamagandang lugar na nilikha kailanman. Nakalulungkot, maraming katutubo ang namatay dahil sa mga sakit na galing sa Europa. Gayundin, sa pasimula ng ika-20 siglo, inilipat sa kontinente ang karamihan sa natitirang mga Aborigine.
Isang Kaayaayang Kanlungan
Sa ngayon, kanlungan para sa mga buhay-iláng ang isla. Kabilang sa pinakakilalang tumatahan dito ang mga dingo—maiilap na aso ng Australia. Palibhasa’y hindi pa nalalahian ng alagang mga aso sa kontinente, ang mga dingo sa Fraser Island ang itinuturing na pinakaorihinal na lahi ng dingo sa silangang Australia. Baka mapagkamalan mo silang mga alagang aso, subalit hindi sila maaamo kaya dapat kang mag-ingat at huwag mong galitin ang mga ito.
Mahigit sa 300 uri ng ibon ang nakita sa isla. Umaaligid sa mga baybayin ang mga lawing brahminy at mga sea eagle na puti ang tiyan, samantalang humahagibis sa mga lawa ang mga forest kingfisher na makisap na asul ang kulay. Kabilang sa nandarayuhan dito ang mga Mongolian sand plover na nagpaparami sa Siberia at lumilipad patimog para magpalipas ng taglamig. Nagpapahinga sila sandali sa Fraser Island bago tapusin ang kanilang paglalakbay. Bukod pa rito, 30,000 o higit pang flying fox na kulay-abo ang ulo, na sa katunayan ay mga paniki na halos sinlaki ng uwak, ang dumadayo sa pana-panahon sa isla, yamang nagugutom sa nektar ng mga bulaklak na eukalipto.
Namumutiktik din sa buháy na mga nilalang ang katubigan sa Fraser Island, kabilang ang mga balyenang humpback na galing sa napakalamig na Antartiko patungo sa Great Barrier Reef, kung saan nagpaparami ang mga ito. Sa kanilang paglalakbay pabalik, nagtatanghal ang mga balyena ng kagila-gilalas na panoorin sa pamamagitan ng biglang pag-ahon at pagbulusok sa tubig anupat nagsasaboy ng tubig na makikita kahit ilang milya ang layo—talaga ngang isang maringal na pagpupugay sa kahanga-hangang isla!
[Talababa]
^ par. 4 Idinaragdag ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization sa listahan nitong World Heritage ang mga pangkultura at likas na mga kapaligiran na may natatanging ganda, at mahalaga sa biyolohiya, heolohiya, o siyensiya.
[Mga mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KARAGATANG PASIPIKO
Fraser Island
[Mga larawan sa pahina 15]
Sa kanan, mula sa itaas:
Bukana ng Kurrnung Creek
Nagkalat sa Fraser Island ang apatnapung tubig-tabang na lawa
Pambihirang tanawin—maulang kagubatan na lumalago sa buhanginan
[Credit Line]
All photos: Courtesy of Tourism Queensland
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
“Dingo” at “koala”
[Credit Line]
Courtesy of Tourism Queensland
[Larawan sa pahina 16, 17]
Isa sa pinakamahabang baybayin sa daigdig ang Seventy-Five Mile Beach sa Fraser Island
[Larawan sa pahina 17]
“Sea eagle” na puti ang tiyan
[Larawan sa pahina 17]
“Kookaburra”
[Larawan sa pahina 17]
Pelikano
[Larawan sa pahina 17]
Isang balyenang “humpback” na pansamantalang naglalaro habang naglalakbay patungong Antartiko
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Eagle: ©GBRMPA; all other photos except pelicans: Courtesy of Tourism Queensland