Kung Bakit Mahirap Humanap ng Tunay na Pag-ibig
Kung Bakit Mahirap Humanap ng Tunay na Pag-ibig
Walang katapusan ang mga payo hinggil sa romantikong pag-ibig. Nag-aalok ng patnubay ang mga terapist at mga tagapayo. Madalas pag-usapan ang paksang ito sa mga “talk show” sa telebisyon.
SA Internet, maraming Web site ang nag-aangking nagtuturo kung paano makahahanap ng pag-ibig. Baka sabihin sa iyo na makatutuklas ka ng “kawili-wili at di-kapani-paniwalang mga sekreto” at matututo ka mula sa “propesyonal na mga tagapagpareha,” “eksperto sa mga relasyon,” at “mga doktor ng pag-ibig,” bukod pa sa mga psychotherapist, sikologo, at mga astrologo.
Lumalakas din ang benta ng mga aklat at mga magasin tungkol sa pag-ibig, at ilan sa mga ito ay nagbibigay ng di-makatotohanang mga pangako. Halimbawa, inaangkin ng isang aklat na maipakikita nito “kung paano mo mapaiibig sa iyo ang lahat.” Sinasabi ng isa pang aklat na isinisiwalat nito kung paano mo mahahanap ang “taong pinakabagay sa iyo sa loob lamang ng isang buwan.” Masyado bang matagal ang isang buwan? Buweno, may isang aklat na nagsisiwalat kung paanong “sa loob ng 90 minuto o mas maigsi pa rito,” mapaiibig mo ang isang tao magpakailanman.
Karamihan sa mga payo ay parehong masakit sa bulsa at damdamin. Nagbabayad sila para tumanggap ng payo. Pagkatapos, kapag hindi tama ang payong ibinigay, gaya ng madalas mangyari, sumasakit ang kalooban nila kapag hindi nangyari ang kanilang inaasahan.
Gayunman, may isang aklat na nagbibigay ng mga payong hindi kailanman nabibigo. Bukod diyan, makatotohanan ang pagtalakay nito hinggil sa pag-ibig, at hindi nagsasabi ng di-kapani-paniwalang mga pag-aangkin at di-makatotohanang mga pangako. Hindi kumukupas ang mga payo nito bagaman napakatagal na itong naisulat. Ang Awtor nito ay kapuwa walang-katulad sa karunungan at hindi mapapantayan sa pag-ibig. Malamang na may kopya ka na ng natatanging kaloob na ito—ang Banal na Kasulatan. Anuman
ang ating mga kalagayan o pinagmulan, itinuturo sa atin ng Bibliya ang kinakailangan nating malaman hinggil sa pag-ibig. At libre ang payo nito.Matutulungan ba tayo ng Bibliya na magkaroon ng mabuting ugnayan sa lahat ng tao? Hindi naman. Hindi mapapalapít sa atin ang ilang tao anuman ang gawin natin. At hindi mapipilit ang tunay na pag-ibig. (Awit ni Solomon 8:4) Gayunman, sa pagsunod sa patnubay ng Bibliya, mas mapalalaki natin ang ating pagkakataong maglinang ng maibiging ugnayan sa iba, bagaman maaaring kailangan dito ang panahon at pagsisikap. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang aspektong ito ng pag-ibig, subalit isaalang-alang muna natin kung bakit lalong nagiging mas mahirap humanap ngayon ng tunay na pag-ibig.
“Lalamig” ang Pag-ibig
Sa kaniyang bantog na hula hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” tumpak na inihula ni Jesus ang mga kalagayan at mga pagbabago sa ating panahon. Sinabi niya na lalaganap sa daigdig ang katampalasanan at digmaan—ang mismong kabaligtaran ng pag-ibig! Sinabi rin niya na ‘marami ang magkakanulo sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa,’ at “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:3-12) Hindi ka ba sasang-ayon na lalong lumalamig ang pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa at naglalaho ang tunay na pag-ibig, maging sa loob ng pamilya?
Bukod sa mga sinabi ni Jesus, nagbigay si apostol Pablo ng mas detalyadong paglalarawan sa magiging kalagayan sa lipunan sa “mga huling araw.” Isinulat niya na ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Sa maraming lupain, naging napakapalasak ng gayong mga ugali.
Pag-isipan ito: Napapalapit ka ba sa mga taong mayabang, walang utang-na-loob, at di-matapat na maninirang-puri o magkakanulo sa iyo? Gusto mo bang makipagkaibigan sa mga taong maibigin sa kanilang sarili, sa salapi, o sa mga kaluguran? Yamang hinahayaan ng makasariling mga tao na mangibabaw at makaimpluwensiya sa kanilang ugnayan ang kasakiman at sariling kagustuhan, anumang interes na ipinakikita nila sa iba ay malamang na mapag-imbot. May-katalinuhang nagpapayo ang Kasulatan: “Layuan mo ang mga ito.”—2 Timoteo 3:5.
