Paghahanap ng Mouflon
Paghahanap ng Mouflon
Isang magandang umaga ng tagsibol, lulan ng aming sasakyan na puwede sa lahat ng uri ng daan, umalis kami na may dalang mga mapa, kamera, sombrero, at matitibay na bota. Pupunta kami sa Kagubatan ng Pafos, sa mataas na kabundukan ng Troodos sa isla ng Ciprus, kung saan umaasa kaming makita ang mailap na mouflon. Ano ba ang hayop na ito?
ISANG uri ng tupang-gubat ang mga mouflon at matatagpuan ang kauri ng mga ito sa buong rehiyon ng Mediteraneo. Pero ang espesipikong mouflon na gustung-gusto naming makita ay matatagpuan sa Ciprus at sinasabing maganda ito na gaya ng usa at maliksing gaya ng kambing. Tinatawag iyon ng mga soologo na Ovis gmelini ophion, samantalang agrinó naman ang tawag dito ng mga taga-Ciprus. Matatagpuan lamang iyon sa liblib na mga bundok.
Lumabas ang aming sasakyan mula sa haywey at dumaan sa mabababang burol at sa magandang libis. May mga nayon sa gilid ng mga burol at taniman na nakahanay sa gilid ng mga libis. Pero nang maglaon, baku-bako na ang mga daan at sa ilang lugar halos mabingit ang aming sasakyan sa gilid ng matatarik na tagaytay. Sa wakas, nakarating din kami sa aming destinasyon—ang istasyon ng tanod-gubat. Nasa kaloob-looban na kami ngayon ng Kagubatan ng Pafos na may 60,000 ektarya ng mga pino at mga sedro. Umorder kami ng kape at nakipagkuwentuhan kay Andreas, isang tanod-gubat na nakasuot ng berdeng uniporme at tuwang-tuwang nagkuwento tungkol sa mga mouflon.
Ang mouflon, sabi niya, ang pinakamalaking mailap na mamalya sa Ciprus. Noon, maraming mouflon ang gumagala sa isla. Maraming moseyk na Griyego-Romano ang naglarawan sa mailap na tupang ito, at inilarawan ng mga akda noong Edad Medya kung paano nasiyahan ang mga aristokrata sa pangangaso nito sa Kagubatan ng Pafos.
Habang inaakay kami sa nababakurang lugar, nagkuwento pa sa amin si Andreas tungkol sa kasaysayan ng mouflon. Halimbawa, nalaman namin na bumaba nang husto ang bilang ng mga hayop nang magsimulang gumamit ng riple ang mga mangangaso. Noon lamang 1938 nirebisa ang mga batas sa pangangaso sa Ciprus para maingatan ang hayop na ito. Nagtulungan ang mga tanod-gubat at ang pulisya para mapigilan ang ilegal na pangangaso. Pagkalipas ng isang taon, ipinagbawal na ang pangangaso sa gubat. Ang mga pagbabagong ito, kasabay ng iba pang mga hakbang na isinagawa mula noong 1960 ang naging dahilan ng pagdami ng populasyon ng mouflon.
Nang Una Namin Itong Makita
Sinundan namin si Andreas sa isang nababakurang lugar at sumilip sa pagitan ng malalagong halaman at mga puno. Habang sinesenyasan kaming tumahimik, inakay kami ni Andreas paakyat sa isang kalapit na dalisdis. Doon nakakita kami ng tatlong inahing
mouflon at dalawang bagong-silang na nanginginain sa parang na bilad sa araw. Halos 90 sentimetro ang taas ng mga inahin, at maputlang kayumanggi ang kanilang balahibo, na nagiging mapusyaw sa tiyan.Sagana sa panahong ito ng taon ang ligáw na mga halamang kinakain nila, at lubhang abala sa panginginain ang mga inahin para pansinin pa kami. Pero tumigil sa pagtatalun-talon ang mga bagong-silang at atubiling humakbang papalapit sa amin. Tuwang-tuwa kami! Subalit nagulat sila dahil lamang sa lagitik ng isa sa aming mga kamera, at biglang naglaho sa kakahuyan ang buong grupo.
Dahil galak na galak sa nakita, nagplano kaming maglakad sa kagubatan at umasang makakita ng maiilap na mouflon. Nagmungkahi si Andreas na subukan namin sa pagbubukang-liwayway, kapag paminsan-minsang nagbabakasakali sa paghahanap ng pagkain ang mga hayop sa paligid ng kagubatan. Dahil plano naming magkampo nang magdamag sa libis, tila magandang maghanap ng mouflon sa bundok kung saan natatanaw ang libis. Nalaman namin na madalas pumunta sa mas matataas na libis ang mga mouflon sa mga buwan na mainit. Subalit kapag nababalot ng niyebe sa taglamig ang mga taluktok ng bundok, naghahanap naman sila ng mga halamang makakakain sa mas mabababang lugar, at nagbabakasakali pa nga sa labas ng kagubatan.
Nagpaparami sila sa panahon ng taglagas. Kapag taglamig, gumagala ang mga kawan na binubuo ng 10 hanggang 20 mouflon. Sa buwan ng Abril o Mayo, kapag magsisilang na, naghihiwa-hiwalay sa mas maliliit na grupo ang mga kawan, gaya ng nakita namin sa nababakurang lugar. Kadalasan, nanginginaing mag-isa ang mga barakong mouflon.
Barakong Tupa sa Gubat!
Maaga nang sumunod na araw, muli kaming tumulak paahon, ipinarada ang sasakyan sa parang, at naglakad papunta sa kagubatan bago magtanghaliang-tapat. Tahimik pa sa kagubatan, at natatalukbungan ng manipis na ulap ang mga puno. Nang tumigil kami para masiyahan sa katahimikan, nakita namin ang isang kahanga-hanga at matipunong barako, na halos lagas na ang makapal na balahibong pantaglamig. Nababalutan ng maitim na balahibo ang gawing ibaba ng lalamunan niya. Napakaganda ng pagkakiling ng kaniyang ulo at tiningnan niya kami sa kabila ng makakapal at maiitim niyang pilikmata at hinanap ang amoy namin sa hangin. Malamang na hindi kukulangin sa 40 sentimetro ang haba ng bawat isa sa kaniyang makakapal at kurbadong mga sungay! Mas mabigat siya sa mga inahing nakita namin kahapon at malamang na tumitimbang ng mga 35 kilo.
Natigilan kami, halos hindi humihinga. Gayunman, malamang na naamoy kami ng maingat na nilalang na ito dahil tumungu-tungo siya at tumalilis. Talagang naantig kami sa aming nakita at nalaman sa loob ng dalawang araw. Lalo rin kaming humanga sa Maylalang, na nagsabi: “Akin ang bawat mailap na hayop sa kagubatan, ang mga hayop sa ibabaw ng isang libong bundok.”—Awit 50:10.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Isang “Cyprus mouflon” (sa likod) at isang “European mouflon”
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Top right: Oxford Scientific/photolibrary/Niall Benvie; European Mouflon: Oxford Scientific/photolibrary