Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Tatanggihan ang Sekso sa Paaralan?
“Araw-araw, pinag-uusapan ng mga bata ang tungkol sa sekso. Mga babae pa nga ang lumalapit sa mga lalaki, at nagtatalik sila doon mismo sa paaralan.”—Eileen, 16.
“Sa paaralan namin, gumagawa ng kahalayan ang mga homoseksuwal na kitang-kita ng ibang bata at bale-wala lang sa kanila iyon.”—Michael, 15. *
MADALAS bang pinag-uusapan ng iyong mga kaklase ang tungkol sa sekso? Hindi lamang ba nag-uusap tungkol sa sekso ang ilan sa kanila kundi nagtatalik pa nga? Kung oo, baka nadarama mo ang tulad sa nadama ng isang tin-edyer na babae na inihalintulad ang pagiging nasa paaralan sa “pagtatrabaho sa set ng X-rated na pelikula.” Totoo, maraming kabataan sa paaralan ang laging napapaharap sa mga usapan hinggil sa sekso o nakikipagtalik pa nga.
Baka marinig mo ang iyong mga kaklase na nag-uusap tungkol sa hooking up—isang termino na nangangahulugang pakikipagtalik nang walang obligasyon. Sa ilang kaso, nakikipag-hook up ang mga bata sa mga hindi nila gaanong kilala. Sa ibang kaso naman, nakikipagtagpo sila para makipagtalik sa mga estranghero na nakilala nila sa pamamagitan ng Internet. Sa alinmang kasong ito, tunguhin ng hooking up na huwag isangkot ang pag-ibig sa ugnayang ito. “Walang ibang kahulugan ito kundi ang mapagbigyan ng dalawang tao ang kanilang mga pagnanasa,” ang sabi ng 19-na-taóng-gulang na si Danielle.
Hindi kataka-taka, naging mainit na usap-usapan ang hooking up sa maraming paaralan. “Pagkatapos ng bawat dulo ng sanlinggo, parang humuhugong ang mga pasilyo dahil sa mga balita ng pinakabagong hookup, na prangkahang pinagkukuwentuhan ng mga magkakaibigan,” ang isinulat ng 17-taóng-gulang na dalaga sa pahayagan sa kanilang paaralan.
Kung nagsisikap kang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, mararamdaman mong napag-iiwanan ka kapag napapaligiran ka ng mga taong tila walang pinag-uusapan kundi ang sekso. At kung hindi ka sasali sa karamihan, madali kang magiging tampulan ng panunuya. Maaasahan ito sa paanuman, dahil sinasabi ng Bibliya na kapag hindi naiintindihan ng iba ang iyong landasin, maaari silang ‘magsalita nang may pang-aabuso tungkol sa iyo.’ (1 Pedro 4:3, 4) Gayunman, walang sinuman ang gustong maging tampulan ng panunuya. Kaya paano mo tatanggihan ang sekso sa paaralan at maiingatan ang timbang na pagpapahalaga sa iyong paninindigan? Una, mahalagang maunawaan mo kung bakit napakalakas ng seksuwal na pagnanasa.
Kilalanin ang Iyong Sarili
Sa panahon ng kabataan, dumaranas ka ng mabilis na mga pagbabago sa pisikal at emosyonal na paraan. Sa panahong ito, nararanasan mo ang matinding seksuwal na pagnanasa. Makatitiyak ka na normal lamang ito. Kaya kung labis kang naaakit sa mga hindi kasekso sa paaralan, huwag mong isiping likas na masama ka o na hindi mo talaga kayang manatiling malinis sa moral. Maaari kang maging malinis kung gugustuhin mo!
