Kung Paano Ka Makahahanap ng Tunay na Pag-ibig
Kung Paano Ka Makahahanap ng Tunay na Pag-ibig
Ano ang puwede mong gawin para makahanap ka ng pag-ibig at maging mas kaibig-ibig, hindi lamang sa romantikong paraan? Ang magpayaman? Magpaganda o magpaguwapo?
KAPUWA ang mga lalaki at babae, na nalinlang ng pag-aanunsiyo at naimpluwensiyahan ng media, ay umaasang ang mga tunguhing ito ang solusyon para makahanap ng pag-ibig. Siyempre pa, likas lamang at wasto na mabahala tayo sa ating hitsura, subalit ang kagandahan—na hanggang balat lamang—ay hindi siyang buklod sa namamalaging relasyon. Hindi rin ang yaman. Ang talagang makatutulong ay ang pagpapakita ng di-makasariling pag-ibig sa iba. “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo,” ang turo ni Jesus. (Lucas 6:38) Sa madaling salita, kung gusto mong ibigin ka, magpakita ka ng pag-ibig.
Paano natin magagawa ito? Sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, isinulat ni apostol Pablo ang sagot sa tanong na iyan. Isiniwalat niya na ang pag-ibig ay aktibo at masasabing tunay ito hindi sa pamamagitan ng emosyon, kundi pangunahin na kung ano ang ginagawa nito para sa iba at kung ano ang hindi nito ginagawa. Pansinin ang sinabi ni Pablo: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.”—1 Corinto 13:4-7.
Ano ang nadarama mo kapag may isang tao na mabait o palakaibigan sa iyo kahit na may nasasabi o nagagawa kang medyo nakaiirita? Hindi ba’t nápapalapít ka sa isang taong talagang nagmamalasakit sa iyo, hindi madaling magalit, at mapagpatawad at tapat kahit mahirap gawin ito?
Kaya pakitunguhan ang iba sa gayong paraan. Sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Hindi madaling magpakita ng pag-ibig, pero sulit na magsikap. Unang-una, lalo kang iibigin ng iyong pamilya, mga kaibigan, asawa, o ng iyong mapapangasawa. Maliligayahan ka rin na ginawa mo ang tama, ang pagbibigay ng iyong sarili sa iba. Oo, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Matuto ng Pag-ibig Mula sa Kataas-taasang Awtoridad
Si Jehova ang Diyos ng pag-ibig, ang kataas-taasang awtoridad sa bagay na ito. (1 Juan 4:8) Ang kaniyang pag-ibig ang nag-udyok sa kaniya na ituro ang katangiang ito sa lahat ng nagnanais matuto. Isaalang-alang ang ilang halimbawa ng mga simulain sa Bibliya na tutulong sa atin na umibig at ibigin din.
“Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Ipinakikita ng isang surbey sa mahigit 20,000 mag-asawa o magkasintahan na ang pinakamaliligayang tao ay yaong may kapareha na isang mabuting tagapakinig. Napakahalaga ng mabuting komunikasyon sa isang ugnayan. Ganito ang sabi ng isang propesora sa sosyolohiya: “Kung walang kaalam-alam ang iyong kapareha hinggil sa pinagdaraanan mo, hindi ka magiging maligaya sa isang relasyon. Lalong malala kung alam ng kapareha mo ang iyong pinagdaraanan subalit hindi naman niya maintindihan kung bakit masyado kang apektado nito.” Idinagdag pa niya na kahit maraming pagkakaiba ang dalawang tao, “kung nauunawaan naman ng isang kapareha ang iyong mga pananaw at kung paano ka naaapektuhan ng iyong mga karanasan sa buhay, hindi na mahalaga ang mga pagkakaibang iyon.”
‘Nasisikipan kayo sa inyong sariling magiliw na pagmamahal. Magpalawak kayo.’ (2 Corinto 6:12, 13) Nakikinabang tayo kapag pinalalawak natin ang ating pag-ibig sa iba. Ganito ang sabi ng isang publikasyon mula sa Harvard Medical School: “Ipinakikita ng maraming pag-aaral na ang mga taong may suporta ng lipunan—samakatuwid nga, may kasiya-siyang ugnayan sa pamilya, mga kaibigan, at sa pamayanan—ay mas maliligaya, mas kakaunti ang sakit, at mas mahaba ang buhay.”
“Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Naiimpluwensiyahan tayo ng ating mga kasama. Kung gugugol ka ng panahon kasama ng mga nagpapakita ng tunay na Kristiyanong pag-ibig, madarama mo mismo ang katangiang ito at matututuhan mo kung paano ito ipamamalas sa iyong buhay. Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ipakita ang katangiang ito sa isa’t isa dahil alam nilang isa itong katangian na nagpapakilala sa tunay na mga alagad ni Jesus. (Juan 13:35) Malugod kang inaanyayahan na dumalo sa kanilang Kristiyanong mga pulong.
Kung nadarama mong walang nagmamahal sa iyo, huwag kang masiraan ng loob ni hatulan man ang iyong sarili. Tandaan na nakikita ni Jehova ang iyong situwasyon. Naaalala mo ba si Lea na binanggit sa unang artikulo ng seryeng ito? Binigyang-pansin ni Jehova ang kaniyang situwasyon, at nagkaroon siya ng anim na anak na lalaki at isang anak na babae—mayamang pagpapala noong panahong iyon na ang mga anak ay itinuturing bilang napakahalagang pag-aari! Karagdagan pa, ang lahat ng mga anak ni Lea ay naging ninuno ng mga tribo sa Israel. (Genesis 29:30-35; 30:16-21) Ang maibiging pagmamalasakit ng Diyos ay tiyak ngang nakaaliw kay Lea!
Sa bagong sanlibutang ipinangako sa Kasulatan, walang sinuman ang makadaramang hindi siya minamahal. Sa halip, mangingibabaw sa lipunan ng tao ang tunay na pag-ibig. (Isaias 11:9; 1 Juan 4:7-12) Kaya ipakita natin na gusto nating mamuhay roon sa pamamagitan ng paglilinang ng pag-ibig na itinuturo sa Bibliya at ipinamamalas ng Diyos, ang Awtor nito. Oo, ang tunay na kagalakan ay hindi lamang nadarama ng isang iniibig kundi ng isang nagpapakita ng di-makasariling pag-ibig sa iba.—Mateo 5:46-48; 1 Pedro 1:22.
[Blurb sa pahina 8]
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35
[Larawan sa pahina 8]
Kung gusto mong ibigin ka, magpakita ka ng pag-ibig