Pansinin din ang pananalitang ang mga taong namumuhay sa mga huling araw ay mga “walang likas na pagmamahal,” o, gaya ng pagkakasabi sa isang salin, “walang likas na pagmamahal sa kanilang pamilya.” Nakalulungkot, parami nang paraming bata ang lumalaki sa gayong mga tahanan. Kadalasan, sa media lamang natututuhan ng mga batang ito ang tungkol sa pag-ibig. Subalit tama ba ang paglalarawan ng media sa uri ng pag-ibig na talagang magbubunga ng mas mabubuting ugnayan?
Ilusyon o Tunay na Pag-ibig?
Sa isang antas, karamihan sa atin ay naiimpluwensiyahan ng media. Ganito ang isinulat ng isang mananaliksik: “Mula sa ating pagkabata, pinauulanan na tayo ng di-makatotohanang paglalarawan at mahirap baguhing mga pananaw hinggil sa sekso, pag-ibig, at romansa sa popular na kultura—mga pelikula at telebisyon, aklat at magasin, radyo at rekording ng musika, pag-aanunsiyo, at balita pa nga.” Ipinaliwanag pa niya: “Karamihan sa mga paglalarawan ng mass media hinggil sa sekso, pag-ibig, at romansa ay lumilikha o nagpapasidhi ng di-makatotohanang mga pag-asam na hindi ganap na maiwawaksi ng karamihan sa atin. Dahil dito, hindi
tayo nasisiyahan sa ating tunay na kapareha pati na sa ating sarili.”Oo, kadalasang mali ang paglalarawan ng mga aklat, pelikula, at awitin sa pag-ibig. Tutal, ang pangunahing layunin ng mga ito ay umaliw, hindi magturo. Kaya ang mga manunulat ay kumakatha ng napakaraming kuwento ng pinaghalong pantasya at pag-iibigan, na malakas pagkakitaan. Gayunman, nakalulungkot na napakadaling ipagkamali ang gayong kathang-isip sa katotohanan. Dahil dito, kadalasang nadidismaya ang mga tao kapag ang kanilang relasyon ay hindi nakakatulad niyaong sa mga tauhan sa kathang-isip na mga kuwento. Kaya paano natin malalaman ang kaibahan ng ilusyon at ng realidad, ng kuwento ng pag-ibig na itinatampok sa media at ng tunay na pag-ibig? Isaalang-alang ang sumusunod na paghahambing.
Pagkakaiba ng Pag-ibig na Inilalarawan sa mga Nobela at ng Tunay na Pag-ibig
Sa mga aklat man, pelikula, o dula, maaaring magkakaiba ang kuwento ng pag-ibig, subalit halos pare-pareho naman ang pangunahing balangkas ng mga pangyayari. Ganito ang sabi ng magasing Writer: “Wala namang bago sa karamihan ng mga isinusulat na mga kuwento ng pag-ibig. May dahilan kung bakit gayon. Ang takbo ng kuwento kung saan mapaiibig ng binata ang dalaga, pagkatapos ay mawawalay ang dalaga sa binata, subalit mababawi ng binata ang dalaga, ay subók nang babalik-balikan ng mga mambabasa, anuman ang tagpo o panahong inilalarawan sa nobela.” Suriin nating mabuti ang popular na balangkas na ito ng kuwento.
Nakilala ng binata ang dalaga: Nakilala ng isang guwapong prinsipe ang isang magandang dilag, at sumibol ang pag-iibigan. Ipinapayo ng isang matagumpay na awtor sa mga gustong maging manunulat ng romantikong mga nobela na “kailangang malinawan ng mga mambabasa, sa kauna-unahang pagkikita pa lamang [ng magkapareha], na ang dalawang taong ito ay para sa isa’t isa.”
May mga naniniwala sa ideyang pag-ibig sa unang pagkikita. Ipinahihiwatig ng ideyang ito na ang tunay na pag-ibig ay isang damdamin lamang—isang masidhing emosyon na bibihag sa iyo kapag nakita mo ang taong waring nababagay sa iyo—na basta na lamang sisibol ang gayong pag-ibig, at halos wala kang kailangang gawin o alamin hinggil sa taong iyon. Gayunman, hindi lamang puro damdamin ang tunay na pag-ibig. Totoo namang nasasangkot dito ang damdamin, subalit ang pag-ibig ay isang mahigpit na buklod na nagsasangkot din sa mga simulain at pamantayan at hindi tumitigil sa paglago, kung wasto itong lilinangin at iingatan.—Colosas 3:14.