Bukod sa panloob na pakikipagbaka na bahagi ng pagiging kabataan, mayroon ka pang kailangang malaman. Dahil di-sakdal, nakahilig sa kasamaan ang lahat ng tao. Umamin maging si apostol Pablo: “Nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” Sinabi ni Pablo na dahil sa kaniyang di-kasakdalan nadarama niya na “miserableng” tao siya. (Roma 7:23, 24) Pero napagtagumpayan niya ang pakikibaka, at mapagtatagumpayan mo rin iyon!
Unawain ang Iyong mga Kaklase
Gaya ng nabanggit na, maaaring lagi na lamang pinag-uusapan ng iyong mga kaklase ang tungkol sa sekso o ipinagmamalaki ang kanilang mga karanasan diumano. Dapat kang mag-ingat sa kanilang di-kanais-nais na impluwensiya. (1 Corinto 15:33) Subalit hindi mo naman kailangang ituring na mga kaaway ang iyong mga kaklase. Bakit hindi?
May mga pagnanasa ang iyong mga kaklase na taglay mo rin. Mayroon din silang hilig na gumawa ng masama. Subalit di-tulad mo, maaaring ang ilan sa kanila ay “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” O baka galing sila sa mga tahanan na ang mga miyembro ay “walang likas na pagmamahal” sa isa’t isa. (2 Timoteo 3:1-4) Maaaring kulang ang iyong mga kaklase sa maibiging disiplina at pagsasanay sa moral na inilalaan ng maibiging mga magulang.—Efeso 6:4.
Palibhasa’y hindi sila tulad mo na may kaalaman sa nakatataas na pinagmumulan ng karunungan—ang Salita ng Diyos, ang Bibliya—maaaring walang kamalay-malay ang iyong mga kaklase sa pinsala na ibubunga ng pagpapadala sa pagnanasa. (Roma 1:26, 27) Para bang binigyan sila ng kanilang mga magulang ng mabilis na kotse at pinapunta sila sa haywey na dinaraanan ng maraming sasakyan—pero hindi pa sila natuturuang magmaneho. Maaaring magbigay ng panandaliang saya ang pagmamaneho, pero tiyak na sakuna ang kasunod nito. Kaya ano ang maaari mong gawin kung pag-usapan ng iyong mga kaklase ang tungkol sa sekso sa harap mo o pilitin ka nilang gumawi nang mahalay?
Tanggihan ang Mahalay na Usapan
Kapag nag-usap na ang iyong mga kaklase tungkol sa imoral na pakikipagtalik, baka matukso kang makinig at sumali pa nga—para lang hindi ka mapaiba. Pero isipin ang magiging impresyon nila sa iyo. Mababanaag ba sa iyong interes sa kanilang pinag-uusapan ang iyong tunay na pagkatao o kung ano ang gusto mong maging pagkatao?
Kung gayon, ano ang dapat mong gawin kapag naipit ka sa isang usapan na nabaling ang paksa sa imoral na pakikipagtalik? Agad ka na bang tatayo at aalis? Gayun nga! (Efeso 5:3, 4) Ang sabi sa Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Kaya hindi kawalang-galang na iwan mo ang usapan—nagpapakita ka lamang ng kaunawaan at matalinong pagpapasiya.
Sa katunayan, hindi mo kailangang maasiwa kung iiwan mo ang pag-uusap tungkol sa mahalay na paggawi. Tiyak na may iba pang uri ng pag-uusap na iiwan mo nang hindi nahihiya, lalo na kung hindi ka interesado sa pinag-uusapan o kung ayaw mong mapasali sa gayong usapan. Halimbawa, ipagpalagay na
isang grupo ng iyong mga kaklase ang nagsimulang mag-usap at magplano ng armadong pagnanakaw. Hindi ka ba aalis at sa halip ay makikinig pa sa mga plano? Kung gayon ang gagawin mo, maaari kang ituring na kasabuwat. Kaya may katalinuhan na pipiliin mong umalis. Gayundin ang gawin mo kapag naging paksa ng usapan ang imoral na pakikipagtalik. Kadalasan, makahahanap ka ng paraan para makaalis na hindi naman nagmumukhang mapagmatuwid-sa-sarili at hindi magiging tampulan ng panunukso.Siyempre, hindi laging posible na maiwasan mo ang isang situwasyon. Halimbawa, baka sikapin ng mga katabi mo sa silid-aralan na isali ka sa usapan nila tungkol sa sekso. Sa gayong kalagayan, maaari mong matatag subalit magalang na sabihin sa kanilang tumigil na sila sa pang-aabala sa iyo. Kung hindi iyon umubra, maaari mong gayahin ang ginawa ni Brenda. “Magalang kong hiniling sa aking guro na ilipat ako ng upuan,” ang sabi niya.
