Mula sa Aming Mga Mambabasa
Mula sa Aming Mga Mambabasa
Kanser sa Balat—Kung Paano Iingatan ang Iyong Sarili (Hunyo 8, 2005) Napakaganda ng impormasyon sa seryeng ito. Punong manggagamot ako sa isang klinika ng dermatolohiya. Gusto kong makatanggap ng ilang karagdagang kopya upang maipamahagi ko ito.
K. W., Denmark
Dahil sa artikulong ito, ipinasiya kong ipasuri ang tumutubong laman sa aking likod. Sinabi sa akin ng doktor na posibleng mauwi ito sa kanser na tinatawag na Bowen’s disease. Agad akong inoperahan. Tinulungan ako ng seryeng ito na kumilos kaagad.
S. M., Hapon
Ang kahon sa pahina 7 ang nagtulak sa akin na ipasuri sa doktor ang nunal ko. Ang diyagnosis—malignant melanoma sa pinakaunang yugto nito. Gaya ng sinabi sa artikulo, kung hindi maaagapan ang melanoma, nakamamatay ito. Nagpapasalamat ako sa aking doktor at sa seryeng ito ng Gumising! na masasabing nagligtas ng aking buhay!
L. S., Estados Unidos
Bilang Pampamilyang Repaso (Mayo 8, 2005) Ang binabasa ko lamang noon ay ang mga artikulong gusto ko, pero nang makita ko ang seksiyon na “Bilang Pampamilyang Repaso,” binasa ko ang buong magasin para masagot ko ang mga tanong. Di-nagtagal, nakaugalian ko nang basahin ang buong magasin!
Y. Z., Russia
Gandang-ganda ako sa pahinang ito. Bukod sa nakatutuwa ito, ipinakita rin nito sa akin na kailangan kong magtuon ng higit na pansin sa aking binabasa!
D. S., Britanya
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kaya Ako Naaakit sa Di-kanais-nais na mga Tao? (Hulyo 22, 2005) Waring kahit na sampung taon nang ‘lagi akong maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon,’ hindi ko pa rin alam kung paano itutuwid ang kahinaang ito sa aking personalidad. (1 Corinto 15:58) Nabatid kong hindi ko pa kayang kontrolin ang aking damdamin, pero hindi ko alam kung paano mapagtatagumpayan ang problemang ito. Pinasasalamatan ko si Jehova dahil sa mga artikulong gaya nito, na tumutulong sa atin kung paano dapat gumawi sa kasalukuyang sistemang ito.
J. F., Estados Unidos
Binanggit sa artikulong ito na ‘hindi natin dapat lubusang iwasan ang mga tao na hindi nakaaalam ng mga katotohanan sa Bibliya.’ Maaari bang liwanagin pa ninyo ito? Paano kung masyadong malapít ang isang Kristiyano sa isang di-sumasampalataya? Hindi ba dapat ikabahala ito?
D. P., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Hindi hinihimok ng artikulo ang isang Kristiyano na maging masyadong malapít sa mga di-sumasampalataya. Sa katunayan, ang simulaing ito sa Bibliya ay kumakapit sa anumang kalagayan: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Gayunman, hindi ito nangangahulugang lubusan na nating iiwasan ang mga di-sumasampalataya. Gaya ng idiniin sa artikulo, pinasisigla tayo ng Bibliya na “gumawa . . . ng mabuti sa lahat”—hindi lamang sa ating mga kapananampalataya. (Galacia 6:10) Ang totoo, sa ating ministeryong Kristiyano, kailangang magpakita tayo ng taimtim na interes sa mga tao anupat pinakikitunguhan sila nang may dignidad at paggalang. Nagpakita si Jesus ng mainam na halimbawa sa bagay na ito. Hindi siya kailanman naging masyadong malapít sa mga hindi interesado sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Juan 15:14) Kasabay nito, lumapit siya sa mga tao at alam niya kung paano makipag-usap at makipag-ugnayan sa kanila. Dahil dito, nakapagbigay si Jesus ng mabisang patotoo. (Halimbawa, tingnan ang ulat sa Lucas 7:36-50.) Gaya ni Jesus, mapananatili natin ang magalang na saloobin sa mga di-sumasampalataya. Tunguhin nating “maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”—Tito 3:2.