Bukod diyan, kailangan ang panahon para makilala ang isang tao. Ang pag-iisip na nakita mo na ang taong bagay na bagay sa iyo sa una ninyong pagkikita ay hindi makatotohanan at karaniwang humahantong sa kabiguan. Isa pa, kung agad mong ipagpapalagay na nahanap mo na ang tunay na pag-ibig, baka isarado mo na ang iyong isip sa mga katibayan na hindi talaga ito tunay na pag-ibig. Sa pagpili ng angkop na mapapangasawa, hindi lamang masidhing damdamin na naiimpluwensiyahan ng sandaling pagkahumaling ang kinakailangan. Kaya huwag kang magmadali. Sa katunayan, ipinakikita ng maraming pag-aaral na ang di-matalinong pagpili ng mapapangasawa ay may masamang epekto sa iyong pagtatrabaho at sa iyong mental at pisikal na kalusugan, at nakapagpapaikli pa nga ng buhay.
Nawalay ang dalaga sa binata: Kinidnap ng masamang konde ang magandang dilag at tumakas mula sa palasyo. Sumuong sa mapanganib na paglalakbay ang prinsipe upang hanapin siya. Ganito ang sinabi ng tagapagsalita ng Romance Writers of America: “Ang pangunahing
balangkas ng nobela ng pag-ibig ay kailangang tungkol sa dalawang taong nag-iibigan at nagsisikap na gawing matagumpay ang kanilang relasyon.” Sa karamihan ng mga nobela, magtatagumpay ang relasyon—alam iyan ng mga mambabasa. Ang mga hadlang, karaniwan nang mula sa labas ng ugnayan, ay napagtatagumpayan.Sa totoong buhay, karaniwan nang may mga problema sa loob at labas ng ugnayan. Maaaring kasangkot dito ang pera, trabaho, kamag-anak, at mga kaibigan. Lumilitaw rin ang mga problema kapag hindi nangyari ang inaasahan ng isang kapareha. Karaniwan nang maliliit lamang ang kapintasan ng mga tauhan sa nobela, pero hindi laging ganito sa tunay na buhay. Bukod diyan, ang tunay na pag-ibig, na walang anumang pagsisikap, ay hindi makatutulong upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok o mga pagkakaiba sa pananaw, pinagmulan, kagustuhan, at personalidad. Sa halip, nasasangkot sa pag-ibig ang pagtutulungan, kapakumbabaan, kahinahunan, pagbabata, at mahabang pagtitiis—mga katangian na hindi laging likas sa atin ni madali mang ipakita.—1 Corinto 13:4-7.
Nabawi ng binata ang dalaga: Sinagip ng prinsipe ang magandang dilag at pinalayas ang konde. Nagpakasal ang dalawa at nagsama nang maligaya habambuhay. Ayon sa payo ng isang editor ng romantikong mga nobela sa mga gustong maging manunulat, ang magkapareha ay kailangang magsama nang maligaya habambuhay sa wakas ng kuwento. Sinabi pa niya: “Kailangang masiyahan ang mambabasa na ang magkapareha ay magkasama at maligaya.” Hindi karaniwang inilalahad sa mga kuwento ng pag-ibig ang nangyari sa mga tauhan makalipas ang maraming taon ng pagsasama. Sa panahong iyon, maaaring nasubok na ng mga di-pagkakaunawaan at maraming hamon ang kanilang relasyon. Makikita sa estadistika ng diborsiyo na sa kalaunan, maraming pag-aasawa ang hindi nakatatagal sa mga pagsubok.
Oo, masasabing walang kahirap-hirap ang pag-ibig na inilalarawan sa mga nobela; kailangan ang pagsisikap sa tunay na pag-ibig. Maiiwasan mo ang di-makatotohanang mga pag-asam kung mauunawaan mo ang pagkakaiba ng dalawang ito. Ipagsasanggalang ka rin nito sa paggawa ng padalus-dalos na mga pangako na baka pagsisihan mo sa bandang huli. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano mo malilinang ang tunay at di-makasariling pag-ibig at kung paano ka magiging mas kaibig-ibig.
[Blurb sa pahina 5]
Ang mga taong hindi gaanong umiibig ay hindi gaanong kaibig-ibig
[Blurb sa pahina 7]
Masasabing walang kahirap-hirap ang pag-ibig na inilalarawan sa mga nobela; kailangan ang pagsisikap sa tunay na pag-ibig
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Mga Bidang Lalaki at Babae sa Kuwento ng Pag-ibig
Sa Estados Unidos, mahigit isang bilyong dolyar ang kinikita sa mga nobela hinggil sa pag-ibig. Sa bansang iyon, mga kalahati ng ipinagbibiling aklat ng nobela na may malambot na pabalat ay tungkol sa pag-ibig. Ayon sa estadistikang inilathala ng Romance Writers of America, ang tatlong pangunahing katangian na hinahanap ng mga mambabasa, mga 90 porsiyento nito ay kababaihan, sa mga bidang lalaki ay kakisigan, kaguwapuhan, at talino. Ang tatlong pinakapopular na katangian naman na hinahanap sa mga bidang babae ay talino, lakas ng loob, at kagandahan.
[Mga larawan sa pahina 6, 7]
Kadalasang mali ang paglalarawan ng media sa pag-ibig