Maging Maingat
Sa kalaunan, uusisain ng iyong mga kaklase kung bakit hindi ka sumasali sa kanilang maruming usapan. Kung tanungin ka nila tungkol sa iyong mga pamantayang moral, maging maingat kung paano ka sasagot. Tiyak na maaaring magtanong ang ilan para lamang tuksuhin ka sa halip na unawain ang iyong pangmalas. Pero kung tila maganda ang motibo ng isang nagtatanong sa iyo, magsalita nang may kalayaan tungkol sa iyong mga paniniwala. Ginagamit ng maraming kabataan ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas para tulungan ang kanilang mga kaklase na maunawaan ang mga kapakinabangan ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. *
Maging Determinado
Ano ang dapat mong gawin kung mangahas ang isang kaklase na hipuan o halikan ka? Kung hahayaan mo siya, pinalalakas mo ang loob niya na ituloy ang maling gawaing ito. Inilalarawan sa Bibliya ang isang kabataang lalaki na hinayaan ang isang imoral na babae na sunggaban at halikan siya. Hinayaan niya siyang magsalita nang mapang-akit sa sekso. Ano ang naging resulta? “Kaagad niya itong sinundan, tulad ng toro na pumaparoon sa patayan.”—Kawikaan 7:13-23.
Sa kabaligtaran, isaalang-alang kung paano hinarap ni Jose ang katulad na situwasyon. Paulit-ulit siyang tinangkang akitin ng asawa ng kaniyang panginoon, pero matatag niyang tinanggihan ang mga alok nito. Nang sunggaban siya ng babae, tumakbo si Jose.—Genesis 39:7-12.
Katulad ni Jose, maaaring kailangan mong maging matapang kung tatangkain ng isang kaklase o iba pang kakilala na hipuan ka. “Kapag tinatangka ng isang lalaki na hipuan ako, sinasabi kong tumigil siya,” ang sabi ni Eileen. “Kapag hindi siya tumigil, sinisigawan ko siyang alisin niya ang kaniyang kamay sa akin.” Tungkol sa mga kabataang lalaki sa kaniyang paaralan, ang dagdag pa ni Eileen: “Hindi ka nila igagalang kung hindi ka kikilos at magsasalita nang kagalang-galang.”
Igagalang ka rin ng iyong mga kaklase kung hindi ka makikinig sa mahalay na mga usapan, magalang na ipaliliwanag ang iyong paninindigan sa moral kung angkop, at buong-tapang na tatanggihan ang imoral na mga pang-aakit. Isa pang pakinabang ang pagkakaroon ng paggalang sa iyong sarili. Higit sa lahat, sasang-ayunan ka ni Jehova!—Kawikaan 27:11.
[Mga talababa]
^ par. 4 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 22 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
PAG-ISIPAN
▪ Ano ang maaari mong sabihin para makaalis ka sa mahalay na usapan?
▪ Ano ang sasabihin at gagawin mo kung aakitin ka ng iyong mga kaklase na gumawa ng imoralidad?
[Larawan sa pahina 27]
Kung tungkol na sa imoral na sekso ang usapan, umalis ka na
[Larawan sa pahina 28]
Buong-tapang na tanggihan ang imoral na pang-aakit